IBON
Ang mga ibon ay mga hayop na may gulugod at balahibo, mainit ang dugo, at oviparous, samakatuwid nga, nangingitlog. Sa Bibliya, mga 300 ulit na tinukoy ang mga ibon, anupat mga 30 iba’t ibang uri ang espesipikong binanggit. Tinukoy ang paglipad nila, na kadalasan ay upang takasan ang kanilang mga kaaway (Aw 11:1; Kaw 26:2; 27:8; Isa 31:5; Os 9:11); ang pagdapo nila sa mga punungkahoy (Aw 104:12; Mat 13:32); ang pamumugad nila (Aw 84:3; Eze 31:6); ang paggamit sa kanila, partikular na ang mga inakáy na kalapati at mga batu-bato, bilang hain (Lev 1:14; 14:4-7, 49-53) at bilang pagkain (Ne 5:18), pati na ang kanilang mga itlog (Isa 10:14; Luc 11:11, 12); at ang paglalaan at pangangalaga sa kanila ng Diyos (Mat 6:26; 10:29; ihambing ang Deu 22:6, 7).
Ang mga ibon ay kabilang sa pinakaunang buháy na mga kaluluwa dito sa lupa, anupat umiral sila noong ikalimang “araw” ng paglalang kasama ang mga nilalang sa dagat. (Gen 1:20-23) Sa mga pangkalahatang termino na ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa mga ibon, ang pinakamalimit lumitaw ay ang salitang Hebreo na ʽohph, na hinalaw sa pandiwang “lumipad” at pangunahin nang nangangahulugang “lumilipad na nilalang.” (Gen 1:20) Ayon kay G. R. Driver, ang ʽohph ay “waring naglalarawan sa may-ritmong pagpagaspas ng mga pakpak sa hangin at ang pag-usad na resulta niyaon.” (Palestine Exploration Quarterly, London, 1955, p. 5) Ang terminong ito ay hindi lamang tumutukoy sa lahat ng ibon (Gen 9:10; Lev 1:14; 7:26), kabilang na ang pugo (Aw 78:27; ihambing ang Exo 16:13) at ang mga ibong kumakain ng bangkay (1Sa 17:44, 46; 2Sa 21:10), kundi maaari ring tumukoy sa mga insektong may pakpak, na kabilang sa mga “nagkukulupong [sa Heb, sheʹrets]” may-pakpak na nilalang. (Lev 11:20-23; Deu 14:19; tingnan ang NAGKUKULUPON, BAGAY NA.) Ang Hebreong tsip·pohrʹ ay lumilitaw rin sa maraming teksto at ito ay isang panlahatang termino na kumakapit sa lahat ng ibon. (Gen 7:14) Ang ikatlong terminong Hebreo, ʽaʹyit, ay ikinakapit lamang sa mga ibong maninila. Ang pananalitang “matatabang ibon” sa 1 Hari 4:23 sa BSP ay tinatalakay sa artikulong KAKOK.
Ang sumusunod na mga termino ay masusumpungan sa Griegong Kasulatan: orʹne·on, nangangahulugan lamang ng “ibon” (Apo 18:2); pe·tei·nonʹ at pte·nosʹ, kapuwa literal na nangangahulugang “lumilipad.” (Ro 1:23; 1Co 15:39; ihambing ang Int.) Sa Gawa 17:18, ang apostol na si Pablo ay tinawag na ‘daldalero’ ng mga pilosopong taga-Atenas. Ang salitang Griego rito (sper·mo·loʹgos) ay ikinapit sa isang ibon na tumutuka ng mga binhi, samantalang sa makasagisag na paraan ay ginamit naman ito upang tukuyin ang isang tao na namumulot ng mga pira-piraso sa pamamagitan ng pamamalimos o pagnanakaw, o gaya sa kasong nabanggit, isa na nag-uulit-ulit ng mga pira-pirasong kaalaman, anupat nagngangangawa ng mga bagay na walang saysay.
Ang isang masusing pag-aaral tungkol sa mga ibon ay nagbibigay ng nakakukumbinsing patotoo hinggil sa turo ng Bibliya na sila ay nilalang ng Diyos. Bagaman ang mga ibon at mga reptilya ay kapuwa oviparous, ang mga reptilya ay malamig ang dugo at karaniwan nang makukupad, samantalang ang mga ibon naman ay mainit ang dugo at kabilang sa mga pinakaaktibong nilalang sa lupa; napakabilis din ng pintig ng kanilang puso. Ang pangmalas ng mga ebolusyonista na ang mga kaliskis at mga biyas sa unahan ng mga reptilya ay naging mabalahibong mga pakpak nang bandang huli ay kathang-isip lamang at walang saligan. Bagaman ang mga fosil ng mga ibon na tinatawag ng mga siyentipiko na Archaeopteryx (o, sinaunang pakpak) at Archaeornis (o, sinaunang ibon) ay may mga ngipin at isang mahabang buntot na may gulugod, makikita rin na ang mga iyon ay nababalutan ng balahibo, may mga paang pandapo, at may tunay na mga pakpak. Walang umiiral na mestisong mga ispesimen, na kakikitaan ng mga kaliskis na nagiging mga balahibo o ng mga paa sa unahan na nagiging mga pakpak, upang sumuporta kahit bahagya man lamang sa teoriya ng ebolusyon. Gaya ng sinabi ng apostol na si Pablo, iba ang “laman” ng mga ibon sa iba pang mga nilalang sa lupa.—1Co 15:39.
Tinawagan ng salmista ang “mga ibong may pakpak” na purihin si Jehova (Aw 148:1, 10), at nagagawa nila ito sa pamamagitan ng kanila mismong kayarian at ng masalimuot na pagkakadisenyo sa kanila. Ang isang ibon ay maaaring may 1,000 hanggang mahigit na 20,000 balahibo. Gayunman, ang bawat balahibo ay binubuo ng isang tangkay na tinutubuan ng daan-daang barb na bumubuo naman ng masisinsing sanga-sanga, anupat bawat barb ay may ilang daang mas maliliit na barbule at ang bawat barbule ay may daan-daang barbicel at hooklet. Kaya naman tinatayang ang isang anim-na-pulgadang balahibo ng pakpak ng isang kalapati ay may daan-daang libong barbule at milyun-milyong barbicel. Ang mga prinsipyo ng aerodynamics na inilakip sa mga pakpak at disenyo ng katawan ng mga ibon ay mas masalimuot at mas mahusay kaysa sa disenyo ng makabagong-panahong mga sasakyang panghimpapawid. Dahil sa hungkag na mga buto ng ibon, ito ay magaan. Halimbawa, maaaring tumimbang lamang nang mga 110 g (4 onsa) ang kalansay ng isang frigate bird na ang nakabukang mga pakpak ay may kabuuang haba na 2 m (7 piye). Ang ilang buto ng pakpak ng malalaking ibong pumapaimbulog ay mayroon pa ngang mga suportang tulad-sepo, gaya ng mga strut o suhay na nasa loob ng mga pakpak ng eroplano, sa loob ng hungkag na mga bahagi nito.
Noong panahon ng Baha, nagpasok si Noe sa arka ng pares-pares na mga ibon “ayon sa kani-kanilang uri” upang mapanatiling buháy ang mga ito. (Gen 6:7, 20; 7:3, 23) Hindi matiyak kung ilang iba’t ibang “uri” ng ibon ang umiiral noon, yamang naglaho na ang ilang uri ng ibon maging nitong kalilipas na mga panahon. Gayunman, kapansin-pansin na sa talaan ng mga ibon ayon sa makabagong-panahong siyentipikong klasipikasyon na iniharap sa The New Encyclopædia Britannica (1985, Tomo 15, p. 14-106), may kabuuang bilang lamang na 221 “pamilya” ng mga ibon, kasama na ang ilan na sa ngayon ay naglaho na o kilala na lamang sa anyong fosil. Sabihin pa, may libu-libong iba’t ibang uri na kabilang sa mga “pamilya” na ito.—Tingnan ang ARKA Blg. 1.
Pagkatapos ng pangglobong Baha, naghandog si Noe ng “malilinis na lumilipad na nilalang” kasama ng mga hayop bilang isang hain. (Gen 8:18-20) Mula noon ay ipinahintulot ng Diyos na mapabilang ang mga ibon sa mga kinakain ng tao, huwag lamang kakainin ang dugo. (Gen 9:1-4; ihambing ang Lev 7:26; 17:13.) Samakatuwid, maliwanag na ang ‘pagiging malinis’ ng ilang ibon noong panahong iyon ay nauugnay sa kung ano ang itinakda ng Diyos bilang katanggap-tanggap ihain; ipinakikita ng rekord ng Bibliya na, may kinalaman sa paggamit sa mga ito bilang pagkain, walang ibon ang itinalagang “marumi” hanggang noong ibigay ang Kautusang Mosaiko. (Lev 11:13-19, 46, 47; 20:25; Deu 14:11-20) Ang mga salik na batayan kung aling mga ibon ang itinalagang “marumi” sa seremonyal na paraan ay hindi espesipikong binabanggit sa Bibliya. Kaya naman, bagaman ang karamihan sa mga itinalagang marumi ay mga ibong maninila o mga kumakain ng bangkay, hindi naman lahat ay gayon. (Tingnan ang ABUBILYA.) Inalis ang pagbabawal na ito pagkatapos na maitatag ang bagong tipan, gaya ng nilinaw ng Diyos kay Pedro sa isang pangitain.—Gaw 10:9-15.
Sa ilang kaso, mahirap matukoy ang mga ibon na espesipikong binabanggit sa Bibliya. Karaniwang nakatutulong sa mga leksikograpo ang salitang-ugat ng pangalan na kadalasan nang naglalarawan sa ibon, ang mga pahiwatig sa konteksto may kinalaman sa mga ugali at tirahan ng ibon, at ang pagmamasid sa mga ibon na kilalang matatagpuan sa mga lupain ng Bibliya. Sa maraming kaso, pinaniniwalaan na ang mga pangalan ay onomatopoeic, samakatuwid nga, ginagaya ang tunog na nililikha ng ibon.
Dahil iba-iba ang topograpiya ng Palestina, mula sa malalamig na taluktok ng bundok hanggang sa napakaiinit na libis at mula sa tigang na mga disyerto hanggang sa tabing-dagat na mga kapatagan, na pawang malapit sa TS sulok ng Dagat Mediteraneo, ito ay sentro ng napakarami at sari-saring uri ng mga ibon. Ang Bundok Hermon, sa H, ay nababalutan ng niyebe sa kalakhang bahagi ng taon, samantalang ang rehiyon naman mga 200 km (125 mi) sa dakong T sa kahabaan ng mababang Libis ng Jordan at malapit sa Dagat na Patay ay mainit at tropikal. Ang bawat sonang ito ay may mga ibon na katangi-tangi sa kapaligiran nito, alinman sa alpino o tropikal, gayundin sa mga sonang may katamtamang klima at sa mga disyertong rehiyon. (Aw 102:6; 104:16, 17) Karagdagan pa, ang Palestina ay nasa isa sa mga pangunahing ruta ng pandarayuhan na tinatahak taun-taon ng mga ibon (siguana, batu-bato, pugo, sibad, langay-langayan, tarat, kakok, at iba pa) na naglalakbay patungo sa H mula sa Aprika kapag tagsibol o patungo sa T mula sa Europa at Asia kapag taglagas. (Sol 2:11, 12; Jer 8:7) Kaya naman may ilang pagkakataon sa loob ng isang taon na tinatayang mga 470 uri ng ibon ang matatagpuan sa Palestina. Dahil sa pagkasira ng mga kagubatan at mga pananim sa Palestina sa paglipas ng mga siglo, malamang na noong panahon ng Bibliya ay mas malaki pa ang populasyon ng mga ibon doon.
Partikular na kapansin-pansin ang malaking bilang ng mga ibong maninila (sa Heb., ʽaʹyit) na matatagpuan sa Palestina, kabilang na ang agila, lawin, halkon, at buwitre. Noong panahon ni Abraham, may mga ibong maninila na nagtangkang bumaba sa inihahain niyang mga hayop at ibon, anupat napilitan siyang bugawin ang mga iyon hanggang sa paglubog ng araw. (Gen 15:9-12; ihambing ang 2Sa 21:10.) Sa paghahanap nila ng pagkain, ang mga ibong ito ay umaasa sa kanilang napakatalas na telescopic na paningin, sa halip na sa kanilang mahinang pang-amoy.
Ang malimit makitang pagkukumpulan ng mga ibon sa isang bangkay ay madalas tukuyin bilang malagim na babala sa kaaway (1Sa 17:44, 46), at paulit-ulit na binabanggit sa makahulang mga babala na kinasihan ng Diyos laban sa bansang Israel at sa mga tagapamahala nito (Deu 28:26; 1Ha 14:11; 21:24; Jer 7:33; 15:3) at gayundin sa mga banyagang bansa. (Isa 18:1, 6; Eze 29:5; 32:4) Kaya naman, ang isa na ginamit ni Jehova upang maglapat ng kahatulan ay makasagisag na inilarawan bilang isang “ibong maninila.” (Isa 46:11) Ang pananahanan ng mga ibong mahilig mag-isa sa isang lunsod o lupain (Isa 13:19-21; ihambing ang Apo 18:2) o ang paglalaho roon ng lahat ng ibon (Jer 4:25-27; 9:10; 12:4; Os 4:3; Zef 1:3) ay nagpapahiwatig ng pagkatiwangwang. Ang proklamasyong nananawagan sa lahat ng mga ibon na magtipon upang magpiging sa mga bangkay ni Gog ng Magog at ng kaniyang pulutong (Eze 39:1-4, 17-21) ay katulad niyaong nakaulat sa Apocalipsis kung saan ang mga bangkay ng mga tagapamahala ng mga bansa at ng mga hukbo nila ay magiging pagkain ng “lahat ng mga ibon na lumilipad sa kalagitnaan ng langit,” na resulta ng gagawing pagpuksa ni Kristo Jesus bilang Hari.—Apo 19:11-21; ihambing ito sa nakaaaliw na mga salita ng Diyos sa kaniyang bayan, sa Os 2:18-20.
Ang pagsamba sa mga ibon bilang kumakatawan sa tunay na Diyos ay ipinagbawal sa bansang Israel (Deu 4:15-17) ngunit naging prominente ang gayong gawain sa mga bansang pagano, partikular na sa Ehipto. (Ro 1:23) Daan-daang momya ng mga ibon ang natagpuan sa mga libingan sa Ehipto, pangunahin na niyaong mga ibong gaya ng halkon, buwitre, at ibis, na pawang sagrado sa mga Ehipsiyo. Sa Ehipsiyong hieroglyphics, mga 22 iba’t ibang sagisag ng ibon ang makikita.