ARALIN 26
Bakit May Kasamaan at Pagdurusa?
“Bakit?” Iyan ang madalas na itinatanong kapag may nangyayaring masama. Mabuti na lang may malinaw na sagot ang Bibliya sa tanong na iyan!
1. Paano pinasimulan ni Satanas ang kasamaan sa mundo?
Nagrebelde si Satanas na Diyablo sa Diyos. Gusto niya na pamunuan ang iba kaya inimpluwensiyahan niya ang unang mga tao, sina Adan at Eva, na sumama sa kaniya na magrebelde. Ginawa ito ni Satanas nang magsinungaling siya kay Eva. (Genesis 3:1-5) Pinalabas niyang may ipinagkakait o may ayaw ibigay si Jehova kay Eva. Parang sinasabi niya na magiging mas masaya ang mga tao kung hindi sila susunod sa Diyos. Sinabi ni Satanas ang unang kasinungalingan nang sabihin niyang hindi mamamatay si Eva. Kaya tinawag ng Bibliya si Satanas na “sinungaling at . . . ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
2. Ano ang piniling gawin nina Adan at Eva?
Napakaraming ibinigay ni Jehova kina Adan at Eva. Sinabi niya na makakakain sila ng bunga mula sa bawat puno sa hardin ng Eden maliban lang sa isa. (Genesis 2:15-17) Pero pinili nilang kainin ang bunga ng ipinagbabawal na puno. “Kaya pumitas [si Eva] ng bunga at kinain iyon.” Pagkatapos, “binigyan din niya [si Adan] at kumain ito.” (Genesis 3:6) Sinuway nila ang Diyos. Perpekto sina Adan at Eva, kaya dapat sana, tama ang pinili nilang gawin. Pero dahil sinadya nilang suwayin ang Diyos, nagkasala sila at tinanggihan ang pamumuno niya. Dahil dito, nagdusa sila.—Genesis 3:16-19.
3. Ano ang epekto sa atin ng naging desisyon nina Adan at Eva?
Nang magkasala sina Adan at Eva, naiwala nila ang pagiging perpekto. Kaya naipasa nila ito sa lahat ng anak nila. Tungkol kay Adan, sinabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.”—Roma 5:12.
Maraming dahilan kaya tayo nagdurusa. Minsan, nagdurusa tayo dahil sa maling desisyon natin o sa maling desisyon ng iba. Nagdurusa naman ang ilan dahil sa mga di-inaasahang pangyayari.—Basahin ang Eclesiastes 9:11.
PAG-ARALAN
Pag-aralan kung bakit hindi Diyos ang dahilan ng kasamaan at pagdurusa sa mundo, at kung ano ang nararamdaman niya kapag nagdurusa tayo.
4. Ang may kagagawan ng pagdurusa natin
Maraming tao ang naniniwala na Diyos ang namumuno sa buong mundo. Totoo kaya iyan? Panoorin ang VIDEO.
Basahin ang Santiago 1:13 at 1 Juan 5:19. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Diyos ba ang dahilan ng pagdurusa at kasamaan?
5. Ang resulta ng pamumuno ni Satanas
Basahin ang Genesis 3:1-6. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong kasinungalingan ang sinabi ni Satanas?—Tingnan ang talata 4 at 5.
Paano pinalabas ni Satanas na may ipinagkakait si Jehova sa mga tao?
Ayon kay Satanas, kailangan ba ng mga tao ang pamumuno ni Jehova para maging masaya sila?
Basahin ang Eclesiastes 8:9. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Dahil hindi si Jehova ang namumuno sa mundo ngayon, ano ang nangyayari?
Perpekto sina Adan at Eva at nakatira sila sa Paraiso. Pero nakinig sila kay Satanas at nagrebelde kay Jehova
Dahil sa pagrerebelde nina Adan at Eva, nagkakasala, nagdurusa, at namamatay ang mga tao
Aalisin ni Jehova ang kasalanan, pagdurusa, at kamatayan. Magiging perpekto uli ang mga tao at mabubuhay sila sa Paraiso
6. Nakikita ni Jehova ang mga pagdurusa natin
May pakialam ba ang Diyos sa mga pagdurusa natin? Tingnan ang isinulat ni Haring David at apostol Pedro. Basahin ang Awit 31:7 at 1 Pedro 5:7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na nagmamalasakit sa atin si Jehova at nakikita niya ang pagdurusa natin?
7. Aalisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusa ng mga tao
Basahin ang Isaias 65:17 at Apocalipsis 21:3, 4. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit nakakapagpalakas ng loob na malamang aalisin ni Jehova ang lahat ng kasamaan at pagdurusang nararanasan ng mga tao?
Alam mo ba?
Nang sabihin ni Satanas ang unang kasinungalingan, siniraang-puri niya si Jehova. Pinalabas niya na malupit at hindi patas na Tagapamahala ang Diyos kaya nasira ang reputasyon ni Jehova. Kapag inalis na ng Diyos ang pagdurusa ng tao, maipagbabangong-puri niya ang sarili niya. Papatunayan niya na siya ang pinakamahusay na Tagapamahala. Ang pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova ang pinakamahalagang bagay sa buong uniberso.—Mateo 6:9, 10.
MAY NAGSASABI: “Sinusubok tayo ng Diyos kaya tayo nagdurusa.”
Ano ang sasabihin mo?
SUMARYO
Si Satanas na Diyablo at ang unang mag-asawa ang may kagagawan ng kasamaan sa mundo. Nakikita ni Jehova ang mga pagdurusa natin, at dahil nagmamalasakit siya, malapit na niya itong alisin.
Ano ang Natutuhan Mo?
Anong kasinungalingan ang sinabi ni Satanas na Diyablo kay Eva?
Ano ang epekto sa atin ng pagrerebelde nina Adan at Eva?
Paano natin nalaman na nagmamalasakit si Jehova sa mga nagdurusa?
TINGNAN DIN
Tingnan ang paliwanag ng Bibliya tungkol sa kasalanan.
Alamin pa ang tungkol sa isyu na ibinangon ni Satanas na Diyablo sa hardin ng Eden.
“Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?” (Ang Bantayan, Enero 1, 2014)
Pag-aralan ang sagot sa mahirap na tanong na ito.
“Bakit Nangyari ang Holocaust? Bakit Hindi Ito Pinigilan ng Diyos?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Tingnan kung paano naintindihan ng isang lalaki ang dahilan ng pagdurusa.