Makatuwiran ang Pag-asa sa Paraiso Bagaman Sumuway ang Tao
1. Sa paglipas ng panahon, saan makikita ang unang lalaki at babae at sa anong nakapalibot na mga kalagayan?
LUMIPAS ang panahon. Ang unang lalaki at babae ay hindi na inosente sa kanilang pagkahubo’t-hubad. Sila’y nadaramtan—ng mahahabang kasuotan ng balat ng hayop. Sila’y naroon sa labas sa may pasukan ng sakdal na halamanan ng Eden. Sila’y nakatalikod sa halamanan. Kanilang pinagmasdan ang tanawing nasa unahan nila. Wala silang nakikita kundi palanas na lupaing di pa nabubungkal. Maliwanag nga na ito’y walang pagpapala ng Diyos. Sa harap nila’y makikita ang mga tinik at mga dawag. Hindi baga ito ang lupa na sa kanila’y iniutos na supilin? Oo, subalit ang unang lalaki at babae ay wala na doon ukol sa layunin na palawakin ang halamanan ng Eden hanggang sa gayong di pa nabubungkal na lupain.
2. Bakit hindi sinubok ng lalaki at ng babae na muling pumasok sa halamanan ng Paraiso?
2 Sa gayong naiibang tanawin, bakit sila hindi bumalik at muling pumasok sa halamanan ng Paraiso? Madaling sabihin ang ganiyan, ngunit masdan ninyo ang nasa likod nila doon sa pasukan ng halamanan. Mga kinapal na hindi pa nila nakikita-kita, kahit na sa loob ng halamanan, mga kerubin, at ang nagniningas na talim ng isang tabak na laging umiikot. Ang lalaki at ang babae ay hindi makalulusot nang buháy sa mga ito sa pagpasok sa halamanan!—Genesis 3:24.
3. Ano ba ang nangyari at nagbagong biglang-bigla ang katayuan ng unang mag-asawa?
3 Ano ba ang nangyari? Iyon ay hindi naman napakasalimuot upang magsilbing isang nakapagtatakang hiwaga sa siyensiya sa loob ng libu-libong taon. Simple lamang ang paliwanag. Kailangang matalos ng unang lalaki at babae ang kahanga-hangang pagkakataon na nakaharap sa kanila dahil sa utos ng Diyos noong araw na sila’y pag-isahin ngunit sa kondisyon na sila’y tatalima sa kanilang makalangit na Ama sa kaliit-liitang bagay. Ang kanilang sakdal na pagsunod ay susubukin sa pamamagitan ng pagbabawal na huwag kanin ang iisang pagkain: Sila’y huwag kakain ng bunga ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:16, 17) Kung kanilang gagawin iyan laban sa mga pag-uutos ng Diyos, sila’y tiyak na mamamatay. Bilang propeta ng Diyos, iyan ang sinabi ni Adan sa kaniyang asawa, ang nakababatang taong nilalang. Subalit nakapagtataka, ang na·chashʹ, ang ahas na iyon ay nagtatuwa sa katotohanan ng sinabi ng Diyos kay Adan sa Kaniyang babala laban sa pagkain ng ibinabawal na “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Ang ahas ang dumaya sa babae upang maniwala na ang paglabag sa batas ng Diyos at pagkain ng ibinabawal na bunga ay hahantong sa kaniyang pagiging katulad ng Diyos at makapagsasarili siya nang hiwalay sa Diyos sa pagpapasiya sa kung ano ang mabuti at kung ano ang masama.—Genesis 3:1-5.
Hindi Isang Alamat
4, 5. Papaano ipinakita ni apostol Pablo na ang ulat tungkol sa panlilinlang ng ahas sa unang babae ay hindi isang alamat?
4 Di ba kapani-paniwala? Iyan ba’y parang isang alamat, isang kuwentong hindi nakasalig sa katotohanan at sa gayo’y hindi matatanggap ng modernong may pinag-aralang mga pag-iisip ng mga maygulang? Hindi, hindi kung para sa isang malaganap na binabasang manunulat, isang mapananaligang manunulat, isang pantanging piniling apostol, na nakababatid ng kawastuan ng kaniyang isinulat. Sa kongregasyon ng maygulang na mga Kristiyano sa makasanlibutang siyudad ng Corinto, ang apostol Pablong ito ay sumulat: “Ako’y natatakot na sa papaano man, kung papaanong nadaya si Eva ng ahas sa kaniyang katusuhan, baka ang inyong mga isip naman ay pasamain upang mailayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.”—2 Corinto 11:3.
5 Mahirap isiping ang tinutukoy ni Pablo ay isang alamat, isang pabula, at gagamit ng gayong isang guniguning bagay upang idiin ang kaniyang punto sa mga taga-Corintong iyon, na may hustong kaalaman sa mga alamat ng paganong relihiyong Griego. Pagkatapos sumipi buhat sa kinasihang Kasulatang Hebreo, na kaniyang tinukoy na “ang salita ng Diyos,” sinabi ni apostol Pablo na totoo ngang “nadaya si Eva ng ahas sa kaniyang katusuhan.” (1 Tesalonica 2:13) Bukod diyan, nang sumulat sa isang tagapangasiwang Kristiyano na may tungkuling magturo ng “uliran ng magagaling na salita,” si apostol Pablo ay nagsabi: “Unang nilalang si Adan, saka si Eva. At, hindi nalinlang si Adan, kundi ang babae ang lubusang nalinlang at nahulog sa pagkakasala.”—2 Timoteo 1:13; 1 Timoteo 2:13, 14.
6. (a) Papaanong ang pagkakasala ni Adan laban sa Diyos ay naiiba sa pagkakasala ng babae? (b) Bakit natin matitiyak na ang babae ay hindi umiimbento ng isang istorya tungkol sa ahas?
6 Ang pagkalinlang sa babae ng ahas ay totoo, at hindi isang alamat, gaya ng kung papaanong ang ibinunga ng kaniyang pagsuway at pagkain ng ibinabawal na bungang-kahoy ay tunay na mga pangyayari sa kasaysayan. Pagkatapos na magkasala na siya sa Diyos, kaniyang hinikayat pa ang kaniyang asawa na sumama sa kaniya sa pagkain, subalit ang kaniyang pagkain ay hindi dahilan sa siya man ay lubusang nalinlang. (Genesis 3:6) Ang salaysay ng kanilang pagsusulit sa Diyos pagkatapos ay nagsasabi: “At sinabi ng lalaki: ‘Ang babaing ibinigay mong aking kasamahin, siya ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at aking kinain.’ At sinabi ng Diyos na Jehova sa babae: ‘Ano ba itong iyong ginawa?’ At sinabi ng babae: ‘Ang ahas—ito ang luminlang sa akin at ako’y kumain.’” (Genesis 3:12, 13) Ang babae ay hindi umiimbento ng isang istorya tungkol sa na·chashʹ, ang ahas na iyon, at hindi naman itinuring ng Diyos na Jehova na ang kaniyang paliwanag ay isang hinabing kuwento, isang alamat. Siya’y nakitungo sa ahas na iyon bilang isang instrumento sa panlilinlang sa babae upang sumalansang sa Kaniya, ang kaniyang Diyos at Maylikha. Isang malaking kalapastanganan sa karangalan ng Diyos ang siya’y makitungo sa isang guniguning ahas sa alamat.
7. (a) Papaano inilalarawan ng Bibliya ang tungkol sa paghatol ng Diyos may kaugnayan sa ahas? (b) Papaanong ang ahas na luminlang sa unang babae ay maaaring makalinlang din sa atin? (Isali ang komento sa talababa.)
7 Sa paglalarawan sa paghatol ng Diyos sa ahas na iyon sa halamanan ng Eden, ang ulat ay nagsasabi: “At sinabi pa ng Diyos na Jehova sa ahas: ‘Sapagkat ginawa mo ito, sumpain ka nang higit kaysa lahat ng maaamong hayop at lahat ng mga ganid sa parang. Ang iyong tiyan ang ilalakad mo at alabok ang kakanin mo sa lahat ng araw ng iyong buhay. At papag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.’” (Genesis 3:14, 15) Anumang matatag na hukuman ay sa katotohanan makikitungo at ang hahalawin ay tunay na ebidensiya, hindi alamat. Ang kaniyang sarili’y hindi ginagawa ng Diyos na Jehova na magtinging mangmang, utu-uto, sa pamamagitan ng pagsasalita sa isang nasa-alamat lamang na ahas ng kaniyang inihatol na sentensiya kundi ang kaniyang hatol ay sinasalita niya sa isang katotohanang, umiiral na nilikhang maaaring panagutin. Hindi katawa-tawa, kundi nakalulungkot, kung ang ahas ding iyon ay nakahikayat sa atin sa paniniwala na siya’y hindi kailanman umiral, na siya’y isang hamak na alamat lamang, na siya’y hindi mapananagot sa anumang kasamaan dito sa lupa.a
8. Anong hatol ang ibinigay ng Diyos sa babae, at ano ang ibinunga sa kaniyang mga anak na babae at mga inapong babae?
8 Yamang ibinibilang na ang sinabi ng babae tungkol sa ahas ay isang katotohanan, ganito ang sabi ng ulat tungkol sa asawa ng lalaki: “Sa babai’y sinabi niya: ‘Palalakihin kong lubha ang paghihirap mo sa panganganak; manganganak kang may kahirapan, at labis na pananabikan mo ang iyong asawa at siya’y maghahari sa iyo.’” (Genesis 3:16) Walang ganito na binanggit sa pagbasbas ng Diyos sa kaniyang pag-aasawa kay Adan nang sabihin ng Diyos sa kanila: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” (Genesis 1:28) Ang pinagpalang utos na iyan sa sakdal na mag-asawa ay nagpapakitang ang babai’y maraming ipanganganak ngunit hindi magdaranas ng di-dapat na paghihirap at labis na pagdaramdam sa panganganak at hindi naman pagmamalupitan ng kaniyang asawa. Ang ganitong hatol na sinalita sa nagkasalang babae ay magkakaroon ng epekto sa kaniyang mga anak na babae at mga inapong babae sa loob ng sali’t saling lahi.
Nagsilbing Kapurihan sa Kautusan ng Diyos ang Sentensiya Laban kay Adan
9, 10. (a) Anong babala ang ibinigay nang tuwiran ng Diyos kay Adan, at ano ang magiging resulta kung sakaling ipinatupad ng Diyos ang gayong parusa? (b) Anong hatol ang ipinasiya ng Diyos laban kay Adan?
9 Subalit, anong bagong mga kalagayan ang mararanasan ng babae at pati na ng lalaki na kaniyang nahikayat na sumali sa kaniya sa pagkakasala? Sa lalaking ito, tuwirang sinabi ng Diyos: “Sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Ang Diyos, na Hukom, ay manghahawakan kaya sa isang pang-ultimong sentensiya na gaya niyaon dahil lamang sa pagkain ni Adan ng isang kapirasong bungang-kahoy? Isip-isipin kung ano ang magiging resulta ng pagpapatupad ng gayong parusa! Dahil doon ay mapaparam ang nakapupukaw-kaluluwang pagkakataon na napaharap kina Adan at Eva noong araw ng kanilang kasal, ang pagkakataon na mapunô ang buong lupa ng kanilang mga supling, at magkaroon ng sakdal na lahi ng tao na mapayapang tumatahan sa isang lupang paraiso magpakailanman taglay ang walang hanggang kabataan, may mapayapang kaugnayan sa kanilang Diyos at makalangit na Ama! Tiyak, hindi bibiguin ng Diyos ang kaniyang sariling kahanga-hangang layunin para sa sangkatauhan at para sa makalupang tahanan ng tao sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng parusang kamatayan sa unang mga magulang ng lahat ng tao! Ngunit pakinggan ninyo ang banal na kautusang malinaw na isinulat sa Bibliya:
10 “At kay Adan ay sinabi niya: ‘Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa at kumain ng bunga ng punong iniutos ko sa iyo na, “Huwag kang kakain niyaon,” sumpain ang lupa dahil sa iyo. Kakain ka ng bunga nito sa iyong pagpapagal lahat ng araw ng iyong buhay. At ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag, at kakain ka ng pananim sa parang. Sa pawis ng iyong mukha kakain ka ng tinapay hanggang sa mauwi ka sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.’”—Genesis 3:17-19.
11. Anong mga katotohanan tungkol sa pagsunod ang nagpapakita na karapat-dapat ang hatol ng Diyos laban kay Adan?
11 Ang hatol ay nangahulugan ng pagpapatupad ng parusang kamatayan sa tao anuman ang maging epekto nito sa layunin ng Diyos na magkaroon ng isang lupang paraiso na punô ng sakdal na mga lalaki at mga babae na mapagmahal at mapayapang tumatahang sama-sama at panghabang-panahon na naghahalaman at nangangalaga sa pambuong-lupang halamanan ng Paraiso. Ang lalaki’y nakinig sa tinig ng kaniyang asawa sa halip na sa tinig ng Diyos na nagsabing huwag siyang kakain ng bunga ng ibinabawal na “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” At kung ganoon ngang hindi niya sinunod ang tinig ng kaniyang Diyos at Maylikha, kaniya naman kayang matuturuan ang kaniyang mga anak na sumunod? Ang kaniya kayang sariling halimbawa ay magiging isang mabisang puntong magagamit niya sa pagtuturo sa kanila upang sumunod sa Diyos na Jehova?—Ihambing ang 1 Samuel 15:22.
12, 13. (a) Papaano maaapektuhan ng kasalanan ni Adan ang kaniyang mga anak? (b) Bakit si Adan ay hindi karapat-dapat mabuhay magpakailanman sa Paraiso o kahit man lamang sa lupa?
12 Ang mga anak kaya ni Adan ay makasusunod nang lubusan sa kautusan ng Diyos gaya ng nagagawa niya noong minsan nang siya’y isang taong sakdal? Sa pamamagitan ng umaandar na mga batas ng pagmamana, hindi kaya maisalin niya sa kaniyang mga anak ang kaniyang kahinaan at hilig na sumuway sa tinig ng Diyos at makinig sa ibang tinig? Ang totohanang mga pangyayari sa kasaysayan ang nagbibigay ng mga kasagutan sa mga tanong na ito.—Roma 5:12.
13 Ang gayon kayang tao na, alang-alang lamang sa isang taong nilalang, tumalikod sa lubusang pagsunod sa Diyos bilang tanda ng sakdal na pag-ibig sa Diyos ay karapat-dapat mabuhay magpakailanman sa Paraiso o kahit man lamang sa lupa? Magiging ligtas kaya na payagang mabuhay siya sa lupa magpakailanman? Ang pagpapahintulot kaya na siya’y mabuhay magpakailanman sa lupa sa kabila ng kaniyang pagkakasala ay magsisilbing kapurihan sa kautusan ng Diyos at magpapakita ng Kaniyang sakdal na katarungan, o ito kaya’y magtuturo ng kawalang-paggalang sa kautusan ng Diyos at magpapahiwatig na ang Salita ng Diyos ay hindi mapanghahawakan?
Pinalabas sa Halamanan ng Eden
14. Papaano inilalarawan ng Bibliya ang pagkilos ng Diyos laban kay Adan at sa kaniyang asawa?
14 Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin ng paraan ng pagpapasiya ng Diyos sa mga bagay na ito: “At iginawa ng Diyos na Jehova ng mahahabang kasuotang balat si Adan at ang kaniyang asawa at dinamtan sila at sinabi ng Diyos na Jehova: ‘Narito ang tao at naging parang isa sa atin sa pagkakilala ng mabuti at masama, at baka ngayo’y iunat ang kaniyang kamay at pumitas naman ng bunga ng punungkahoy ng buhay at kumain at mabuhay hanggang sa panahong walang takda,—’ Kaya pinalabas siya ng Diyos na Jehova sa halamanan ng Eden upang kaniyang bukirin ang lupain na pinagkunan sa kaniya. Anupa’t kaniyang itinaboy ang lalaki at inilagay niya sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang nagniningas na talim ng isang tabak na umiikot nang patuluyan upang magsilbing bantay sa daan na patungo sa punungkahoy ng buhay.”—Genesis 3:21-24.
15. (a) Papaano isinaalang-alang ng Diyos ang damdamin ng kahihiyan na ngayo’y nadama ni Adan at ng kaniyang asawa sa pagiging hubad? (b) Papaano pinalabas sa halamanan ng Eden ang unang mag-asawa? (c) Anong nagbagong mga kalagayan ang napaharap kay Adan at sa kaniyang asawa sa labas ng halamanan ng Eden?
15 Isinaalang-alang ng banal na Hukom ang damdamin ng kahihiyan ng mga nagkasalang si Adan at ang kaniyang asawa na ngayo’y nadama nila sa pagiging hubad. Sa isang paraang hindi sinasabi, kaniyang binigyan sila ng mahahabang kasuotang balat upang ihalili sa mga dahon ng punò ng igos na kanilang ginawang pantapi. (Genesis 3:7) Ang mga kasuotang balat ay magtatagal-tagal at magbibigay sa kanila ng higit na proteksiyon laban sa mga tinik at mga dawag at iba pang nakapipinsalang mga bagay sa labas ng halamanan ng Eden. Dahilan sa pagkakaroon ng isang masamang budhi pagkatapos na magkasala, sila’y nagsikap na magtago sa paningin ng Diyos at magkubli sa mga punò sa halamanan ng Eden. (Genesis 3:8) Ngayon, pagkatapos na sila’y mahatulan, nakaranas sila ng mga ilang uri ng kagipitan dahil sa pagkapalayas sa kanila ng Diyos sa halamanan. Sila’y itinaboy na pasilangan, at hindi nagtagal sila’y nasa labas na ng halamanan, binawalan na huwag papasok doon magpakailanman. Sila’y hindi na gagawa upang palawakin ang halamanang iyon at palaganapin ang mga kalagayang mala-Paraiso hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Mula ngayon, sila’y kakain ng tinapay na nanggaling sa mga halaman sa parang, subalit hindi susustine sa kanila nang walang hanggan para patuloy na mabuhay bilang tao. Sila’y pinutol buhat sa “punungkahoy ng buhay.” Pagkaraan ng ilang panahon—gaanong kahaba?—sila’y kailangang mamatay!
Hindi Mabibigo ang Panimulang Layunin ni Jehova
16. Ano ang hindi layunin ng Diyos na gawin, at bakit?
16 Ngayon ba’y ipinasiya na ng Diyos na wasakin ang lupa, pati na ang buwan at ang araw at mga bituin, sa isang sunog na tutupok sa sansinukob dahilan sa nagkasala sa kaniya ang dalawang kinapal na ito na alabok? Kung kaniyang gagawin ang gayong bagay, hindi baga mangangahulugan ito na siya’y bigo sa kaniyang maluwalhating layunin, dahilan lamang sa isang bagay na pinasimulan ng isang na·chashʹ? Ang isang hamak na ahas ba ay magwawasak sa buong layunin ng Diyos? Kaniyang iniharap ang kaniyang layunin kay Adan at Eva nang araw ng kanilang kasal nang kaniyang basbasan sila at sabihin sa kanila ang kaniyang kalooban para sa kanila: punuin ang buong lupa ng sakdal na lahi ng tao, at ang buong lupa’y supilin hanggang sa kasakdalan ng halamanan ng Eden, at ang buong sangkatauhan ay mapayapang nagtataglay ng kapangyarihan sa lahat ng nakabababang uri ng buhay sa lupa at sa dagat. Isang nagniningning na pangitain nga ng natupad na layunin ng Diyos, na inihanda niya sa loob ng anim na mga araw ng paglalang sa paggawa sa loob ng panahon na libu-libong mga taon! Ang kapuri-puring layunin bang ito ngayon ay pababayaang nakatiwangwang dahil lamang sa isang ahas at sa kalikuan ng unang mag-asawa? Hindi-hindi!—Ihambing ang Isaias 46:9-11.
17. Ano ang ipinasiya ng Diyos na gawin tungkol sa ikapitong araw, kaya papaano magtatapos ang araw na ito?
17 Noon ay araw pa rin ng kapahingahan, ang ikapitong araw ng Diyos na Jehova. Kaniyang ipinasiya na basbasan ang araw na iyon at pabanalin. Hindi niya papayagang iyon ay maging isang isinumpang araw sa anumang paraan, at anumang sumpa na babalakin ng sinuman upang mapasamâ ang araw na iyon ng kaniyang kapahingahan ay kaniyang lalabanan at pangyayarihin na iyon ay maging isang pagpapala, upang ang araw ay magtapos sa pagpapala. Ang buong lupa ay pangyayarihin niyaon na maging isang banal na dako, anupa’t ang kalooban ng Diyos ang magaganap dito sa lupa gaya ng pagkaganap niyaon sa langit, at ito’y sa pamamagitan ng isang lahi ng sakdal na mga tao.—Ihambing ang Mateo 6:10.
18, 19. (a) Bakit ang naghihirap na mga inapo ng makasalanang unang mag-asawa ay makapagsásayá? (b) Ano ang tatalakayin sa iba pang mga tudling ng Ang Bantayan?
18 Ang Diyos ay hindi nakadama ng pagkabigo. Hindi niya pinabayaan na mawalang-kabuluhan ang kaniyang layunin. Kaniyang ipinasiya na ipagbangong-puri ang kaniyang sarili bilang ang lubusang maaasahang Isa na kapuwa may layunin at lubusang nakatutupad ng kaniyang nilayon, at lahat ng kapurihan ay sumasa-kaniya. (Isaias 45:18) Ang di-sakdal, naghihirap na mga inapo ng makasalanang unang mag-asawa ay makapagsasaya na at kanilang maaasahan na buong katapatang isasagawa ng Diyos ang kaniyang panimulang layunin upang mapakinabangan nila nang walang-hanggan. Libu-libong taon na ng kaniyang araw ng pamamahinga ang lumipas, at ang katapusang bahagi ng araw na magtataglay ng kaniyang pantanging pagpapala ay tiyak na malapit na. Ang “hapon” ng araw ng kaniyang kapahingahan ay nagtatapos na, at gaya ng sa lahat ng naunang anim na araw ng paglalang, ang “umaga” ay tiyak na darating. Pagka ang gayong “umaga” ay umabot na sa kasakdalan at lubusang nakita na ng lahat ng nagmamasid ang maluwalhating kaganapan ng di-nagbabagong layunin ng Diyos, maisusulat na nga sa kasaysayan: ‘At nagkaroon ng hapon at nagkaroon ng umaga, ang ikapitong araw.’ Isang kagila-gilalas na pagkakataon nga!
19 Lahat ng ito ay nakakikilig na isip-isipin! At sa iba pang mga tudling ng Ang Bantayan, higit pa ang tatalakayin tungkol sa nakabibighaning pagkakataon sa Paraiso na nakaharap sa masunuring mga tao, na mga mangingibig sa kautusan ng Diyos.
[Talababa]
a Sa Apocalipsis 12:9, si Satanas na Diyablo ay ipinakikilala bilang ang “matandang ahas”; at sa Juan 8:44, siya’y tinutukoy ni Jesu-Kristo bilang “ang Ama ng kasinungalingan.”
Ano ba ang Masasabi Mo?
◻ Bakit naiwala ng unang mag-asawa ang kanilang Paraisong tahanan?
◻ Bakit natin nalalaman na ang pagkalinlang kay Eva sa pamamagitan ng isang ahas ay hindi isang alamat?
◻ Anong sentensiya ang iginawad ng Diyos sa babae?
◻ Anong sentensiya ang iginawad ng Diyos kay Adan, at bakit ito nagsilbing kapurihan sa kautusan ng Diyos?
◻ Bakit ang Diyos ay hindi nakadama ng pagkabigo tungkol sa kaniyang layunin na ang lupa’y mapunô ng sakdal na mga tao sa Paraiso?