Pag-aasawa
Kahulugan: Ang pagsasama ng isang lalake at isang babae upang mamuhay bilang mag-asawa ayon sa pamantayang inilagay sa Banal na Kasulatan. Ang pag-aasawa ay isang banal na kaayusan. Ito’y naglalaan ng isang matalik na kaugnayan sa pagitan ng lalake at babae pati na rin ng panatag na damdamin dahil sa umiiral na pagmamahalan at dahil sa personal na pagsusumpaan ng magkabiyak. Nang una niyang isaayos ang pag-aasawa, ginawa ito ni Jehova hindi lamang upang maglaan ng isang matalik na kasama bilang kapupunan ng lalake kundi upang gumawa din ng paglalaan sa pagpapakarami ng mga tao sa loob ng kaayusang pampamilya. Ang legal na pagpaparehistro ng pag-aasawa na tinatanggap ng kongregasyong Kristiyano ay hinihiling kailanpama’t magagawa.
Talaga bang mahalaga ang magpakasal ayon sa legal na mga kahilingan?
Tito 3:1: “Ipaalaala mo sa kanilang pasakop sa mga pinuno at maging masunurin sa mga pamahalaan at maykapangyarihan.” (Kapag sinunod ang mga tagubiling ito, ang pangalan ng magkabilang partido ay iniingatang walang kapintasan, at iniiwasan ng mga anak ang upasalang karaniwang nararanasan niyaong ang mga magulang ay hindi kasal. Bilang karagdagan, ang legal na pagpaparehistro ng pag-aasawa ay nagsasanggalang sa karapatan ng pamilya sa ari-arian kapag namatay ang isa sa magkabiyak.)
Heb. 13:4: “Maging marangal sa lahat ang pag-aasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan, sapagka’t ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Diyos.” (Mahalaga ang pagpapakasal sa pagkakaroon ng isang pag-aasawa na kinikilalang “marangal.” Tungkol sa kung ano ang “pakikiapid” at “pangangalunya,” dapat nating isaisip ang sinasabi sa Tito 3:1, na sinipi sa itaas.)
1 Ped. 2:12-15: “Magkaroon kayo ng timtimang ugali sa gitna ng mga bansa, upang, sa mga bagay na ipinagsasalita nila laban sa inyong tulad sa nagsisigawa ng masama, dahil sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita, ay luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat. Alang-alang sa Panginoon ay pasakop kayo sa bawa’t kaayusan ng tao: maging sa hari dahil sa nakatataas siya o sa mga gobernador na sinugo niya upang parusahan ang nagsisigawa ng masama at purihin ang nagsisigawa ng mabuti. Sapagka’t siyang kalooban ng Diyos, na sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang walang-kabuluhang mga salita ng mga taong palalo.”
Mayroon bang anomang “legal na pormalidad” nang sina Adan at Eba ay nagsimulang magsama?
Gen. 2:22-24: “Ang tadyang na kinuha ng Diyos na Jehova sa lalake [si Adan] ay ginawa niyang isang babae, at ito’y dinala niya sa lalake. Nang magkagayo’y sinabi ng lalake: ‘Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Siya’y tatawaging Babae, sapagka’t sa lalake siya kinuha.’ Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.” (Pansinin na sina Adan at Eba ay pinapagsama mismo ng Diyos na Jehova, ang Pansansinukob na Soberano. Hindi ito basta pagsasama ng isang lalake at babae na hindi inaalintana ang legal na mga kahilingan. Pansinin din kung papaano idiniin ng Diyos ang pagkapermanente ng kanilang pagsasama.)
Gen. 1:28: “Sila’y [sina Adan at Eba] binasbasan ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawa’t hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’ ” (Dito ang pagsasama nila ay binasbasan ng pinakamataas na legal na Awtoridad, sila’y binigyan ng karapatang magsiping at inatasan ng isang gawain na magbibigay ng layunin sa kanilang buhay.)
Wasto ba sa isang tao ang poligamya kung ito’y ipinahihintulot ng lokal na batas?
1 Tim. 3:2, 12: “Dapat nga na ang tagapangasiwa ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae . . . Maging asawa ang mga ministeryal na lingkod ng tig-iisa lamang na babae.” (Hindi lamang pinagkatiwalaan ang mga lalaking ito ng tungkulin kundi sila rin naman ay mga halimbawa na dapat tularan ng iba sa kongregasyong Kristiyano.)
1 Cor. 7:2: “Dahil sa laganap ang pakikiapid, ang bawa’t lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa’t babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa.” (Hindi ipinahihintulot dito ang pagkakaroon ng maraming asawa, maging lalake o babae.)
Bakit pinahintulutan ni Jehova sina Abraham, Jacob at Solomon na magkaroon ng higit sa isang asawa?
Hindi kay Jehova nagmula ang poligamya. Iisang asawa lamang ang ibinigay niya kay Adan. Nang maglaon, si Lamec, isang inapo ni Cain, ay kumuha ng dalawang asawa. (Gen. 4:19) Dumating ang panahon na ang halimbawa niya’y tinularan ng iba, at ang ilan ay kumuha ng mga aliping babae bilang kerida. Ang kaugaliang ito ay pinahintulutan ng Diyos, at sa ilalim ng Batas Mosaiko siya’y gumawa ng mga alituntunin upang matiyak na mabibigyan ng wastong pakikitungo ang mga babaing nasa gayong kalagayan. Ginawa niya ito hanggang sa maitatag ang kongregasyong Kristiyano, nguni’t pagkatapos nito ay hiniling niya na ang kaniyang mga lingkod ay bumalik sa pamantayang itinatag niya mismo sa Eden.
Tungkol kay Abraham, kinuha niya si Sarai (Sara) bilang kaniyang asawa. Nang ito’y mga 75 taong gulang at akala niyang hindi na siya manganganak, siya ang nakiusap sa asawa niya na sumiping sa kaniyang alilang babae upang si Sarai ay maaaring magkaroon ng legal na anak sa pamamagitan niya. Ginawa ito ni Abraham, nguni’t lumikha ito ng malaking kaigtingan sa kaniyang sambahayan. (Gen. 16:1-4) Tinupad ni Jehova ang pangako niya kay Abraham may kaugnayan sa isang “binhi” nang kaniyang makahimalang pinangyari na si Sara mismo ay magdalang-tao. (Gen. 18:9-14) Pagkaraan lamang ng kamatayan ni Sara at saka lamang nag-asawa muli si Abraham.—Gen. 23:2; 25:1.
Si Jacob ay naging poligamo dahil sa pandaraya na ginawa ng kaniyang biyenang lalake. Hindi iyon ang nasa-isip ni Jacob nang siya’y nagtungo sa Padʹdan-aʹram upang humanap ng asawa. Detalyadong inilalahad ng Bibliya ang malungkot na pagpapaligsahan sa pagitan ng kaniyang mga asawa.—Gen. 29:18–30:24.
Alam ng karamihan na si Solomon ay nagkaroon ng maraming asawa bukod sa mga kerida. Nguni’t hindi nalalaman ng iba na, sa paggawa ng gayon, siya’y lumalabag sa malinaw na kautusan ni Jehova na ang hari “ay hindi dapat magpaparami ng mga asawa, upang huwag maligaw ang kaniyang puso.” (Deut. 17:17) Dapat ding pansinin na, dahil sa impluwensiya ng kaniyang banyagang mga asawa, si Solomon ay bumaling sa pagsamba ng huwad na mga diyos at “gumawa ng masama sa paningin ni Jehova . . . At si Jehova’y nagalit kay Solomon.”—1 Hari 11:1-9.
Kung hindi talagang magkasundo ang mag-asawa, maaari ba silang maghiwalay?
1 Cor. 7:10-16: “Sa mga may asawa ay aking ipinag-uutos, nguni’t hindi ako kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa; datapuwa’t kung siya’y humiwalay nga, ay manatili siyang walang asawa o kaya’y makipagkasundo uli sa kaniyang asawa; at ang lalake ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa. Datapuwa’t sa iba ay sinasabi ko, oo, ako, hindi ang Panginoon [nguni’t, gaya ng ipinakikita ng 1Cor 7 talatang 40, si Pablo ay pinatnubayan ng banal na espiritu]: Kung ang sinomang kapatid na lalake ay may asawang hindi sumasampalataya, at kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan; at ang babaing may asawang hindi sumasampalataya, at kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan ang kaniyang asawa. Sapagka’t ang lalaking hindi sumasampalataya ay pinagiging banal dahil sa kaniyang asawa, at ang babaing hindi sumasampalataya ay pinagiging banal dahil sa kapatid na lalake; kung hindi gayon, ang inyong mga anak ay magkakaroon ng kapintasan, nguni’t ngayo’y mga banal. Subali’t kung humiwalay ang hindi sumasampalataya, ay bayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalake o kapatid na babae ay hindi natatali sa ganitong kalagayan, kundi kayo’y tinawag ng Diyos sa kapayapaan. Sapagka’t, babae, paanong malalaman mo kung maililigtas mo ang iyong asawa? O, lalake, paanong malalaman mo kung maililigtas mo ang iyong asawa?” (Bakit titiisin ng sumasampalataya ang hirap at taimtim na sisikaping huwag masira ang pag-aasawa? Dahil sa paggalang niya sa banal na pinagmulan ng pag-aasawa at dahil sa pag-asa niya na ang di-sumasampalataya sa bandang huli ay matulungang maging isang lingkod ng tunay na Diyos.)
Ano ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa diborsiyo upang makapag-asawang muli?
Mal. 2:15, 16: “ ‘Ingatan ninyo ang inyong espiritu, at huwag kayong maglilo laban sa asawa ng inyong kabataan. Sapagka’t kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo,’ sabi ni Jehova na Diyos ng Israel.”
Mat. 19:8, 9: “Sinabi niya [ni Jesus] sa kanila: ‘Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na makipagdiborsiyo sa inyong mga asawa, datapuwa’t hindi gayon ang kalagayan buhat sa pasimula. Sinasabi ko sa inyo na sinomang makipagdiborsiyo sa kaniyang asawa, maliban na kung dahil sa pakikiapid [pagsiping sa hindi mo asawa], at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.’ ” (Kaya ang asawang pinagkasalahan ay pinahihintulutan, bagama’t hindi obligado, na makipagdiborsiyo sa isang asawa na nagkasala ng “pakikiapid.”)
Roma 7:2, 3: “Ang babaing may asawa ay itinali ng kautusan sa kaniyang asawa samantalang ito ay nabubuhay; datapuwa’t kung ang asawa’y mamatay, ay kalag na sa kautusan ng kaniyang asawa. Kaya nga, kung, samantalang nabubuhay pa ang kaniyang asawa, siya’y makikisama sa ibang lalake, siya’y ituturing na mangangalunya. Datapuwa’t kung mamatay ang kaniyang asawa, malaya na siya sa kautusan niya, anupa’t siya’y hindi na mangangalunya kung siya’y makikisama sa ibang lalake.”
1 Cor. 6:9-11: “Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga sumisiping sa kapuwa lalake . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganiyan ang mga ilan sa inyo. Nguni’t nahugasan na kayo, nguni’t binanal na kayo, nguni’t inaring matuwid na kayo sa pangalan ng Panginoon nating Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.” (Idinidiin nito kung gaano kaselang ang bagay na ito. Ang di-nagsisising mga mangangalunya ay hindi magkakaroon ng bahagi sa Kaharian ng Diyos. Nguni’t, ang mga taong dating nangalunya, na marahil ay di-wastong nakapag-asawang muli, ay maaaring magtamo ng kapatawaran ng Diyos at isang malinis na katayuan sa kaniya kung sila’y tunay na magsisisi at sasampalataya sa tumutubos na halaga ng hain ni Jesus.)
Noong una bakit pinahintulutan ng Diyos ang pag-aasawa ng magkapatid?
Ipinakikita nga ng ulat ng Bibliya na si Cain ay nakipag-asawa sa isa sa kaniyang mga kapatid na babae (Gen. 4:17; 5:4) at na si Abram ay nakipag-asawa sa kapatid niya sa ama. (Gen. 20:12) Nguni’t noong dakong huli, sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang gayong mga pag-aasawa ay ipinagbawal. (Lev. 18:9, 11) Ang mga ito’y hindi rin ipinahihintulot sa gitna ng mga Kristiyano ngayon. Ang pag-aasawa sa isang malapit na kamag-anak ay lumilikha ng malaking posibilidad na ang pinsalang dulot nito ay maipamana sa kanilang mga supling.
Bakit hindi mapanganib ang pag-aasawa ng magkapatid noong pasimula ng kasaysayan ng tao? Sina Adan at Eba ay nilikha ng Diyos na sakdal at nilayon niya na ang buong sangkatauhan ay magmula sa kanila. (Gen. 1:28; 3:20) Maliwanag na may ilan na kailangang mag-asawa ng malapit na kamag-anak, lalo na sa unang mga salin ng lahi. Kahit matapos magkasala, bahagya lamang ang panganib na ang malaking pinsala ay ipamana sa mga anak sa unang mga salin ng lahi, sapagka’t ang sangkatauhan noon ay malapit pa rin sa kasakdalan na tinamasa nina Adan at Eba. Ito’y pinatutunayan ng mahabang buhay ng mga tao noong panahong yaon. (Tingnan ang Genesis 5:3-8; 25:7.) Subali’t mga 2,500 taon matapos magkasala si Adan, ipinagbawal na ng Diyos ang pag-aasawa sa malapit na kamag-anak. Ipinagsanggalang nito ang mga supling at itinaas ang seksuwal na moralidad ng mga lingkod ni Jehova nang higit kaysa sa mga taong nasa palibot nila na noo’y nagsasagawa ng lahat ng uri ng karumaldumal na gawain.—Tingnan ang Levitico 18:2-18.
Ano ang tutulong upang mapabuti ang pag-aasawa?
(1) Ang palagiang pag-aaral ng Salita ng Diyos nang magkasama at ang pananalangin sa Diyos ukol sa tulong sa paglutas ng mga suliranin.—2 Tim. 3:16, 17; Kaw. 3:5, 6; Fil. 4:6, 7.
(2) Pagpapahalaga sa simulain ng pagka-ulo. Iniaatang nito ang malaking pananagutan sa asawang lalake. (1 Cor. 11:3; Efe. 5:25-33; Col. 3:19) Humihiling din ito ng taimtim na pagsisikap sa bahagi ng asawang babae.—Efe. 5:22-24, 33; Col. 3:18; 1 Ped. 3:1-6.
(3) Pagkakaroon ng seksuwal na interes sa asawa lamang. (Kaw. 5:15-21; Heb. 13:4) Ang maibiging pagmamalasakit sa pangangailangan ng asawa ay makatutulong upang siya’y huwag matuksong gumawa ng masama.—1 Cor. 7:2-5.
(4) Pagsasalita sa isa’t isa sa paraang mabait at makonsiderasyon; iwasan ang silakbo ng galit, paninisi, at nakasasakit na pananalita.—Efe. 4:31, 32; Kaw. 15:1; 20:3; 21:9; 31:26, 28.
(5) Pagiging masipag at mapagkakatiwalaan sa paglalaan ng tirahan at pananamit ng pamilya, gayon din sa paghahanda ng masustansiyang pagkain.—Tito 2:4, 5; Kaw. 31:10-31.
(6) May kapakumbabaang pagkakapit ng payo ng Bibliya kahit inaakala mong hindi ginagawa ng asawa mo ang lahat ng nararapat niyang gawin.—Roma 14:12; 1 Ped. 3:1, 2.
(7) Pagbibigay-pansin sa paglinang ng espirituwal na mga katangian ng isa.—1 Ped. 3:3-6; Col. 3:12-14; Gal. 5:22, 23.
(8) Paglalaan ng kinakailangang pag-ibig, pagsasanay, at disiplina sa mga anak, kung mayroon.—Tito 2:4; Efe. 6:4; Kaw. 13:24; 29:15.