Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang Diyos ay nagbabala kay Cain na ‘ang kasalanan ay nakayukyok sa pintuan at nagnanasa sa kaniya,’ na waring nagpapahiwatig ng isang mabangis na hayop at ng biktima nito. (Genesis 4:7) Bakit nga gagamitin ang pananalitang iyan kung bago sumapit ang Baha, ang mga hayop ay walang kinakain kundi mga pananim?
Sa mga aklat na isinulat ni Moises, makasusumpong tayo ng maraming talata na nagpapaaninaw ng mga pangyayari o makasaysayang mga bagay na tila hindi angkop sa panahon ang pag-iral ng mga ito sa kasaysayan.
Halimbawa, ang ulat sa Genesis 2:10-14 ay nagbibigay ng heograpikong mga detalye tungkol sa halamanan ng Eden. Sumulat si Moises tungkol sa isang ilog “na siyang umaagos sa gawing silangan ng Asiria.” Subalit ang pangalan ng lupain ng Asiria ay kinuha kay Assur, ang anak ni Sem na isinilang pagkatapos ng Baha. (Genesis 10:8-11, 22; Ezekiel 27:23; Mikas 5:6) Maliwanag, sa kaniyang tumpak, kinasihang pag-uulat, ginamit lamang ni Moises ang terminong “Asiria” upang tumukoy sa isang rehiyon na kilala ng kaniyang mga mambabasa.
Isaalang-alang ang isa pang halimbawa buhat sa mga unang kabanata ng Genesis. Pagkatapos na sina Adan at Eva ay magkasala at pinalayas sa halamanan, hinadlangan sila ni Jehova sa pagbabalik doon. Papaano? Ang Genesis 3:24 ay nagsasabi: “Kaniyang itinaboy ang lalaki at inilagay niya sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang nagniningas na talim ng isang tabak na umiikot nang patuluyan upang magsilbing bantay sa daan na patungo sa punungkahoy ng buhay.” Pansinin, “ang nagniningas na talim ng isang tabak.” Ang Diyos ba ang umimbento ng mga tabak?
Huwag tayong manghinuha na ang ating maibiging Maylikha ang unang-unang gumawa ng sa ating pagkakilala’y mga tabak. Nakita nina Adan at Eva na sa harap ng mga anghel ay umiikot ang isang bagay na may talim na nagniningas. Ano nga ba iyon? Nang panahong isulat ni Moises ang aklat ng Genesis, kilalang-kilala na ang mga tabak at ginagamit sa pakikidigma. (Genesis 31:26; 34:26; 48:22; Exodo 5:21; 17:13) Kaya ang mga salita ni Moises na “ang nagniningas na talim ng isang tabak” ay tumutulong sa kaniyang mga mambabasa na gunigunihin ang bagay na umiral sa pasukan ng Eden. Ang impormasyon na alam na noong kaarawan ni Moises ay nakatulong sa pagkaunawa sa gayong mga bagay. At ang pananalita na ginamit ni Moises ay tiyak na wasto, sapagkat pinapangyari ni Jehova na mapalakip iyon sa Bibliya.—2 Timoteo 3:16.
Ngayon kumusta naman ang Genesis 4:7? Doon ay binabalaan ng Diyos si Cain: “Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ba pararangalan ka? Subalit kung ikaw ay hindi gumawa ng mabuti, hindi ba nariyan ang kasalanan na nakayukyok sa pintuan at nagnanasa sa iyo; at ikaw ba, sa ganang iyo, ay makadaraig niyaon?” Gaya ng mapapansin, ang pananalitang ginamit ay waring naglalarawan ng isang gutóm na mabangis na hayop na nakaabang upang biglang sumunggab at sumakmal ng biktima.
Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na sina Adan at Eva ay may pakikipagpayapaan sa lahat ng hayop. Ang ilan sa mga hayop ay maaaring nakikihalubilo sa mga tao, nakikinabang pa man din sa pagkamalapit nila sa mga tao. Ang iba ay mababangis, mga hayop na likas lamang na mamuhay nang malayo sa mga tao. (Genesis 1:25, 30; 2:19) Subalit, hindi ipinahihiwatig ng Bibliya na may mga hayop na kumakain ng kapuwa hayop o ng mga tao. Sa simula pa lamang, mga pananim ang itinakda ng Diyos na kainin ng kapuwa mga hayop at mga tao. (Genesis 1:29, 30; 7:14-16) Iyan ay hindi nagbago kundi pagkatapos ng Baha, gaya ng ipinakikita ng Genesis 9:2-5.
Kung gayon, kumusta naman ang babala ng Diyos kay Cain, gaya ng ating mababasa sa Genesis 4:7? Tunay na ang larawan ng isang mabangis na hayop na nakayukyok at handang manakmal ng biktima ay madaling maunawaan noong kaarawan ni Moises, at tayo man ay nakauunawa niyaon. Kaya, muli, marahil gumagamit si Moises ng pananalitang nababagay sa mga mambabasa na pamilyar na sa sanlibutang umiral pagkatapos ng Baha. At kahit na hindi pa nakakakita si Cain ng gayong hayop, kaypala’y maiintindihan niya ang babala na ang kaniyang makasalanang pagnanasa ay inihalintulad sa isang nagugutom, dayupay na hayop.
Ang pangunahing mga aspekto na nagkaroon ng lalong malaking epekto sa atin ay ang mga ito: Ang kabaitan ng Diyos sa pagbibigay-babala kay Cain, ang kahalagahan ng mapakumbabang pagtanggap ng payo, gaano kadali mapasásamâ ng pagkainggit ang isa, at kung gaano natin dapat na dibdibin ang iba pang banal na mga babala na inilagay ng Diyos sa Kasulatan para sa atin.—Exodo 18:20; Eclesiastes 12:12; Ezekiel 3:17-21; 1 Corinto 10:11; Hebreo 12:11; Santiago 1:14, 15; Judas 7, 11.