Minamalas Mo ba ang Mararahas Gaya ng Pangmalas ng Diyos?
Malaon nang hinahangaan at pinararangalan ng mga tao ang makapangyarihang mga lalaki, yaong mga nagpapamalas ng kahanga-hangang pisikal na kalakasan at katapangan. Isa sa gayong lalaki ay isang bayani sa mitolohiya ng sinaunang Gresya, si Heracles, o Hercules, gaya ng pagkakilala sa kaniya ng mga Romano.
SI Heracles ay isang bantog na bayani, ang pinakamakapangyarihan sa mga mandirigma. Ayon sa alamat, isa siyang nakabababang diyos, ang anak ng Griegong diyos na si Zeus, at ni Alcmene, isang taong ina. Ang kaniyang mga kabayanihan ay nagsimula samantalang siya’y isang sanggol pa lamang na nasa duyan. Nang magpadala ang isang naninibughong diyosa ng dalawang malalaking serpiyente upang patayin siya, sinakal ni Heracles ang mga ito. Sa dakong huli ng kaniyang buhay ay nakipaglaban siya sa mga digmaan, iginupo niya ang dambuhalang mga halimaw, at nakipaghamok kay Kamatayan upang iligtas ang isang kaibigan. Winasak din niya ang mga lunsod, hinalay ang mga babae, inihagis ang isang bata mula sa isang tore, at pinaslang ang kaniyang asawa at mga anak.
Bagaman hindi tunay na tao, matagal na panahon nang itinampok si Heracles sa mga alamat ng sinaunang mga lupain na kilalá ng mga Griego. Sinamba siya ng mga Romano bilang isang diyos; ang mga mangangalakal at mga manlalakbay ay dumalangin sa kaniya para sa kasaganaan at proteksiyon mula sa panganib. Ang mga kuwento tungkol sa kaniyang mga kabayanihan ay nakabighani sa mga tao sa loob ng libu-libong taon.
Ang Pinagmulan ng Alamat
Ang mga kuwento ba ni Heracles at ng iba pang mga bayani sa mitolohiya ay may saligan ng katotohanan? Sa diwa, maaaring mayroon. Binabanggit ng Bibliya ang isang panahon, maaga sa kasaysayan ng tao, nang ang “mga diyos” at “nakabababang mga diyos” ay talagang lumakad sa lupa.
Sa paglalarawan ng panahong iyan, si Moises ay sumulat: “At nangyari, nang magpasimulang dumami ang mga tao sa ibabaw ng lupa at maipanganak sa kanila ang mga anak na babae, nang magkagayon ay napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.”—Genesis 6:1, 2.
Ang “mga anak ng tunay na Diyos” na yaon ay hindi naman mga tao; sila’y mga anghel na anak ng Diyos. (Ihambing ang Job 1:6; 2:1; 38:4, 7.) Isinalaysay ng manunulat ng Bibliya na si Judas na ang ilang anghel ay “hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako.” (Judas 6) Sa ibang pananalita, kanilang iniwan ang itinalagang dako nila sa makalangit na organisasyon ng Diyos dahil higit nilang pinili na mamuhay kasama ng naggagandahang babae sa lupa. Idinagdag pa ni Judas na ang mapaghimagsik na mga anghel na ito ay kagaya ng mga tao ng Sodoma at Gomorra, na ‘nakiapid nang labis-labis at humanap ng laman para sa di-likas na paggamit.’—Judas 7.
Hindi ibinibigay ng Bibliya ang kumpletong detalye hinggil sa mga gawain ng masuwaying mga anghel na ito. Gayunman, ang sinaunang mga alamat ng Gresya at ng iba pang dako ay naglalarawan ng tungkol sa maraming diyos at diyosa na nakihalubilo sa sangkatauhan, ito man ay nakikita o di-nakikita. Kapag nag-aanyong tao, taglay nila ang labis na kagandahan. Kumain sila, uminom, natulog, at nakipagtalik sa isa’t isa at sa mga tao. Bagaman ipinalalagay na banal at imortal, sila’y nagsinungaling at nanlinlang, nakipag-away at nakipaglaban, nang-akit at nanghalay. Ang gayong mga salaysay sa mitolohiya ay maaaring nagpapaaninaw, bagaman sa isang pinaganda at pinilipit na anyo, ng aktuwal na mga kalagayan bago ang Baha na binanggit sa aklat ng Bibliya na Genesis.
Mga Makapangyarihan Noong Sinauna, Mga Lalaking Bantog
Ang masuwaying mga anghel na nagkatawang-tao ay nakipagtalik sa mga babae, at nagkaanak ang mga babae. Hindi ordinaryong mga bata ang mga ito. Sila ay mga Nefilim, kalahating tao at kalahating anghel. Sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Ang mga Nefilim ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at pagkatapos din niyaon, nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao at ang mga ito ay manganak ng mga lalaki sa kanila, sila ang mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog.”—Genesis 6:4.
Ang salitang Hebreo na “nefilim” ay literal na nangangahulugang “mga tagapagbagsak,” yaong nagbubuwal ng iba, o nagiging dahilan ng pagbagsak ng iba, sa pamamagitan ng mararahas na gawa. Kaya naman, hindi nakapagtataka na idinagdag ng salaysay ng Bibliya: “Ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:11) Ang nakabababang mga diyos sa mitolohiya, tulad ni Heracles at ang bayani ng Babilonya na si Gilgamesh, ay katulad na katulad ng mga Nefilim.
Pansinin na ang mga Nefilim ay tinawag na “mga makapangyarihan” at “mga lalaking bantog.” Di-tulad ng matuwid na lalaking si Noe, na nabuhay noong panahon ding iyon, ang mga Nefilim ay hindi interesado sa pagtataguyod ng kabantugan ni Jehova. Sila’y interesado sa kanilang sariling kabantugan, kaluwalhatian, at reputasyon. Sa pamamagitan ng makapangyarihang mga gawa, na walang alinlangang nagsangkot ng karahasan at pagdanak ng dugo, natamo nila ang hinahangad nilang kabantugan mula sa di-makadiyos na daigdig sa palibot nila. Sila ang mga bayani ng kanilang kaarawan—kinatatakutan, iginagalang, at waring di-malulupig.
Bagaman tinamasa ng mga Nefilim at ng kanilang ibinulid na mga anghel na ama ang kabantugan sa paningin ng kanilang mga kapanahon, tiyak na hindi sila kapuri-puri sa paningin ng Diyos. Kasuklam-suklam ang kanilang paraan ng pamumuhay. Bunga nito, kumilos ang Diyos laban sa nagkasalang mga anghel. Sumulat si apostol Pedro: “Ang Diyos nga ay hindi nagpigil sa pagpaparusa sa mga anghel na nagkasala, kundi, sa pamamagitan ng paghahagis sa kanila sa Tartaro, dinala sila sa mga hukay ng pusikit na kadiliman upang itaan sa paghuhukom; at hindi siya nagpigil sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan, kundi iningatang ligtas si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 2:4, 5.
Noong pangglobong Baha, iniwan ng mapaghimagsik na mga anghel ang kanilang mga katawang-tao at kahiya-hiya silang bumalik sa dako ng mga espiritu. Pinarusahan sila ng Diyos at hindi na sila pinahintulutan na muling magkatawang-tao. Ang mga Nefilim, ang nakahihigit-sa-taong supling ng masuwaying mga anghel, ay nalipol lahat. Tanging si Noe at ang kaniyang maliit na pamilya ang nakaligtas sa Delubyo.
Mga Lalaking Bantog Ngayon
Sa ngayon, wala nang mga diyos at mga nakabababang diyos sa lupa. Gayunman, palasak ang karahasan. Ang mga lalaking bantog ngayon ay niluluwalhati sa mga aklat, mga pelikula, telebisyon, at musika. Hindi nila kailanman iisipin na ibigay ang kanilang kabilang pisngi, na ibigin ang kanilang mga kaaway, na makipagpayapaan, na magpatawad, o umiwas sa karahasan. (Mateo 5:39, 44; Roma 12:17; Efeso 4:32; 1 Pedro 3:11) Sa halip, ang makabagong-panahong mga makapangyarihang tao ay hinahangaan dahil sa kanilang lakas at dahil sa kanilang kakayahan na makipaglaban, na ipaghiganti ang kanilang mga sarili, at gantihan ang karahasan ng nakahihigit na karahasan.a
Ang pangmalas ng Diyos sa gayong mga lalaki ay hindi nagbago mula noong kaarawan ni Noe. Hindi humahanga si Jehova sa mga maibigin sa karahasan, ni nalilibang man siya sa kanilang mga kabayanihan. Ang salmista ay umawit: “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.”—Awit 11:5.
Isang Naiibang Uri ng Kalakasan
Ibang-iba sa makapangyarihang mga lalaki ng karahasan ang pinakabantog na taong nabuhay kailanman, si Jesu-Kristo, isang mapayapang lalaki. Samantalang nasa lupa ay “wala siyang ginawang karahasan.” (Isaias 53:9) Nang dumating ang kaniyang mga kaaway upang dakpin siya sa halamanan ng Getsemani, ang kaniyang mga tagasunod ay may dalang mga tabak. (Lucas 22:38, 47-51) Maaari sana silang bumuo ng isang pulutong na makikipaglaban upang mahadlangan ang pagdadala sa kaniya sa mga Judio.—Juan 18:36.
Sa katunayan, hinugot ni apostol Pedro ang kaniyang tabak upang ipagtanggol si Jesus, ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:51, 52) Oo, ang karahasan ay sinusuklian din ng karahasan, gaya ng paulit-ulit na ipinakita ng kasaysayan ng tao. Maliban sa pagkakataon na ipagtanggol ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga sandata, may iba pang paraan ng pagtatanggol si Jesus. Pagkatapos ay sinabi niya kay Pedro: “Iniisip mo ba na hindi ako makahihiling sa aking Ama na paglaanan ako sa sandaling ito ng mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel?”—Mateo 26:53.
Sa halip na bumaling sa karahasan o sa proteksiyon ng mga anghel, hinayaan ni Jesus na siya ay dakpin niyaong mga pumatay sa kaniya. Bakit? Ang isang dahilan ay na alam niya na hindi pa panahon para wakasan ng kaniyang makalangit na Ama ang kasamaan sa lupa. Sa halip na gumawa ng sariling paraan, nagtiwala si Jesus kay Jehova.
Hindi ito isang kalagayan ng kahinaan kundi ng matinding panloob na kalakasan. Ipinamalas ni Jesus ang matibay na pananampalataya na maiwawasto ni Jehova ang mga bagay-bagay sa Kaniyang sariling panahon at paraan. Dahilan sa kaniyang pagkamasunurin, si Jesus ay itinaas sa isang bantog na posisyon na pangalawa lamang kay Jehova mismo. Sumulat si apostol Pablo hinggil kay Jesus: “Nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos. Sa mismong dahilan ding ito ay itinaas siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”—Filipos 2:8-11.
Ang Pangako ng Diyos na Wakasan ang Karahasan
Ginagawang parisan ng tunay na mga Kristiyano sa kanilang buhay ang halimbawa at mga turo ni Jesus. Hindi nila hinahangaan o tinutularan ang makasanlibutang mga lalaking bantog at mararahas. Alam nila na sa takdang panahon ng Diyos, ang gayong mga lalaki ay lilipulin magpakailanman, na kasintiyak ng kung paano nilipol ang mga balakyot noong kaarawan ni Noe.
Ang Diyos ang Maylalang ng lupa at ng sangkatauhan. Siya rin ang nararapat na Soberano. (Apocalipsis 4:11) Kung ang isang hukom na tao ay may legal na awtoridad na maglapat ng mga hudisyal na pasiya, may higit pang awtoridad ang Diyos na gawin ito. Ang paggalang niya sa kaniyang sariling matuwid na mga simulain, maging ang pag-ibig niya sa mga umiibig sa kaniya, ay mag-uudyok sa kaniya na wakasan ang lahat ng kabalakyutan at yaong mga gumagawa nito.—Mateo 13:41, 42; Lucas 17:26-30.
Ito’y aakay sa namamalaging kapayapaan sa lupa, kapayapaan na matatag na nakasalig sa katarungan at katuwiran. Ito ay inihula sa kilalang hula tungkol kay Jesu-Kristo: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag ito nang matibay at upang alalayan ito sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.”—Isaias 9:6, 7.
May mabuting dahilan, kung gayon, na magbigay-pansin ang mga Kristiyano sa kinasihang payo noong sinauna: “Huwag kang mainggit sa taong marahas, ni piliin man ang alinman sa kaniyang mga lakad. Sapagkat ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid.”—Kawikaan 3:31, 32.
[Talababa]
a Ang mararahas na tauhan sa maraming video game at mga pelikulang kathang-isip sa siyensiya ay kadalasang nagpapaaninaw sa masahol pang mga katangiang ito ng kasamaan at karahasan.
[Blurb sa pahina 29]
ANG MAKABAGONG-PANAHONG MAKAPANGYARIHANG MGA TAO AY HINAHANGAAN DAHIL SA KANILANG LAKAS AT DAHIL SA KANILANG KAKAYAHAN NA GANTIHAN ANG KARAHASAN NG LABIS-LABIS NA KARAHASAN
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Alinari/Art Resource, NY