Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
May mga paa ba ang serpiyenteng nakipag-usap kay Eva?
Ayon sa ulat ng Genesis 3:14, kinausap ng Diyos na Jehova ang serpiyente na nanlinlang kay Eva sa hardin ng Eden. Sinabi ng Diyos: “Dahil ginawa mo ang bagay na ito, ikaw ang isinumpa sa lahat ng maaamong hayop at sa lahat ng maiilap na hayop sa parang. Ang iyong tiyan ang igagapang mo at alabok ang kakainin mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.” Hindi espesipikong sinabi ng Bibliya na ang hayop na ginamit para tuksuhin si Eva ay may mga paa bago nagkasala si Eva. Bagaman posibleng mag-isip nga ng ganito ang ilan dahil sa pagkakasabi sa Genesis 3:14, hindi natin kailangang ipalagay na bago binigkas ang sumpang ito, may paa ang mga serpiyente. Bakit hindi?
Pangunahin nang dahil sa ang tunay na hinahatulan ni Jehova ay si Satanas—ang di-nakikitang espiritu na gumamit sa hamak na hayop na iyon. Inilalarawan ng Bibliya si Satanas bilang “ama ng kasinungalingan” at “orihinal na serpiyente.” Maliwanag na ang dalawang terminong ito ay tumutukoy sa paggamit ni Satanas ng isang nakikitang hayop, isang serpiyente, para tuksuhin si Eva na suwayin ang utos ng Diyos.—Juan 8:44; Apocalipsis 20:2.
Nilalang ng Diyos ang mga serpiyente, at malamang na pinanganlan na ni Adan ang mga serpiyente bago pa man manlinlang si Satanas. Hindi ang walang-isip na serpiyenteng nakipag-usap kay Eva ang nanlinlang. Malamang na walang kaalam-alam ang hayop na kinokontrol siya ni Satanas, at hindi nito nauunawaan ang hatol ng Diyos laban sa mga masuwayin.
Kung gayon, bakit binanggit ng Diyos ang hamak na kalagayan ng serpiyente? Ang gawi ng serpiyente sa likas na kapaligiran nito, na iginagapang ang tiyan at padila-dila na parang dinidilaan ang alikabok, ay angkop na sumagisag sa ibinabang kalagayan ni Satanas. Yamang dati niyang taglay ang matayog na posisyon bilang isa sa mga anghel ng Diyos, ibinaba siya sa hamak na kalagayang tinutukoy sa Bibliya bilang Tartaro.—2 Pedro 2:4.
Karagdagan pa, kung paanong maaaring sugatan ng isang literal na serpiyente ang sakong ng isang tao, si Satanas na nasa ibinabang kalagayan ang ‘susugat sa sakong’ ng “binhi” ng Diyos. (Genesis 3:15) Napatunayang si Jesu-Kristo ang pangunahing bahagi ng binhing iyon, na pansamantalang nagdusa sa kamay ng mga kampon ni Satanas. Pero sa dakong huli, ang simbolikong ulo ng serpiyente ay permanenteng dudurugin ni Kristo at ng kaniyang binuhay-muling mga pinahirang Kristiyanong kasamahan. (Roma 16:20) Kaya ang pagsumpa ng Diyos sa nakikitang serpiyente ay angkop na lumarawan sa ibinabang kalagayan at ganap na pagkapuksa ng di-nakikitang “orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo.