Pananatiling Organisado Para sa Kaligtasan sa Milenyo
“Sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.”—JUAN 10:16.
1. Sa walang-hanggang Diyos, ang isang libong taon ay parang ano?
SI Jehova ang Maylikha ng panahon para sa tao. At sa kaniya, na ang walang-kamatayang Diyos na buhat sa walang-hanggan hanggang sa walang-hanggan, ang isang libong taon ay para lamang isang mabilis lumipas na araw o kaya’y isang panahon lamang ng pagbabantay samantalang gabi.—Awit 90:4; 2 Pedro 3:8.
2. Anong yugto ng panahon ang itinakda ni Jehova para sa pagpapala sa sangkatuhan?
2 Ang Diyos ay nagtakda ng isang simbolikong araw na isang libong taon para sa pagpapala sa lahat ng angkan sa lupa. (Genesis 12:3; 22:17, 18; Gawa 17:31) Dito’y kasali yaong mga taong ngayo’y patay at yaong mga buháy ngayon. Papaano nga gagawin ito ng Diyos? Aba, sa pamamagitan ng Kaniyang Kaharian sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang “binhi” ng Kaniyang simbolikong babae!—Genesis 3:15.
3. (a) Papaano sinugatan sa sakong ang Binhi ng babae ng Diyos, subalit papaano gumaling ang sugat na iyon? (b) Sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, ano ang gagawin niya sa simbolikong ahas?
3 Ang simbolikong sakong ng Binhi ng babae ng Diyos (o makalangit na organisasyon) ay sinugatan nang si Jesu-Kristo’y dumanas ng kamatayan ng isang martir at nanatiling patay sa loob ng mga bahagi ng tatlong araw noong taóng 33 ng ating Karaniwang Panahon. Subalit noong ikatlong araw, ang sugat na iyon ay pinagaling ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Dakilang Tagapagbigay-Buhay, sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniyang tapat na Anak upang magtamo ng walang-kamatayang buhay sa dako ng mga espiritu. (1 Pedro 3:18) Yamang si Jesus ay hindi na uli mamamatay kailanman, siya’y nasa kalagayan na magpunò bilang Hari sa sangkatauhan sa loob ng isang libong taon at ‘sugatan’ ang ulo ng simbolikong ahas, durugin siya upang mawala na pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari. Anong laking pagpapala niyan sa tapat na sangkatauhang naisauli sa kasakdalan!
4. Anong uri ng programa ang isinasagawa ng Diyos sa kaniyang bayan?
4 Malaking pag-uorganisa ang nagaganap sa gitna ng bayan ni Jehova sa buong lupa sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” sapol ng magtapos noong 1914 ang mga Panahong Gentil. (Mateo 24:3; Lucas 21:24, King James Version) Ang pang-organisasyong programang ito bago dumating ang Milenyo ay isinasagawa kasuwato ng kalooban at sa ilalim ng pamamatnubay ng Dakilang Organisador, si Jehovang Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang babae, ang kaniyang tulad-asawang makalangit na organisasyon, ang pagsisilang sa kaniyang ipinangakong Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo ay naganap noong 1914, gaya ng pinatutunayan ng katuparan ng hula sa Bibliya.
5. Ang pagsisilang sa ano ang inihula sa Apocalipsis 12:5, at kailan unang ipinaliwanag ito sa The Watch Tower?
5 Sa gayo’y maluwalhating natupad ang mga salitang ito sa Apocalipsis 12:5: “Siya’y nagsilang ng isang anak na lalaki, na maghahari nang may panghampas na bakal sa lahat ng bansa. At ang kaniyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kaniyang trono.” Ang pagsisilang sa Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo, gaya ng inilarawan ng bagong-silang na anak ng babae ng Diyos, ay unang ipinaliwanag sa The Watch Tower ng Marso 1, 1925. Ang pagsilang ng Mesyanikong Kahariang ito sa langit noong 1914 ay naiiba sa pagsilang ng “bansa” ng ‘mga anak’ ng Sion sa lupa noong 1919.—Isaias 66:7, 8.
6. (a) Dahil sa pagsilang ng Kaharian kinailangan ang anong gawain na inihula ni Jesus? (b) Ang pagsasagawa ng gawaing ito ay humihingi ng anong dapat gawin ng mga lingkod ni Jehova, at papaano nila ngayon hinarap ito?
6 Ang pagsilang ng Kaharian ni Jehova na kaniyang gagamitin sa pagbabangong-puri sa kaniyang matuwid na pagkasoberano sa buong sansinukob—ah, narito ang isang bagay na karapat-dapat ibalita sa buong lupa! At ito na ang panahon para sa katuparan ng mga salitang ito ni Jesus tungkol sa mga patotoo ng kaniyang di-nakikitang “pagkanaririto”: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3, 14) Ang nagkakaisa, nagkakasuwatong pangangaral sa lahat ng bansa, sa buong lupa ay tunay na nangangailangan ng pag-uorganisa sa nakikitang bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova. Ang Watch Tower Bible and Tract Society, na kinakatawan ng noo’y pangulo nito, si J. F. Rutherford, ay sang-ayon dito. Kaya, mula noong taóng 1919 pagkatapos ng digmaan, ang pag-uorganisa sa mga tapat na tumatangkilik sa Samahan bilang isang naisauling bansa ay itinaguyod nang puspusan, lakip ng panalangin para akayin at pagpalain ng Kataas-taasang Organisador, ang Diyos na Jehova. Sa harap ng Digmaang Pandaigdig II, sa kabila ng mahigpit na pananalansang ng mga Fasista, ng kilusang Nazi ni Hitler, at ng Accion Catolica at ang mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ay buong pagkakaisang humarap sa kaaway na sanlibutan.
7. (a) Sa pamamagitan lamang ng pananatili sa anong kaugnayan sa isa’t isa makaaasa ang mga lingkod ni Jehova na makatawid nang buháy sa malaking kapighatian? (b) Papaanong ang mga nakaligtas sa Baha ay nakatawid nang buháy sa buong-globong Delubyo, at sino ang kanilang inilarawan?
7 Tanging ang mga Saksi ni Jehova, yaong pinahirang nalabi at ang “malaking pulutong,” bilang isang nagkakaisang organisasyon sa ilalim ng proteksiyon ng Kataas-taasang Organisador, ang may maka-Kasulatang pag-asa na makatawid nang buháy sa napipintong wakas ng pupuksaing sistemang ito na dominado ni Satanas na Diyablo. (Apocalipsis 7:9-17; 2 Corinto 4:4) Sila ang bubuo ng “laman” na sinabi ni Jesu-Kristo na ililigtas sa pinakamahigpit na kapighatian sa buong kasaysayan ng tao. Kung papaanong noong mga kaarawan ni Noe, ang sabi ni Jesus, magiging ganoon din sa araw na Siya’y mahayag. Sa loob ng daong na gumugol sa maraming taon ng organisadong pagpapagal upang matapos, wawalo lamang na mga taong kaluluwa ang nakatawid nang buháy sa buong-globong Delubyo. Sila’y nakaligtas bilang isang nagkakaisang pamilya. (Mateo 24:22, 37-39; Lucas 17:26-30) Ang asawa ni Noe ay lumalarawan sa kasintahan ni Kristo, at ang kaniyang mga anak na lalaki at mga manugang na babae ay lumarawan naman sa kasalukuyang-panahong “mga ibang tupa” ni Jesus, na patuloy na dumarami at nagiging isang malaking pulutong, kung ilan ang magiging bilang nila sa wakas ay hindi natin alam ngayon. (Juan 10:16) Para makaligtas nang buháy sa Milenyo sa ilalim ng Lalong-dakilang Noe, si Jesu-Kristo, sila’y kailangang manatiling organisado kaisa ng pinahirang nalabi, “ang mga pinili” na alang-alang sa kanila’y paiikliin ang mga araw ng “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21, 22.
Pagkaligtas Nang Buháy sa Milenyo
8. Sa katapusan ng kaniyang hula tungkol sa kaniyang pagkanaririto, anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus, at papaanong ang petsang Hunyo 1, 1935, ay mahalaga tungkol sa pag-unawa roon?
8 Sang-ayon sa Ebanghelyo ni Mateo, sa isang ilustrasyon tinapos ni Jesus ang kaniyang hula tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto. Samantalang karaniwang tinatawag na ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing, ito’y kumakapit ngayon, sa panahon ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, na nagsimula nang matapos ang mga Panahong Gentil noong 1914. (Mateo 25:31-46) Ang petsang Sabado, Hunyo 1, 1935, ay mahalaga sa pag-unawa tungkol sa kung sino ang mga tupa sa talinghagang ito bilang mga miyembro ng malaking pulutong. Sa araw na iyan, sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., 840 katao ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang karamihan sa mga ito ay gumawa ng hakbang na ito bilang dagliang pagtugon sa isang pahayag tungkol sa Apocalipsis 7:9-17 na binigkas ni J. F. Rutherford. Naging hangarin nila na maging bahagi ng malaking pulutong ng mga ibang tupa ng Mabuting Pastol, na may pagkakataong makaligtas nang buháy sa dumarating na malaking kapighatian at makatawid nang buháy sa wakas ng sistemang ito at patuloy na mabuhay sa panahon ng Milenaryong Paghahari ng Pastol-Hari, si Jesu-Kristo. Sa wakas, sila’y nagkakamit ng walang-hanggang buhay sa isang lupang paraiso.—Mateo 25:46; Lucas 23:43.
9. Bakit ang mga tupa ay inaanyayahan na kanilang manahin “ang kaharian na inihanda para sa [kanila],” at papaano sila nasa pinakamagaling na kalagayang gumawa nang mabuti sa mga kapatid ng Hari?
9 Bakit ang mga tulad-tupang ito ay inaanyayahan na “manahin ang kaharian na inihanda para sa [kanila] buhat sa pagkatatag ng sanlibutan”? Sinasabi sa kanila ng Hari na ang dahilan ay sapagkat ginawan nila nang mabuti ang kaniyang “mga kapatid,” at sa ganoo’y sa kaniya nila ginawa iyon. Sa pananalitang “mga kapatid,” ang tinutukoy ng Hari ay ang nalabi ng kaniyang espirituwal na mga kapatid na naririto pa sa lupa sa katapusang ito ng sistema ng mga bagay. Ngayong kaisang kawan sila ng mga kapatid na ito ng Pastol-Hari, si Jesu-Kristo, sila’y magpapatuloy sa posibleng pinakamatalik na pakikisama sa nalabi ng gayong mga kapatid at sa ganoo’y nasa pinakamagaling na kalagayang gumawa nang mabuti sa kanila. Kahit na sa materyal na mga paraan, sila’y makatutulong sa mga kapatid ni Jesus na mangaral ng pabalita ng natatatag na Kaharian sa buong daigdig bago sumapit ang wakas. Kaya naman, ang mga tupa ay magpapakaingat sa kanilang pribilehiyo na manatiling organisado kaisa ng nalabi bilang ang kaisa-isang kawan ng kaisa-isang Pastol.
10. Ano ba ang ibig sabihin para sa mga tupa na “manahin ang kaharian na inihanda para sa [kanila] buhat sa pagkatatag ng sanlibutan”?
10 Ang pagmamana “ng kahariang inihanda para sa [kanila]” ay hindi nangangahulugan na ang mga tupang ito’y maghaharing kasama ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga kapatid sa langit sa loob ng isang libong taon. Bagkus, mismong sa pasimula ng Milenyo, mamanahin ng mga tupa ang makalupang sakop ng Kaharian. Yamang sila ay mga inapo ni Adan at ni Eva, ang makalupang dakong ito na paghaharian ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay inihanda na para sa kanila “buhat sa pagkatatag ng sanlibutan” ng mga taong maaaring tubusin. Isa pa, yamang ang mga tupa ay nagiging makalupang mga anak ng Hari, na nagiging kanilang “Walang-Hanggang Ama,” sila’y nagmamana ng isang makalupang dako, o lupain, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Isaias 9:6, 7.
11. Papaano ipinakikita ng mga tupa na sila’y naninindigan sa Kaharian, at dahilan dito, anong pagpapala ang makakamit nila?
11 Kabaligtaran ng simbolikong mga kambing, ang mga tulad-tupa ay nagpapakita at di-mapagkakamalian na sila’y naninindigan sa Kaharian. Papaano? Sa pamamagitan ng mga gawa, hindi ng mga salita lamang. Dahilan sa ang Hari ay di-nakikita sa kalangitan, sila’y hindi tuwirang makagagawa nang mabuti sa kaniya bilang pagsuporta sa kaniyang Kaharian. Kaya’t sila’y gumagawa nang mabuti sa kaniyang espirituwal na mga kapatid na naririto pa sa lupa. Bagaman ito’y humihila sa mga kambing upang mapoot, sumalansang, at mang-usig, dahil sa paggawa ng gayong kabutihan, ang mga tupa ay pinagsasabihan ng Hari na sila’y ‘pinagpapala ng kaniyang Ama.’
12. Para sa mga tupang makaliligtas nang buháy, sino ang mga taong magkakapribilehiyo sila na tanggapin, at sa bagay na ito,ano ang sumasaisip ng ilan sa mga nalabi?
12 Ang malaking pulutong ng tulad-tupang mga nagsisigawa nang mabuti sa espirituwal na mga kapatid ng Hari ay pagpapalain sa pagbibigay sa kanila ng maligayang pribilehiyo na makaligtas nang buháy sa Milenyo. Pagdating ng panahon, sila’y makikibahagi sa pagtanggap sa mga taong bubuhayin buhat sa kanilang alaalang mga libingan. (Juan 5:28, 29; 11:23-25) Makakasali rito ang tapat na mga patriarka at mga propeta na nagdusa at nagtiis nang malaki alang-alang sa pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova upang sila’y “magkamit ng lalong mabuting pagkabuhay-muli,” posible na isang mas maagang pagkabuhay-muli. (Hebreo 11:35) Sa gayong binuhay-muling mga lalaki at mga babae na may pananampalataya, na ilan sa kanila’y binanggit ang mga pangalan sa Hebreo kabanata 11, ay makakasali si Juan Bautista. (Mateo 11:11) Sumasaisip ng ilan sa mga pinahirang nalabi na sila’y makaliligtas nang buháy at magpapatuloy pa na mabuhay upang tanggapin ang gayong binuhay-muling mga tapat na nangamatay bago sumapit ang Pentecostes 33 C.E. Ang mga pinahiran ba ay magkakaroon nga ng gayong pribilehiyo?
13. Bakit hindi na kailangang naroroon ang nalabi upang kanilang tanggapin at asikasuhin ang mga bubuhayin sa lupa?
13 Ito’y hindi na kailangan. Ang malaking pulutong na mga makaliligtas nang buháy sa kapighatian ay naroroon na may sapat na dami upang mag-asikaso sa bagay na iyan at magturo sa mga binuhay na mga tao ng tungkol sa “bagong lupa” sa ilalim ng “mga bagong langit.” (2 Pedro 3:13) Kahit na ngayon, ang malaking pulutong ay inuorganisa para sa bagay na ito. Sa ngayon, na ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus na naririto pa sa lupa ay may bilang na wala pang 9,000 ayon sa iniulat, ang mga makaliligtas nang buháy sa kanila sa anumang paraan ay magiging napakakaunti upang mag-asikaso sa lahat ng gawaing paghahanda na may kinalaman sa pangkalahatang pagkabuhay-muli. (Ezekiel 39:8-16) Dito, kung gayon, papasok ang malaking pulutong, na ang bilang nila ay umaabot na sa milyun-milyon, at sila’y magsisilbi nang buong husay. At ang gayong pribilehiyo ay walang alinlangang nakalaan para sa kanila.
14. (a) Marami sa mga nasa malaking pulutong ang sinasanay para sa ano, at bakit ang marami sa kanila ngayon ay kailangang bumalikat ng pananagutan? (b) Anong mga pangyayari ang sa di na magtatagal ay magaganap, at anong gawain ang naghihintay sa mga ibang tupa?
14 Marami sa mga nasa malaking pulutong ang sinasanay na ngayon sa mga pananagutang pang-kongregasyon at sa pamamagitan ng mga proyekto sa pagtatayo na isinasagawa ng organisasyon ng Diyos sa buong lupa. At nakapagpapatibay-loob na makita ang karagdagan pang espirituwal na mga lalaking maygulang sa malaking pulutong na inaatasang bumalikat ng lalong malaking pananagutan sa organisasyon na ngayo’y pinakikilos ni Jehova sa lupa. Ang natitira pa sa mga pinahiran ay patuloy na nagkakaedad at sila’y hindi na gaya ng dati na nakadadala ng mabibigat na pananagutan. Ang mga kapatid na ito ng Hari ay nagpapasalamat sa maibiging tulong na nanggagaling sa kuwalipikado sa espirituwal na matatanda at ministeryal na mga lingkod buhat sa pulutong ng mga ibang tupa. Di na magtatagal, ang Babilonyang Dakila ay aalisin sa makalupang tanawin. Pagkatapos, gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 19:1-8, ang kasal ng Kordero sa kaniyang nobya na binubuo ng 144,000 ay magaganap na sa langit at ang mga ibang tupa, na nagsisilbing isang bagong lupa sa ilalim ng mga bagong langit, ay magiging kinatawan ng Hari sa pagsasagawa ng dakilang gawaing pagsasauli hanggang sa ang buong lupa ay maging isang paraisong tinatahanan ng mga tao sa ikapupuri ni Jehova.—Isaias 65:17; ihambing ang Isaias 61:4-6.
15. Anong mga pagpapala ang inaasahan ng malaking pulutong pagdating ng Milenyo?
15 Sa panahon ng Milenaryong Paghahari ni Kristo, pagka ang tinubos na mga nangamatay sa sangkatauhan ay binuhay na mag-uli, ang nakaligtas nang buháy na malaking pulutong ay magtatamasa ng napakarami at napakarangal na mga pribilehiyo. Sa panahong iyon sila ay magiging mga anak na lalaki at babae ng Hari. Posible para sa gayong mga anak na lalaki na maghawak ng ranggo ng mga prinsipe, kagaya ng mga anak na lalaki ni Haring David na mga prinsipe na may sarisaring pananagutan.a Ito’y nagpapagunita sa atin ng Awit 45, na kinatha may kaugnayan sa pinahirang “Hari” ni Jehova.
16. Kanino talagang kumakapit ang Awit 45, at papaano mapatutunayan ito?
16 Kanino bang hari talagang kumakapit ang Awit 45? Aba, kay Jesu-Kristo! Ang Hebreo 1:9 ang nagkakapit ng ganiyan sa pagsipi sa Awit 45:7, na ganito ang mababasa roon: “Iyong inibig ang katuwiran at iyong kinapootan ang kabalakyutan. Kaya naman ang Diyos, ang Diyos mo, ay nagpahid sa iyo ng langis ng kasayahan higit sa iyong mga kasama.” Kaya talagang sa niluwalhating si Jesu-Kristo sinasabi ng Awit 45:16: “Sa halip ng iyong mga ninuno ay magiging iyong mga anak, na siya mong gagawing mga prinsipe sa buong lupa.”
17. Sa ano at sa kanino lalong interesado ang Hari, si Jesu-Kristo?
17 Tama naman, si Jesus ay lalong interesado sa kaniyang hinaharap bilang nagpupunong Hari kaysa kaniyang nakalipas na kasaysayan sa lupa. Kung sa bagay, hindi naman niya nakakalimutan ang nakalipas na kasaysayang iyan at lalo na ang kaniyang mga ninuno na kasangkot sa pangako ni Jehova na pagpalain ang lahat ng angkan sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham. Subalit ngayon ang kaniyang pangunahing interes ay nasa kagyat na kinabukasan ayon sa pinanukala ng Maylikhang Hari, si Jehovang Diyos. Kaya’t ang makalupang mga anak ni Jesus, lalo na ang mga anak na lalaking kuwalipikadong maglingkod sa ilalim niya sa tungkuling mga prinsipe, ang unang kukuha ng kaniyang interes—higit kaysa kaniyang makalupang mga ninuno.
18. Papaanong sa mga ilang pagkasalin ng Awit 45:16 ay idiniriin ang lalong malaking interes ni Jesus sa mga anak na prinsipe kaysa kaniyang makalupang mga ninuno?
18 Ang lalong malaking interes ni Jesus sa mga anak na prinsipe kaysa sa kaniyang mga ninuno ay idiniriin ng iba’t ibang salin ng Bibliya. Narito ang ilang pagkasalin ng Awit 45:16: “Ang iyong mga anak ay ilalagay sa lugar ng iyong mga ama, at babangon hanggang sa maging mga prinsipe sa buong lupain.” (Moffatt) “Ang dako ng iyong mga ama ang mapapabigay sa iyong mga anak; at iyong gagawin sila na mga prinsipe sa buong lupain.” (Talatang 17, The New American Bible) “Sa halip na iyong mga ama ikaw ay magkakaroon ng mga anak: iyong gagawin sila na mga prinsipe sa buong lupa.”—The Septuagint Version, lathala ni Samuel Bagster and Sons.
19. Ang ibang mga lalaki sa malaking pulutong ngayon ay mayroong anong pananagutan sa kongregasyon, at sa anong katungkulan posibleng mahirang sila ng Hari, si Jesu-Kristo sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari?
19 Sa ating malaking katuwaan, kasa-kasama na natin ngayon ang mga may pagkakataong maging mga prinsipe. Sila’y matatagpuan sa gitna ng mga ibang tupa na nakikinig sa tinig ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. At lalo na sapol pa noong 1935 sila nakikinig dito, nang ang Apocalipsis 7:9-17 ay ipaliwanag sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C. Sa ngayon, libu-libo na nasa malaking pulutong na ito ng ibang tupa ang naglilingkod bilang matatanda, o mga tagapangasiwa, sa mahigit na 57,670 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa 212 lupain sa buong daigdig. Sa pamamagitan ng pananatiling organisado kaisa ng nalabi ng espirituwal na mga kapatid ni Jesus na narito pa sa lupa, ang mga lalaking ito ay nakahanay na lubusang ampunin bilang makalupang mga anak ng Hari, si Jesu-Kristo, sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari sa ipinangakong bagong lupa. (2 Pedro 3:13) Kaya naman, posibleng sila’y mahirang bilang mga prinsipe na maglilingkod sa bagong lupa.
20. (a) Ang Hari ay magkakaroon ng anong saloobin sa mga taong kaniyang hinirang sa tungkulin sa lupa? (b) Sino ang muling tatanggapin ng malaking pulutong, at anong pagkakataon ang nasa harap ng magsisibalik?
20 Ang Hari, si Jesu-Kristo, ay malulugod na kilalanin ang bagong kahihirang na mga prinsipeng ito, gaya ng ngayo’y pagkilala niya sa pagkatagapangasiwa ng tapat na mga ibang tupa sa kasalukuyang-panahong mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Lahat ng mga nasa malaking pulutong ng mga ibang tupa—ang mga babae at gayundin ang mga lalaki—ay magkakaroon ng kapana-panabik na pribilehiyong tanggapin buhat sa mga patay ang lahat ng mga duminig sa tinig ni Jesus at bumangon sa pagkakataon na kamtin ang walang-hanggang buhay sa kasakdalan bilang mga tao sa isang nilinis na lupa na gagawing isang pangglobong paraiso. (Juan 5:28, 29) Sa lubhang pinagpalang mga bubuhayin niya ay makakabilang ang tinubos na mga ninuno ni Jesu-Kristo, mga taong may pananampalataya na handang patunayan ang kanilang debosyon sa Diyos na Jehova kahit hanggang sa kamatayan sa pag-asang sila’y magtatamo ng “isang lalong mabuting pagkabuhay-muli.” (Hebreo 11:35) Subalit ang pagbabangon sa kanila tungo sa kasakdalan bilang mga tao sa panahon ng Milenaryong Paghahari ng kanilang Manunubos-Hari, si Jesu-Kristo, ay pasimula lamang. Sa pamamagitan ng pananatiling matatag ang pagkaorganisa sa ilalim ng Diyos na Jehova sa panahon ng pangkatapusang pagsubok na darating sa naisauling sangkatauhan sa katapusan ng Milenyo, kanilang patutunayan na sila’y karapat-dapat ariing-ganap sa walang-katapusang buhay sa Paraiso bilang ang makalupang bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova.—Mateo 25:31-46; Apocalipsis 20:1–21:1.
[Talababa]
a Ihambing ang 2 Samuel 8:18, New World Translation Reference Bible, talababa.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Si Jehova ay nagtakda ng anong yugto ng panahon para sa pagpapala sa buong sangkatauhan?
◻ Tangi lamang sa pananatili sa anong kaugnayan sa isa’t isa makatatawid tayo nang buháy sa malaking kapighatian?
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng pangungusap na ang mga tupa ay ‘magmamana ng kaharian na inihanda para sa kanila buhat sa pagkatatag ng sanlibutan’?
◻ Sa panahon ng Milenyo, sa anong mga pribilehiyo posibleng makabahagi ang malaking pulutong?