Ang Pitch Lake ng Trinidad at Tobago
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TRINIDAD
SA ANO nagkakatulad ang Cross Harbour Tunnel ng Hong Kong, Transalpine Highway ng Austria, at Jubilee Way Viaduct ng Inglatera? May panahong ang lahat ng ito ay pawang pinalitadahan ng timplang naglalaman ng kakaibang aspaltoa—yaong galing sa Pitch Lake ng Trinidad at Tobago.
Ang malaking Pitch Lake ay isang likas na pang-ibabaw na deposito ng aspalto. Noong 1814, inilarawan ito ng isang diksyunaryo sa heograpiya bilang “isang pinakakamangha-manghang kababalaghan.” Tingnan mo mismo habang namamasyal kami sa kinaroroonan nito malapit sa timog-kanlurang baybayin ng Trinidad.
Pamamasyal sa Lawa
Pagpasok namin sa nayon ng La Brea (wikang Kastila para sa ‘matigas na alkitran’), napansin namin na ang mga bangketa ay tila papalubog sa lupa. Maging ang mga bahay ay nakapagtatakang hindi magkakahanay, na para bang gumuguho dahil sa bigat ng mga ito. Hindi na namin gaanong nausisa kung bakit nagkaganito, dahil natanaw na namin ang isang lugar na parang isang pagkalaki-laking paradahan ng sasakyan na pinabayaan. Nasa Pitch Lake na kami. Ipinaalam sa amin ng aming guide na ang lawang ito ay humigit-kumulang na 47 ektarya at mga 80 metro ang lalim sa gitna. “Tingnan nating mabuti,” ang mungkahi niya.
Maingat na maingat ang aming mga unang hakbang sa lawa at nagulat kami nang matuklasan naming solido pala ang ibabaw nito, bagaman hindi pantay. Sa katunayan, kayang-kaya ng lawa ang bigat ng isang trak at ng iba pang mabibigat na makinarya! (Pero, unti-unti itong lulubog kung magtatagal sa isang lugar.) Gayunman, dapat kaming mag-ingat sa paglakad! Sa gitna ng matigas na lupang ito, may pailan-ilang maliliit na patse ng malagkit na bitumen na ikinagugulat ng walang-kamalay-malay na mga bisita.
Mula nang kami’y dumating, nakalalanghap na kami paminsan-minsan ng matapang na amoy. “Hydrogen sulfide” iyan, ang sabi sa amin. May kaunti nito na namumuo sa lawa, kasama ng methane, ethane, at carbon dioxide. Biniyak ng aming guide ang isang kimpal ng aspalto, at nakita naming ito’y parang kesong Swiso—butas-butas na likha ng nakulong na mga bula ng gas.
Ang Pitch Lake ay isa ring mahalagang tirahan ng buhay-iláng. Ang ilang maliliit na lawa ng tubig na natipon sa ibabaw nito at sa mga damo sa paligid nito ay tirahan ng pambihirang nakamaskarang pato (Oxyura dominica). Malamang na hindi natin makita ang maliit na ibong ito ngayon, yamang ito’y madalas na parang istatuwa o tahimik na lumulubog kapag nilapitan. Nang dumaan kami sa pantay-dibdib na mga damo, may biglang lumipad na ibang ibon, ang may-lambî na jacana (Jacana jacana). Ang maitim na katawan nito ay kitang-kita sa mapusyaw na dilaw sa ilalim ng mga pakpak nito. Makikita rin dito ang kulay-lilang gallinule (Porphyrula martinica) at iba pang mga uri na namumugad sa latian. May maliliit na isdang-tabang sa mga lugar na matubig, at nakakakita paminsan-minsan ng mga buwaya.
Ginamit sa Loob ng 400 Taon
Habang nakaturo sa baybayin, ikinuwento ng aming guide na noon daw 1595, dumaong sa lugar na iyon ang Britanong manggagalugad na si Sir Walter Raleigh. Noong panahong iyon, ang lawa, na ngayo’y mababa na, ay isang kapatagan na dinadaluyan ng aspalto na umaabot hanggang sa baybayin. Ginamit ni Raleigh ang aspalto upang ipatse sa kaniyang butás na mga barko at sinabi na ito ang “pinakamahusay sa lahat,” anupat sinasabing ito’y “hindi natutunaw sa init ng araw na gaya ng pitch ng Norway, at samakatuwid ay gamít na gamít sa mga barkong nangangalakal sa mga daungan sa timog.”b
Noong 1846, ang taga-Canada na si Dr. Abraham Gesner, na nang maglaon ay tinaguriang Ama ng Industriya ng Langis, ay nagdistila ng isang bagong langis na ginagamit sa mga ilawan mula sa aspalto ng Trinidad. Tinawag niya itong gaas. Nakalulungkot, dahil sa asupre ng aspaltong ito, medyo nagkaroon ito ng di-kanais-nais na amoy. Nang maglaon, si Gesner ay nakatuklas ng isa pang mapagkukunan ng aspalto na karaniwan nang walang amoy.
Ang lawa ng aspalto ng Trinidad ay naging popular nang matuklasan ang mahalagang gamit nito sa pagpapalitada ng mga kalye. Noong 1876, iminungkahi ng mga inhinyero na gamitin ito sa pagpapalitada ng Pennsylvania Avenue sa Washington, D.C. Sa kabila ng mabigat na trapiko, ang palitada ng kalye ay iniulat na nananatili pa ring nasa mahusay na kondisyon sa loob ng 11 taon. Dito nakilala ang aspalto ng Trinidad.
Sa nakalipas na mga taon, ang mga kompanya ng langis ay nakagawa na ng mas murang bitumen bilang kakambal na produkto ng pagdadalisay ng petrolyo. Gayunman, patuloy na ginamit ng mga inhinyero ang likas na aspalto ng Trinidad sa paggawa ng mga haywey, tulay, paliparan, at daungang-dagat. Bakit?
Isang Kakaibang Timpla
Kapag inihalo sa timplang pampalitada, ang aspaltong ito ay kilala na siyang dahilan ng pagiging matigas, matibay, matatag, at hindi madulas ng pinalitadahang pang-ibabaw—puwera pa ang walang-kintab na abuhing kulay nito na kitang-kita ng mga nagmamaneho sa gabi. Ang aspaltong ito ng lawa ay matagumpay na ginamit na pang-ibabaw sa mga kalye na may temperaturang higit sa 40 digri Celsius kung tag-init at bumababa nang -25 digri Celsius kung taglamig. Ang mga runway ng paliparan na gawa sa aspaltong ito ay napakatibay, kahit na paulit-ulit na daanan ito sa tuwing lilipad at lalapag ang mabibigat na eroplano. Ang mga palitadang ito ay matibay rin sa nakasisirang likido na pang-alis ng yelo gayundin sa mga tulo ng gasolina at langis. Karamihan sa mga palitadang ito ay tumagal nang mahigit na 20 taon kahit hindi gaanong minamantini.
Ang mga katangian ng lawa ng aspalto ng Trinidad ay galing sa pantanging mga sangkap nito. Ang bitumen nito ay binubuo ng 63 hanggang 67 porsiyento ng malthene at 33 hanggang 37 porsiyento ng asphaltene. Ang malthene ay isang uri ng malagkit na petrolyong kemikal na tumutulong upang maging makapit ang bitumen. Yaong mga nasa lawa ng aspalto ay inilarawan bilang “malagkit na malagkit at parang semento sa halip na malangis, gaya ng ilang bitumen na produkto ng [pagdadalisay].” Ang asphaltene ay ibang grupo naman ng hydrocarbon na tumutulong upang maging thermoplastic na materyal ang bitumen—isa na lumalambot at dumadaloy kapag uminit at tumitigas naman kapag lumamig. Ang uri at relatibong proporsiyon ng lahat ng sangkap na ito ay nagbibigay sa aspalto ng mga katangiang mahirap tularan ng mga dalisayan (refinery).
Pagmimina at Pagdadalisay
Natawag ang aming pansin ng hugong ng malaking makinarya, at nang lumingon kami ay nakita namin ang kagamitan sa pagmimina na patungo sa lawa. Sa simpleng pananalita, ito’y isang napakalaking traktora na may nakakabit na matibay na ngiping metal, o tinidor, na kumakahig sa aspalto sa ibabaw ng lawa. Ang pira-pirasong aspalto ay ikinakarga naman sa mga bagon sa riles na pinatatakbo ng kable para dalhin sa malapit na pabrika. Mahigit sa siyam na milyong tonelada ng aspalto ang nahakot na sa lugar na ito mula pa noong huling mga taon ng ika-19 na siglo! Sa kasalukuyang dami ng konsumo, ang tinatayang sampung milyong tonelada na natitira pa ay inaasahang makasasapat hanggang 400 taon.
Matapos hakutin mula sa lawa ang ilang tonelada ng aspalto, ang pinaghukayan nito ay kumikipot at nawawala sa loob ng ilang linggo. Nagpapahiwatig ito na ang lawa ay kusang nananauli. Gayunman, ang “matigas” na aspalto ay talagang napakalagkit na likido at ang katabing materyal ay dumadaloy na lamang tungo sa hukay nito. Sa gayon, ang buong lawa ay patuloy na kumikilos ngunit hindi ito nahahalata.
Naaalaala mo ba ang nakahilig na mga bahay na nakita namin kanina? Ang pagkawala sa dating ayos ng mga ito ay medyo dahil sa nakatagong deposito ng aspalto mula sa lawa. Ang mga taong nagpapatayo sa lugar na ito ay dapat na maging maingat sa pagpili ng kanilang pagtatayuan.
“Umakyat tayo sa pabrika,” ang mungkahi ng aming guide. Ang pagdadalisay ay napakasimple. Ang di-pa-napoprosesong aspalto ay itinatambak sa malalaking tangke, na bawat isa ay nakapaglalaman ng mahigit na 100 tonelada. Dito tinutunaw ang aspalto sa pamamagitan ng nakalikaw na mga tubong naglalaman ng singaw na pinaiinit hanggang 165 digri Celsius. Pinasisingaw nito ang nakakulong na gas at tinutuyo ang sobrang tubig na bumubuo sa halos 30 porsiyento ng timbang ng mismong aspalto. Pagkatapos, sinasalà ang aspalto upang alisin ang maliliit na piraso ng kahoy at iba pang mga lumot. Kahuli-hulihan, ibubuhos ang aspalto sa fiberboard na mga bariles na may saping papel na silicone. Dito mismo sa pabrika ginagawa ang mga bariles, at bawat isa’y nalalagyan ng mga 240 kilo. Umaabot nang mga 18 oras ang buong proseso ng pagdadalisay.
“Ang dinalisay na aspalto ay tinatawag na Epuré,” ang sabi ng aming guide. Madali itong ihalo sa bitumen mula sa dalisayan at sa iba pang materyales upang makagawa ng mahuhusay na timpladong pampalitada. Noong nakalipas na mga taon, ginamit din ito upang makagawa ng sari-saring pintura, gayundin ng mga produktong ginagamit na pansemento, pang-insula, at panlaban sa tubig. Kaya naman ginagamit na ito sa maraming bahay at gusali sa buong globo.
Tamang-tama ang pagkakasumaryo ng isang awtor sa mga bagay-bagay nang isulat niya: “May isang kakaibang bagay . . . sa kamangha-manghang gawang ito ng Diyos, na umaakit sa mga nag-aaral tungkol sa kalikasan taglay ang pagtataka at paghanga.” Oo, ang Pitch Lake ng Trinidad at Tobago ay tunay ngang isang kaakit-akit na lugar na dapat pasyalan!
[Mga talababa]
a Ang mga terminong bitumen, aspalto, alkitran, at pitch (matigas na alkitran) ay madalas na ginagamit nang halinhinan. Gayunman, ang bitumen ay isang panlahat na termino para sa isang klase ng maiitim at mabibigat na hydrocarbon compound na makikita sa alkitran, pitch, at petrolyo. Ang alkitran ay isang maitim at malagkit na sangkap na nakukuha bilang produkto kapag sinunog ang mga materyales na gaya ng kahoy, uling, at lumot. Kung patuloy na pasisingawin ang alkitran, ito’y magiging pitch na isang halos solidong latak. Medyo kakaunti lamang ang bitumen ng alkitran at pitch.
Ang petrolyo, o krudo, kapag pinasingaw ay nag-iiwan ng latak na halos puro bitumen. Ang bitumen na galing sa petrolyo ay tinatawag ding aspalto. Gayunman, sa maraming lugar, ang “aspalto” ay tumutukoy sa bitumen na hinaluan ng pinagsama-samang mineral na gaya ng buhangin o graba, na karaniwang ginagamit sa pagpapalitada ng mga kalye. Para sa artikulong ito, ang “aspalto” ay tumutukoy alinman sa hilaw o dinalisay na produkto mula sa Pitch Lake.
b Tinukoy rin sa Bibliya na ang aspalto o bitumen ay hindi tinatagos ng tubig. Si Noe, nang utusang gumawa ng arka, ay sinabihan na “babalutan mo iyon ng alkitran sa loob at sa labas.” (Genesis 6:14) At ayon sa Exodo 2:3, ang arkong papiro na pinagkublihan kay Moises ay binalutan nga ng “bitumen at [matigas na] alkitran.”
[Larawan sa pahina 24, 25]
Ang Pitch Lake ay isang likas na pang-ibabaw na deposito ng aspalto
[Larawan sa pahina 26]
Isang dalisayan ng aspalto
[Larawan sa pahina 26]
Pagmimina ng aspalto mula sa lawa