TANGLAW, ILAWAN
[sa Ingles, luminary].
Isang pinagmumulan ng liwanag; isang lampara; isang bagay sa kalangitan na nagbibigay ng liwanag sa planetang Lupa.
Inilalahad ng ulat ng Genesis na noong ikaapat na “araw” ng paglalang, pinangyari ng Diyos na “magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit.” (Gen 1:14, 19) Hindi nito ipinahihiwatig na noon lamang nagsimulang umiral ang liwanag (sa Heb., ʼohr), yamang ipinakikitang umiiral na iyon bago pa nito. (Gen 1:3) Ni sinasabi man nito na noong panahong iyon nilalang ang araw, buwan, at mga bituin. Ang unang talata ng Bibliya ay nagsasabi: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Gen 1:1) Sa gayon, ang langit pati ang mga bagay sa kalangitan, kasama ang araw, ay umiiral na sa loob ng di-matiyak na haba ng panahon bago pa nagsimula ang mga proseso at mga pangyayari na sinabing naganap sa loob ng anim na yugto ng paglalang na inilalarawan sa sumunod na mga talata ng unang kabanata ng Genesis.
Dapat pansinin na, bagaman sinasabi ng Genesis 1:1 na “nilalang” (sa Heb., ba·raʼʹ) ng Diyos ang langit at ang lupa noong pasimula, sinasabi naman ng talata 16 at 17 na, noong ikaapat na “araw” ng paglalang, “pinasimulang gawin [sa Heb., isang anyo ng ʽa·sahʹ] ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw, ang mas malaking tanglaw para magpuno sa araw at ang mas maliit na tanglaw para magpuno sa gabi, at gayundin ang mga bituin. Sa gayon ay inilagay ng Diyos ang mga iyon sa kalawakan ng langit upang sumikat sa ibabaw ng lupa.” Ang salitang Hebreo na ʽa·sahʹ, kadalasang isinasaling “gumawa,” ay maaaring mangahulugan lamang na magtatag (2Sa 7:11), magtakda (Deu 15:1), mag-anyo (Jer 18:4), o maghanda (Gen 21:8).
Kaya dito ay sinasabi ng rekord kung ano ang nangyari noon sa dati nang umiiral na araw, buwan, at mga bituin may kaugnayan sa planetang Lupa. Noong unang “araw,” maliwanag na unti-unting tumagos ang liwanag (sa Heb., ʼohr) sa mga suson ng ulap na bumabalot pa sa lupa at makikita na ito ng isang nagmamasid mula sa lupa, ipagpalagay nang mayroon. (Gen 1:3) Noong ikaapat na “araw,” nagbago ang mga bagay-bagay. Inilalahad ng pananalitang “inilagay ng Diyos ang mga iyon sa kalawakan ng langit” nang araw na iyon na pinangyari ng Diyos na makita sa kalawakan ang mga pinagmumulan ng liwanag (sa Heb., ma·ʼohrʹ), samakatuwid nga, ang araw, buwan, at mga bituin. Ginawa sila sa layuning “paghiwalayin ang araw at ang gabi” at ‘magsilbing mga tanda at para sa mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon.’ Bukod pa sa pagiging mga palatandaan ng pag-iral at karingalan ng Diyos, sa pamamagitan ng kanilang mga galaw ay tinutulungan ng gayong mga tanglaw ang tao upang maitakda niya nang may katumpakan ang likas na mga kapanahunan, mga araw, at mga taon.—Gen 1:14-18; Aw 74:16; 148:3.
Ang salitang Hebreo ring iyon, ma·ʼohrʹ, ay ginagamit bilang pantukoy sa nagbibigay-liwanag na kasangkapan sa tabernakulo, na gumamit ng pinagningas na langis upang makalikha ng liwanag. Sa ganitong mga kaso, isinalin ito bilang “ilawan.” (Exo 25:6; 27:20; 35:8, 14, 28; Lev 24:2; Bil 4:9) Sa Kawikaan 15:30, ginagamit ito sa makasagisag na paraan sa pananalitang “ningning ng mga mata.” Makahulang binababalaan ang Ehipto hinggil sa pagkakait ni Jehova ng lahat ng liwanag sa pamamagitan ng pagpapadilim at pagtatakip ng ulap sa lahat ng “mga tanglaw [anyo ng ma·ʼohrʹ] ng liwanag [ʼohr] sa langit.”—Eze 32:2, 7, 8.