BITUMEN
Ang maitim o kayumangging mineral na aspaltong ito ay tinutukoy ng tatlong salitang Hebreo. Dalawa sa mga salitang iyon ay naglalarawan ng magkaibang anyo nito: zeʹpheth (alkitran; sa Ingles, pitch), ang anyong likido nito; che·mar (bitumen), ang kalagayang solido. Inilalarawan naman ng ikatlong salita, koʹpher (isinalin ding alkitran sa Tagalog; sa Ingles, tar), ang gamit nito: kung paano ito ipinapahid bilang pangkalupkop sa kayariang kahoy. (Tingnan ang ALKITRAN.) Dahil hindi ito tinatablan ng tubig, naging kapaki-pakinabang na sa tao ang bitumen bago pa ang Baha, sapagkat noong tagubilinan si Noe na magtayo ng arka, sinabihan siya na ‘balutan iyon ng alkitran sa loob at sa labas.’—Gen 6:14.
Ang arkang papiro, na pinaglagyan sa sanggol na si Moises at pinalutang sa gitna ng mga tambo ng Nilo, ay hindi napasok ng tubig dahil tinapalan iyon kapuwa ng “bitumen at alkitran.” (Exo 2:3) Natuklasan ng mga tagapagtayo ng lunsod ng Babilonya na bukod sa hindi tinatablan ng tubig ang bitumen, madikit din ito, kaya naman nagsilbi itong isang napakahusay na argamasa para sa kanilang mga laryong pinatuyo sa hurnuhan.—Gen 11:3.
Kilala noon ang Libis ng Sidim, malapit sa Sodoma at Gomorra sa lugar ng Dagat na Patay, sa pagiging “punô ng mga hukay ng bitumen” (“mga hukay ng malagkit na putik,” KJ). (Gen 14:10) Maging sa ngayon, paminsan-minsan ay may bitumeng inaanod sa dalampasigan ng dagat na iyon, anupat ipinahihiwatig na sa kasalukuyan, ang Sidim ay nasa ilalim ng mga tubig ng Dagat na Patay. Madali ring magliyab ang bitumen at gayon ang paglalarawan dito ni Isaias, na humulang “magiging gaya ng nagniningas na alkitran” ang lupain ng Edom.—Isa 34:9.