Ang Talâ ni Noe—May Kahulugan Ba Ito Para sa Atin?
HABANG humuhula hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay, sinabi ni Jesus: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:3, 37) Maliwanag, inihula ni Jesus na ang nangyayari sa ating panahon ay may pagkakahawig noong panahon ni Noe. Ang isang maaasahan at tumpak na ulat ng mga pangyayari noong panahon ni Noe ay tunay na napakahalaga.
Napakahalaga nga ba ng talâ ni Noe? Taglay ba nito ang katibayan ng pagiging isang tunay na makasaysayang dokumento? Talaga nga bang matitiyak natin kung kailan naganap ang Baha?
Kailan Naganap ang Baha?
Ang Bibliya ay naglalaan ng kronolohikal na impormasyon para maisagawa ang isang maingat na pagbilang pabalik sa pasimula ng kasaysayan ng tao. Sa Genesis 5:1-29, masusumpungan natin ang linya ng talaangkanan mula sa paglalang sa unang taong si Adan hanggang sa kapanganakan ni Noe. Ang Delubyo ay nagsimula “noong ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe.”—Genesis 7:11.
Upang matiyak ang panahon ng Baha, kailangan nating magpasimula sa isang napakahalagang petsa. Samakatuwid nga, dapat tayong magsimula sa isang petsa na tinatanggap ng sekular na kasaysayan at katugma ng isang partikular na pangyayaring iniulat sa Bibliya. Mula sa gayong napakahalagang petsa, makakalkula at matitiyak natin ang petsa ng Baha salig sa kalendaryong Gregorian na karaniwang ginagamit ngayon.
Ang isang napakahalagang petsa ay ang 539 B.C.E., ang taon noong pabagsakin ni Haring Ciro ng Persia ang Babilonya. Kabilang sa sekular na mga impormasyon noong panahon ng kaniyang paghahari ang mga tabletang Babiloniko at mga dokumento nina Diodorus, Africanus, Eusebius, at Ptolemy. Dahil sa utos na pinalabas ni Ciro, isang nalabing Judio ang lumisan sa Babilonya at dumating sa kanilang tinubuang-bayan noong 537 B.C.E. Iyon ang naging tanda ng katapusan ng 70-taóng pagkatiwangwang ng Juda na, ayon sa ulat ng Bibliya ay nagsimula noong 607 B.C.E. Sa pamamagitan ng pagkalkula sa panahon ng mga hukom at sa pamamahala ng mga hari ng Israel, matitiyak natin na ang Pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto ay naganap noong 1513 B.C.E. Ang salig-Bibliyang kronolohiya ay nagdadala sa atin pabalik ng 430 taon hanggang sa pakikipagtipan kay Abraham noong 1943 B.C.E. Pagkatapos ay kailangan nating ibilang ang mga kapanganakan at haba ng buhay nina Tera, Nahor, Serug, Reu, Peleg, Eber, at Shela, at gayundin ni Arpacsad, na ipinanganak “dalawang taon pagkatapos ng delubyo.” (Genesis 11:10-32) Kaya mailalagay natin ang pasimula ng Baha noong taóng 2370 B.C.E.a
Ang Pagbuhos ng Tubig-Baha
Bago natin repasuhin ang mga pangyayari noong panahon ni Noe, baka gusto mong basahin muna ang Genesis kabanata 7 talata 11 hanggang kabanata 8 talata 4. Hinggil sa malakas na pagbuhos ng ulan, sinabi sa atin: “Noong ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe [2370 B.C.E.], nang ikalawang buwan, noong ikalabimpitong araw ng buwan, nang araw na ito ay bumuka ang lahat ng bukal ng malawak na matubig na kalaliman at nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit.”—Genesis 7:11.
Hinati ni Noe ang taon sa 12 buwan na may 30 araw bawat isa. Noong sinaunang panahon, ang unang buwan ay nagsisimula sa halos kalagitnaan ng buwan ng Setyembre sa ating kalendaryo. Ang tubig-baha ay nagsimulang bumuhos “nang ikalawang buwan, noong ikalabimpitong araw ng buwan” at patuloy na bumuhos sa loob ng 40 araw at 40 gabi noong mga buwan ng Nobyembre at Disyembre 2370 B.C.E.
Hinggil sa Delubyo, ipinababatid din sa atin: “Ang tubig ay patuloy na umapaw sa lupa nang isang daan at limampung araw. . . . At ang tubig ay nagsimulang kumati mula sa lupa, na tuluy-tuloy ang pagkati; at sa pagwawakas ng isang daan at limampung araw ay kumaunti ang tubig. At nang ikapitong buwan, noong ikalabimpitong araw ng buwan, ang arka ay lumapag sa mga bundok ng Ararat.” (Genesis 7:24–8:4) Kaya ang yugto mula nang umapaw ang tubig sa lupa hanggang sa panahong kumati ito ay 150 araw, o limang buwan. Kaya ang arka ay sumadsad sa mga bundok ng Ararat noong Abril ng 2369 B.C.E.
Ngayon ay nanaisin mo marahil na basahin ang Genesis 8:5-17. Ang taluktok ng mga bundok ay lumitaw lamang pagkalipas ng halos dalawa at kalahating buwan (73 araw) “nang ikasampung buwan [Hunyo], noong ikaisa ng buwan.” (Genesis 8:5)b Makalipas ang tatlong buwan (90 araw)—“nang ikaanim na raan at isang taon [ni Noe], nang unang buwan, noong unang araw ng buwan,” o noong kalagitnaan ng Setyembre, 2369 B.C.E.—inalis ni Noe ang pantakip ng arka. Makikita na niya kung gayon na “ang ibabaw ng lupa ay natuyo na.” (Genesis 8:13) Makalipas ang isang buwan at 27 araw (57 araw), “nang ikalawang buwan, noong ikadalawampu’t pitong araw ng buwan [kalagitnaan ng Nobyembre, 2369 B.C.E.], ang lupa ay lubusang natuyo.” Si Noe at ang kaniyang pamilya ay lumabas sa arka tungo sa tuyong lupa. Kaya, gumugol si Noe at ang iba pa ng isang taóng lunar at sampung araw (370 araw) sa loob ng arka.—Genesis 8:14.
Ano ang pinatutunayan ng eksaktong mga rekord na ito hinggil sa mga pangyayari, detalye, at panahon? Simple lamang: Ang propetang Hebreo na si Moises, na maliwanag na sumulat ng Genesis salig sa mga rekord na kaniyang natanggap, ay naghaharap ng mga katotohanan, hindi ng isang maalamat na talinghaga. Ang Delubyo kung gayon ay napakahalaga para sa atin ngayon.
Paano Minalas ng Ibang Manunulat ng Bibliya ang Baha?
Karagdagan sa ulat ng Genesis, marami pang pagtukoy tungkol kay Noe o sa Delubyo ang nasa Bibliya. Halimbawa:
(1) Isinama ng mananaliksik na si Ezra si Noe at ang kaniyang mga anak na lalaki (sina Sem, Ham, at Japet) sa talaangkanan ng bansang Israel.—1 Cronica 1:4-17.
(2) Isinama ng manggagamot at manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas si Noe sa listahan ng mga ninuno ni Jesu-Kristo.—Lucas 3:36.
(3) Ilang ulit na binanggit ni apostol Pedro ang ulat hinggil sa Baha sa pagsulat sa kapuwa niya mga Kristiyano.—2 Pedro 2:5; 3:5, 6.
(4) Binanggit ni apostol Pablo ang malaking pananampalataya na ipinakita ni Noe sa paggawa ng arka para sa kaligtasan ng kaniyang sambahayan.—Hebreo 11:7.
Mapag-aalinlangan pa ba ang pagtanggap ng kinasihang mga manunulat ng Bibliya sa ulat ng Genesis hinggil sa Baha? Maliwanag na kinilala nila ito bilang isang totoong pangyayari.
Si Jesus at ang Baha
Si Jesu-Kristo ay umiral na bago pa naging isang tao. (Kawikaan 8:30, 31) Siya ay isang espiritung nilalang sa langit noong panahon ng Baha. Bilang isang aktuwal na nakasaksi, si Jesus ay nagbibigay sa atin ng pinakadakilang katunayan mula sa Kasulatan hinggil kay Noe at sa Delubyo. Sinabi ni Jesus: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.
Gagamit kaya si Jesus ng alamat upang babalaan tayo hinggil sa dumarating na katapusan ng sistemang ito ng mga bagay? Malayung-malayo! Makapagtitiwala tayo na gumamit siya ng isang tunay na halimbawa ng pagsasagawa ng hatol ng Diyos sa mga balakyot. Oo, maraming buhay ang nasawi, subalit makakakuha tayo ng kaaliwan sa pagkaalam na si Noe at ang kaniyang pamilya ay naligtas sa Baha.
“Ang mga araw ni Noe” ay napakahalaga para sa mga nabubuhay sa ngayon, sa panahon ng “pagkanaririto ng Anak ng tao,” si Jesu-Kristo. Habang binabasa natin ang detalyadong ulat hinggil sa pangglobong Baha na nasa rekord na iningatan ni Noe, makatitiyak tayo na ito ay totoong makasaysayang dokumento. At ang kinasihan ng Diyos na ulat ng Genesis hinggil sa Delubyo ay may malaking kahalagahan para sa atin. Kung paanong si Noe, ang kaniyang mga anak, at ang kani-kanilang asawa ay naglagak ng pananampalataya sa paraan ng pagliligtas ng Diyos, mapapasailalim din tayo sa proteksiyon ni Jehova salig sa ating pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. (Mateo 20:28) Bukod diyan, maaari tayong magkaroon ng pag-asa na mapabilang sa mga makaliligtas sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay kung paanong ipinakikita ng talâ ni Noe na siya at ang kaniyang pamilya ay nakaligtas sa Baha na tumapos sa di-makadiyos na sanlibutan noong panahong iyon.
[Mga talababa]
a Para sa mga detalye ng pagpepetsa ng Baha, tingnan ang Tomo 1, pahina 458-60, ng Insight on the Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Ang Keil-Delitzsch Commentary on the Old Testament, Tomo 1, pahina 148, ay nagsasabi: “Marahil 73 araw pagkatapos sumadsad ang arka, ang mga taluktok ng mga bundok ay nakita na, samakatuwid nga, ang mga taluktok ng kabundukan ng Armenia, na nakapalibot sa arka.”
[Kahon sa pahina 5]
Nabuhay ba Sila Nang Gayong Katagal?
“ANG lahat ng mga araw ni Noe ay umabot ng siyam na raan at limampung taon at siya ay namatay,” ang sabi ng Bibliya. (Genesis 9:29) Ang lolo ni Noe na si Matusalem ay nabuhay nang 969 na taon—ang napaulat na pinakamahabang buhay ng tao. Ang katamtamang haba ng buhay ng sampung salinlahi mula kay Adan hanggang kay Noe ay mahigit na 850 taon. (Genesis 5:5-31) Ang mga tao ba noon ay nabuhay nang gayong katagal?
Orihinal na layunin ng Diyos na ang tao ay mabuhay magpakailanman. Ang unang tao, si Adan, ay nilalang taglay ang pagkakataong magtamasa ng isang haba ng buhay na hindi kailanman magwawakas kung siya ay magiging masunurin sa Diyos. (Genesis 2:15-17) Ngunit si Adan ay sumuway at naiwala ang pagkakataong iyon. Pagkatapos mabuhay nang 930 taon, na ginugol sa unti-unting pagkamatay, si Adan ay bumalik sa lupa na pinagkunan sa kaniya. (Genesis 3:19; 5:5) Ipinasa ng unang tao ang pamanang kasalanan at kamatayan sa lahat ng kaniyang mga supling.—Roma 5:12.
Gayunman, ang mga taong nabuhay sa yugtong iyon ng panahon ay malapit pa sa orihinal na kasakdalan ni Adan at maliwanag na dahil dito kung kaya nagtamasa sila ng mas mahabang buhay kaysa sa mga taong ipinanganak nang dakong huli. Kaya, ang haba ng buhay ng tao ay umabot nang halos isang libong taon bago ang Baha at mabilis na umikli pagkatapos ng Delubyo. Halimbawa, si Abraham ay nabuhay lamang nang 175 taon. (Genesis 25:7) At mga 400 taon pagkamatay ng tapat na patriyarkang iyon, sumulat si propeta Moises: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang pinagpupunyagian nila ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.” (Awit 90:10) Ang kalagayan sa ngayon ay katulad na katulad din noong panahon ni Moises.
[Chart/Mga larawan sa pahina 6, 7]
Pagbilang Nang Pabalik Mula sa Utos ni Ciro na Nagpapahintulot sa mga Judio na Bumalik Buhat sa Pagkakatapon Hanggang sa Baha Noong Panahon ni Noe
537 Utos ni Ciroc
539 Ang pagbagsak ng Babilonya sa
pamamagitan ng Persianong si Ciro
68 taon
607 Nagsimula ang 70-taóng
pagkatiwangwang ng Juda
906 na taóng
pangangasiwa ng
mga pinuno, hukom,
at mga hari ng
Israel
1513 Ang Pag-alis ng Israel mula sa
Ehipto
430 taon 430-taóng yugto ng paninirahan ng mga
anak ni Israel sa lupain ng Ehipto at
sa Canaan (Exodo 12:40, 41)
1943 Pagpapatibay sa Abrahamikong tipan
205 taon
2148 Ang kapanganakan ni Tera
222 taon
2370 Pasimula ng Baha
[Talababa]
c Ang kapahayagan ni Ciro para sa paglaya ng mga Judio buhat sa pagkakatapon ay ginawa “nang unang taon ni Ciro na hari ng Persia,” na malamang ay noong taóng 538 B.C.E. o maaga noong 537 B.C.E.