ZIPORA
[Ibon; o, posible, Maliit na Ibon].
Ang asawa ni Moises. Nakilala ni Zipora si Moises sa tabi ng isang balon, noong pinaiinom niya at ng kaniyang anim na kapatid na babae ang mga kawan ng kanilang ama. Nang dumating ang ilang pastol at tangkain nilang itaboy ang mga babae gaya ng dati nilang ginagawa, tinulungan ni Moises ang mga babae, anupat siya pa mismo ang nagpainom sa mga kawan. Dahil sa kabaitang ito ay inanyayahan siya sa tahanan ni Zipora, at nang maglaon ay ibinigay si Zipora ng kaniyang saserdoteng amang si Jetro kay Moises upang maging asawa. (Exo 2:16-21) Si Zipora ay nagkaanak ng dalawang lalaki kay Moises—sina Gersom at Eliezer.—Exo 2:22; 18:3, 4.
Nang pabalikin ni Jehova si Moises sa Ehipto, sinamahan siya ni Zipora at ng kanilang dalawang anak. Isang napakalubhang insidente ang naganap sa daan, anupat ang medyo malabong ulat ay nagsasabi: “At nangyari sa daan, sa dakong tuluyan, na sinalubong siya ni Jehova [“anghel ni Jehova,” LXX] at naghanap ng paraan upang patayin siya. Nang dakong huli ay kumuha si Zipora ng isang batong pingkian at pinutol ang dulong-balat ng kaniyang anak at pinasaling iyon sa kaniyang mga paa at sinabi: ‘Sapagkat ikaw ay isang kasintahang lalaki ng dugo sa akin.’ Sa gayon ay binayaan niya ito. Sa pagkakataong iyon ay sinabi niya: ‘Isang kasintahang lalaki ng dugo,’ dahil sa pagtutuli.”—Exo 4:24-26.
Maraming interpretasyon ang inihaharap ng mga iskolar para sa ulat na ito, anupat ang ilan ay inilakip sa makabagong mga salin ng Bibliya. (Tingnan ang CC, JB, Kx, La, NE, RS, gayundin ang Aleman na Zürcher Bibel, ang Kastilang Bover-Cantera at ang mga bersiyong Pranses na Crampon, Lienart, at Segond.) Sinisikap ng gayong mga interpretasyon na sagutin ang mga tanong gaya ng kung ang buhay ba ni Moises o ng bata ang nanganib, kung sinaling ba ni Zipora ang mga paa ni Moises o ang mga paa ng bata o ang mga paa ng anghel sa pamamagitan ng dulong balat. Nagbibigay rin sila ng kanilang opinyon kung bakit sinabi ni Zipora (at kung kanino niya sinabi), “Ikaw ay isang kasintahang lalaki ng dugo sa akin.”
Waring ang buhay ng bata ang nanganib batay sa isinasaad ng batas sa pagtutuli sa Genesis 17:14; na tinuli ni Zipora ang bata dahil napagtanto niya kung ano ang kailangan upang ituwid ang mga bagay-bagay; na inihagis niya ang dulong balat sa paanan ng anghel na nagbanta sa buhay ng bata upang ipakitang nasunod na niya ang kautusan ni Jehova; na nagsalita si Zipora kay Jehova sa pamamagitan ng Kaniyang kinatawang anghel nang bumulalas siya, “Ikaw ay isang kasintahang lalaki ng dugo sa akin,” anupat sinabi niya iyon upang ipakitang tinatanggap niya ang katayuan ng asawang babae sa tipan ng pagtutuli na doo’y si Jehova ang asawang lalaki.—Tingnan ang Jer 31:32.
Ngunit walang paraan upang masagot nang tiyakan ang gayong mga tanong sa pamamagitan ng Kasulatan. Ang literal na nilalaman ng tekstong iyon sa sinaunang Hebreo ay hindi na matiyak dahil sa mga idyoma na ginamit halos 3,500 taon na ang nakararaan. Ito ang dahilan kung bakit ang literal na mga salin (NW, Ro, Yg) at ang iba pa (AS, KJ, Da, Dy, JP, Mo, Le), pati na ang sinaunang Griegong Septuagint, ay hindi maliwanag sa mga bagay na ito.
Lumilitaw na bumalik si Zipora upang dalawin ang kaniyang mga magulang, sapagkat, pagkatapos ng Pag-alis, sinamahan ni Jetro si Zipora at ang dalawang anak nito pabalik kay Moises sa kampo sa ilang. (Exo 18:1-6) Lumilitaw na ang presensiya roon ni Zipora ay pumukaw ng paninibugho ng kapatid ni Moises na si Miriam, at ginamit niya (kasama si Aaron) ang pagiging Cusita ni Zipora bilang isang dahilan upang magreklamo laban kay Moises. (Bil 12:1) Hindi nito ipinahihiwatig na namatay na si Zipora at muling nag-asawa si Moises ng isang babaing Etiope, gaya ng karaniwang opinyon, sapagkat bagaman ang “Cusita” ay kadalasang tumutukoy sa mga Etiope, maaari rin itong kumapit sa mga taga-Arabia.—Tingnan ang CUS Blg. 2; CUSITA.