TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA
Siya ay “Lumakad na Kasama ng Tunay na Diyos”
INIUNAT ni Noe ang kaniyang likod at ang nananakit niyang mga kalamnan. Gunigunihing nakaupo siya sa isang malapad na kahoy, habang nagpapahinga at pinagmamasdan ang napakalaking arka. Malalanghap ang masangsang na amoy ng mainit na alkitran; maririnig ang maiingay na tunog ng mga kagamitan sa pagtatayo. Mula sa kaniyang kinauupuan, nakikita ni Noe ang kaniyang mga anak na abalang-abala sa pagtatrabaho. Ilang dekada na rin nilang ginagawa ang proyektong ito—si Noe, ang kaniyang mga anak, ang kani-kanilang asawa, at ang kaniyang mahal na asawa. Natapos na nila ang ilang bahagi ng arka, pero marami pa rin silang dapat gawin!
Iniisip ng mga tao na ang pamilyang ito ay nababaliw. Habang nagkakakorte ang arka, lalo naman silang natatawa dahil sa sinasabi ni Noe na delubyong magaganap sa buong lupa. Ang babalang iyan ni Noe ay waring isang malaking kalokohan! Hindi sila makapaniwalang sasayangin ng isang tao ang kaniyang buhay—at ang buhay ng kaniyang pamilya—sa gayong kamangmangan! Pero ibang-iba naman ang pananaw ng Diyos ni Noe, si Jehova, sa lalaking ito.
Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:9) Ano ang ibig sabihin niyan? Hindi sa ang Diyos ay lumakad sa lupa, o kaya nama’y pumunta si Noe sa langit. Sa halip, maingat na sinunod ni Noe at lubos na minahal ang kaniyang Diyos, anupat siya at si Jehova ay para bang magkasamang naglakad bilang magkaibigan. Makalipas ang libu-libong taon, sinabi ng Bibliya tungkol kay Noe: ‘Sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya ay hinatulan niya ang sanlibutan.’ (Hebreo 11:7) Paano nangyari iyon? Ano ang matututuhan natin sa pananampalataya ni Noe?
MATUWID NA LALAKI SA LIKONG SANLIBUTAN
Lumaki si Noe sa isang sanlibutang pasamâ nang pasamâ. Masama na ito noon pa mang panahon ni Enoc, ang tatay ng lolo ni Noe at isa ring matuwid na taong lumakad na kasama ng Diyos. Inihula ni Enoc na may darating na araw ng paghuhukom sa masasamang tao sa daigdig. Noong panahon ni Noe, lalo pang sumamâ ang mga tao. Sa katunayan, sa paningin ni Jehova, ang lupa ay nasira dahil napuno ito ng karahasan. (Genesis 5:22; 6:11; Judas 14, 15) Bakit lalong sumamâ ang lupa?
May masamang nangyari sa gitna ng mga espiritung anak ng Diyos, ang mga anghel. Ang isa sa kanila ay nagrebelde na kay Jehova, at naging Satanas na Diyablo dahil siniraang-puri nito ang Diyos at inudyukan sina Adan at Eva na magkasala. Noong panahon naman ni Noe, nagrebelde ang iba pang mga anghel laban sa matuwid na pamamahala ni Jehova. Tinalikuran nila ang kanilang atas sa langit, bumaba sa lupa, nagkatawang-tao, at nakipag-asawa sa magagandang babae. Ang mayayabang at makasariling mga rebeldeng anghel na iyon ay naging napakasamang impluwensiya sa mga tao.—Genesis 3:1-5; 6:1, 2; Judas 6, 7.
Bukod diyan, ang di-likas na pagsasama ng mga nagkatawang-taong anghel at ng mga babaing tao ay nagbunga ng mga anak na lalaking may pambihirang laki at lakas. Ang tawag sa kanila sa Bibliya ay Nefilim, na literal na nangangahulugang “Mga Tagapagbuwal.” Lalo pang pinalalâ ng malulupit at mararahas na Nefilim ang masama nang kalagayan ng daigdig. Hindi nga kataka-takang sa paningin ng Maylalang, “ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.” Ipinasiya ni Jehova na lipulin ang masasamang taong iyon pagkatapos ng 120 taon.—Genesis 6:3-5.
Isipin na lang kung gaano kahirap magtaguyod ng pamilya noon! Pero nagawa iyon ni Noe. Nagkaroon siya ng mabuting asawa. Nang mag-500 taóng gulang na si Noe, nagkaanak sila ng tatlong lalaki—sina Sem, Ham, at Japet.a Dahil sa masasamang impluwensiya sa paligid, kinailangang protektahan ng mag-asawa ang kanilang mga anak. Karaniwan nang hangang-hanga ang mga batang lalaki sa “mga makapangyarihan” at “mga lalaking bantog” na gaya ng mga Nefilim. Hindi laging mahahadlangan ni Noe at ng kaniyang asawa na marinig ng kanilang mga anak ang mga balita tungkol sa ginagawa ng mga higanteng iyon. Pero maituturo naman nila sa kanila ang nakaaantig na katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova, ang isa na napopoot sa kasamaan. Dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak na maunawaang nasasaktan si Jehova sa karahasan at rebelyon sa daigdig.—Genesis 6:6.
Nauunawaan ng mga magulang ngayon ang naranasan nina Noe. Ang daigdig natin ay punô rin ng karahasan at rebelyon. Maging ang mga libangang pambata ay may gayunding mga tema. Sinisikap ng matatalinong magulang na labanan ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa Diyos ng kapayapaan, si Jehova, na balang araw ay tatapos sa lahat ng karahasan. (Awit 11:5; 37:10, 11) Posibleng magtagumpay! Nagtagumpay sina Noe. Ang kanilang mga anak ay lumaking mabubuting tao, at nakapag-asawa ng mga babaing inuuna rin sa kanilang buhay ang tunay na Diyos, si Jehova.
“GUMAWA KA PARA SA IYO NG ISANG ARKA”
Isang araw, nagbago ang buhay ni Noe. Sinabi ni Jehova sa kaniyang mahal na lingkod ang tungkol sa Kaniyang layuning wakasan ang sanlibutang iyon. Inutusan ng Diyos si Noe: “Gumawa ka para sa iyo ng isang arka mula sa kahoy ng isang madagtang punungkahoy.”—Genesis 6:14.
Ang arkang ito ay hindi barko, gaya ng ipinapalagay ng ilan. Para lang itong isang napakalaking kahon. Ibinigay ni Jehova kay Noe ang eksaktong sukat ng arka, ang ilang detalye ng disenyo, at ang tagubilin na balutan ito ng alkitran sa loob at sa labas. At sinabi niya kay Noe kung bakit: “Narito, dadalhin ko ang delubyo ng tubig sa ibabaw ng lupa . . . Bawat bagay na nasa lupa ay papanaw.” Pero sinabi rin ni Jehova kay Noe: “Pumasok ka sa arka, ikaw at ang iyong mga anak at ang iyong asawa at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.” Dapat din siyang magpasok ng mga hayop mula sa bawat uri nito. Tanging ang mga nasa loob lang ng arka ang makaliligtas sa Delubyo!—Genesis 6:17-20.
Napakabigat na trabaho ito para kay Noe. Ang arkang ipinagagawa ay napakalaki—mga 133 metro ang haba, 22 metro ang lapad, at 13 metro ang taas. Mas malaki ito kaysa sa pinakamalaking kahoy na barkong nagawa kailanman. Inurungan ba ni Noe ang atas na iyon, nagreklamo ba siya, o binago ba niya ang mga detalye para hindi siya mahirapan? Sinabi ng Bibliya: “Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.”—Genesis 6:22.
Inabot nang ilang dekada ang paggawa ng arka, marahil 40 hanggang 50 taon. Kinailangang magpatumba ng mga puno, maghakot ng mga troso, at magtabas ng mga bigang pagkakabit-kabitin. Ang arka ay dapat na may tatlong palapag, mga silid, at isang pintuan sa gilid. Malamang na may mga bintana ito sa itaas at padalisdis na bubong para hindi maipon doon ang tubig.—Genesis 6:14-16.
Habang lumilipas ang panahon at nagkakakorte ang arka, tiyak na tuwang-tuwa si Noe sa suporta ng kaniyang pamilya! Pero may iba pang gawain na maaaring mas mahirap pa kaysa sa paggawa ng arka. Sinasabi ng Bibliya na si Noe ay “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Kaya buong-tapang niyang pinangunahan ang pagbababala sa masama at di-makadiyos na lipunang iyon tungkol sa darating na kawakasan. Paano sila tumugon? Nang banggitin ni Jesu-Kristo ang tungkol sa panahong iyon, sinabi niyang “hindi sila nagbigay-pansin.” Ayon sa kaniya, abalang-abala ang mga ito sa pang-araw-araw na gawain—kumakain, umiinom, at nag-aasawa—anupat hindi sila nakinig kay Noe. (Mateo 24:37-39) Tiyak na marami ang tumuya kina Noe; maaaring may nagbanta pa nga at marahas na sumalansang.
Pero hindi sila sumuko. Tuloy pa rin sila sa paggawa ng arka kahit para sa mga tao, ito’y walang halaga, mali, o isang kalokohan. Kaya malaki ang matututuhan ng mga pamilyang Kristiyano ngayon sa pananampalataya nina Noe. Nabubuhay tayo ngayon sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw” ng sistemang ito ng sanlibutan. (2 Timoteo 3:1) Sinabi ni Jesus na magiging kagayang-kagaya ng panahon ni Noe ang panahon natin ngayon. Kapag ang mga tao ay hindi interesado sa mensahe ng Kaharian ng Diyos, nanunuya, o nang-uusig pa nga, makabubuting alalahanin ng mga Kristiyano si Noe. Hindi lang sila ang napaharap sa gayong mga hamon.
“PUMASOK KA . . . SA LOOB NG ARKA”
Lumipas pa ang ilang dekada, at patapos na ang arka. Habang papalapit ang ika-600 taon ni Noe, nawalan siya ng mga mahal sa buhay. Ang kaniyang amang si Lamec ay namatay.b Pagkalipas ng limang taon, ang ama naman ni Lamec na si Matusalem, lolo ni Noe, ang namatay sa edad na 969—ang pinakamahabang buhay ng tao na napaulat sa Bibliya. (Genesis 5:27) Sina Matusalem at Lamec ay mga kakontemporaryo ng unang taong si Adan.
Noong taon ding iyon, tumanggap ng bagong mensahe mula sa Diyos na Jehova ang patriyarkang si Noe: “Pumasok ka, ikaw at ang iyong buong sambahayan, sa loob ng arka.” Sinabi rin ng Diyos kay Noe na ipasok sa arka ang lahat ng uri ng hayop—tigpipitong malilinis na karapat-dapat ihandog, at ang iba pa ay tigdadalawa.—Genesis 7:1-3.
Tiyak na hindi malilimutan ang tanawing iyon. Mula sa malayo, makikita ang sunud-sunod na pagpasok ng daan-daang hayop na iba’t iba ang laki, hugis, at ugali—may naglalakad, may lumilipad, at may gumagapang. Nahirapan kaya si Noe na papasukin sa arka ang lahat ng maiilap at mababangis na hayop? Sinasabi ng ulat na “sila ay pumasok . . . kay Noe sa loob ng arka.”—Genesis 7:9.
Baka may magtanong: ‘Posible ba iyon? Puwede bang pagsama-samahin ang lahat ng mga hayop na iyon?’ Pag-isipan ito: Hindi ba kayang kontrolin, o paamuin at pasunurin pa nga, ng Maylalang ng uniberso ang mga hayop na nilalang niya? Tandaan, si Jehova ang Diyos na humati ng Dagat na Pula at pumigil sa paglubog ng araw. Kaya magagawa niya ang lahat ng pangyayaring inilarawan sa ulat tungkol kay Noe, at ginawa niya iyon.
Totoo, maaari namang iligtas ng Diyos sa ibang paraan ang mga hayop na nilalang niya. Pero pinili niya ang isang paraan na magpapaalaala sa atin sa tiwalang ibinigay niya sa mga tao nang atasan niya silang pangalagaan ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa lupa. (Genesis 1:28) Sa ngayon, ginagamit ng maraming magulang ang kuwento tungkol kay Noe para ituro sa kanilang mga anak na mahalaga kay Jehova ang mga tao at hayop na kaniyang nilalang.
Sinabi ni Jehova kay Noe na isang linggo na lang at darating na ang Delubyo. Isip-isipin ang napakaraming trabahong kailangang gawin ng pamilya—pagsasaayos sa mga hayop at pagkain ng mga ito at pagpapasok ng mga gamit ng pamilya sa loob ng arka. Ang asawa naman ni Noe at ang mga manugang nila ay maaaring nag-aayos ng isang lugar na magsisilbing tirahan nila sa arka.
Kumusta naman ang mga tao sa labas ng arka? ‘Hindi pa rin sila nagbigay-pansin’—kahit kitang-kita nang pinagpapala ni Jehova si Noe at ang kaniyang mga pagsisikap. Tiyak na napansin nila ang mga hayop na kusang pumapasok sa arka. Pero hindi na tayo dapat magtaka sa kanilang pagwawalang-bahala. Ang mga tao sa ngayon ay hindi rin nagbibigay-pansin sa napakaraming ebidensiyang nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. At gaya ng inihula ni apostol Pedro, ang mga manunuya ay darating, anupat tutuyain ang mga nakikinig sa babala ng Diyos. (2 Pedro 3:3-6) Tiyak na tinuya ng mga tao si Noe at ang kaniyang pamilya.
Kailan natapos ang panunuya? Ayon sa ulat, nang maipasok na ni Noe sa arka ang kaniyang pamilya at ang mga hayop, “isinara ni Jehova ang pinto sa likuran niya.” Kung may mga manunuyang malapit sa arka, tiyak na napatahimik sila sa ginawang iyon ng Diyos. Kung hindi man, siguradong napatahimik sila nang biglang umulan! At patuloy na bumuhos nang bumuhos ang ulan hanggang sa apawan nito ang buong lupa, gaya ng sinabi ni Jehova.—Genesis 7:16-21.
Ikinatuwa ba ni Jehova ang pagkamatay ng masasamang taong iyon? Hindi! (Ezekiel 33:11) Sa kabaligtaran, binigyan niya sila ng pagkakataong magbago at gawin ang tama. Magagawa ba nila iyon? Nasagot iyan ng naging buhay ni Noe. Sa paglakad na kasama ng Diyos na Jehova at pagsunod sa Kaniya sa lahat ng bagay, ipinakita ni Noe na posibleng maligtas ang isa. Sa diwa, hinatulan ng kaniyang pananampalataya ang sanlibutan noong panahon niya; napatunayan ni Noe na posibleng mamuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos. Dahil sa kaniyang pananampalataya, nakaligtas siya at ang kaniyang pamilya. Kung tutularan mo ang pananampalataya ni Noe, maililigtas mo rin ang iyong sarili at ang mga mahal mo sa buhay. Gaya ni Noe, makalalakad ka ring kasama ni Jehova bilang kaibigan mo. At mananatili magpakailanman ang pagkakaibigang iyan!
a Mas mahaba ang buhay ng mga tao noon kaysa sa ngayon. Lumilitaw na ito’y dahil malapit pa sila sa kasakdalang naiwala nina Adan at Eva.
b Pinangalanan ni Lamec ang kaniyang anak na Noe—marahil nangangahulugang “Kapahingahan; Kaaliwan”—at inihulang tutuparin ni Noe ang kahulugan ng kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pag-akay sa mga tao sa isang kapahingahan mula sa pagpapagal sa lupang isinumpa. (Genesis 5:28, 29) Hindi nakita ni Lamec ang katuparan ng hulang iyan.