TADYANG
Ang katawan ng tao ay may 24 na mahahaba, makikitid, at nakakurbang mga buto na kumukulong sa dakong loob ng dibdib. Palibhasa’y nakaayos sa 12 pares, ito ay isang kayarian na nagsasanggalang sa puso at mga baga. Sa utak ng mga buto ng tadyang nanggagaling ang dugo.
Nang lalangin ang babae, hindi ito ginawa ng Diyos bilang hiwalay at naiiba sa lalaki sa pamamagitan ng pag-aanyo rito mula sa alabok ng lupa, gaya ng ginawa niya nang lalangin si Adan. Kumuha siya ng isang tadyang mula sa tagiliran ni Adan, at mula roon ay gumawa Siya para kay Adan ng isang sakdal na katumbas nito, ang babaing si Eva. (Gen 2:21, 22) Gayunpaman, si Adan ay nanatiling isang sakdal na tao, anupat mula noon ay naging kaisa ng kaniyang asawa na ‘buto ng kaniyang buto at laman ng kaniyang laman.’ (Gen 2:23; Deu 32:4) Karagdagan pa, hindi ito nakagambala sa mga selula ni Adan sa pag-aanak at hindi naapektuhan ang kayarian ng mga tadyang ng kaniyang mga anak, na mga lalaki at mga babae. Ang taong lalaki at babae ay kapuwa may 24 na tadyang.
Kapansin-pansin na ang isang tadyang na inalis ay muling tumutubo, anupat kusa itong napapalitan, hangga’t naroroon pa ang periosteum (ang lamad ng himaymay na pandugtong na bumabalot sa buto). Hindi binabanggit kung sinunod ng Diyos na Jehova ang pamamaraang ito o hindi; gayunman, bilang Maylalang ng tao, tiyak na alam ng Diyos ang kakaibang katangiang ito ng mga buto ng tadyang.
Ang salitang “tadyang” ay muling matatagpuan sa Bibliya sa ulat ni Daniel hinggil sa isang pangitain na ibinigay sa kaniya ng Diyos noong panahon ng paghahari ni Haring Belsasar ng Babilonya. Lumitaw ang unang hayop na kumakatawan sa linya ng dinastiya ng mga tagapamahala sa Babilonya, at sinundan ito ng isang hayop na tulad ng oso, na lumarawan sa kasunod na “hari,” o linya ng mga tagapamahala sa daigdig, samakatuwid nga, yaong mga mula sa Medo-Persia. Ang tulad-osong hayop na ito ay may tatlong tadyang sa bibig nito. Maaaring ipinahihiwatig ng mga tadyang na ito na itinulak ng “hari” na isinasagisag ng oso ang kaniyang pagsalakay sa tatlong direksiyon, gaya ng ginawa ng Medo-Persia. Yamang ang numerong tatlo ay ginagamit sa Kasulatan upang sumagisag sa tindi o pagdiriin, maaaring idiniriin din ng tatlong tadyang ang kasakiman ng makasagisag na osong ito sa pananakop ng mga teritoryo.—Dan 7:5, 17; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.