Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ba ang Orihinal na Kasalanan?
ANO ba ang orihinal na kasalanan? “Sekso,” ang isasagot ng maraming tao. Naniniwala sila na ang ipinagbabawal na bungangkahoy sa halamanan ng Eden ay isang sagisag ng seksuwal na pagtatalik at na sina Adan at Eva ay nagkasala dahil sa paggawa ng seksuwal na pagtatalik.
Ang ideya ay hindi bago. Sang-ayon sa mananalaysay na si Elaine Pagels, “ang salaysay na ang kasalanan nina Adan at Eva ay ang seksuwal na pagtatalik” ay “karaniwan sa mga gurong Kristiyanong iyon [ng ikalawang-siglo] gaya ni Tatian na taga-Syria, na nagturong ang bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ay nagpapahiwatig ng mahalay na kaalaman.” Isa pa, sa Ama ng Simbahan ng Sangkakristiyanuhan na si Augustine ng ikalimang siglo C.E., ang kasalanan ay nagsimula sa seksuwal na pagnanasa sa bahagi ni Adan. Sa katunayan, sinabi ng Psychology Today na ang “kasalanan ni Adan ay mahalay na kaalaman.”
Ipinalagay naman ng iba na ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay kumakatawan sa kaalaman mismo. Sinasabi ng Encyclopædia Britannica na ang “pagkakilala ng mabuti at masama” ay “isang klasikong kapahayagan ng lahat ng kaalaman.” Nangangahulugan iyan na nais ng Diyos na maging ignorante sina Adan at Eva at na sila’y naghimagsik laban sa kaniya sa paghahangad na palawakin ang kanilang kaalaman.
Ang dalawang interpretasyong ito ay tiyak na naglalarawan ng isang di-makatuwiran at kapritsosong Maylikha. Bakit siya lilikha ng tao na may seksuwal at intelektuwal na pangangailangan at pagkatapos ay hindi sila payagang tuparin ang mga pagnanais na iyon nang hindi pinarurusahan ng kamatayan? Sino ang makaiibig at maglilingkod sa gayong Diyos?
Ang Sekso ba ang Orihinal na Kasalanan?
Hindi nalalaman ng marami na ang dalawang interpretasyong ito ay talagang salungat sa konteksto ng ulat ng Genesis. Isaalang-alang muna natin ang ideya na ang pagbabawal ng Diyos sa Eden ay talagang isang pagbabawal laban sa seksuwal na pagtatalik. Ang batas na pinag-uusapan ay nakatala sa Genesis 2:16, 17: “Sa bawat punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Ngunit sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.”
Iyan ba ay talagang isang lihim na pagtukoy sa sekso? Bueno, gaya ng nakaulat sa Genesis 1:27, 28, iniutos ng Diyos sa lalaki’t babae na “magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa.” Paano susundin nina Adan at Eva ang utos na iyan nang hindi seksuwal na nagtatalik? Dapat ba nating ipalagay na ibinigay ng Diyos sa kanila ang isang utos at pagkatapos ay hatulan sila ng kamatayan dahil sa pagsunod dito?
Isa pa, ipinakikita ng ulat ng Genesis na sina Adan at Eva ay nagkasala nang isa-isa, hindi sabay. Nililiwanag ng Ge kabanata 3, talatang 6, na si Eva ay unang nahikayat na kumain ng bungangkahoy at na “pagkatapos binigyan din niya ng ilan ang kaniyang asawa nang ito’y makasama niya at kaniyang sinimulang kainin yaon.” Kaya ang pagkain ng ipinagbabawal na bungangkahoy ay magiging di-angkop at hindi maaaring sagisag ng seksuwal na pagtatalik.
Ito ba’y ang Kaalaman?
Kumusta naman ang pahayag na ang ipinagbabawal na bungangkahoy ay isang sagisag ng lahat ng kaalaman? Sa katunayan, kapuwa si Adan at si Eva ay nagkaroon na ng maraming kaalaman bago pa nila sinuway ang batas sa Genesis 2:16, 17. Ang kanilang Maylikha, si Jehova mismo, ang tuwirang kasangkot sa kanilang edukasyon. Halimbawa, dinala niya ang lahat ng mga hayop at mga ibon sa lalaki upang panganlan niya ang mga ito. (Genesis 2:19, 20) Walang alinlangan na kailangang pag-aralang mabuti ni Adan ang bawat isa upang bigyan ito ng isang angkop na pangalan. Anong husay na edukasyon sa zoolohiya! Si Eva, bagaman nilikha nang dakong huli, ay hindi rin ignorante. Nang tanungin ng ahas, ipinakita niya na siya ay naturuan sa batas ng Diyos. Alam niya ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali, at alam pa nga niya ang mga kahihinatnan ng maling pagkilos.—Genesis 3:2, 3.
Ang interpretasyon tungkol sa orihinal na kasalanan bilang sekso o kaalaman ay gayon nga—interpretasyon ng tao, wala nang iba pa. Ang kahinaan nito ay ipinakikita ng tanong ng tapat na taong si Jose: “Hindi ba ukol sa Diyos ang mga interpretasyon?” (Genesis 40:8) Ang Bibliya ay mas madaling unawain kapag hindi natin inilalapat ang mga ideya ng tao rito kundi, bagkus, hayaan nating ipaliwanag ito mismo ng Bibliya. Ano, kung gayon, ang orihinal na kasalanan? Bueno, ang ulat ng Genesis ay nagbibigay sa atin ng lahat ng dahilan na maniwala na ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay isang punungkahoy. Tayo’y sinabihan na ito ay nasa halamanan, at ito ay binabanggit may kaugnayan sa iba pang punungkahoy. Ang bunga nito ay tunay, at aktuwal na kinain nina Adan at Eva ang bungangkahoy.
Ito ba’y ang Pagsuway?
Sa pagkain sa bungangkahoy na iyon, ano ang kanilang ginawa? Ang New Catholic Encyclopedia ay may kaumirang nagsasabi: “Maaaring ito’y, basta, isang hayagang pagsuway sa Diyos, isang walang galang na pagtangging sumunod sa Kaniya.” Hindi ba’t iyan ang malinaw na sinasabi ng Genesis? Pinatutunayan ng Roma 5:19 ang puntong ito: “Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan.” (The New Jerusalem Bible) Ang orihinal na kasalanan ay isang akto ng pagsuway.
Bagaman ang kasalanan ng pagsuway ay waring simple lamang, isaalang-alang ang malalim na mga implikasyon nito. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang talababa sa The New Jerusalem Bible: “Ito [ang pagkakilala ng mabuti at masama] ang kapangyarihang magpasiya para sa kaniyang sarili ng kung ano ang mabuti at kung ano ang masama at ng pagkilos ayon dito, isang pag-aangkin sa lubusang kasarinlang moral . . . Ang unang kasalanan ay isang pagsalakay sa pagkasoberano ng Diyos.” Oo, “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” ay sumasagisag sa tanging karapatan ng Diyos na magtakda ng mga pamantayan para sa tao sa kung ano ang sinasang-ayunan o kung ano ang hinahatulan. Sa pagtangging sumunod sa batas ng Diyos, pinag-aalinlanganan ng tao ang mismong karapatan ng Diyos na mamahala sa kaniya. Makatuwirang sinagot ni Jehova ang hamon sa pagpapahintulot sa tao na pamahalaan ang kaniyang sarili. Hindi ba’t sasang-ayon ka na ang mga resulta ay kapaha-pahamak?—Deuteronomio 32:5; Eclesiastes 8:9.
Iyan ang dahilan kung bakit ang tema ng Bibliya, ang Kaharian ng Diyos, ay nagdadala ng labis na pag-asa. Sa pamamagitan ng Kahariang iyon, si Jehova ay nangangako na wakasan ang mapang-aping pamamahala-ng-tao sa malapit na hinaharap at halinhan ito ng Kaniyang pamamahala—isang bagay na naiwala nina Adan at Eva dahil sa kanilang pagkukulang.—Awit 37:29; Daniel 2:44.
[Larawan sa pahina 12]
Nagawa ba nina Adan at Eva ang orihinal na kasalanan sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik?
[Credit Line]
Gustave Doré