Kaligtasan Malapit Na Para sa mga Taong May Maka-Diyos na Debosyon!
“Si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso [o pagsubok] sa mga taong may maka-Diyos na debosyon, ngunit maglaan sa mga taong di-matuwid sa araw ng paghuhukom upang lipulin.”—2 PEDRO 2:9.
1. (a) Anong nakahahapis na mga kalagayan ang napapaharap sa sangkatauhan sa ating kaarawan? (b) Dahilan dito, anong mga tanong ang ating tatalakayin?
ANG mga suliranin ng buhay ay dumarami para sa lahat ng tao. Ito’y totoo kung ang isang tao man ay naninirahan sa lugar na may masaganang materyal na mga bagay o sa lugar na kapos ang mga ito. Umiiral sa lahat ng dako ang kawalan ng kasiguruhan ng buhay. Ang walang kapanatagang kalagayan ng kabuhayan ay waring hindi pa sapat upang ikabalisa, samantalang malulubhang mga suliranin ng kapaligiran ang napapaharap sa planetang Lupa, anupa’t isinasapanganib ang lahat ng buhay na naririto. Laganap ang sakit. Ang nakahahawang mga sakit, mga diperensiya sa puso, at ang salot ng kanser ay maraming pinapatay. Ang imoralidad ay pumipinsala nang malaki sa emosyon ng tao at sa buhay pampamilya. Bukod sa lahat ng ito, ang daigdig ay punung-puno ng karahasan. Dahilan sa nakaharap sa lipunan ng sangkatauhan, ang ating makatotohanang tanong ay: Mayroon bang matatag na batayan ang tayo’y umasa sa maagang pagkaligtas? Kung gayon, papaano ito darating, at ukol ito kanino?—Ihambing ang Habacuc 1:2; 2:1-3.
2, 3. (a) Bakit makikita natin na ang sinasabi sa 2 Pedro 2:9 ay pampatibay-loob? (b) Anong tiyakang mga gawang pagliligtas ang tinutukoy sa Bibliya bilang pampatibay-loob?
2 Ang nagaganap sa ating kaarawan ay nagpapagunita sa atin ng ibang lubhang mahalagang mga panahon sa kasaysayan ng tao. Si apostol Pedro ay tumatawag ng pansin sa mga gawang pagliligtas na isinagawa ng Diyos sa mga pagkakataong iyon at pagkatapos ay sumasapit sa ganitong pampatibay-loob: “Si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon.” (2 Pedro 2:9) Pansinin ang konteksto ng pangungusap na iyan, sa 2 Pedro 2:4-10:
3 “Tiyak na kung hindi nagpigil ang Diyos ng pagpaparusa sa mga anghel na nagkasala, kundi, sa pamamagitan ng pagbubulid sa kanila sa Tartaro, ikinulong sila sa kalaliman sa pusikit na kadiliman upang ilaan sa paghuhukom; at siya’y hindi nagpigil ng pagpaparusa sa isang sinaunang sanlibutan, ngunit si Noe, na mángangarál ng katuwiran, ay iningatang ligtas kasama ng pito pa nang gunawin niya ang isang sanlibutan ng mga taong balakyot; at sa paglipol ng mga lunsod ng Sodoma at Gomorra ay kaniyang pinarusahan sila, upang maging halimbawa ng mga bagay na darating sa mga taong balakyot; at kaniyang iniligtas ang matuwid na si Lot, na lubhang nahahapis sa pagpapakalabis sa kahalayan ng mga taong suwail-sa-kautusan—sapagkat ang matuwid na taong iyan sa kaniyang nakita at narinig samantalang namamayang kasama nila ay sa araw-araw lubhang nahahapis ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang laban sa kautusan—si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon, ngunit maglaan sa mga taong di-matuwid sa araw ng paghuhukom upang lipulin, gayunman, lalong-lalo na sa mga nagsisilakad nang ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan at nangapopoot sa pagpapasakop.” Gaya ng ipinakikita ng mga talatang iyan, ang mga bagay na naganap noong kaarawan ni Noe at noong panahon ni Lot ay punô ng kahulugan para sa atin.
Ang Espiritung Laganap Noong Kaarawan ni Noe
4. Noong kaarawan ni Noe, bakit ang lupa ay sumamâ sa paningin ng Diyos? (Awit 11:5)
4 Ang kasaysayan sa Genesis kabanata 6 ay nagbibigay-alam sa atin na noong kaarawan ni Noe ang lupa ay sumamâ sa paningin ng tunay na Diyos. Bakit? Dahilan sa karahasan. Ito ay hindi isang bukud-bukod na mga kaso lamang ng karahasan ng mga mamamatay-tao. Ang Genesis 6:11 ay nag-uulat na “ang lupa ay napuno ng karahasan.”
5. (a) Anong saloobin ng mga tao ang isang sanhi ng karahasan noong kaarawan ni Noe? (b) Ano ang ibinabala ni Enoc tungkol sa kabalakyutan?
5 Ano ba ang nasa likod nito? Ang kasulatan na sinipi buhat sa 2 Pedro ay tumutukoy sa mga taong balakyot. Oo, ang espiritu ng kabalakyutan ay laganap sa mga gawain ng tao. Kasali rito hindi lamang ang pangkalahatang pagwawalang-bahala sa batas ng Diyos kundi ang saloobin ng pagsuway sa Diyos mismo.a At pagka ang mga tao’y masuwayin sa Diyos, papaano nga maaasahan na sila’y makikitungo nang may kabaitan sa kanilang kapuwa-tao? Kahit na bago isinilang si Noe, ang ganitong kabalakyutan ay lubhang laganap kung kaya’t pinapangyari ni Jehova na si Enoc ay humula tungkol sa magiging resulta. (Judas 14, 15) Ang kanilang pagsuway sa Diyos ay tiyak na magdadala ng inihatol ng Diyos na kaparusahan.
6, 7. Anong katayuan ng mga anghel ang isang pangunahing dahilan ng masasamang kalagayan na umiral bago sumapit ang Baha?
6 Mayroon ding isa pang impluwensiya na sanhi ng karahasan ng mga araw na iyon. Sa Genesis 6:1, 2 ay itinatawag-pansin ito nang sabihin: “At nangyari, nang magpasimulang dumami ang mga tao sa balat ng lupa at magkaanak ng mga babae, na nakita ng mga anak na lalaki ng tunay na Diyos na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao; at sila’y nagsikuha ng kani-kaniyang asawa, samakatuwid nga, sa lahat ng kanilang pinili.” Sino nga ba ang mga anak na lalaki ng tunay na Diyos? Hindi lamang mga tao. Sa loob ng daan-daang taon ang mga lalaki ay nagmamasid na sa magagandang babae at kanilang nagiging asawa ang mga ito. Ang mga anak na lalaki ng Diyos ay mga anghel na nagkatawang-tao. Sa Judas 6, sila’y tinutukoy na “mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating katayuan kundi iniwan ang kanilang sariling talagang tahanang-dako.”—Ihambing ang 1 Pedro 3:19, 20.
7 Nang ang nakatataas-sa-taong mga nilikhang ito ay magkatawang-tao bilang mga lalaki at sumiping sa mga anak na babae ng mga tao, ano ba ang naging resulta? “Ang mga Nefilim ay nasa lupa noong mga araw na iyon, at pagkatapos din niyan, nang ang mga anak na lalaki ng tunay na Diyos ay nagpatuloy ng pagsiping sa mga anak na babae ng mga tao at sila’y nagkaanak sa kanila, sila ang mga makapangyarihan noong unang panahon, ang mga lalaking bantog.” Oo, ang supling ng di-likas na pagsisiping na iyon ay mga Nefilim, mga makapangyarihan na gumamit ng kanilang nakahihigit na lakas upang manupil sa iba.—Genesis 6:4.
8. Papaano naapektuhan si Jehova ng masasamang kalagayan sa lupa?
8 Hanggang saan ba nakarating ang kasamaan noon? Nakarating iyon sa punto na “nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi.” Papaano ba naapektuhan nito ang Diyos? “Si Jehova ay nalungkot sa kaniyang pagkalalang sa mga tao sa lupa, at sa kaniyang kalooban siya ay nakadama ng panghihinayang.” Ito’y hindi nangangahulugan na nadama ng Diyos na siya’y nagkamali nang kaniyang lalangin ang tao. Bagkus, kaniyang ikinalungkot na pagkatapos na kaniyang lalangin ang mga tao, sila’y naging napakasama na anupa’t siya’y napilitang lipulin sila.—Genesis 6:5-7.
Ang Hakbang na Umaakay Tungo sa Kaligtasan
9. (a) Bakit si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa harap ng Diyos? (b) Anong patiunang babala ang ibinigay ng Diyos kay Noe?
9 Kung para kay Noe, siya’y “nakasumpong ng biyaya sa mga mata ni Jehova. . . . Si Noe ay lalaking matuwid. Pinatunayan niyang siya’y walang kapintasan sa gitna ng mga tao noong panahon niya. Si Noe ay lumakad na kaalinsabay ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:8, 9) Kaya’t si Noe ay binigyan ni Jehova ng patiunang babala na Siya’y magdadala ng isang pangglobong delubyo at iniutos sa kaniya na magtayo siya ng daong. Lahat ng tao, maliban kay Noe at sa kaniyang pamilya ay malilipol sa balat ng lupa. Maging ang mga hayop man ay mapupuksa, maliban sa mga ilang pares ng bawat pangunahing uri ng hayop na dadalhin ni Noe sa daong.—Genesis 6:13, 14, 17.
10. (a) Anong paghahanda ang kinailangang gawin upang makaligtas, at gaanong kalaking gawain iyon? (b) Ano ang kapansin-pansin tungkol sa kung papaano isinagawa ni Noe ang iniatas sa kaniya na gawain?
10 Ang patiunang kaalamang ito ay naglagay ng mabigat na pananagutan kay Noe. Kailangang gumawa ng daong. Kailangang iyon ay isunod sa korte ng isang malaking kaban, mga 40,000 metro cubico ang kabuuang laki. Kailangang magdala roon si Noe ng pagkain at pagkatapos ay tipunin niya ang mga hayop at mga ibon, “bawat uri ng laman,” para maligtas. Isang proyekto iyon na gugugol ng mga taon sa paggawa. Papaano tumugon si Noe? Siya’y “humayo na gawin ang lahat ayon sa iniutos sa kaniya ng Diyos. Ganoong-ganoon niya ginawa.”—Genesis 6:14-16, 19-22; Hebreo 11:7.
11. Tungkol sa kaniyang sariling sambahayan, anong mahalagang pananagutan ang nakaatang kay Noe?
11 Samantalang ginagawa ang gawaing iyon, kailangan din na si Noe’y gumugol ng panahon sa pagpapatibay sa espirituwalidad ng kaniyang sambahayan. Sila’y kailangang ingatan laban sa pagtulad sa marahas na pamumuhay at sa masuwaying saloobin ng mga taong nakapalibot sa kanila. Mahalaga na sila’y hindi labis na abala sa araw-araw na pamumuhay. Ang Diyos ay may gawain para sa kanila, at mahalaga na ang kanilang pamumuhay ay nakasentro roon. Batid natin na tinanggap ng pamilya ni Noe ang kaniyang turo at may pananampalataya ring katulad ng sa kaniya sapagkat si Noe, ang kaniyang asawa, ang kanilang tatlong anak na lalaki, at ang kani-kaniyang asawa ng mga anak na lalaki—walo katao lahat-lahat—ay may pagsang-ayong tinutukoy sa Kasulatan.—Genesis 6:18; 1 Pedro 3:20.
12. Gaya ng ipinakikita sa 2 Pedro 2:5, anong pananagutan ang buong katapatang tinupad ni Noe?
12 Si Noe ay mayroon ding isa pang pananagutan—ang magbabala tungkol sa darating na Delubyo at ipamalita kung bakit iyon ay darating. Maliwanag na buong katapatang tinupad niya ang pananagutang iyan, sapagkat siya’y tinutukoy sa Salita ng Diyos bilang “isang mángangarál ng katuwiran.”—2 Pedro 2:5.
13. Sa anong mga kalagayan napaharap si Noe nang isinasagawa niya ang iniatas sa kaniya ng Diyos?
13 Ngayon isip-isipin lamang ang mga kalagayan na napaharap kay Noe nang isinasagawa niya ang iniatas na iyan sa kaniya. Ilagay mo ang iyong sarili sa kaniyang kalagayan. Halimbawang ikaw na nga si Noe o isang miyembro ng kaniyang pamilya, ikaw ay napalilibutan ng karahasan na ginawa ng mga Nefilim at ng mga taong balakyot. Tuwirang mapapaharap ka sa impluwensiya ng mapaghimagsik na mga anghel. Habang nagtatrabaho ka sa paggawa ng daong, ikaw ay makaririnig ng mga paglibak. At sa taun-taon samantalang ibinabalita mo ang dumarating na Delubyo, makikita mo na ang mga tao ay abalang-abala sa araw-araw na pamumuhay na anupa’t “sila’y hindi nagbigay-pansin”—samakatuwid nga, “hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:39; Lucas 17:26, 27.
Ano ba ang Kabuluhan sa Iyo ng Karanasan ni Noe?
14. Bakit tayo sa ngayon ay hindi nahihirapang unawain ang kalagayan na napaharap kay Noe at sa kaniyang pamilya?
14 Ang ganiyang kalagayan ay hindi naman mahirap para sa karamihan ng ating mga mambabasa na gunigunihin. Bakit hindi? Sapagkat ang mga kalagayan sa ating kaarawan ay katulad na katulad niyaong umiral noong mga kaarawan ni Noe. Sinabi ni Jesu-Kristo na ito’y aasahan. Sa kaniyang dakilang hula tungkol sa panahon ng kaniyang pagkanaririto sa katapusan ng sistema ng mga bagay, inihula ni Jesus: “Kung papaano ang mga araw ni Noe, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37.
15, 16. (a) Papaanong totoo na, gaya noong kaarawan ni Noe, ang lupa ngayon ay napunô ng karahasan? (b) Anong karahasan lalo na ang dinaranas ng mga lingkod ni Jehova?
15 Ganiyan nga ba ang nangyayari ngayon? Ang sanlibutan ba sa ngayon ay punô ng karahasan? Oo! Mahigit na isandaang milyong katao ang namatay sa mga digmaan sa siglong ito. Ang iba sa ating mga mambabasa ay tuwirang nakadama ng epekto nito. At higit pa ang pinagbantaan ng mga kriminal na desididong limasin ang kanilang salapi o iba pang mga mahahalagang bagay. At ang mga kabataan ay napahantad sa karahasan sa paaralan.
16 Gayunman, ang mga lingkod ni Jehova ay dumaranas nang higit pa kaysa mga pinsalang dulot ng digmaan at ng karahasan ng mga kriminal sa pangkalahatan. Sila’y dumaranas din ng karahasan dahil sa sila’y hindi bahagi ng sanlibutan kundi sila’y nagsisikap na maging mga taong may maka-Diyos na debosyon. (2 Timoteo 3:10-12) Kung minsan ang karahasan ay wala kundi sila’y itinutulak lamang o sinasampal; kung minsan naman ay humahantong ito sa paninira sa kanilang mga ari-arian, grabeng pambubugbog, at hanggang sa pamamaslang sa kanila.—Mateo 24:9.
17. Laganap ba ngayon ang kabalakyutan? Ipaliwanag.
17 Samantalang gumagawa ng gayong karahasan, ang mga taong balakyot ay, kung minsan, tahasang umuupasala sa Diyos. Sa isang lugar sa Aprika, sinabi ng pulisya: “Amin ang gobyerno. Pumunta kayo sa Diyos, kung mayroon nga, at hilingin ninyo sa kaniya na pumarito at tulungan kayo.” Sa mga bilangguan at mga concentration camp, ang mga Saksi ni Jehova ay napaharap sa mga taong katulad ni Baranowsky, sa Sachsenhausen, Alemanya, na nanuya: “Ako’y lumalaban kay Jehova. Titingnan natin kung sino ang mas malakas, ako o si Jehova.” Hindi nagtagal pagkatapos, si Baranowsky ay nagkasakit at namatay; ngunit ang iba’y patuloy na nagpapakita ng ganiyan ding saloobin. Ang mga opisyales na kalahok sa isang krusada ng pag-uusig ay hindi lamang siyang mga nagpapakita ng paglaban sa Diyos. Sa buong daigdig, ang mga lingkod ng Diyos ay nakaririnig at nakakakita ng mga bagay na nagpapatunay na yaong mga taong gumagawa niyan ay walang bahagya mang takot sa Diyos sa kanilang mga puso.
18. Sa anu-anong paraan may bahagi ang masasamang espiritu sa kaligaligan ng sangkatauhan?
18 Sa mga araw na ito na katulad na katulad ng panahon ni Noe, tayo’y nakasasaksi rin ng panghihimasok ng masasamang espiritu. (Apocalipsis 12:7-9) Ang mga demonyong ito ay siya ring mga anghel na nagkatawang-tao at nag-asawa ng mga babae noong kaarawan ni Noe. Nang sumapit ang Delubyo, ang kani-kanilang mga asawa at mga anak ay napuksa, ngunit ang mga masuwaying anghel na iyon ay napilitang bumalik sa dako ng mga espiritu. Sila’y wala nang dako sa banal na organisasyon ni Jehova kundi sila’y ibinulid sa Tartaro, isang kalagayan ng pusikit na kadiliman, pinutol na buhat sa pinagmumulan ng liwanag. (2 Pedro 2:4, 5) Palibhasa’y kumikilos sa ilalim ng pag-uutos ni Satanas, sila’y nagpapatuloy na may malapit na pakikipag-ugnayan sa mga tao at, bagaman hindi na sila makapagkatawang-tao, kanilang sinisikap na masupil ang mga lalaki, mga babae at maging mga bata man. Ang iba sa mga ito ay ginagawa sa pamamagitan ng mga gawaing okulto. Kanila ring pinupukaw ang sangkatauhan upang maglipulan sa isa’t isa sa mga paraang salungat sa katuwiran ng tao. Subalit hindi pa iyan ang lahat.
19. (a) Laban kanino lalo na nakatutok ang pagkapoot ng mga demonyo? (b) Ano ba ang ipinipilit ng mga demonyo na gawin natin?
19 Isinisiwalat ng Bibliya na ang mga demonyo ay nakikipagbaka laban sa mga “nagsisitupad ng mga utos ng Diyos at may gawain na magpatotoo kay Jesus.” (Apocalipsis 12:12, 17) Ang mga balakyot na espiritung iyon ang mga pangunahing pasimuno sa pag-uusig sa mga lingkod ni Jehova. (Efeso 6:10-13) Sila’y gumagamit ng bawat maisip na paraan upang pilitin o akitin ang tapat na mga tao na sirain ang kanilang katapatan kay Jehova at huminto ng pangangaral ng Kaharian ni Jehova na si Jesus ang Mesyanikong Hari.
20. Papaano sinisikap ng mga demonyo na hadlangan ang mga tao buhat sa paglaya sa kanilang kapangyarihan? (Santiago 4:7)
20 Sinisikap ng mga demonyo na hadlangan ang mga tao na nagnanasang makalaya buhat sa kanilang mapaniil na impluwensiya. Isang dating espiritista sa Brazil ang nag-uulat na nang dumalaw sa kaniyang tahanan ang mga Saksi, mga tinig ng demonyo ang nag-utos sa kaniya na huwag buksan ang pintuan ngunit kaniyang binuksan, at kaniyang natutuhan ang katotohanan. Sa maraming lugar tuwirang gumagamit ang mga demonyo ng mga mangkukulam upang subuking pahintuin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, sa isang nayon sa Suriname, mga mananalansang sa mga Saksi ni Jehova ang kumuha ng isang espiritista na kilalang-kilala na nakapagpapangyari ng biglang pagkamatay ng mga tao sa pamamagitan lamang ng pagpapangyaring nakatutok sa kanila ang kaniyang patpat sa pangkulam. Kasama ang kaniyang isang kawang mga mananayaw at mga manunugtog ng tambol, ang espiritista, na inaalihan ng isang demonyo, ay humarap sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y bumigkas ng pangkulam na mga orasyon at itinutok sa kanila ang kaniyang patpat. Inaasahan ng mga taganayon na ang mga Saksi ay matutumba na patay, ngunit ang espiritista ang nawalan ng malay-tao at kinailangang siya’y mabilis na ilayo ng kaniyang napahiyang mga tagatangkilik.
21. Tulad noong kaarawan ni Noe, ano ba ang iginagawi ng karamihan ng mga tao sa ating pangangaral, at bakit?
21 Maging sa mga lugar man na kung saan hindi hayagang makikita ang pangkukulam at panggagaway, bawat Saksi ni Jehova ay nakaranas sa kanilang pangangaral ng kung ano ang iginagawi ng mga taong abalang-abala sa araw-araw na pamumuhay na anupa’t hindi nila ibig na sila’y maabala. Tulad din ng kaarawan ni Noe, ang lubhang karamihan ng mga tao ay ‘hindi nagbibigay-pansin.’ (Mateo 24:37-39) Marahil hanga ang iba sa ating pagkakaisa at mga nagawa. Ngunit ang ating espirituwal na gawaing pagtatayo—may kinalaman sa mga oras ng personal na pag-aaral, regular na pagdalo sa mga pulong, at paglilingkod sa larangan—ay pawang kamangmangan sa kanila. Kanilang nililibak ang ating pagtitiwala sa mga pangako ng Salita ng Diyos sapagkat ang kanilang mga buhay ay nakasentro sa materyal na mga ari-arian at makalamang kalayawan na kanilang maaaring tamasahin ngayon.
22, 23. Papaanong ang mga pangyayari noong kaarawan ni Noe ay nagbibigay ng matibay na katiyakan na ililigtas ni Jehova buhat sa pagsubok ang mga taong may maka-Diyos na debosyon?
22 Ang tapat na mga lingkod ba ni Jehova ay magdaranas ng walang-hanggang pag-aabuso buhat sa mga taong walang pag-ibig sa Diyos? Hinding-hindi! Ano ba ang nangyari noong kaarawan ni Noe? Sa tagubilin ng Diyos, si Noe at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa natapos na daong. Pagkatapos, sa itinakdang panahon, “nangasira ang lahat ng bukal ng lubhang kalaliman at ang mga durungawan ng langit ay nabuksan.” Ang Delubyo ay nagpatuloy hanggang sa kahit na ang mga kabundukan ay lumubog. (Genesis 7:11, 17-20) Ang mga anghel na umalis sa kanilang talagang tirahang dako ay napilitan na iwanan ang kanilang mga katawang-tao at bumalik sa dako ng mga espiritu. Ang Nefilim at lahat ng natitirang bahagi ng sanlibutang iyon ng mga taong balakyot, kasali na yaong mga hindi nagbigay-pansin sa babala ni Noe, ay nangapuksa. Sa kabilang dako, si Noe at ang kaniyang asawa at ang kanilang tatlong anak na lalaki pati ang kani-kaniyang asawa ay nangaligtas. Sa gayon, iniligtas ni Jehova si Noe at ang kaniyang sambahayan buhat sa pagsubok na kanilang may katapatang pinagtiisan sa loob ng napakaraming taon.
23 Ganiyan din ba ang gagawin ni Jehova para sa mga taong may maka-Diyos na debosyon ngayon? Walang bahagya mang alinlangan tungkol diyan. Kaniyang ipinangako ito, at siya’y hindi maaaring magsinungaling.—Tito 1:2; 2 Pedro 3:5-7.
[Talababa]
a Ang “anomia ay pagwawalang-bahala, o pagsuway, sa mga batas ng Diyos; ang asebeia [anyong pangngalan ng salitang isinaling ‘mga taong balakyot’] ay siya ring saloobin laban sa Persona ng Diyos.”—Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, Tomo 4, pahina 170.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Papaano ipinakita ni Pedro na si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon?
◻ Anong mga salik ang sanhi ng karahasan noong kaarawan ni Noe?
◻ Dahilan sa dumarating noon na pangglobong Delubyo, ano ang pananagutan ni Noe?
◻ Anong katulad na mga kalagayan noong kaarawan ni Noe ang ating nakikita sa panahon natin?
[Larawan sa pahina 12]
Pagtatayo ng daong na gumugol ng mga taon ng puspusang pagtatrabaho
[Larawan sa pahina 13]
Si Noe ay gumugol ng panahon sa pagpapaunlad ng espirituwalidad ng kaniyang pamilya