Ano Kaya ang Iyong Magiging Kinabukasan?
KUNG ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay marunong sa lahat, anupat alam na lahat ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, hindi kaya lahat ng bagay ay nakatadhanang maganap na tamang-tama ayon sa patiunang nakikita ng Diyos? Kung patiuna nang nakita ng Diyos at itinalaga na ang landasin at pangwakas na kahahantungan ng bawat tao, tunay bang masasabi na malaya nating mapipili ang landasin ng ating buhay, ang ating kinabukasan?
Maraming siglo nang pinagtatalunan ang mga tanong na ito. Patuloy pa ring nababahagi ang mga pangunahing relihiyon dahil sa kontrobersiyang ito. Ang kakayahan ba ng Diyos na patiunang malaman ang kinabukasan ay maiaayon sa malayang kalooban ng tao? Saan natin dapat hanapin ang mga sagot?
Milyun-milyong tao sa daigdig ang sasang-ayon na ang Diyos ay nakikipag-usap sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita na binigkas ng kaniyang mga tagapagsalita, ang mga propeta. Halimbawa, tinutukoy ng Koran ang mga pagsisiwalat bilang nagmumula sa Diyos: ang Taurāh (Torah, ang Batas, o limang aklat ni Moises), ang Zabūr (ang Mga Awit), at ang Injīl (ang Ebanghelyo, Kristiyanong Griegong Kasulatan, o “Bagong Tipan”), gayundin ang isiniwalat sa mga propeta ng Israel.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, mababasa natin: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:16) Maliwanag, anumang patnubay o pagliliwanag na ating tinatanggap ay tiyak na mula sa Diyos mismo. Hindi ba isang katalinuhan kung gayon na suriin ang mga isinulat ng mga naunang propeta ng Diyos? Ano ang kanilang isinisiwalat hinggil sa ating kinabukasan?
Patiunang Isinulat ang Kinabukasan
Sinumang nakabasa na ng Banal na Kasulatan ay nakaaalam na ang mga ito’y literal na naglalaman ng daan-daang hula. Ang mga pangyayari sa kasaysayan na gaya ng pagbagsak ng sinaunang Babilonya, ang muling pagtatayo ng Jerusalem (ikaanim hanggang ikalimang siglo B.C.E.), at ang pagbangon at pagbagsak ng mga hari noon ng Medo-Persia at Gresya ay pawang inihula nang detalyado. (Isaias 13:17-19; 44:24–45:1; Daniel 8:1-7, 20-22) Ang katuparan ng gayong mga hula ay isa sa pinakamatitibay na katunayan na ang Banal na Kasulatan ay tunay ngang Salita ng Diyos, sapagkat ang Diyos lamang ang may kapangyarihan na kapuwa patiunang makita at matiyak ang mangyayari sa kinabukasan. Sa diwang ito ay tunay ngang nakaulat sa Banal na Kasulatan ang kinabukasan na patiuna nang isinulat.
Ipinahayag mismo ng Diyos: “Ako ang Isang Banal at wala nang ibang Diyos, ni sinumang gaya ko; ang Isa na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang unang panahon ng mga bagay na hindi pa nangyayari; ang Isa na nagsasabi, ‘Tatayo ang aking sariling payo, at gagawin ko ang lahat ng aking kinalulugdan.’ . . . aking sinalita; akin din namang papangyayarihin. Aking pinanukala, akin din namang gagawin.” (Isaias 46:9-11; 55:10, 11) Ang kaniya mismong pangalan na ipinakilala ng Diyos sa kaniyang sinaunang mga propeta ay Jehova, na literal na nangangahulugang “Pinapangyayari Niyang Maging.”a (Genesis 12:7, 8; Exodo 3:13-15; Awit 83:18) Isiniwalat ng Diyos ang kaniyang sarili na ang Isa na naging Tagatupad ng kaniyang salita, ang Isa na palaging tumutupad sa kaniyang mga layunin.
Kung gayon, ginagamit ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan na patiunang alamin ang katuparan ng kaniyang mga layunin. Madalas na ginagamit niya ito upang babalaan ang balakyot sa dumarating na paghatol gayundin upang bigyan ang kaniyang mga lingkod ng pag-asa ukol sa kaligtasan. Subalit wala bang limitasyon ang paggamit ng Diyos sa kapangyarihang ito? May anumang katibayan ba sa Banal na Kasulatan tungkol sa mga bagay na minabuti ng Diyos na huwag niyang alamin nang patiuna?
Patiuna Na Bang Alam ng Diyos ang Lahat ng Bagay?
Lahat ng mga argumento bilang suporta sa predestinasyon ay batay sa palagay na yamang walang-alinlangang taglay ng Diyos ang kapangyarihan na patiunang alamin at tiyakin ang mga mangyayari, tiyak na patiunang alam na niya ang lahat ng bagay, lakip na ang ikikilos ng bawat indibiduwal. Ngunit, tama ba ang palagay na ito? Ang isinisiwalat ng Diyos sa kaniyang Banal na Kasulatan ay nagpapahiwatig na ito’y mali.
Halimbawa, sinasabi ng Kasulatan na “inilagay ng Diyos si Abraham sa pagsubok” sa pag-uutos sa kaniya na ihain ang kaniyang anak na si Isaac bilang isang handog na sinusunog. Nang ihahain na ni Abraham si Isaac, pinigil siya ng Diyos at sinabi: “Ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos sa dahilang hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa.” (Genesis 22:1-12) Sasabihin kaya iyan ng Diyos kung alam na niya antimano na susundin ni Abraham ang utos na ito? Iyon kaya’y magiging isang tapat na pagsubok?
Isa pa, iniulat ng mga propeta noon na paulit-ulit na binabanggit ng Diyos na siya’y ‘nalulungkot’ sa isang bagay na ginawa niya o inisip niyang gawin. Halimbawa, sinabi ng Diyos na siya’y “nalungkot [mula sa Hebreong na·chamʹ] na ginawa niyang hari si Saul sa Israel.” (1 Samuel 15:11, 35; ihambing ang Jeremias 18:7-10; Jonas 3:10.) Sapagkat ang Diyos ay sakdal, ang mga talatang ito’y hindi maaaring mangahulugan na ang Diyos ay nagkamali sa pagpili kay Saul na maging unang hari ng Israel. Sa halip, ipinahihiwatig nito na ang Diyos ay nalungkot dahil sa si Saul ay nawalan ng pananampalataya at naging masuwayin. Ang paggamit ng Diyos ng ganiyang mga pananalita bilang pagtukoy sa kaniya ay magiging walang kabuluhan kung alam na niya antimano ang ikikilos ni Saul.
Ang katulad na termino ay lumilitaw sa pinakaunang bahagi ng Kasulatan kung saan, sa pagtukoy sa mga kaarawan ni Noe, sinabi nito: “Si Jehova ay nakadama ng pagkalungkot na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at siya ay nagdamdam sa kaniyang puso. Kaya sinabi ni Jehova: ‘Papawiin ko ang mga tao na aking nilalang mula sa ibabaw ng lupa . . . sapagkat ikinalulungkot ko nga na ginawa ko sila.’ ” (Genesis 6:6, 7) Muli, ito’y nagpapahiwatig na ang mga paggawi ng tao ay hindi itinadhana ng Diyos. Ang Diyos ay nalungkot, namighati, at nagdamdam pa nga, hindi dahil sa nagkamali siya sa kaniya mismong ginawa, kundi dahil sa ang kabalakyutan ng tao ay lumaganap. Ikinalungkot ng Maylalang na kinailangan pang puksain ang buong sangkatauhan maliban kay Noe at sa kaniyang pamilya. Tinitiyak sa atin ng Diyos: ‘Hindi ako nalulugod sa kamatayan ng isang balakyot.’—Ezekiel 33:11; ihambing ang Deuteronomio 32:4, 5.
Kung gayon ay patiuna na kayang alam ng Diyos at itinalaga pa man din ang pagkahulog ni Adan sa kasalanan, gayundin ang kapaha-pahamak na bungang idudulot nito sa pamilya ng tao? Ipinakikita ng ating tinalakay na ito’y hindi maaaring magkatotoo. Isa pa, kung alam na antimano ng Diyos ang lahat ng ito, siya ang magiging awtor ng kasalanan nang gawin niya ang tao, at ang Diyos ang sadyang may pananagutan sa lahat ng kabalakyutan at paghihirap ng mga tao. Maliwanag, ito’y hindi maaaring maging kasuwato ng isiniwalat ng Diyos sa Kasulatan hinggil sa kaniyang sarili. Siya’y isang Diyos ng pag-ibig at katarungan na napopoot sa kabalakyutan.—Awit 33:5; Kawikaan 15:9; 1 Juan 4:8.
Ang Dalawang Kahihinatnan ng Tao
Hindi isinisiwalat sa Banal na Kasulatan na ang ating indibiduwal na kinabukasan sa paano man ay tiyak na antimano, o itinadhana na, ng Diyos. Sa halip, isinisiwalat nito na inihula na ng Diyos ang dalawa lamang na maaaring kahinatnan ng tao. Ibinibigay ng Diyos sa bawat tao ang malayang kalooban na pumili kung alin ang kaniyang magiging tadhana. Noon ay nagpahayag ang propetang si Moises sa mga Israelita: “Aking inilagay sa harap mo ang buhay at kamatayan, . . . at dapat mong piliin ang buhay upang ikaw ay patuloy na mabuhay, ikaw at ang iyong supling, na ibigin mo si Jehova mong Diyos, makinig ka sa kaniyang tinig at huwag kang hihiwalay sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.” (Deuteronomio 30:19, 20) Nagbabala ang propeta ng Diyos na si Jesus: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Dalawang daan, dalawang kahihinatnan. Ang ating kinabukasan ay nakasalalay sa ating sariling mga paggawi. Ang pagsunod sa Diyos ay nangangahulugan ng buhay, ang pagsuway sa kaniya ay kamatayan.—Roma 6:23.
“Sinasabi [ng Diyos] sa sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi. Sapagkat nagtakda siya ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa sa katuwiran.” (Gawa 17:30, 31) Kung paanong pinili ng karamihan ng sangkatauhan noong panahon ni Noe na suwayin ang Diyos at sa gayo’y pinuksa, gayundin naman na ang karamihan sa ngayon ay hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos. Subalit, hindi pa tinitiyak ng Diyos kung sino ang pupuksain at kung sino naman ang tatanggap ng kaligtasan. Sa katunayan, sinasabi ng Salita ng Diyos na “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Maging ang pinakabalakyot na mga tao ay maaaring magsisi, maging masunurin, at gumawa ng mga pagbabagong kailangan upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos.—Isaias 1:18-20; 55:6, 7; Ezekiel 33:14-16; Roma 2:4-8.
Para sa mga masunurin, nangangako ang Diyos ng buhay na walang hanggan sa isang payapang paraiso, isang lupang nilinis mula sa lahat ng kabalakyutan, karahasan, at digmaan, isang daigdig na wala nang gutom, pagdurusa, sakit, at kamatayan. (Awit 37:9-11; 46:9; Isaias 2:4; 11:6-9; 25:6-8; 35:5, 6; Apocalipsis 21:4) Maging ang mga patay ay bubuhaying-muli at bibigyan ng pagkakataong maglingkod sa Diyos.—Daniel 12:2; Juan 5:28, 29.
“Bantayan ang isa na walang kapintasan at tingnan mo ang isa na matuwid,” sabi ng Salmista, “sapagkat ang kinabukasan ng taong iyon ay magiging payapa. Subalit ang mga manlalabag-batas ay tiyak na malilipol nang sama-sama; ang kinabukasan ng balakyot na mga tao ay tunay na mapuputol.” (Awit 37:37, 38) Ano kaya ang iyong magiging kinabukasan? Ito’y depende sa iyo. Nagagalak ang mga tagapaglathala ng magasing ito na paglaanan ka ng higit pang impormasyon upang makatiyak ka ng isang maligaya at payapang kinabukasan.
[Talababa]
a Ang pangalang Jehova ay lumilitaw nang mahigit sa 7,000 ulit sa Banal na Kasulatan; tingnan ang tract na Ang Pinakadakilang Pangalan, na inilathala noong 1995 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 6]
Ginagamit ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan na patiunang alamin ang katuparan ng kaniyang mga layunin
[Blurb sa pahina 8]
“Hindi nais [ng Diyos] na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”—2 Pedro 3:9
[Larawan sa pahina 7]
Kung alam na antimano ng Diyos na sasang-ayon si Abraham na ihain ang kaniyang anak, ito ba’y masasabing isang tapat na pagsubok?