Igalang ang Pag-aasawa Bilang Kaloob Mula sa Diyos
“Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”—GEN. 2:24.
1. Bakit karapat-dapat si Jehova sa ating paggalang?
ANG Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, ay talagang karapat-dapat sa ating paggalang. Bilang ating Maylalang, Soberano, at makalangit na Ama, angkop lang na ilarawan siya bilang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo.’ (Sant. 1:17; Apoc. 4:11) Ito’y kapahayagan ng kaniyang dakilang pag-ibig. (1 Juan 4:8) Ang lahat ng kaniyang itinuturo, hinihiling, at ibinibigay ay laging para sa ating kapakinabangan.—Isa. 48:17.
2. Anong mga tagubilin ang ibinigay ni Jehova sa unang mag-asawa?
2 Ipinakikita ng Bibliya na ang isa sa ‘mabubuting’ kaloob ng Diyos ay ang pag-aasawa. (Ruth 1:9; 2:12) Nang pangasiwaan ni Jehova ang unang kasalan, binigyan niya ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ng espesipikong mga tagubilin kung paano magtatagumpay. (Basahin ang Mateo 19:4-6.) Kung sinunod lang nila ang utos ng Diyos, habang panahon sana silang maligaya. Pero ipinagwalang-bahala nila ito kung kaya inani nila ang napakasasamang bunga ng kanilang ginawa.—Gen. 3:6-13, 16-19, 23.
3, 4. (a) Bakit masasabing hindi iginagalang ng marami sa ngayon ang pag-aasawa at ang Diyos na Jehova? (b) Anong mga halimbawa ang tatalakayin natin?
3 Gaya nina Adan at Eva, maraming mag-asawa sa ngayon ang gumagawa ng mga pasiya nang hindi man lang isinasaalang-alang ang mga utos ni Jehova. Ang ilan ay nagsasama nang hindi kasal, at ang iba naman ay gumagawa ng sarili nilang pamantayan sa pag-aasawa. (Roma 1:24-32; 2 Tim. 3:1-5) Hindi nila itinuturing na kaloob mula sa Diyos ang pag-aasawa, at dahil hindi nila iginagalang ang kaloob na ito, masasabing hindi rin nila iginagalang ang Tagapagbigay nito, ang Diyos na Jehova.
4 Kung minsan, maging ang ilang lingkod ng Diyos ay nagwawalang-bahala sa pangmalas ni Jehova sa pag-aasawa. May ilang mag-asawang Kristiyano na naghihiwalay o kaya’y nagdidiborsiyo nang walang maka-Kasulatang dahilan. Paano ito maiiwasan? Paano makatutulong ang sinabi ng Diyos sa Genesis 2:24 para mapatibay ng mga mag-asawang Kristiyano ang kanilang pagsasama? At sa mga nagbabalak namang mag-asawa, paano nila ito mapaghahandaan? Tingnan natin ang tatlong matagumpay na pag-aasawa noong panahon ng Bibliya na nagpapakitang napakahalaga ng paggalang kay Jehova para sa panghabang-buhay na pagsasama.
Maging Tapat
5, 6. Ano ang posibleng naging pagsubok kina Zacarias at Elisabet? Paano ginantimpalaan ang kanilang katapatan?
5 Sina Zacarias at Elisabet ay gumawa ng tamang mga pasiya sa buhay. Pareho silang pumili ng isang tapat na lingkod ni Jehova bilang asawa. May-katapatang ginampanan ni Zacarias ang kaniyang mga tungkulin bilang saserdote, at sinunod nilang mag-asawa ang Kautusan ng Diyos sa abot ng kanilang makakaya. Talagang marami silang dapat ipagpasalamat. Pero kung nakapasyal ka sa kanilang tahanan sa Juda, mapapansin mong may kulang. Wala silang anak. Baog si Elisabet, at matatanda na sila.—Luc. 1:5-7.
6 Sa sinaunang Israel, napakahalaga ng pagkakaroon ng anak, at karaniwan nang malalaki ang pamilya roon. (1 Sam. 1:2, 6, 10; Awit 128:3, 4) Noon, maaaring may-katusuhang diborsiyuhin ng isang lalaking Israelita ang kaniyang asawa kapag hindi ito magkaanak. Pero nanatiling tapat si Zacarias kay Elisabet. Hindi siya gumawa ng paraan para hiwalayan ang kaniyang asawa, at hindi rin ito ginawa ni Elisabet. Bagaman nalulungkot dahil wala silang anak, tapat pa rin silang naglingkod kay Jehova nang magkasama. Nang bandang huli, sa makahimalang paraan, ginantimpalaan sila ni Jehova ng isang anak kahit matatanda na sila.—Luc. 1:8-14.
7. Paano pa pinatunayan ni Elisabet na tapat siya sa kaniyang asawa?
7 Minsan pang nagpakita si Elisabet ng kahanga-hangang katapatan. Noong ipanganak si Juan, hindi nakapagsasalita si Zacarias dahil pinarusahan siya nang pag-alinlanganan niya ang anghel ng Diyos. Pero malamang na naipaalam niya kay Elisabet na “Juan” ang ipapangalan sa bata gaya ng sinabi ng anghel. Gusto ng mga kapitbahay at mga kamag-anak na isunod sa pangalan ng ama ang pangalan ng bata. Pero may-katapatang sinunod ni Elisabet ang tagubilin ng kaniyang asawa. Sinabi niya: “Hindi nga! kundi siya ay tatawaging Juan.”—Luc. 1:59-63.
8, 9. (a) Paano napatitibay ng katapatan ang pag-aasawa? (b) Sa anu-anong paraan maipakikita ng mag-asawa na tapat sila sa isa’t isa?
8 Gaya nina Zacarias at Elisabet, ang mga mag-asawa sa ngayon ay napapaharap sa mga kabiguan at iba pang mga problema. Hindi magtatagal ang pagsasama ng mag-asawa kung hindi sila tapat sa isa’t isa. Ang pakikipagligaw-biro, pornograpya, pangangalunya, at iba pang panganib ay maaaring tuluyang makasira sa kanilang tiwala sa isa’t isa. At kapag nawala na ang tiwala, unti-unti nang lalamig ang pagmamahalan. Ang katapatan ay parang bakod sa palibot ng bahay para hindi ito basta mapasok, anupat nagsisilbing proteksiyon ng mga nasa loob ng bahay. Kaya kapag tapat sa isa’t isa ang mag-asawa, napoproteksiyunan ang kanilang pagsasama at nasasabi nila sa isa’t isa ang laman ng kanilang puso, anupat sumisidhi ang kanilang pagmamahalan. Oo, napakahalaga ng katapatan.
9 Sinabi ni Jehova kay Adan: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa.” (Gen. 2:24) Ano ang ibig sabihin nito? Ang pakikisama sa mga kaibigan at mga kamag-anak ay hindi na magiging gaya ng dati. Ang dapat munang bigyan ng panahon at atensiyon ay ang asawa. Pangalawa na lang ngayon ang mga kaibigan o mga kamag-anak. Hindi rin dapat hayaan ng mag-asawa na makialam sa kanilang mga desisyon o di-pagkakaunawaan ang kanilang mga magulang. Sila na ngayon ang magpipisan o magsasama. Iyan ang tagubilin ng Diyos.
10. Ano ang tutulong sa mag-asawa na maging tapat sa isa’t isa?
10 Ang katapatan ay kapaki-pakinabang kahit sa mga mag-asawang magkaiba ng relihiyon. Sinabi ng isang sister na hindi Saksi ang asawa: “Laking pasasalamat ko kay Jehova dahil tinuruan niya ako kung paano magpapasakop at magpapakita ng matinding paggalang sa aking asawa. Dahil sa pananatiling tapat, hindi nagbago ang aking pagmamahal at paggalang sa kaniya sa loob ng 47 taon.” (1 Cor. 7:10, 11; 1 Ped. 3:1, 2) Kaya gawin ang buong makakaya para maging panatag ang iyong asawa. Sa salita at gawa, ipadama mo sa kaniya na siya ang pinakamahalaga sa iyo. Hangga’t maaari, huwag mong hayaang sirain ng sinumang tao o ng anumang bagay ang inyong pagsasama. (Basahin ang Kawikaan 5:15-20.) Ang mag-asawang Ron at Jeannette, na mahigit 35 taon nang kasal, ay nagsabi, “Dahil tapat naming sinusunod ang kahilingan ng Diyos, masaya at matagumpay ang aming pagsasama.”
Napatitibay ng Pagkakaisa ang Pag-aasawa
11, 12. Paano nagtulungan sina Aquila at Priscila (a) sa tahanan, (b) sa trabaho, at (c) sa ministeryo?
11 Kapag binabanggit ni apostol Pablo ang kaniyang matatalik na kaibigang sina Aquila at Priscila, laging magkatambal ang pangalan nila. Makikita sa halimbawa ng mag-asawang ito ang kahulugan ng sinabi ng Diyos na ang mag-asawa ay magiging “isang laman.” (Gen. 2:24) Lagi silang gumagawang magkasama sa tahanan, sa trabaho, at sa ministeryo. Halimbawa, sa unang pagdalaw ni Pablo sa Corinto, malugod siyang inanyayahan nina Aquila at Priscila na tumira sa kanilang bahay, na malamang na naging pansamantala niyang tuluyan. Nang maglaon, sa Efeso, ipinagamit nila ang kanilang bahay bilang pulungan ng kongregasyon at magkasama nilang tinulungang sumulong sa espirituwal ang mga baguhang gaya ni Apolos. (Gawa 18:2, 18-26) Nang lumipat sila sa Roma, muling ipinagamit ng mag-asawang ito ang kanilang bahay bilang pulungan. Pagkatapos, bumalik sila sa Efeso at pinatibay ang mga kapatid doon.—Roma 16:3-5.
12 Pansamantala ring nakasama nina Aquila at Priscila si Pablo sa kanilang hanapbuhay na paggawa ng tolda. Minsan pa nating nakita ang pagtutulungan ng mag-asawang ito—walang kompetisyon o pag-aaway. (Gawa 18:3) Pero tiyak na ang magkasamang paggawa nila sa ministeryo ang talagang nagpatibay sa kanilang pagsasama. Sila man ay nasa Corinto, Efeso, o Roma, nakilala sila bilang “mga kamanggagawa kay Kristo Jesus.” (Roma 16:3) Gumawa silang magkasama sa ikasusulong ng gawaing pangangaral saanman sila naroroon.
13, 14. (a) Anu-ano ang maaaring sumira sa pagkakaisa ng mag-asawa? (b) Ano ang ilang bagay na magagawa ng mag-asawa para mapatibay ang kanilang buklod bilang “isang laman”?
13 Oo, tumitibay ang pagsasama ng mag-asawa kapag pareho ang kanilang mga tunguhin at gawain. (Ecles. 4:9, 10) Nakalulungkot, maraming mag-asawa ngayon ang halos wala nang panahon sa isa’t isa. Gumugugol sila ng maraming oras sa kani-kaniyang trabaho. Ang iba’y palaging nagbibiyahe dahil sa trabaho o kaya’y nagtatrabaho sa ibang bansa para makapagpadala ng pera sa asawa’t mga anak. Kahit sa bahay, ang ilang mag-asawa ay parang magkahiwalay pa rin dahil nauubos ang panahon nila sa telebisyon, isport, video game, Internet, o iba pang libangan. Ganiyan ba kayong mag-asawa? Kung oo, may magagawa ba kayong paraan para magkaroon kayo ng higit na panahon sa isa’t isa? Ano kaya kung magtulungan kayo sa ilang gawain gaya ng paghahanda ng pagkain, paghuhugas ng pinggan, o paglilinis ng bakuran? Puwede ba kayong magtulungan sa pag-aalaga sa inyong mga anak o pag-aasikaso sa inyong tumatanda nang mga magulang?
14 Higit sa lahat, regular ninyong gawin nang magkasama ang mga gawaing may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova. Ang pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto at ang pampamilyang pagsamba ay magagandang pagkakataon para magkaroon ng iisang kaisipan at tunguhin ang pamilya. Gumawa rin kayong magkasama sa ministeryo. Kung posible, sabay kayong magpayunir, kahit isang buwan lang o isang taon. (Basahin ang 1 Corinto 15:58.) Sinabi ng isang sister na nagpayunir kasama ng kaniyang asawa: “Dahil sa ministeryo, nagkakasama kami at nagkakausap nang husto. Palibhasa’y tunguhin naming dalawa na makatulong sa iba sa espirituwal, nadarama ko na talagang magka-team kami. Mas nápalapít ako sa kaniya hindi lang bilang asawa kundi bilang kaibigan.” Habang magkasama kayo sa paggawa ng mga bagay na makabuluhan, unti-unting magiging magkapareho ang inyong mga interes, priyoridad, at ugali, hanggang sa kayo’y maging “isang laman” sa pag-iisip, damdamin, at pagkilos, gaya nina Aquila at Priscila.
Gawing Pangunahin ang Diyos
15. Ano ang susi para maging matagumpay ang pag-aasawa? Ipaliwanag.
15 Alam ni Jesus na mahalagang gawing pangunahin ang Diyos sa pag-aasawa. Nakita niya nang pangasiwaan ni Jehova ang unang kasalan. Naobserbahan niya kung gaano kasaya sina Adan at Eva hangga’t sinusunod nila ang tagubilin ng Diyos, at nakita niya mismo ang kapahamakang idinulot ng pagwawalang-bahala nila rito. Kaya nang magturo si Jesus sa iba, inulit niya ang tagubilin ng kaniyang Ama sa Genesis 2:24. Idinagdag pa niya: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:6) Kung gayon, ang matinding paggalang kay Jehova ang siya pa ring susi para maging maligaya at matagumpay ang pag-aasawa. Kaugnay nito, ang mga magulang ni Jesus sa lupa, sina Jose at Maria, ay nagpakita ng napakagandang halimbawa.
16. Paano ipinakita nina Jose at Maria na pangunahin ang Diyos sa kanilang pamilya?
16 Si Jose ay mabait at may paggalang kay Maria. Nang malaman niyang nagdadalang-tao si Maria, gusto niya itong pagpakitaan ng awa, kahit hindi pa man naipaliliwanag sa kaniya ng anghel ang nangyari kay Maria. (Mat. 1:18-20) Bilang mag-asawa, sinunod nila ang utos ni Cesar pero mahigpit din nilang sinunod ang Kautusang Mosaiko. (Luc. 2:1-5, 21, 22) At bagaman mga lalaki lang ang inutusang dumalo sa malalaking kapistahan sa Jerusalem, sina Jose at Maria, kasama ang buong pamilya, ay dumadalo taun-taon. (Deut. 16:16; Luc. 2:41) Sa ganitong mga paraan, sinikap ng makadiyos na mag-asawang ito na paluguran si Jehova at magpakita ng matinding paggalang sa espirituwal na mga bagay. Hindi nga kataka-takang sila ang pinili ni Jehova na mag-alaga sa kaniyang Anak noong unang bahagi ng buhay ni Jesus sa lupa.
17, 18. (a) Paano magagawa ng mag-asawa na maging pangunahin ang Diyos sa kanilang pamilya? (b) Paano sila makikinabang dito?
17 Pangunahin din ba ang Diyos sa inyong pamilya? Halimbawa, kapag gumagawa kayo ng mahahalagang desisyon, inaalam ba muna ninyo ang kaugnay na mga simulain sa Bibliya, nananalangin tungkol dito, at pagkatapos ay humihingi ng payo sa isang may-gulang na Kristiyano? O nilulutas ninyo ang mga problema ayon sa inyong paraan o sa paraan ng inyong mga magulang at mga kaibigan? Sinisikap ba ninyong ikapit ang maraming praktikal na mungkahi na inilalathala ng tapat na alipin tungkol sa pag-aasawa at pagpapamilya? O sinusunod lang ninyo ang lokal na mga kaugalian o mga popular na payo na hindi nakasalig sa Bibliya? Palagi ba kayong nananalangin at nag-aaral nang magkasama, nagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin, at nag-uusap tungkol sa mga priyoridad ng pamilya?
18 Tungkol sa kanilang masayang pagsasama nang 50 taon, sinabi ni Ray, “Wala kaming problema na hindi namin nalulutas dahil laging kasama si Jehova sa aming ‘panali na tatlong-ikid.’” (Basahin ang Eclesiastes 4:12.) Sang-ayon dito sina Danny at Trina. “Habang magkasama kaming naglilingkod sa Diyos,” ang sabi nila, “lalong tumitibay ang aming pagsasama.” Sila ay mahigit 34 na taon nang kasal at maligaya. Kung lagi ninyong gagawing pangunahin si Jehova sa inyong pag-aasawa, tutulungan niya kayong magtagumpay at saganang pagpapalain.—Awit 127:1.
Patuloy na Igalang ang Kaloob ng Diyos
19. Bakit inilaan ng Diyos ang kaloob na pag-aasawa?
19 Para sa marami ngayon, ang pinakamahalaga ay ang sarili nilang kaligayahan. Pero iba naman ang pananaw ng isang lingkod ni Jehova. Alam niya na inilaan ng Diyos ang pag-aasawa bilang kaloob para matupad ang Kaniyang layunin. (Gen. 1:26-28) Kung iginalang lamang nina Adan at Eva ang kaloob na iyan, ang buong lupa sana ay naging isang paraiso na punô ng maligaya at matuwid na mga lingkod ng Diyos.
20, 21. (a) Bakit dapat ituring na sagrado ang pag-aasawa? (b) Anong kaloob ang pag-aaralan natin sa susunod na linggo?
20 Higit sa lahat, para sa mga lingkod ng Diyos, ang pag-aasawa ay isang pagkakataon para luwalhatiin si Jehova. (Basahin ang 1 Corinto 10:31.) Gaya ng nakita natin, kapag ang mag-asawa ay tapat at nagkakaisa, at ginagawa nilang pangunahin ang Diyos sa kanilang buhay, tumitibay ang kanilang pagsasama. Kaya tayo man ay naghahanda sa pag-aasawa, nagpapatibay nito, o nagsisikap na maisalba ito, dapat na malinaw sa atin kung ano ito: isang sagradong institusyon mula sa Diyos. Kung isasaisip natin iyan, gagawin natin ang ating buong makakaya para isalig sa Bibliya ang ating mga desisyon sa pag-aasawa. Sa ganitong paraan, nagpapakita tayo ng paggalang hindi lang sa kaloob na pag-aasawa kundi gayundin sa Tagapagbigay nito, ang Diyos na Jehova.
21 Pero hindi lang pag-aasawa ang kaloob ni Jehova sa atin. At hindi lang iyan ang tanging paraan para maging maligaya. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang isa pang mahalagang kaloob mula sa Diyos—ang pagiging walang asawa.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano dapat makaapekto sa mga Kristiyanong may asawa ang katapatan?
• Bakit nagpapatibay sa pag-aasawa ang paggawang magkasama nang may pagkakaisa?
• Sa anu-anong paraan maipakikita ng mag-asawa na ginagawa nilang pangunahin ang Diyos sa kanilang pagsasama?
• Paano natin maipakikita ang paggalang kay Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa?
[Mga larawan sa pahina 15]
Nakatutulong ang paggawang magkasama para manatiling nagkakaisa ang mag-asawa