KABANATA 7
Tularan ang Pagpapahalaga ng Diyos sa Buhay
“Nasa iyo ang bukal ng buhay.”—AWIT 36:9.
1, 2. Anong mahalagang regalo ang ibinigay ni Jehova sa atin?
BINIGYAN tayo ni Jehova ng napakagandang regalo—ang ating buhay. (Genesis 1:27) Gusto niyang maging masaya ang buhay natin. Kaya nagbigay siya ng mga prinsipyo na nagtuturo sa atin kung paano gagawa ng tamang desisyon. Dapat nating gamitin ang mga prinsipyong ito para “makilala ang tama at mali.” (Hebreo 5:14) Kapag ginawa natin ito, hinahayaan nating sanayin tayo ni Jehova na mag-isip na mabuti. Habang namumuhay tayo ayon sa mga prinsipyo ng Diyos at nakikita kung paano nagiging mas masaya ang buhay natin dahil dito, naiintindihan natin kung gaano kahalaga ang mga ito.
2 Puwedeng maging komplikado ang buhay. Madalas, napapaharap tayo sa mga sitwasyong walang direktang batas sa Bibliya. Halimbawa, baka kailangan nating magdesisyon tungkol sa paraan ng paggamot na ginagamitan ng dugo. Paano tayo makakagawa ng desisyon na magpapasaya kay Jehova? May mga prinsipyo sa Bibliya na nagtuturo sa atin ng pananaw ni Jehova sa buhay at dugo. Kung naiintindihan natin ang mga prinsipyong ito, makakagawa tayo ng matatalinong desisyon at mananatiling malinis ang konsensiya natin. (Kawikaan 2:6-11) Tingnan natin ang ilan sa mga prinsipyong iyon.
ANO ANG PANANAW NG DIYOS SA BUHAY AT DUGO?
3, 4. (a) Paano ipinakita ng Diyos ang pananaw niya tungkol sa dugo? (b) Ano ang inilalarawan ng dugo?
3 Itinuturo ng Bibliya na ang dugo ay banal dahil lumalarawan ito sa buhay. At ang buhay ay mahalaga kay Jehova. Pagkatapos patayin ni Cain ang kapatid niya, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng kapatid mo.” (Genesis 4:10) Ang dugo ni Abel ay lumalarawan sa buhay niya; nang sabihin ni Jehova ang tungkol sa dugo ni Abel, tinutukoy niya ang buhay ni Abel.
4 Pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe, pinayagan ng Diyos ang mga tao na kumain ng karne. Pero direkta niyang sinabi: “Huwag ninyong kakainin ang laman kasama ang buhay nito—ang dugo nito.” (Genesis 9:4) Ang utos na ito ay para sa lahat ng inapo ni Noe, kasama na tayo. Para kay Jehova, maliwanag na ang dugo ay lumalarawan sa buhay. Ganiyan din dapat ang maging pananaw natin sa dugo.—Awit 36:9.
5, 6. Paano ipinapakita ng Kautusan ni Moises ang pananaw ni Jehova sa buhay at dugo?
5 Sa Kautusan na ibinigay ni Jehova kay Moises, sinabi Niya: “Kung ang sinuman . . . ay kumain ng anumang uri ng dugo, tiyak na itatakwil ko ang taong kumain ng dugo, at papatayin ko siya. Dahil ang buhay ng isang nilikha ay nasa dugo.”—Levitico 17:10, 11.
6 Sa Kautusan ni Moises, kapag nagkatay ang isang tao ng hayop para kainin, kailangan niyang patuluin sa lupa ang dugo nito. Ipinapakita nito na ang buhay ng hayop ay ibinabalik sa Maylalang nito, si Jehova. (Deuteronomio 12:16; Ezekiel 18:4) Pero hindi naman umaasa si Jehova na sasairin nang husto ng mga Israelita ang dugo ng hayop. Basta sinikap nilang maalis ang dugo, makakain nila ang karne nito nang may malinis na konsensiya. Kapag nagpapakita sila ng paggalang sa dugo ng hayop, iginagalang nila ang Tagapagbigay ng buhay, si Jehova. Sinasabi rin ng Kautusan na dapat maghandog ang mga Israelita ng hayop para mapatawad ang kasalanan nila.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 19 at 20.
7. Paano ipinakita ni David na iginagalang niya ang dugo?
7 Makikita natin ang halaga ng dugo sa ginawa ni David noong nakikipaglaban siya sa mga Filisteo. Nakita ng mga tauhan ni David na uhaw na uhaw na siya, kaya pumunta sila sa teritoryo ng kalaban at isinapanganib ang buhay nila para ikuha siya ng tubig. Pero nang dalhin nila ito kay David, hindi niya ito ininom kundi “ibinuhos niya iyon para kay Jehova.” Sinabi ni David: “O Jehova, hinding-hindi ko magagawang inumin ang dugo ng mga lalaking nagsapanganib ng buhay nila!” Alam ni David kung gaano kahalaga sa Diyos ang buhay at dugo.—2 Samuel 23:15-17.
8, 9. Ano ang dapat na maging pananaw sa ngayon ng mga Kristiyano sa dugo?
8 Noong panahon ng unang mga Kristiyano, hindi na kailangang maghandog ng hayop ang bayan ng Diyos. Pero mahalaga pa rin na tama ang pananaw nila sa dugo. Ang ‘pag-iwas sa dugo’ ay isang bahagi ng Kautusan na ipinatupad pa rin ni Jehova sa mga Kristiyano. Kasinghalaga ito ng pag-iwas sa imoralidad o idolatriya.—Gawa 15:28, 29.
9 Bilang mga Kristiyano sa ngayon, alam din nating si Jehova ang Bukal ng buhay at lahat ng buhay ay sa kaniya. Alam din natin na ang dugo ay banal at lumalarawan sa buhay. Kaya pinag-iisipan natin ang mga prinsipyo sa Bibliya kapag gumagawa ng desisyon tungkol sa paraan ng paggamot na ginagamitan ng dugo.
ANG GAMIT NG DUGO SA MEDISINA
10, 11. (a) Ano ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa pagsasalin ng purong dugo o ng apat na pangunahing sangkap nito? (b) Anong personal na mga desisyon ang kailangang gawin ng bawat Kristiyano?
10 Naiintindihan ng mga Saksi ni Jehova na ang ‘pag-iwas sa dugo’ ay hindi lang basta hindi pagkain o pag-inom nito. Hindi rin tayo nagpapasalin ng dugo, nagdo-donate ng dugo, at nag-iimbak ng sariling dugo para magamit kapag kailangan. Hindi rin tayo tumatanggap ng alinman sa apat na pangunahing sangkap ng dugo—pulang selula, puting selula, platelet, at plasma.
11 Ang apat na pangunahing sangkap na ito ng dugo ay puwedeng pagkunan ng mas maliliit na bahagi na tinatawag na blood fractions. Ang bawat Kristiyano ang magdedesisyon kung tatanggap siya ng blood fractions o hindi. Ganiyan din sa paraan ng paggamot na ginagamitan ng sariling dugo ng pasyente. Ang bawat isa ang magdedesisyon kung paano gagamitin ang dugo niya sa panahon ng operasyon, medical test, o therapy.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 21.
12. (a) Bakit mahalaga kay Jehova ang mga desisyong batay sa konsensiya natin? (b) Paano tayo makakapili ng tamang paraan ng paggamot?
12 Mahalaga ba talaga kay Jehova ang mga desisyong batay sa konsensiya natin? Oo. Interesado si Jehova sa iniisip at motibo natin. (Basahin ang Kawikaan 17:3; 24:12.) Kaya naman kapag gumagawa tayo ng desisyon tungkol sa paraan ng paggamot, kailangan nating manalangin para sa patnubay ni Jehova at mag-research tungkol dito. Pagkatapos, ginagamit natin ang ating konsensiya na sinanay sa Bibliya para gumawa ng desisyon. Hindi natin dapat tanungin ang iba kung ano ang gagawin nila kung sila ang nasa sitwasyon natin, at hindi rin nila tayo dapat impluwensiyahan. Ang bawat Kristiyano ang “magdadala ng sarili niyang pasan.”—Galacia 6:5; Roma 14:12.
MAKIKITA SA MGA BATAS NI JEHOVA ANG PAG-IBIG NIYA SA ATIN
13. Ano ang itinuturo tungkol kay Jehova ng mga batas at prinsipyo niya tungkol sa dugo?
13 Lahat ng hinihiling ni Jehova sa atin ay para sa ikabubuti natin at dahil mahal niya tayo. (Awit 19:7-11) Pero hindi tayo sumusunod sa kaniya dahil lang sa pakinabang. Sumusunod tayo sa kaniya dahil mahal natin siya. Dahil mahal natin si Jehova, hindi tayo nagpapasalin ng dugo. (Gawa 15:20) Naiingatan din nito ang kalusugan natin. Alam ng karamihan ng tao ngayon na may panganib sa pagpapasalin ng dugo, at maraming doktor ang naniniwala na mas makakabuti sa pasyente na hindi gumamit ng dugo sa operasyon. Kitang-kita ang karunungan at pag-ibig sa mga utos ni Jehova.—Basahin ang Isaias 55:9; Juan 14:21, 23.
14, 15. (a) Anong mga batas ang ibinigay ni Jehova sa bayan niya para protektahan sila? (b) Paano mo masusunod ang mga prinsipyong nasa likod ng mga batas na iyon?
14 Laging para sa ikabubuti ng mga lingkod ng Diyos ang mga utos niya. Nagbigay si Jehova ng mga batas sa sinaunang Israel para hindi sila maaksidente nang malubha. Halimbawa, inutusan ang mga may-ari ng bahay na gumawa ng mababang pader sa kanilang patag na bubong para walang mahulog doon. (Deuteronomio 22:8) Ang isa pang batas ay tungkol sa mga hayop. Kung ang isang tao ay may alagang toro na nanunuwag, dapat niya itong talian o ikulong para hindi ito makapanuwag o makapatay ng tao. (Exodo 21:28, 29) Kung hindi susundin ng isang Israelita ang mga iyon, kasalanan niya kapag may namatay.
15 Makikita natin sa mga batas na ito na ang buhay ay mahalaga kay Jehova. Ano ang dapat na maging epekto nito sa atin? Makikita ang pagpapahalaga natin sa buhay sa pangangalaga natin ng bahay at pagmamantini ng sasakyan, sa pagmamaneho, at sa pagpili ng libangan. Malalakas ang loob ng ilan, lalo na ng mga kabataan, kaya kahit delikado ang isang bagay, ginagawa pa rin nila ito at binabale-wala ang panganib. Pero gusto ni Jehova na ituring nating mahalaga ang buhay—ang buhay natin at ng iba.—Eclesiastes 11:9, 10.
16. Ano ang tingin ni Jehova sa aborsiyon?
16 Mahalaga kay Jehova ang buhay ng sinumang tao. Kahit ang sanggol na ipinagbubuntis pa lang ay mahalaga sa kaniya. Sa Kautusan ni Moises, kapag aksidenteng nasaktan ng isang tao ang isang buntis at namatay ito o ang sanggol nito, itinuturing ni Jehova na nagkasala ng pagpatay ang taong iyon. Ibig sabihin, kahit aksidente lang ang nangyari, pero dahil may namatay, kailangan itong panagutan. (Basahin ang Exodo 21:22, 23.) Para sa Diyos, kahit hindi pa naipapanganak ang isang sanggol, isa na itong buháy na persona. Kaya ano sa tingin mo ang pananaw ng Diyos sa aborsiyon? Ano kaya ang nararamdaman niya kapag nakikita niyang milyon-milyong sanggol ang ipinapalaglag taon-taon?
17. Ano ang makapagpapagaan ng loob ng isang babae na nagpalaglag bago niya makilala si Jehova?
17 Paano kung nagpalaglag ang isang babae bago niya matutuhan ang pananaw ni Jehova rito? Makakatiyak siyang patatawarin siya ni Jehova salig sa pantubos ni Jesus. (Lucas 5:32; Efeso 1:7) Ang isang babae na nakagawa ng ganoong kasalanan ay hindi na dapat makonsensiya kung talagang nagsisisi siya. “Si Jehova ay maawain at mapagmalasakit . . . Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilalayo sa atin ang mga kasalanan natin.”—Awit 103:8-14.
IWASANG MAPOOT
18. Bakit dapat nating gawin ang lahat para maalis ang poot sa puso natin?
18 Ang pagpapahalaga sa buhay na regalo ng Diyos ay nagmumula sa puso natin. Kasama rito ang damdamin natin sa iba. “Ang bawat isa na napopoot sa kapatid niya ay mamamatay-tao,” ang isinulat ni apostol Juan. (1 Juan 3:15) Kapag ayaw natin sa isang tao, puwede itong mauwi sa pagkapoot nang hindi natin namamalayan. Kapag napopoot ka sa iba, puwede kang mawalan ng galang sa kanila, gumawa ng tsismis tungkol sa kanila, o isipin pa ngang mamatay na sana sila. Alam ni Jehova ang nadarama natin sa iba. (Levitico 19:16; Deuteronomio 19:18-21; Mateo 5:22) Kung mapansin nating napopoot tayo sa isang tao, sikaping maalis ang damdaming iyon.—Santiago 1:14, 15; 4:1-3.
19. Ano ang dapat nating gawin kapag nalaman natin ang pananaw ni Jehova sa karahasan?
19 May isa pang paraan para maipakitang pinapahalagahan natin ang buhay. Sa Awit 11:5, nalaman natin na “napopoot [si Jehova] sa sinumang mahilig sa karahasan.” Kung mararahas na libangan ang pinipili natin, baka ipinapakita nitong mahilig tayo sa karahasan. Hindi natin gugustuhing maglagay ng masasamang salita, ideya, at larawan sa isip natin. Sa halip, gusto nating punuin ang isip natin ng malilinis na bagay.—Basahin ang Filipos 4:8, 9.
IWASAN ANG MGA ORGANISASYONG WALANG PAGPAPAHALAGA SA BUHAY
20-22. (a) Ano ang tingin ni Jehova sa sanlibutan ni Satanas? (b) Paano maipapakita ng bayan ng Diyos na ‘hindi sila bahagi ng sanlibutan’?
20 Walang pagpapahalaga sa buhay ang sanlibutan ni Satanas, kaya para kay Jehova, mamamatay-tao sila. Sa loob ng daan-daang taon, milyon-milyon na ang namatay dahil sa politika, kasama na ang maraming lingkod ni Jehova. Sa Bibliya, ang politikal na mga kapangyarihan, o mga gobyerno, ay inilalarawan bilang mababangis na hayop. (Daniel 8:3, 4, 20-22; Apocalipsis 13:1, 2, 7, 8) Sa ngayon, malaking negosyo ang pagbebenta ng nakamamatay na mga armas. Malaki kasi ang kinikita rito. Maliwanag, “ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.”—1 Juan 5:19.
21 Pero ‘hindi bahagi ng sanlibutan’ ang mga tunay na Kristiyano. Neutral sila sa politika at digmaan. Hindi sila pumapatay, at hindi rin sila sumusuporta sa mga organisasyong pumapatay ng tao. (Juan 15:19; 17:16) Kapag pinag-uusig, hindi sila gumaganti ng karahasan. Itinuro ni Jesus na dapat nating mahalin kahit ang mga kaaway natin.—Mateo 5:44; Roma 12:17-21.
22 Milyon-milyon din ang namamatay dahil sa relihiyon. Tungkol sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, sinasabi ng Bibliya: “Nakita sa kaniya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat ng pinatay sa lupa.” Naiintindihan mo ba kung bakit iniuutos ni Jehova sa atin: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko”? Ang mga sumasamba kay Jehova ay hindi bahagi ng huwad na relihiyon.—Apocalipsis 17:6; 18:2, 4, 24.
23. Ano ang kailangan para ‘makalabas’ sa Babilonyang Dakila?
23 Para ‘makalabas’ sa Babilonyang Dakila, kailangan nating tiyakin na hindi na tayo bahagi ng huwad na relihiyon. Halimbawa, baka kailangan nating ipatanggal ang pangalan natin sa listahan ng mga miyembro ng dati nating relihiyon. Kailangan din nating kapootan at iwasan ang masasamang gawain ng huwad na relihiyon. Kinukunsinti at itinataguyod ng huwad na relihiyon ang imoralidad, politika, at kasakiman. (Basahin ang Awit 97:10; Apocalipsis 18:7, 9, 11-17) Kaya naman sa lumipas na mga taon, milyon-milyong buhay ang nawala.
24, 25. Paano nagdudulot ng kapayapaan at malinis na konsensiya ang pagkakilala kay Jehova?
24 Bago natin makilala si Jehova, baka sumusuporta tayo sa masasamang gawain ng sanlibutan ni Satanas. Pero nagbago na tayo. Tinanggap na natin ang pantubos at inialay ang buhay natin sa Diyos. Nararanasan na natin ang “mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay Jehova.” Payapa tayo at malinis ang konsensiya, dahil alam nating napapasaya natin ang Diyos.—Gawa 3:19; Isaias 1:18.
25 Kahit bahagi tayo noon ng organisasyong walang pagpapahalaga sa buhay, mapapatawad tayo ni Jehova salig sa pantubos. Talagang pinapahalagahan natin ang buhay na regalo ni Jehova. Maipapakita natin ang pagpapahalaga kung sisikapin nating tulungan ang iba na makilala si Jehova, humiwalay sa sanlibutan ni Satanas, at maging malapít na kaibigan ng Diyos.—2 Corinto 6:1, 2.
SABIHIN SA IBA ANG TUNGKOL SA KAHARIAN
26-28. (a) Anong espesyal na atas ang ibinigay ni Jehova kay Ezekiel? (b) Ano ang hinihiling sa atin ni Jehova ngayon?
26 Sa sinaunang Israel, sinabi ni Jehova kay propeta Ezekiel na babalaan ang bayan na malapit nang wasakin ang Jerusalem at sabihin sa kanila ang dapat nilang gawin para maligtas. Kung hindi bababalaan ni Ezekiel ang bayan, mananagot siya kay Jehova kapag namatay sila. (Ezekiel 33:7-9) Ipinakita ni Ezekiel na mahalaga sa kaniya ang buhay kaya ginawa niya ang lahat para sabihin ang mahalagang mensaheng iyon.
27 Inatasan din tayo ni Jehova na babalaan ang mga tao na malapit nang puksain ang sanlibutan ni Satanas at tulungan silang makilala si Jehova at makapasok sa bagong sanlibutan. (Isaias 61:2; Mateo 24:14) Gusto nating gawin ang buong makakaya natin para sabihin sa iba ang mensaheng iyon. Gusto rin nating masabi ang sinabi ni Pablo: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao, dahil hindi ko ipinagkait na sabihin sa inyo ang lahat ng kalooban ng Diyos.”—Gawa 20:26, 27.
28 Kailangan din nating maging malinis sa iba pang bahagi ng buhay natin. Iyan ang pag-aaralan natin sa susunod na kabanata.