Kabanata 8
Ang Siyensiya: Napabulaanan ba Nito ang Bibliya?
Noong 1613 inilathala ng Italyanong siyentistang si Galileo ang kaniyang “Letters on Sunspots.” Doon, ay nagharap siya ng ebidensiya ng pag-ikot ng lupa sa palibot ng araw, sa halip na ang araw ang lumilibot sa lupa. Dahil dito, nagsimula ang sunudsunod na pangyayari na sa wakas ay nagdala sa kaniya sa harap ng Romano Katolikong Inkisisyon dahil sa “mahigpit na hinala ng erehiya.” Nang dakong huli, pinilit siya na “bawiin” ang kaniyang pahayag. Bakit itinuring na erehiya ang paniwala na umiikot ang lupa sa palibot ng araw? Sapagka’t inangkin ng mga tagapagsumbong ni Galileo na salungat ito sa sinasabi ng Bibliya.
1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Ano ang nangyari nang ipahayag ni Galileo na ang lupa ay lumilibot sa araw? (b) Bagaman ang Bibliya ay hindi aklat ng siyensiya, ano ang matutuklasan natin kapag inihahambing ito sa makabagong siyensiya?
TANYAG ngayon ang paniwala na ang Bibliya ay hindi makasiyentipiko, at itinuturo ng iba ang mga karanasan ni Galileo bilang patotoo. Ganoon nga ba? Bilang sagot, dapat tandaan na ang Bibliya ay aklat ng hula, kasaysayan, panalangin, batas, payo, at kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ito nag-aangkin ng pagiging aklat-aralin sa siyensiya. Nguni’t, sakali mang may mabanggit ang Bibliya na makasiyentipiko, talagang wasto ang sinasabi nito.
Ang Ating Planetang Lupa
2. Papaano inilalarawan ng Bibliya ang posisyon ng lupa sa kalawakan?
2 Halimbawa, isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating planeta, ang lupa. Sa aklat ni Job, ay mababasa natin: “Iniuunat [ng Diyos] ang hilagaan sa pagitang walang laman, at ibinibitin ang lupa sa kalawakan.” (Job 26:7) Ihambing ito sa pangungusap ni Isaias, nang sabihin niya: “May Isang naninirahan sa ibabaw ng balantok ng lupa.” (Isaias 40:22) Ang larawan ng isang bilog na lupa na ‘nakabitin sa kalawakan’ sa “pagitang walang laman” ay mariing nagpapaalaala sa mga litratong kuha ng mga astronaut na nagpapakita sa kabilugan ng lupa na lumulutang sa walang lamang kalawakan.
3, 4. Ano ang siklo ng tubig sa lupa, at ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?
3 Isaalang-alang din ang kamanghamanghang siklo ng tubig. Inilalarawan ng Compton’s Encyclopedia ang nangyayari: “Ang tubig . . . ay pumapailanlang sa atmospera bilang singaw mula sa dagat . . . Ang mahalumigmig na hangin ay tinatangay ng mga agos ng hangin sa ibabaw ng lupa. Habang lumalamig, namumuo ang singaw at nagiging maliliit na patak ng tubig. Karaniwang nakikita ito bilang mga ulap. Madalas magsama ang maliliit na patak upang maging ulan. Kung napakalamig ng atmospera, niyebe ang nabubuo sa halip na ulan. Anoman iyon, ang tubig na naglakbay nang daandaan o libulibong milya mula sa dagat ay bumabalik uli sa lupa. Naiipon ito sa mga batis o sinisipsip ng lupa at naglalakbay pabalik sa dagat.”1
4 Ang kamanghamanghang paraang ito, na sumusustine sa buhay sa tuyong lupa, ay wastong nailarawan sa Bibliya mga 3,000 taon na ngayon, sa payak, tuwirang pangungusap: “Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat, gayunma’y hindi umaapaw ang dagat; sa dakong inaagusan ng mga ilog doon uli nagsisiagos ang mga yaon.”—Eclesiastes 1:7, The New English Bible.
5. Papaano lubhang napapanahon ang komento ng mang-aawit hinggil sa kasaysayan ng mga bundok sa lupa?
5 Marahil higit pang kamanghamangha ang unawa ng Bibliya sa kasaysayan ng mga bundok. Ganito ang paliwanag ng isang aklat sa heolohiya: “Mula sa panahong Pre-Cambrian hanggang sa ngayon, ay patuloy pa ang walang-katapusang pagbuo at pagguho ng mga bundok. . . . Hindi lamang lumitaw ang mga bundok mula sa sahig ng naglahong mga dagat, kundi malimit ang mga ito ay nakalubog bagaman matagal nang nabuo, at saka muling iniaahon.”2 Ihambing ito sa matulaing pananalita ng mang-aawit: “[Ang lupa] ay tinakpan mo ng malalim na tubig na wari’y bihisan. Ang tubig ay umapaw sa kabundukan. Ang mga bundok ay umahon, ang mga libis ay lumusong—sa dakong kanilang pinagtatagan.”—Awit 104:6, 8.
“Nang Pasimula”
6. Anong pangungusap sa Bibliya ang kasuwato ng kasalukuyang makasiyentipikong mga teoriya hinggil sa simula ng sansinukob?
6 Sinasabi ng kaunaunahang talata ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Ang mga obserbasyon ay umakay sa mga siyentipiko na manghinuha na tunay ngang may simula ang materyal na sansinukob. Hindi ito laging umiiral. Sumulat ang astronomong si Robert Jastrow, isang agnostiko sa relihiyon: “Nagkakaiba ang mga detalye, nguni’t magkahawig ang mahahalagang elemento ng astronomikal at maka-biblikong ulat ng Genesis: Ang kawingkawing na pangyayari na humantong sa tao ay bigla at tiyak na nagsimula sa takdang yugto ng panahon, sa isang bugso ng liwanag at enerhiya.”3
7, 8. Bagaman ayaw aminin ang papel na ginagampanan ng Diyos, ano ang napipiliting aminin ng maraming siyentista hinggil sa pasimula ng sansinukob?
7 Totoo, bagaman naniniwalang ang sansinukob ay may pasimula, maraming siyentipiko ang ayaw tumanggap sa pariralang “nilikha ng Diyos.” Gayunman, may mga umaamin ngayon na mahirap tanggihan ang ebidensiya ng talinong nasa likuran ng lahat ng bagay. Nagkomento ang propesor ng pisika na si Freeman Dyson: “Mentras sinusuri ko ang sansinukob at pinag-aaralan ang detalye ng kayarian nito, nakakatuklas ako ng lumalagong ebidensiya na waring matagal nang alam ng sansinukob na tayo’y darating.”
8 Patuloy pang inamin ni Dyson: “Bilang siyentista, sinanay sa kaisipan at lenguahe ng ikadalawampung siglo at hindi ng ikalabing-walo, hindi ko sinasabi na ang kayarian ng sansinukob ay nagpapatotoo sa pag-iral ng Diyos. Sinasabi ko lamang na ang kayarian ng sansinukob ay kasuwato ng teoriya na ang isip ay may mahalagang papel sa pagkilos nito.”4 Ang komento niya ay tiyak na patotoo ng mapag-alinlangang saloobin ngayon. Kung itatabi natin ang pagdududang ito, mapapansin ang kamanghamanghang pagkakatugma ng makabagong siyensiya at ng pangungusap sa Bibliya na “nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga langit at ang lupa.”—Genesis 1:1.
Kalusugan at Kalinisan
9. Papaano nagpapaaninaw ng praktikal na karunungan ang batas ng Diyos sa mga nakakahawang sakit sa balat? (Job 12:9, 16a)
9 Isaalang-alang ang pagsaklaw ng Bibliya sa isa pang larangan ng siyensiya: kalusugan at kalinisan. Kung ang batik sa balat ng isang Israelita ay pinaghihinalaang ketong, siya’y ihihiwalay. “Siya’y magiging marumi sa buong panahon na ang salot ay nasa kaniya. Siya ay karumaldumal. Siya ay tatahan nang bukod. Sa labas ng kampamento malalagay ang kaniyang tahanan.” (Levitico 13:46) Sinusunog maging ang nadumhang kasuotan. (Levitico 13:52) Nang panahong yaon ito ay mabisang hadlang sa pagkakahawa.
10. Papaano makikinabang ang maraming tao sa ibang lupain kung susundin nila ang payo ng Diyos sa kalinisan?
10 Ang isa pang mahalagang batas ay may kinalaman sa pagtatapon ng dumi ng tao, na dapat ibaon sa labas ng kampamento. (Deuteronomio 23:12, 13) Tiyak na ang Israel ay nailigtas ng batas na ito sa maraming karamdaman. Kahit ngayon, may malulubhang problema sa kalusugan sa maraming lupain dahil sa maling pagtatapon ng dumi ng tao. Mas lulusog sana ang mga taong ito kung susundin lamang nila ang batas na libulibong taon nang nakasulat sa Bibliya.
11. Papaano natuklasang praktikal ang payo ng Bibliya sa kalusugan ng isip?
11 Ang kalusugan ng isip ay nasasangkot din sa mataas na pamantayan ng Bibliya sa kalinisan. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan, nguni’t ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.” (Kawikaan 14:30) Sa nakaraang mga taon, ipinakita ng pagsasaliksik sa medisina na ang pisikal na kalusugan ay naaapektuhan talaga ng hilig ng ating isipan. Halimbawa, libulibong gradweyt ang sinuri ni Doktor C. B. Thomas ng Johns Hopkins University sa loob ng 16 na taon, at inihambing ang kanilang sikolohikal na ugali at ang pagkakasakit nila. Napansin niya: Ang mga gradweyt na mas madaling magkasakit ay yaong mas magagalitin at mas balisa sa ilalim ng kaigtingan.5
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
12. Bakit ipinaggiitan ng Simbahang Katoliko na ang teoriya ni Galileo hinggil sa lupa ay isang erehiya?
12 Kung ganoon kawasto ang Bibliya sa larangan ng siyensiya, bakit sinabi ng Iglesiya Katolika na hindi makakasulatan ang turo ni Galileo na ang lupa ang umiikot sa palibot ng araw? Dahil sa pagpapakahulugan nila sa ilang talata sa Bibliya.6 Tama ba sila? Basahin natin at suriin ang dalawang talatang sinisipi nila.
13, 14. Anong mga talata sa Bibliya ang maling ikinapit ng Simbahang Katoliko? Ipaliwanag.
13 Sabi ng isang talata: “Ang araw ay sumisikat, ang araw ay lumulubog; at nagmamadali sa dakong sinisikatan.” (Eclesiastes 1:5, The Jerusalem Bible) Ayon sa katuwiran ng Simbahan, ang mga salitang “ang araw ay sumisikat” at “ang araw ay lumulubog” ay nangangahulugan na ang araw, hindi ang lupa, ang siyang gumagalaw. Kahit ngayon sinasabi pa rin nating sumisikat at lumulubog ang araw, pero alam ng karamihan na lupa ang gumagalaw, hindi ang araw. Kapag ginagamit ang mga pananalitang ito, inilalarawan lamang natin ang nakikitang pagkilos ng araw ayon sa paningin ng nagmamasid. Ganoon mismo ang ginawa ng manunulat ng Bibliya.
14 Ang isa pang talata ay nagsasabi: “Itinatag mo ang lupa sa kaniyang patibayan, di-matitinag magpakailan kailan man.” (Awit 104:5, The Jerusalem Bible) Ipinangahulugan nila na matapos likhain ay hindi na kailanman makikilos ang lupa. Sa totoo, ang idinidiin ng talata ay ang pagkapalagian ng lupa, hindi ang kawalang-kilos nito. Ang lupa’y hindi kailanman mawawasak, o ‘matitinag’ upang maglaho, gaya ng pinatutunayan ng iba pang talata sa Bibliya. (Awit 37:29; Eclesiastes 1:4) Wala ring kinalaman ang talatang ito sa magkaugnay na kilos ng lupa at ng araw. Noong panahon ni Galileo ang Simbahan, hindi ang Bibliya, ang humadlang sa malayang pag-uusap sa siyensiya.
Ebolusyon at Paglalang
15. Ano ang teoriya ng ebolusyon, at papaano ito sumasalungat sa Bibliya?
15 Gayumpaman, may isang larangan na kung saan sinasabi ng marami na magkasalungat-na-magkasalungat talaga ang makabagong siyensiya at ang Bibliya. Karamihan ng siyentipiko ay naniniwala sa teoriya ng ebolusyon, na nagtuturong lahat ng buhay na bagay ay nagmula sa isang payak na anyo ng buhay na unang lumitaw milyunmilyong taon na ngayon. Sa kabilang dako, itinuturo ng Bibliya na bawa’t pangunahing grupo ng nabubuhay na bagay ay nilikha na pantangi at nagsusupling lamang “ayon sa kanikaniyang uri.” (Genesis 1:21; 2:7) Ito ba’y isang kapunapunang pagkakamali ng Bibliya sa siyensiya? Bago magpasiya, suriin munang mabuti kung ano ang alam ng siyensiya, kabaligtaran ng pala-palagay nito.
16-18. (a) Ano ang isang obserbasyon na umakay kay Charles Darwin upang maniwala sa ebolusyon? (b) Papaano tayo mangangatuwiran na ang naobserbahan ni Darwin sa Kapuluan ng Galápagos ay hindi salungat sa sinasabi ng Bibliya?
16 Ang teoriya ng ebolusyon ay pinaging-tanyag ni Charles Darwin noong nakaraang siglo. Nang nasa Kapuluan ng Galápagos sa Pasipiko, lubhang naakit si Darwin sa sarisaring uri ng mga finch (ibon) sa iba’t-ibang pulo na, sa hinuha niya, ay malamang na nagmulang lahat sa iisang uri ng ninuno. Isang dahilan ito ng kaniyang pagtataguyod sa teoriya na lahat ng nabubuhay na bagay ay galing sa iisang orihinal, payak na anyo. Ang nagtutulak na puwersa sa ebolusyon ng matataas na uri ng nilikha mula sa mababa, aniya, ay ang likas na pagpili (natural selection), o matira-ang-matibay (survival of the fittest). Inangkin niya na dahil sa ebolusyon ang ahas ay naging ibon, ang isda ay naging hayop, at patuloy pa.
17 Sa katunayan, ang naobserbahan ni Darwin sa kapuluan ay hindi talaga salungat sa Bibliya, na nagpapahintulot sa pagkasarisari sa isang pangunahing nabubuhay na uri. Lahat ng lahi ng tao, halimbawa, ay mula sa iisang orihinal na pares ng tao. (Genesis 2:7, 22-24) Kaya hindi katakataka na ang sarisaring uri ng finch ay manggaling sa iisang karaniwang ninuno. Nguni’t ang mga ito’y nanatiling mga finch. Hindi ito naging lawin o agila.
18 Ang sarisaring finch o ang alinman sa nakita ni Darwin ay hindi nagpatunay na lahat ng nabubuhay na bagay ay iisa ang ninuno, yaon ma’y pating o langaylangayan, elepante o bulate. Gayumpaman, iginigiit ng maraming siyentipiko na ang ebolusyon ay hindi lamang basta teoriya kundi isa nang katotohanan. Ang iba ay naniniwala pa rin kahit nakikita nila ang mga problema ng teoriya. Ito kasi ang popular. Sabihin pa, tayo ay dapat makatiyak kung talagang ang ebolusyon ay napatunayan na anupa’t mali nga pala ang Bibliya.
Napatunayan Ba Ito?
19. Ang ulat ba ng mga fossil ay sumusuhay sa ebolusyon o sa paglalang?
19 Papaano patutunayan ang teoriya ng ebolusyon? Ang pinakamaliwanag ay suriin ang ulat ng mga fossil upang matiyak kung nagkaroon nga ng unti-unting pagbabago mula sa isang uri tungo sa iba. Nangyari ba ito? Hindi, gaya ng tapatang inaamin ng maraming siyentista. Ang isa, si Francis Hitching, ay sumulat: “Kung hahanap ka ng kawing sa pagitan ng pangunahing mga grupo ng hayop, wala ka talagang makikita.”7 Hayag-na-hayag ang kakulangan ng ebidensiya sa ulat ng fossil anupa’t naghaharap ang mga siyentista ng panghalili sa teoriya ni Darwin hinggil sa unti-unting pagbabago. Totoo, ang biglang paglitaw ng sarisaring uri ng hayop sa ulat ng mga fossil ay higit pang sumusuhay sa pantanging paglalang kaysa sa ebolusyon.
20. Bakit ang paraan ng mga buhay na selula sa pagpaparami ay hindi nagpapahintulot na maganap ang ebolusyon?
20 Karagdagan pa, ipinakikita ni Hitching na ang mga nabubuhay na nilikha ay sadyang nilalang upang magsupling ng kawangis nila at hindi ng naiiba. Sinabi niya: “Ang buháy na mga selula ay kumokopya sa sarili nang halos siyento-porsiyento. Napakaliit ang antas ng pagkakamali anupa’t hindi ito masukat ng alinmang gawang-taong aparato. Nariyan din ang likas na mga hadlang. Ang mga halaman ay ayaw nang lumaki pagsapit sa hustong sukat. Ang mga langaw ng prutas ay hindi mabago anomang kalagayan ang pairalin ng tao.”8 Ang mga mutation na likha ng mga siyentista sa mga langaw ng prutas sa loob ng maraming dekada ay hindi sapilitang nagpabago sa mga ito.
Ang Pinagmulan ng Buhay
21. Anong konklusyon na pinatunayan ni Louis Pasteur ang naghaharap ng malubhang suliranin para sa mga ebolusyonista?
21 Isa pang masalimuot na tanong na hindi masagot ng mga ebolusyonista ay: Saan nagmula ang buhay? Papaano lumitaw ang kaunaunahang payak na anyo ng buhay—na di-umano’y pinagmulan nating lahat? Sa nakaraang mga dantaon, hindi ito gaanong naging problema. Karamihan ay naniwala na ang mga langaw ay maaaring manggaling sa nabubulok na karne at ang mga daga ay kusang lumilitaw sa isang bunton ng lumang basahan. Nguni’t, mahigit nang isandaang taon ngayon, maliwanag na ipinakita ng kimikong Pranses na si Louis Pasteur na ang buhay ay makapanggagaling lamang sa dati nang umiiral na buhay.
22, 23. Ayon sa mga ebolusyonista, papaano nagsimula ang buhay, subali’t ano ang ipinakikita ng katotohanan?
22 Kaya ano ang paliwanag ng mga ebolusyonista sa pinagmulan ng buhay? Ayon sa pinakatanyag na teoriya, isang di-sinasadyang kombinasyon ng mga kemikal at enerhiya ay sumiklab at kusang lumikha ng buhay milyunmilyong taon na ngayon. Kumusta ang prinsipyo na pinatunayan ni Pasteur? Nagpaliwanag ang The World Book Encyclopedia: “Ipinakita ni Pasteur na ang buhay ay hindi kusang lumilitaw sa ilalim ng mga kemikal at pisikal na kondisyong umiiral sa lupa ngayon. Gayumpaman, ibang-iba ang kemikal at pisikal na kondisyon ng lupa noong nakaraang bilyunbilyong taon”!9
23 Sa kabila nito, maging sa ilalim ng lubhang naiibang mga kalagayan, malaki pa rin ang agwat sa pagitan ng walang-buhay na materya at ng pinakapayak na buhay na nilikha. Sinasabi ni Michael Denton, sa kaniyang aklat na Evolution: A Theory in Crisis: “Isang bangin na kasinlawak at kasintiyak ng anomang maaaring maguniguni ang namamagitan sa isang nabubuhay na selula at ng pinakamasalimuot na walang-buhay na bagay, gaya ng kristal o patak ng niyebe.”10 Napakalayong mangyari at talagang imposible na ang walang-buhay na materya ay magkakabuhay dahil lamang sa sakuna. Kapanipaniwala ang pagkakasuwato ng mga katotohanan at ng paliwanag ng Bibliya na ‘ang buhay ay galing sa buhay’ sapagka’t ito ay nilikha ng Diyos.
Kung Bakit Hindi Paglalang
24. Sa kabila ng mga problema nito, bakit nangungunyapit pa rin ang karamihan ng siyentista sa teoriya ng ebolusyon?
24 Sa kabila ng mga problema na likas sa teoriya ng ebolusyon, ang paniwala sa paglalang ay itinuturing pa rin ngayon na di makasiyentipiko, oo, kakatwa. Bakit ganito? Bakit ang isang autoridad na gaya ni Francis Hitching, na tapatang umaamin sa mga pagkukulang ng ebolusyon, ay tumatanggi sa ideya ng paglalang?11 Ipinaliliwanag ni Michael Denton na sa kabila ng mga pagkukulang nito, ang ebolusyon ay patuloy pa ring ituturo sapagka’t ang mga teoriya na nauugnay sa paglalang ay “prangkahang naghahanap ng mga sanhing higit-sa-karaniwan.”12 Sa ibang salita, hindi matatanggap ito sapagka’t ang paglalang ay nagsasangkot ng isang Maylikha. Oo, gaya ito ng paikut-ikot na pangangatuwiran na narinig na natin tungkol sa mga himala: Imposible ang mga himala sapagka’t ang mga ito ay makahimala!
25. Anong kahinaan ng ebolusyon, sa makasiyentipikong pananalita, ang nagpapakita na hindi ito mabisang kahalili ng paglalang sa pagpapaliwanag hinggil sa pinagmulan ng buhay?
25 Isa pa, may malubhang alinlangan sa mismong teoriya ng ebolusyon mula sa siyentipikong pangmalas. Patuloy pa ni Michael Denton: “Bilang saligang teoriya ng pagbuong-muli sa kasaysayan, [ang teoriya ni Darwin sa ebolusyon] ay imposibleng patunayan ng pag-eeksperimento o tuwirang pagmamasid na karaniwan sa siyensiya. . . . Bukod dito, ang teoriya ng ebolusyon ay tumatalakay sa isang serye ng pantanging mga pangyayari, ang pasimula ng buhay, ang pasimula ng katalinuhan at iba pa. Ang pantanging mga pangyayari ay hindi nauulit at hindi mapaiilalim sa anomang uri ng eksperimental na pagsisiyasat.”13 Ang totoo, sa kabila ng katanyagan nito, ang teoriya ng ebolusyon ay napakaraming puwang at suliranin. Hindi ito nagbibigay ng sapat na dahilan para tanggihan ang ulat ng Bibliya hinggil sa pinagmulan ng buhay. Ang unang kabanata ng Genesis ay naglalaan ng isang lubos na makatuwirang ulat kung papaano naganap ang “hindi nauulit” at “pantanging mga pangyayari” noong mga ‘araw’ ng paglalang na sumaklaw ng libulibong taon.a
Kumusta Naman ang Baha?
26, 27. (a) Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa Baha? (b) Sa isang bahagi, saan nagmula ang mga tubig ng baha?
26 Marami ang tumutukoy sa isa pang di-umano’y salungatan sa pagitan ng Bibliya at ng makabagong siyensiya. Mababasa sa aklat ng Genesis na libulibong taon na ngayon ay naging ubod-sama ang mga tao kaya ipinasiya ng Diyos na sila ay lipulin. Nguni’t inutusan niya ang matuwid na taong si Noe na gumawa ng malaking sasakyang kahoy, isang arka. Pagkatapos, ay pinasapit ng Diyos ang baha sa lupa. Si Noe lamang at ang pamilya niya ang nakaligtas, pati na ang mga kinatawan ng lahat ng uri ng hayop. Napakalaki ng Baha anupa’t “inapawan ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng langit.”—Genesis 7:19.
27 Saan galing ang lahat ng tubig na umapaw sa buong lupa? Sumasagot mismo ang Bibliya. Maaga sa panahon ng paglalang, nang nabubuo pa lamang ang kalawakan ng atmospera, ay nagkaroon ng “mga tubig . . . sa ilalim ng kalawakan” at “tubig . . . sa ibabaw ng kalawakan.” (Genesis 1:7; 2 Pedro 3:5) Nang dumating ang Baha, sinasabi ng Bibliya: “Ang mga durungawan ng langit ay nabuksan.” (Genesis 7:11) Malamang, ang “tubig . . . sa ibabaw ng kalawakan” ay bumuhos at dito nagmula ang kalakhan ng tubig ng baha.
28. Papaano minalas ang Baha ng sinaunang mga lingkod ng Diyos, pati na si Jesus?
28 Ang pandaigdig na baha ay hindi karaniwang binabanggit sa makabagong mga aklat-aralin. Kaya dapat itanong: Ang Baha ay isa lamang bang alamat, o talagang nangyari ito? Bago sumagot, dapat tandaan na ang mga mananamba ni Jehova nang dakong huli ay naniwala sa pagiging makasaysayan ng Baha; hindi nila ito itinuring na alamat. Sina Isaias, Jesus, Pablo, at Pedro ay ilan sa mga nagsabi na ito’y tunay na nangyari. (Isaias 54:9; Mateo 24:37-39; Hebreo 11:7; 1 Pedro 3:20, 21; 2 Pedro 2:5; 3:5-7) Subali’t may mga tanong na dapat sagutin tungkol sa pansansinukob na Bahang ito.
Mga Tubig ng Baha
29, 30. Anong katotohanan hinggil sa dami ng tubig sa lupa ang nagpapatotoo sa posibilidad ng Baha?
29 Una, hindi ba imposibleng apawan ng tubig ang buong lupa? Hindi naman. Ang totoo’y binabaha pa rin ang lupa hanggang ngayon. Setenta porsiyento ay natatakpan ng tubig at 30 porsiyento lamang ang tuyong lupa. Isa pa, 75 porsiyento ng sariwang tubig sa lupa ay nasa mga glacier at masa ng yelo sa mga polo ng lupa. Kung lahat ng yelong ito ay matutunaw, lalo pang tataas ang tubig sa dagat. Maglalaho ang mga lunsod na gaya ng Nueba York at Tokyo.
30 Bukod dito, sinasabi ng The Encyclopædia Britannica: “Ang katamtamang lalim ng lahat ng dagat ay tinatayang 3,790 metro (12,430 talampakan), isang bilang na mas malaki sa karaniwang taas ng lupa sa pantay-dagat, na 840 metro (2,760 talampakan). Kung ang katamtamang lalim ay pararamihin sa bilang ng lawak nito, ang laman ng Pandaigdig na Karagatan ay 11 ulit ang magiging kahigitan sa lupang nakalitaw sa ibabaw ng dagat.”14 Kaya, kung ang lahat ay papantayin—kung papatagin ang mga bundok at ang malalalim na lunas ng dagat ay pupunuin—ang buong lupa ay matatakpan ng tubig sa lalim ng libulibong metro.
31. (a) Upang maganap ang Baha, ano ang dapat na maging sitwasyon ng lupa bago ang Baha? (b) Ano ang patotoo na bago ang Baha, posibleng mas mababa ang mga bundok at mas mababaw ang mga lunas ng dagat?
31 Upang magkaroon ng Baha, dapat na mas mababaw ang mga lunas ng dagat bago magbaha, at ang mga bundok ay hindi kasintaas ng sa ngayon. Posible ba ito? Sinasabi ng isang aklat-aralin: “Noong nakalipas na milyunmilyong taon ang mga bundok na nakalulula sa taas ngayon ay pawang karagatan at kapatagan na pantay-na-pantay. . . . Ang pagkilos ng mga plantsa ng kontinente ay nagtulak sa lupa nang pagkataastaas anupa’t iilang hayop at halaman lamang ang nabubuhay sa taluktok nito, at sa kabilang dako nama’y naglubog sa lupa upang ang lihim na kagandahan nito ay manatiling nakatago sa ilalim ng dagat.”15 Yamang tumataas at bumababa ang mga bundok at lunas ng dagat, maliwanag na noong una ang mga bundok ay hindi kasingtaas at ang malalaking lunas sa dagat ay hindi kasinglalim ng sa ngayon.
32. Ano ang nangyari sa mga tubig ng Baha? Ipaliwanag.
32 Ano ang nangyari sa tubig pagkaraan ng Baha? Malamang na ito ay umagos sa mga lunas ng dagat. Papaano? Naniniwala ang mga siyentista na ang mga kontinente ay nakapatong sa malalaking plantsa. Ang kilos ng mga plantsang ito ay bumago sa balat ng lupa. Sa maraming dako ngayon, may napakalalalim na bangin sa dagat na mahigit na 10 kilometro ang lalim sa gilid ng mga plantsang ito. Dahil na rin siguro sa Baha malamang na umusad ang mga plantsa, lumubog ang ilalim ng dagat, at bumuka ang malalaking kanal, kung kaya ang lupa ay natuyo.b
Mga Bakas ng Baha?
33, 34. (a) Anong ebidensiya ang taglay na ng mga siyentista na maaaring ebidensiya nga ng Baha? (b) Makatuwiran bang sabihin na mali ang pagpapakahulugan ng mga siyentista sa ebidensiya?
33 Kung tanggapin natin na posible ngang nagkaroon ng malaking baha, bakit walang makitang bakas ang mga siyentipiko? Marahil mayroon, pero iba ang pagpapakahulugan nila sa ebidensiya. Halimbawa, itinuturo ng ortodoksong siyensiya na sa sunudsunod na panahon ng pagyeyelo malalaking bahagi ng balat ng lupa ang hinubog ng dambuhalang mga glacier. Subali’t ang nakikitang ebidensiya ng pagkilos ng mga glacier ay kadalasang resulta ng pagkilos ng tubig. Malamang, ang ilang ebidensiya ng Baha ay napagkakamalan na ebidensiya ng panahon ng pagyeyelo.
34 May iba pang katulad na pagkakamali. Mababasa natin kung papano binuo ng mga siyentista ang kanilang teoriya hinggil sa panahon ng pagyeyelo: “Nakatuklas sila ng mga panahon ng pagyeyelo sa bawa’t yugto ng kasaysayan ng heolohiya, bilang pagsunod sa pilosopiya ng pagkakapare-pareho. Gayumpaman, marami sa mga panahon ng pagyeyelong ito ang napawalang-saysay ng muling pagsusuri sa ebidensiya nitong nakaraang mga taon; ang mga lupa at bato na inakalang naipon ng mga glacier ay ipinalalagay ngayon bilang mga sapin na inilatag ng mga agos ng putik, pagguho ng lupa sa ilalim ng dagat at mapuputik na agos: mga daluyong ng maputik na tubig na may dalang latak, buhangin at graba sa sahig ng dagat.”18
35, 36. Anong ebidensiya sa ulat ng mga fossil at sa heolohiya ang maaaring kaugnay ng Baha? Ipaliwanag.
35 Ang isa pang ebidensiya ng Baha ay waring umiiral sa ulat ng mga fossil. Noong una, ayon sa ulat na ito, ang dambuhalang mga tigre na may malalaking pangil ay naglipana sa Europa, ang mga kabayong mas malalaki kaysa sa ngayon ay gumalagala sa Hilagang Amerika, at ang mga elepante ay nanginain sa Siberya. Pagkatapos ay naglaho ang maraming uri ng hayop sa buong daigdig. Kasabay nito, biglang nagbago ang klima. Libulibong elepante ang namatay at biglang naging ilado sa Siberya.c Ipinalagay ni Alfred Wallace, tanyag na kontemporaryo ni Charles Darwin, na ang ganito kalaganap na kapahamakan ay tiyak na bunga ng isang pambihirang pandaigdig na pangyayari.19 Marami ang nangatuwiran na ito na nga ang Baha.
36 Sinabi ng isang editoryal sa magasing Biblical Archaeologist: “Mahalagang tandaan na ang kuwento tungkol sa malaking baha ay isa sa pinakamalaganap na tradisyon sa kultura ng tao . . . Gayumpaman sa likod ng pinakamatatandang tradisyon ng Malapit na Silangan, nagkaroon nga marahil ng isang aktuwal na pagkalawaklawak na baha noong mga panahong pluvial . . . libulibong taon na ngayon.”20 Ang mga panahong pluvial ay noong ang balat ng lupa ay mas matubig kaysa sa ngayon. Mas malalawak noon ang mga lawa ng sariwang tubig. Ipinalalagay na ang tubig ay dulot ng malalakas na ulan na bumuhos sa pagtatapos ng mga panahon ng pagyeyelo. Subali’t ipinalalagay ng iba na sa isa sa mga okasyong ito ang pagiging matubig ng balat ng lupa ay sanhi ng Baha.
Hindi Nakalimot ang Tao
37, 38. Papaano ipinakikita ng isang siyentista na, ayon sa ebidensiya, ang Baha ay maaari ngang nangyari, at papaano natin nalaman na ganito nga?
37 Minsa’y sumulat si John McCampbell, propesor ng heolohiya: “Ang saligang pagkakaiba ng maka-Biblikong kasakunaan [ang Baha] at ng ebolusyonaryong pagkakapare-pareho ay wala sa wastong impormasyon ng heolohiya kundi sa interpretasyon nito. Ang interpretasyong pinapaboran ay may malaking kinalaman sa kapaligiran at dating palapalagay ng indibiduwal na estudyante.”21
38 Na nangyari nga ang Baha ay makikita sa bagay na hindi ito kailanman nalimutan ng tao. Sa buong daigdig, sa mga dakong kasinglayo ng Alaska at mga Pulo ng Dagat Katimugan, ay may matatandang kuwento tungkol dito. Sa mga kabihasnan ng Amerika bago pa kay Columbus, at maging sa mga Aborigine ng Australya, ay pawang may mga kuwento hinggil sa Baha. Bagaman ang mga kuwento ay may iba’t-ibang detalye, sa halos lahat ng bersiyon ay lumilitaw ang saligang katotohanan na ang lupa ay binaha at iilan lamang ang nakaligtas sa isang gawang taong sasakyan. Ang tanging paliwanag sa ganitong napakapalasak na paniwala ay na ang Baha ay tunay na makasaysayan.d
39. Anong karagdagang patotoo ang nakita natin hinggil sa katotohanan na ang Bibliya ay salita ng Diyos, hindi ng tao?
39 Kaya, sa mga saligang bahagi ang Bibliya ay kasuwato ng makabagong siyensiya. Kapag may salungatan, ang ebidensiya ng mga siyentista ay nakapag-aalinlangan. Kapag nagkakaayon, madalas na ang Bibliya ay wastong-wasto anupa’t maniniwala tayo na galing ang impormasyon sa isang talino na nakahihigit-sa-tao. Oo, ang pagkakatugma ng Bibliya at ng tunay na siyensiya ay karagdagang ebidensiya na ito’y salita ng Diyos, hindi ng tao.
[Mga talababa]
a Ang higit pang detalyadong pagtalakay sa paksang ebolusyon at paglalang ay masusumpungan sa aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na inilathala noong 1985 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ang aklat na Planet Earth—Glacier ay naglalarawan sa kung papaanong ang balat ng lupa ay napalulubog ng tubig na nasa mga plantsa ng yelo. Halimbawa, sinasabi nito: “Kung matutunaw ang yelo sa Greenland, ang pulo ay tataas pa ng mga 2,000 talampakan.” Dahil dito, ang epekto ng isang biglang pangglobong baha ay tunay ngang magiging kapahapahamak sa mga bahagi ng balat ng lupa.17
c Limang milyun ayon sa isang pagtantiya.
d Ukol sa higit pang impormasyon hinggil sa Baha, tingnan ang Insight on the Scriptures, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Tomo 1, pahina 327-328.
[Kahon sa pahina 105]
“Mula sa Alabok”
Nag-uulat ang “The World Book Encyclopedia”: “Lahat ng kemikal na elemento na bumubuo sa nabubuhay na bagay ay naroroon din sa walang-buhay na materya.” Sa ibang salita, ang saligang mga kemikal na bumubuo sa nabubuhay na mga organismo, pati na ang tao, ay masusumpungan din sa lupa mismo. Katugma ito ng pangungusap ng Bibliya: “At nilalang ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa.”—Genesis 2:7.
[Kahon sa pahina 107]
‘Sa Larawan ng Diyos’
Itinuturo ng iba ang pagkakahawig ng katawan ng tao at ng mga hayop upang patunayan ang pagkakaugnay ng mga ito. Gayumpaman, dapat silang sumang-ayon na ang kakayahan ng isip ng tao ay nakahihigit sa alinmang hayop. Bakit may kakayahan ang tao na gumawa ng mga plano at organisahin ang daigdig sa palibot niya, ng kakayahang umibig, ng matayog na kaisipan, ng budhi, at ng unawa sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap? Hindi ito masasagot ng ebolusyon. Subali’t sinasagot ng Bibliya, sa pagsasabing: “Nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang.” (Genesis 1:27) Kung isasaalang-alang ang mga katangian at potensiyal ng tao sa isip at ugali, siya ay tunay na larawan ng kaniyang makalangit na Ama.
[Larawan sa pahina 99]
Ang paglalarawan ng Bibliya hinggil sa pagkakabitin ng lupa sa kalawakan ay kasuwatong-kasuwato ng nakita ng mga astronaut
[Larawan sa pahina 102]
Walang kinalaman ang Bibliya sa pagsasabi kung baga ang lupa ay umiikot sa palibot ng araw o ang araw ang umiikot sa palibot ng lupa
[Larawan sa pahina 112, 113]
Kung papatagin ang lupa, na walang bundok o kalaliman, ito’y lubos na matatakpan ng makapal na tubig
[Larawan sa pahina 114]
Natuklasan na ang mga elepante ay biglang nabalot ng yelo pagkaraang mamatay
[Larawan sa pahina 115]
Pinatunayan ni Louis Pasteur na ang buhay ay maaari lamang manggaling sa dati-nang-umiiral na buhay
[Dayagram/Larawan sa pahina 109]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Bibliya ay naghaharap ng tumpak na larawan ng siklo ng tubig sa lupa