-
“Lubos Niyang Napalugdan ang Diyos”Ang Bantayan (Pampubliko)—2017 | Blg. 1
-
-
“INILIPAT UPANG HINDI MAKAKITA NG KAMATAYAN”
Paano namatay si Enoc? Parang mas misteryoso at nakaiintriga pa ang kamatayan niya kaysa sa kaniyang buhay. Ganito lang ang sinabi sa Genesis: “Si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos. Pagkatapos ay nawala na siya, sapagkat kinuha siya ng Diyos.” (Genesis 5:24) Paano kinuha ng Diyos si Enoc? Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan, at hindi siya masumpungan saanman sapagkat inilipat siya ng Diyos; sapagkat bago pa ang pagkakalipat sa kaniya ay nagkaroon siya ng patotoo na lubos niyang napalugdan ang Diyos.” (Hebreo 11:5) Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa mga salitang “inilipat upang hindi makakita ng kamatayan”? Sinasabi sa ilang salin ng Bibliya na dinala ng Diyos si Enoc sa langit. Pero imposible iyon. Ayon sa Bibliya, si Jesu-Kristo ang kauna-unahang binuhay-muli tungo sa langit.—Juan 3:13.
Kung gayon, sa anong diwa “inilipat” si Enoc para “hindi makakita ng kamatayan”? Malamang na unti-unting inilipat ni Jehova si Enoc mula sa buhay tungo sa kamatayan, para hindi niya maranasan ang anumang kirot ng kamatayan. Pero bago iyon, napatunayan ni Enoc na “lubos niyang napalugdan ang Diyos.” Paano? Bago siya mamatay, nakakita si Enoc ng pangitain mula sa Diyos, malamang na ang paraisong lupa. Sa napakalinaw na katibayang iyon ng pagsang-ayon ni Jehova, si Enoc ay natulog sa kamatayan. Tungkol kay Enoc at sa iba pang tapat na mga lalaki’t babae, sumulat si apostol Pablo: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay.” (Hebreo 11:13) Malamang na hinanap ng mga kaaway ni Enoc ang kaniyang katawan, pero “hindi siya masumpungan saanman,” marahil dahil pinaglaho ito ni Jehova para hindi nila ito lapastanganin o gamitin sa maling pagsamba.b
Habang isinasaisip ang mga impormasyong nabanggit na, subukan nating ilarawan kung paano maaaring namatay si Enoc. Tandaan na isa lang ito sa mga posibilidad. Isiping tumatakas si Enoc, at pagód na pagód na. Hinahabol siya ng mga mang-uusig na galít na galít sa kaniyang mensahe ng paghatol. Nakahanap si Enoc ng matataguan para makapagpahinga, pero alam niyang hindi pa rin siya ligtas. Isang marahas na kamatayan ang nag-aabang sa kaniya. Habang nagpapahinga, nanalangin siya sa kaniyang Diyos. At nakadama siya ng matinding kapayapaan. Napakalinaw ng pangitain anupat parang dinala siya sa isang malayong lugar.
Isipin na isang tanawin ang nakita niya, isang mundo na ibang-iba sa kinabubuhayan niya. Para sa kaniya, kasingganda ito ng hardin ng Eden, pero walang mga kerubin na nagbabantay para hindi makapasok ang mga tao. Napakaraming lalaki at babae—lahat ay malusog at malakas. Payapa ang lahat. Walang bakas ng poot o pang-uusig dahil sa relihiyon, na mismong nararanasan ni Enoc. Nadama ni Enoc ang pagtitiwala, pag-ibig, at pagsang-ayon ni Jehova. Alam niyang dito siya nababagay; ito ang magiging tahanan niya. Habang unti-unti siyang napapanatag, ipinikit ni Enoc ang kaniyang mga mata at natulog nang napakahimbing.
At iyan pa rin ang kalagayan niya hanggang sa ngayon—natutulog sa kamatayan, na iniingatan sa alaala ng Diyos na Jehova! Gaya ng ipinangako ni Jesus nang maglaon, darating ang panahon na lahat ng nasa alaala ng Diyos ay makaririnig sa tinig ni Kristo at lalabas sa libingan, anupat magigising sa isang maganda at mapayapang bagong sanlibutan.—Juan 5:28, 29.
-
-
“Lubos Niyang Napalugdan ang Diyos”Ang Bantayan (Pampubliko)—2017 | Blg. 1
-
-
b Tiniyak din ng Diyos na ang katawan ni Moises at ni Jesus ay hindi magagamit sa maling paraan.—Deuteronomio 34:5, 6; Lucas 24:3-6; Judas 9.
-