Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Itaguyod ng mga Kristiyano ang Parusang Kamatayan?
“ITO’Y mali sa moral at etikal na paraan.” “Ito’y makatarungan at makatuwiran.” Ang magkasalungat na mga palagay na ito ay mula sa dalawang klerigo, kapuwa naturingang Kristiyano. Pinagtatalunan nila ang isa sa nagbabagang isyu ngayon—parusang kamatayan. Ang artikulo sa pahayagan na sumisipi sa kanila ay nagsabi: “Kapag pinagtatalunan ng mga lider ng relihiyon ang parusang kamatayan, binabanggit ng magkabilang panig ang mga sipi sa Bibliya upang suportahan ang kani-kanilang katayuan.”
Ang ilan ay nangangatuwiran na ang parusang kamatayan ay nagtatanggol sa walang kasalanan, nagtataguyod ng katarungan, at humahadlang sa malubhang krimen. Iginigiit naman ng iba na ito ay imoral—isang paraan ng pagtugon sa karahasan sa pamamagitan ng higit na karahasan at mas nakabababa sa mas marangal na atas na papanibaguhing-buhay ang mga kriminal, tulungan silang maging kapaki-pakinabang na mga miyembro ng lipunan.
Sa pulitikal na tanawin sa Estados Unidos, ang pagtatalong ito ay lalo nang matindi, at ang mga lider ng relihiyon ay hindi nag-aatubiling masangkot. Gayunman, maitatanong mo, ‘May sinasabi ba ang Bibliya tungkol sa paksa na parusang kamatayan?’ Sa katunayan, may sinasabi ito.
Pagkakaloob ng “Tabak” sa mga Awtoridad na Tao
Di-nagtagal pagkatapos ng Baha noong kaarawan ni Noe, pinagtibay ng Diyos na Jehova ang kahalagahan ng buhay ng tao at saka sinabi: “Sinumang nagbububo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniya mismong dugo.” (Genesis 9:6) Mangyari pa, ito’y hindi isang walang-takdang pahintulot para maghiganti. Bagkus, ito’y nangahulugan na ang may karapatang hinirang na mga awtoridad na tao ay pahihintulutang maggawad ng kamatayan sa mga kumitil ng buhay ng iba.
Sa sinaunang Israel ang Batas ng Diyos na inihatid sa pamamagitan ni Moises ay nagtakda ng parusang kamatayan para sa ilang malubhang pagkakasala. (Levitico 18:29) Subalit, ang Batas ay naglalaan din para sa walang kinikilingang paghatol, patotoo ng nakasaksi, at sinusugpo ang katiwalian. (Levitico 19:15; Deuteronomio 16:18-20; 19:15) Ang mga hukom ay dapat na mga lalaking tapat at sila’y magsusulit mismo sa Diyos! (Deuteronomio 1:16, 17; 2 Cronica 19:6-10) Sa gayo’y may mga pananggalang laban sa mga pag-abuso sa parusang kamatayan.
Walang gobyerno ngayon sa lupang ito ang talagang kumakatawan sa katarungan ng Diyos gaya ng sinaunang Israel. Subalit sa maraming paraan ang mga pamahalaan ay kumikilos bilang ‘mga ministro,’ o mga ahente ng Diyos, sa bagay na pinananatili nila ang kaayusan at katatagan at naglalaan ng kinakailangang mga serbisyo publiko. Pinaalalahanan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na maging masunurin sa “nakatataas na mga awtoridad” na ito at saka idinagdag: “Kung gumagawa ka ng masama, matakot ka: sapagkat hindi nito [ang pamahalaan] taglay ang tabak nang walang layunin; sapagkat ministro ito ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpahayag ng poot sa nagsasagawa ng masama.”—Roma 13:1-4.
“Ang tabak” na binanggit ni Pablo ay sumasagisag sa karapatan ng pamahalaan na parusahan ang mga kriminal—kahit ng kamatayan. Iginagalang ng mga Kristiyano ang karapatang iyan, subalit dapat ba nilang sikaping magkaroon ng impluwensiya sa kung paano ito isasagawa?
Maling Paggamit sa “Tabak”
Tiyak na ginamit ng mga pamahalaan ng tao “ang tabak” alang-alang sa katarungan nang maraming beses. Subalit dapat ding aminin na sila man ay may pagkakasala sa maling paggamit nito. (Eclesiastes 8:9) Ang pamahalaan ng sinaunang Roma ay nagkasala sa paggamit sa “tabak” ng hudisyal na pagpatay sa walang kasalanang mga lingkod ng Diyos. Si Juan na Tagapagbautismo, si Santiago, at maging si Jesu-Kristo ay kabilang sa mga biktima nito.—Mateo 14:8-11; Marcos 15:15; Gawa 12:1, 2.
May nangyari ring gayon sa modernong panahon. Ang mga walang kasalanang lingkod ni Jehova ay pinatay sa iba’t ibang bansa—sa pamamagitan ng firing squad, gilotina, pagbitay, gas chamber—lahat ng ito’y “legal” na isinagawa ng mga pamahalaan sa pagsisikap na sugpuin ang Kristiyanismo. Lahat ng kapangyarihang inabuso ang kanilang awtoridad ay magsusulit sa Diyos. Anong kakila-kilabot na pagkakasala laban sa dugo ang taglay nila!—Apocalipsis 6:9, 10.
Hindi kailanman nanaisin ng tunay na mga Kristiyano na magkaroon ng pagkakasala laban sa dugo sa harap ng Diyos na Jehova. Kaya naman, bagaman iginagalang nila ang karapatan ng pamahalaan na gamitin “ang tabak,” may kabatiran sila kung paano ito maling ginamit. Ito’y nagsilbing isang kasangkapan sa pag-uusig at kung minsan ito rin ay ginamit na may kalupitan laban sa ilan at di-angkop na kaluwagan naman sa iba.a Kaya ano ang dapat na maging reaksiyon ng mga Kristiyano sa pagtatalo tungkol sa parusang kamatayan? Sila ba’y dapat na masangkot at igiit ang pagbabago?
Kristiyanong Neutralidad
Di-tulad ng nabanggit na mga klerigo sa pasimula, ang tunay na mga Kristiyano ay nagsisikap na isaisip ang isang mahalagang simulain: sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na maging “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 15:19; 17:16.
Maaari bang sundin ng isang Kristiyano ang utos na iyon at kasabay nito’y makisali pa rin sa pagtatalo tungkol sa parusang kamatayan? Maliwanag na hindi. Ito, sa paano man, ay isang panlipunan at pulitikal na isyu. Sa Estados Unidos, karaniwang ginagamit ng mga kandidato sa pulitikal na tungkulin ang kanilang paninindigan tungkol sa parusang kamatayan—ito man ay bilang pagsuporta o pagtutol—bilang isang mahalagang patakaran sa kanilang plataporma sa kampanya. Masigasig nilang tinututulan ang tungkol sa parusang kamatayan at ginagamit ang tindi ng damdamin na karaniwang pinupukaw ng paksang ito bilang isang kasangkapan upang impluwensiyahan ang mga botante na suportahan ang kanilang panig.
Marahil ang tanong na dapat pag-isipan ng isang Kristiyano ay ito: Isasangkot kaya ni Jesus ang kaniyang sarili sa pagtatalo tungkol sa kung paano ginagamit ng mga pamahalaan ng sanlibutang ito “ang tabak”? Tandaan, nang sikapin ng kaniyang mga kababayan na isangkot siya sa pulitika, si Jesus “ay umalis na muli patungo sa bundok na nag-iisa.” (Juan 6:15) Kung gayon, malamang na ipauubaya niya ang bagay na ito kung saan ito inilagay ng Diyos—sa mga kamay ng mga pamahalaan.
Gayundin naman sa ngayon, inaasahan na ang mga Kristiyano ay maging maingat na huwag masangkot sa mga pagtatalo tungkol sa paksang ito. Kikilalanin nila ang karapatan ng mga pamahalaan na gawin ang kanilang kagustuhan. Subalit bilang mga ministrong Kristiyano na hindi bahagi ng sanlibutan, hindi sila magpapahayag ng pagsuporta sa parusang kamatayan ni itataguyod man nila ang pagpawi rito.
Bagkus, isinasaisip nila ang mga salita sa Eclesiastes 8:4: “Ang salita ng hari ay may kapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kaniya: ‘Ano ang ginagawa mo?’ ” Oo, ang ‘mga hari’ ng sanlibutan, o ang pulitikal na mga pinuno, ay pinagkalooban ng kapangyarihan na isagawa ang kanilang sariling kalooban. Ang Kristiyano ay walang awtoridad na pagsabihan sila. Subalit magagawa ito ni Jehova. At gagawin niya ito. Pinatatanaw sa atin ng Bibliya ang araw kapag pinasapit na ng Diyos ang pangwakas na katarungan para sa lahat ng krimen at lahat ng pag-abuso sa “tabak” sa matandang sanlibutang ito.—Jeremias 25:31-33; Apocalipsis 19:11-21.
[Talababa]
a Halimbawa, ang sistema ng bilangguan ng E.U. ay binatikos dahil sa pagbitay sa wala pang 2 porsiyento ng mga kriminal nitong nasa death-row taun-taon. Mas marami sa kanila ang namamatay dahil sa likas na mga dahilan kaysa pagbitay. May mga paratang din tungkol sa di-matuwid na opinyon—gaya ng ipinahihiwatig ng mga estadistika na ang isang mamamatay-tao ay malamang na tumanggap ng parusang kamatayan kung ang biktima ay puti kaysa kung ang biktima ay itim.
[Picture Credit Line sa pahina 22]
The Bettmann Archive