Magsalita ng Katotohanan
“Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa.”—ZAC. 8:16.
1, 2. Ano ang nagdulot ng pinakamasamang epekto sa tao, at sino ang responsable rito?
ANG telepono, bombilya, sasakyan, at refrigerator ay ilan lamang sa mga imbensiyong nakatutulong sa pang-araw-araw na buhay. Pero ang ibang imbensiyon gaya ng baril, nakatanim na bomba, sigarilyo, at bomba atomika ay lalong nagdulot ng panganib sa buhay. Gayunman, may isang bagay na mas nauna pa sa lahat ng ito na nagdulot ng pinakamasamang epekto sa tao. Ano iyon? Ang kasinungalingan! Ito ang pagsasabi ng isang bagay na hindi totoo para linlangin ang iba. At sino ang pasimuno ng kasinungalingan? Tinukoy ni Jesu-Kristo ang “Diyablo” bilang ang “ama ng kasinungalingan.” (Basahin ang Juan 8:44.) Kailan siya unang nagsinungaling?
2 Nangyari ito sa hardin ng Eden libo-libong taon na ang nakalilipas. Ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ay masayang naninirahan sa Paraiso na inilaan ng Maylalang para sa kanila. Pagkatapos, pumasok sa eksena ang Diyablo. Alam niyang inutusan ng Diyos ang mag-asawa na huwag kumain mula “sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” dahil kung susuway sila, mamamatay sila. Pero sa pamamagitan ng serpiyente, sinabi ni Satanas kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay [ang kauna-unahang kasinungalingan]. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”—Gen. 2:15-17; 3:1-5.
3. Bakit masasabing napakasama ng intensiyon ni Satanas, at ano ang resulta nito?
3 Napakasama ng intensiyon ni Satanas dahil alam na alam niyang mamamatay si Eva kapag naniwala ito sa kaniya at kumain ng bunga. Sinuway nina Adan at Eva ang utos ni Jehova at namatay sila. (Gen. 3:6; 5:5) Ang mas masama pa, dahil sa kasalanang iyon, “ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.” Sa katunayan, “ang kamatayan ay namahala bilang hari . . . , maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan.” (Roma 5:12, 14) Ngayon, sa halip na masiyahan sa kasakdalan at buhay na walang hanggan na siyang orihinal na layunin ng Diyos, ang mga tao ay karaniwan nang nabubuhay nang ‘70 taon, o kung dahil sa natatanging kalakasan ay 80 taon.’ Gayunman, ang buhay ay kadalasan nang punô ng “kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.” (Awit 90:10) Napakasaklap—dahil lang sa kasinungalingan ni Satanas!
4. (a) Anong mga tanong ang kailangan nating masagot? (b) Ayon sa Awit 15:1, 2, sino lang ang puwedeng maging kaibigan ni Jehova?
4 Ganito ang paliwanag ni Jesus sa ginawa ng Diyablo: “Hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya.” Wala pa rin kay Satanas ang katotohanan dahil patuloy niyang ‘inililigaw ang buong tinatahanang lupa’ sa pamamagitan ng mga kasinungalingan. (Apoc. 12:9) Ayaw nating mailigaw ng Diyablo. Kung gayon, talakayin natin ang tatlong tanong: Paano inililigaw ni Satanas ang mga tao? Bakit karaniwan nang nagsisinungaling ang mga tao? At para hindi mawala ang ating pakikipagkaibigan kay Jehova, gaya nina Adan at Eva, paano natin maipakikitang “nagsasalita [tayo] ng katotohanan” sa lahat ng panahon?—Basahin ang Awit 15:1, 2.
KUNG PAANO INILILIGAW NI SATANAS ANG MGA TAO
5. Paano inililigaw ni Satanas ang mga tao sa ngayon?
5 Alam ni apostol Pablo na puwede nating iwasang “malamangan ni Satanas, sapagkat hindi naman tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana.” (2 Cor. 2:11) Alam kasi natin na ang buong sanlibutan—kabilang na ang huwad na relihiyon, tiwaling politika, at sakim na komersiyo—ay kontrolado ng Diyablo. (1 Juan 5:19) Kaya hindi na tayo nagtatakang iniimpluwensiyahan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang mga taong may matataas na posisyon na ‘magsalita ng kasinungalingan.’ (1 Tim. 4:1, 2) Totoong-totoo iyan sa mga taong may malalaking negosyo na nagpo-promote ng nakapipinsalang mga produkto at pandaraya sa pamamagitan ng mapanlinlang na advertisement.
6, 7. (a) Bakit mas mananagot ang mga nagsisinungaling na lider ng relihiyon? (b) Anong mga kasinungalingan ang narinig mong sinabi ng mga lider ng relihiyon?
6 Mas mananagot ang mga nagsisinungaling na lider ng relihiyon dahil isinasapanganib nila ang kinabukasan ng mga naniniwala sa kanila. Kapag tinatanggap ng isa ang huwad na turo at gumagawa ng isang bagay na hinahatulan ng Diyos, puwedeng mawala ang kaniyang pag-asang mabuhay magpakailanman. (Os. 4:9) Alam ni Jesus na ganoon ang mga lider ng relihiyon noong panahon niya. Harapan niyang sinabi sa kanila: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat tinatawid ninyo ang dagat at ang tuyong lupa upang gawing proselita ang isa, at kapag naging gayon siya ay pinangyayari ninyong mapahanay siya ukol sa Gehenna [walang-hanggang pagkapuksa] na makalawang ulit pa kaysa sa inyong sarili.” (Mat. 23:15) Napakatindi ng mga salitang ginamit ni Jesus nang hatulan niya ang mga lider na iyon. Talagang ‘mula sila sa kanilang amang Diyablo, na mamamatay-tao.’—Juan 8:44.
7 Napakaraming lider ng relihiyon sa ngayon, at tinatawag silang pastor, pari, rabbi, swami, o sa iba pang titulo. Pero gaya ng mga lider noong unang siglo, ‘sinasawata rin nila ang katotohanan’ mula sa Salita ng Diyos at ‘pinapalitan ang katotohanan ng Diyos ng kasinungalingan.’ (Roma 1:18, 25) Itinataguyod nila ang mga huwad na turo gaya ng “minsang ligtas, laging ligtas,” imortalidad ng kaluluwa, reinkarnasyon, at ang maling ideya na kinukunsinti ng Diyos ang homoseksuwal at pag-aasawa ng magkasekso.
8. Anong kasinungalingan ang inaasahan nating sasabihin ng mga politiko sa malapit na hinaharap, at paano tayo dapat tumugon dito?
8 Nagsisinungaling ang mga politiko para dayain ang mga tao. Ang isa sa pinakamalaking kasinungalingang maririnig natin ay ang pagsasabi ng mga tao na nakamit na nila ang “kapayapaan at katiwasayan!” Pero “mapapasakanila ang biglang pagkapuksa.” Huwag sana tayong magpadaya sa kanilang pagtatangkang itago kung gaano na talaga kalala ang sistemang ito ng mga bagay! Ang totoo, tayo ang “lubusang nakaaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi.”—1 Tes. 5:1-4.
KUNG BAKIT NAGSISINUNGALING ANG TAO
9, 10. (a) Bakit nagsisinungaling ang tao, at ano ang resulta nito? (b) Ano ang dapat nating tandaan tungkol kay Jehova?
9 Kapag ang isang bagong imbensiyon ay naging popular, pinararami ang produksiyon nito. Ganiyan din sa kasinungalingan. Napakarami nang sinungaling ngayon, at hindi lang maiimpluwensiyang tao ang nandaraya. Gaya ng sinasabi sa artikulong “Kung Bakit Tayo Nagsisinungaling” ni Y. Bhattacharjee, “ang pagsisinungaling ay isang pag-uugaling likas na sa tao.” Kadalasan nang nagsisinungaling ang mga tao para protektahan o iangat ang kanilang sarili. Nagsisinungaling sila para pagtakpan ang pagkakamali at masamang ginawa nila o magkaroon ng pinansiyal at personal na pakinabang. Gaya ng sinasabi sa artikulo, may mga taong “napakadaling magsinungaling sa mga estranghero, katrabaho, kaibigan, at mga mahal sa buhay—maliit na bagay man ito o malaki.”
10 Ano ang resulta ng mga pagsisinungaling na ito? Nawawala ang pagtitiwala at nasisira ang pagsasamahan. Halimbawa, isipin na lang kung gaano kasakit kapag nagtaksil ang isang babae sa kaniyang tapat na asawa at magsinungaling para pagtakpan ang kaniyang imoral na ginagawa. O kapag sinasaktan ng isang abusadong lalaki ang kaniyang pamilya, pero nagkukunwaring isang huwarang ama at asawa kapag may ibang nakakakita. Dapat nating tandaan na walang maitatago kay Jehova ang gayong mga tao dahil “ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad” sa kaniya.—Heb. 4:13.
11. Ano ang itinuturo sa atin ng masamang halimbawa nina Ananias at Sapira? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
11 Halimbawa, sinasabi ng Bibliya kung paano ‘pinalakas ni Satanas ang loob’ ng isang mag-asawang Kristiyano noong unang siglo na magsinungaling sa Diyos. Pinlano nina Ananias at Sapira na dayain ang mga apostol. Nagbenta sila ng ilang ari-arian pero isang bahagi lang ng pinagbilhan ang dinala nila sa mga apostol. Gusto ng mag-asawa na maging maganda ang tingin sa kanila ng kongregasyon, na para bang napakabukas-palad nila. Pero nakita ni Jehova ang ginawa nila, at pinarusahan niya sila.—Gawa 5:1-10.
12. Saan mapupunta ang mga di-nagsisising sinungaling, at bakit?
12 Ano ang nadarama ni Jehova sa pagsisinungaling? Si Satanas, pati na ang lahat ng di-nagsisising sinungaling na tumutulad sa kaniya, ay mapupunta sa “lawa ng apoy.” (Apoc. 20:10; 21:8; Awit 5:6) Bakit? Dahil ang mga sinungaling ay itinutulad ni Jehova sa sinumang gumagawi na parang “aso”—ang gumagawa ng mga bagay na karima-rimarim sa paningin ng Diyos.—Apoc. 22:15.
13. Ano ang alam natin tungkol kay Jehova, at nauudyukan tayo nito na gawin ang ano?
13 Alam natin na si Jehova ay “hindi tao na magsisinungaling.” Ang totoo, “imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Bil. 23:19; Heb. 6:18) ‘Kinapopootan ni Jehova ang bulaang dila.’ (Kaw. 6:16, 17) Para matamo ang kaniyang pagsang-ayon, dapat tayong mamuhay ayon sa pamantayan niya ng katotohanan. Kaya ‘hindi tayo nagsisinungaling sa isa’t isa.’—Col. 3:9.
‘NAGSASALITA TAYO NG KATOTOHANAN’
14. (a) Paano natin maipakikitang naiiba tayo sa mga miyembro ng huwad na relihiyon? (b) Ipaliwanag ang simulain sa Lucas 6:45.
14 Paano maipakikitang naiiba ang mga tunay na Kristiyano sa mga miyembro ng huwad na relihiyon? ‘Nagsasalita tayo ng katotohanan.’ (Basahin ang Zacarias 8:16, 17.) Ipinaliwanag ni Pablo: “Inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos, . . . sa tapat na pananalita.” (2 Cor. 6:4, 7) Sinabi ni Jesus tungkol sa tao: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Luc. 6:45) Kaya kapag ang mabuting tao ay nagsasalita ng katotohanan mula sa puso, katotohanan ang lalabas sa kaniyang bibig. Sasabihin niya ang totoo, maliit na bagay man ito o malaki—sa mga estranghero, katrabaho, kaibigan, at mahal sa buhay. Tingnan ang ilang halimbawa kung paano natin maipakikitang nagsisikap tayong maging tapat sa lahat ng bagay.
15. (a) Bakit hindi kailanman isang katalinuhan na magkaroon ng dobleng pamumuhay? (b) Ano ang makatutulong sa mga kabataan para mapaglabanan ang panggigipit ng iba? (Tingnan ang talababa.)
15 Paano kung isa kang kabataan at gusto mong tanggapin ka ng iyong mga kaedaran? Tiyakin mong hindi ka magiging tulad ng ilan na may dobleng pamumuhay. Para silang matino kapag kasama ang kanilang pamilya at ang kongregasyon, pero ibang-iba sila kapag kasama ang mga tagasanlibutan at kapag nasa social media. Baka gumagamit sila ng masasamang salita, nagsusuot ng di-mahinhing pananamit, nakikinig sa nakasásamáng musika, nagpapakalulong sa droga o alak, lihim na nakikipag-date, at iba pang mas masahol dito. Nabubuhay sila sa kasinungalingan—niloloko nila ang kanilang magulang, kapananampalataya, at ang Diyos. (Awit 26:4, 5) Alam ni Jehova kapag ‘pinararangalan lamang natin siya sa ating mga labi, ngunit ang ating mga puso ay malayong-malayo sa kaniya.’ (Mar. 7:6) Mas mabuti ngang sundin ang sinasabi sa kawikaan: “Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan, kundi matakot ka kay Jehova buong araw.”—Kaw. 23:17.a
16. Bakit mahalagang maging tapat at totoo sa pag-aaplay para sa pantanging pribilehiyo ng paglilingkod?
16 Marahil gusto mong maging regular pioneer o pumasok sa pantanging buong-panahong paglilingkod, gaya ng paglilingkod sa Bethel. Kapag sinasagutan mo ang application form, mahalagang maging tapat at totoo sa pagsagot sa lahat ng tanong tungkol sa iyong kalusugan, libangan, at moralidad. (Heb. 13:18) Paano kung nasangkot ka noon sa isang marumi o kuwestiyunableng gawain na hindi nasabi sa mga elder? Hingin ang tulong nila para makapaglingkod ka nang may malinis na budhi.—Roma 9:1; Gal. 6:1.
17. Ano ang dapat nating gawin kapag tinanong tayo ng mga mang-uusig tungkol sa ating mga kapatid?
17 Ano ang gagawin mo halimbawang ipagbawal ng awtoridad ang ating gawain at ipatawag ka para pagtatanungin tungkol sa iyong mga kapatid? Sasabihin mo ba ang lahat ng nalalaman mo? Ano ang ginawa ni Jesus noong pagtatanungin siya ng gobernador ng Roma? Kasuwato ng simulain sa Kasulatan na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita,” may mga pagkakataong hindi nagsalita si Jesus! (Ecles. 3:1, 7; Mat. 27:11-14) Sa gayong mga sitwasyon, mahalagang gumamit ng kaunawaan para hindi natin maisapanganib ang mga kapatid.—Kaw. 10:19; 11:12.
18. Ano ang dapat nating gawin kapag tinanong tayo ng mga elder tungkol sa ating mga kapatid?
18 Paano naman kung may kakongregasyon ka na nakagawa ng malubhang kasalanan at alam mo iyon? Baka kailangan kang tanungin ng mga elder, dahil pananagutan nilang mapanatiling malinis sa moral ang kongregasyon. Ano ang gagawin mo lalo na kung matalik mong kaibigan o kamag-anak ang nasasangkot? “Siyang nagbubunsod ng katapatan ay magsasabi ng matuwid.” (Kaw. 12:17; 21:28) Kaya pananagutan mong sabihin sa mga elder ang buong katotohanan at huwag siyang pagtakpan. Kailangan nilang malaman ang totoo para matulungan nila siyang maibalik ang kaugnayan niya kay Jehova.—Sant. 5:14, 15.
19. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Nanalangin kay Jehova ang salmistang si David: “Ikaw ay nalulugod sa pagkamatapat sa mga panloob na bahagi.” (Awit 51:6) Alam ni David na ang pagsasabi ng katotohanan ay nagmumula sa ating puso. Sa bawat aspekto ng buhay, ang mga tunay na Kristiyano ay ‘nagsasalita ng katotohanan sa isa’t isa.’ Maipakikita rin nating naiiba tayo bilang mga ministro ng Diyos kung ituturo natin sa iba ang katotohanan. Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
a Tingnan ang kabanata 15, “Paano Kung Ginigipit Ako ng Iba?,” at kabanata 16, “May Dobleng Pamumuhay Ako—Sino ang Dapat Makaalam?,” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2.