PAG-ALIS
[sa Ingles, Exodus].
Ang pagliligtas sa bansang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Si Jehova ay nagsalita kay Abraham (bago 1933 B.C.E.), matapos ipangako na mamanahin ng binhi ni Abraham ang lupain, at nagsabi: “Tiyak na malalaman mo na ang iyong binhi ay magiging naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila, at paglilingkuran nila ang mga ito, at tiyak na pipighatiin sila ng mga ito sa loob ng apat na raang taon. Ngunit ang bansa na paglilingkuran nila ay hahatulan ko, at pagkatapos ay lalabas sila taglay ang maraming pag-aari. . . . Ngunit sa ikaapat na salinlahi ay babalik sila rito, sapagkat ang kamalian ng mga Amorita ay hindi pa nalulubos.”—Gen 15:13-16.
Maliwanag na ang pasimula ng 400-taóng yugto ng kapighatian ay kinailangang maghintay ng paglitaw ng ipinangakong “binhi.” Bagaman mas maaga rito ay dumalaw si Abraham sa Ehipto noong isang panahon ng taggutom sa Canaan at dumanas ng ilang suliranin sa Paraon doon, wala pa siyang anak noon. (Gen 12:10-20) Di-nagtagal matapos magsalita ang Diyos tungkol sa 400 taon ng kapighatian, nang si Abraham ay 86 na taóng gulang (noong taóng 1932 B.C.E.), ang kaniyang Ehipsiyong alipin at babae ay nagsilang sa kaniya ng isang anak na lalaki, si Ismael. Ngunit pagkaraan ng 14 na taon (1918 B.C.E.) ang malayang asawa ni Abraham na si Sara ay nagsilang sa kaniya ng isang anak na lalaki, si Isaac, at itinalaga ng Diyos ang anak na ito bilang ang isa na pagmumulan ng ipinangakong Binhi. Gayunman, hindi pa dumarating ang panahon ng Diyos upang ibigay kay Abraham o sa kaniyang binhi ang lupain ng Canaan, kung kaya sila, gaya ng inihula, ay naging ‘mga naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila.’—Gen 16:15, 16; 21:2-5; Heb 11:13.
Panahon ng Pag-alis. Kung gayon, kailan nagsimula ang 400 taon ng kapighatian, at kailan ito nagwakas? Ayon sa tradisyong Judio, ang pagbilang ay nagsisimula sa kapanganakan ni Isaac. Ngunit ang aktuwal na katibayan ng kapighatian ay unang dumating nang araw na awatin sa suso si Isaac. Ipinakikita ng katibayan na ang kapighatian ay nagsimula noong 1913 B.C.E., nang si Isaac ay mga 5 taóng gulang at si Ismael naman ay mga 19 na taon. Noon “pinasimulang usigin niyaong ipinanganak ayon sa laman [si Ismael] yaong ipinanganak ayon sa espiritu.” (Gal 4:29) Dahil sa paninibugho at pagkapoot, ang mestisong Ehipsiyong si Ismael ay nagsimulang ‘manukso’ sa batang si Isaac, anupat higit pa ito kaysa sa pag-aaway lamang ng mga bata. (Gen 21:9) Inilalarawan ng ibang mga salin ang pagkilos ni Ismael bilang ‘panlilibak.’ (Yg; Ro, tlb) Ang kapighatian ng binhi ni Abraham ay nagpatuloy habang nabubuhay si Isaac. Bagaman pinagpala ni Jehova si Isaac noong siya’y malaki na, pinag-usig siya ng mga tumatahan sa Canaan at napilitan siyang magpalipat-lipat ng lugar dahil sa mga suliraning idinulot nila sa kaniya. (Gen 26:19-24, 27) Nang bandang huli, noong mga huling taon ng buhay ng anak ni Isaac na si Jacob, ang inihulang “binhi” ay pumaroon sa Ehipto upang doon manahanan. Nang maglaon ay naging mga alipin sila roon.
Ayon sa katibayan mula mismo sa Bibliya, ano ang petsa ng Pag-alis ng Israel mula sa Ehipto?
Sa gayon, ang 400-taóng yugto ng kapighatian ay sumasaklaw mula 1913 B.C.E. hanggang 1513 B.C.E. Isa rin itong yugto ng kagandahang-loob, o pagpaparaya ng Diyos, na ipinakita sa mga Canaanita, na ang isang pangunahing tribo ay mga Amorita. Pagsapit ng huling nabanggit na petsa ay malulubos ang kanilang kamalian; malinaw na makikitang dapat silang patalsikin nang lubusan mula sa lupain. Bilang panimulang hakbang tungo sa gayong pagpapatalsik, ibabaling ng Diyos ang pansin niya sa kaniyang bayan sa Ehipto, anupat palalayain sila mula sa pagkaalipin at pasisimulan ang pagbalik nila sa Lupang Pangako.—Gen 15:13-16.
Ang 430-taóng yugto. Ang isa pang paraan ng pagkalkula ay binabanggit ng pananalita sa Exodo 12:40, 41: “At ang pananahanan ng mga anak ni Israel, na nanahanan sa Ehipto, ay apat na raan at tatlumpung taon. At nangyari sa pagwawakas ng apat na raan at tatlumpung taon, nangyari nga sa mismong araw na ito na ang lahat ng hukbo ni Jehova ay lumabas mula sa lupain ng Ehipto.” Ang talababa sa Exodo 12:40 (Rbi8) ay nagsasabi may kinalaman sa pananalitang “na nanahanan”: “Sa Hebreo ang pandiwang ito ay pangmaramihan. Ang panghalip na pamanggit na ʼasherʹ, ‘na,’ ay maaaring ikapit sa ‘mga anak ni Israel’ sa halip na sa ‘pananahanan.’” Isinasalin ng Griegong Septuagint ang talata 40 nang ganito: “Ngunit ang pananahanan ng mga anak ni Israel na kanilang itinahan sa lupain ng Ehipto at sa lupain ng Canaan [ay] apat na raan at tatlumpung taon.” Ang Samaritanong Pentateuch ay kababasahan: “. . . sa lupain ng Canaan at sa lupain ng Ehipto.” Ang lahat ng mga saling ito ay nagpapahiwatig na ang 430-taóng yugto ay sumasaklaw sa isang mas mahabang yugto ng panahon kaysa sa pananahanan ng mga Israelita sa Ehipto.
Ipinakikita ng apostol na si Pablo na ang 430-taóng yugtong ito (sa Exo 12:40) ay nagsimula noong panahong bigyang-bisa ang tipang Abrahamiko at nagwakas noong panahon ng Pag-alis. Sinasabi ni Pablo: “Karagdagan pa, sinasabi ko ito: May kinalaman sa tipang [Abrahamiko na] binigyang-bisa ng Diyos noong una, hindi ito pinawawalang-bisa ng Kautusang umiral pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon [noon mismong taon ng Pag-alis], upang mapawi ang pangako. . . . ngunit may-kabaitan itong ibinigay ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng isang pangako.”—Gal 3:16-18.
Kung gayon, gaano kahabang panahon ang saklaw mula nang bigyang-bisa ang tipang Abrahamiko hanggang noong manahanan ang mga Israelita sa Ehipto? Sa Genesis 12:4, 5 ay malalaman natin na si Abraham ay 75 taóng gulang nang lisanin niya ang Haran at tawirin ang Eufrates noong patungo siya sa Canaan, na noong panahong iyon ay nagkabisa ang tipang Abrahamiko, ang pangakong binitiwan noon sa kaniya sa Ur ng mga Caldeo. Pagkatapos, batay sa impormasyong nauugnay sa talaangkanan na binanggit sa Genesis 12:4; 21:5; 25:26; at sa pananalita ni Jacob sa Genesis 47:9, makikita natin na may 215 taon sa pagitan ng pagbibigay-bisa sa tipang Abrahamiko at sa paglipat ni Jacob sa Ehipto kasama ang kaniyang pamilya. Ipakikita nito na ang mga Israelita ay aktuwal na nanirahan sa Ehipto nang 215 taon (1728-1513 B.C.E.). Ang bilang na ito ay kaayon ng ibang datos na nauugnay sa kronolohiya.
Mula sa Pag-alis hanggang sa pagtatayo ng templo. Dalawa pang kronolohikal na ulat ang kasuwato ng pangmalas na ito at nagpapatunay rito. Sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng templo noong kaniyang ikaapat na taon ng paghahari (1034 B.C.E.), at binabanggit ito sa 1 Hari 6:1 bilang ang “ikaapat na raan at walumpung taon” mula noong panahon ng Pag-alis (1513 B.C.E.).
‘Mga 450 taon.’ Nariyan din ang diskurso ni Pablo sa mga taga-Antioquia ng Pisidia na nakaulat sa Gawa 13:17-20 na doon ay tinutukoy niya ang isang yugto na “mga apat na raan at limampung taon.” Ang pagtalakay niya sa kasaysayan ng Israel ay nagsisimula sa panahon noong ‘piliin ng Diyos ang ating mga ninuno,’ samakatuwid nga, mula nang panahong aktuwal na ipanganak si Isaac upang maging ang binhing ipinangako (1918 B.C.E.). (Tiyakang nasagot ng kapanganakan ni Isaac ang tanong hinggil sa kung sino ang kikilalanin ng Diyos bilang ang binhi, isang tanong na pinag-alinlanganan dahil sa pagkabaog ni Sara.) Pagkatapos, pasimula sa puntong ito ay isinalaysay ni Pablo ang mga gawa ng Diyos alang-alang sa kaniyang piling bansa hanggang noong panahong ‘bigyan sila ng Diyos ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.’ Samakatuwid, ang yugto na “mga apat na raan at limampung taon” ay sumasaklaw mula sa kapanganakan ni Isaac noong 1918 B.C.E. hanggang sa taóng 1467 B.C.E., o 46 na taon pagkatapos ng Pag-alis noong 1513 B.C.E. (40 taon ang ginugol sa pagpapagala-gala sa ilang at 6 na taon naman sa pananakop sa lupain ng Canaan). (Deu 2:7; Bil 9:1; 13:1, 2, 6; Jos 14:6, 7, 10) Umaabot ito sa kabuuang bilang na malinaw na tumutugma sa pagtaya ng apostol na “mga apat na raan at limampung taon.” Samakatuwid, ang dalawang pananalitang ito na nauugnay sa kronolohiya ay parehong sumusuporta sa taóng 1513 B.C.E. bilang ang taon ng Pag-alis at kasuwato rin ng kronolohiya ng Bibliya may kinalaman sa mga hari at mga hukom ng Israel.—Tingnan ang KRONOLOHIYA (Mula 1943 B.C.E. hanggang sa Pag-alis).
Iba pang mga pangmalas. Ang petsang ito para sa Pag-alis, 1513 B.C.E., at pati na rin ang petsa ng pagsalakay ng Israel sa Canaan at pagbagsak ng Jerico noong 1473 B.C.E., 40 taon pagkatapos ng Pag-alis, ay napakaaga para sa ilang kritiko, anupat ipinapalagay nilang naganap ang mga pangyayaring ito noon lamang ika-14 o ika-13 siglo B.C.E. Ngunit bagaman inilalagay ng ilang arkeologo ang pagbagsak ng Jerico sa ika-13 siglo B.C.E., ang konklusyon nilang ito ay hindi salig sa sinaunang makasaysayang mga dokumento o patotoo na may gayong diwa, kundi salig sa mga kagamitang luwad na natuklasan. Ang gayong pagkalkula sa mga yugto ng panahon batay sa mga kagamitang luwad ay maliwanag na panghihinuha lamang, at ipinakikita ito ng ginawang pagsasaliksik sa Jerico. Matapos suriin ng mga arkeologo ang mga natuklasan doon, magkakaibang konklusyon at pagpepetsa ang iniharap nila.—Tingnan ang ARKEOLOHIYA (Mga pagkakaiba sa pagpepetsa); KRONOLOHIYA (Arkeolohikal na Pagpepetsa).
Sa kaso rin ng mga Ehiptologo, nagtatakda sila ng magkakaibang petsa para sa mga dinastiya ng Ehipto na siglu-siglo ang layo ng mga petsa sa isa’t isa, kung kaya hindi magamit ang mga ito para sa alinmang espesipikong yugto. Dahil dito, imposibleng tukuyin nang tiyakan kung sino ang Paraon noong panahon ng Pag-alis, na ayon sa ilan ay si Thutmose III, at ayon naman sa iba ay si Amenhotep II, si Ramses II, at iba pa, ngunit lahat ng palagay na ito ay walang matibay na saligan.
Autentisidad ng Ulat ng Pag-alis. Tinatanggihan ng ilan ang ulat ng Pag-alis sa dahilang hindi gumawa ng anumang rekord tungkol sa Pag-alis ang mga Paraon ng Ehipto. Ngunit hindi naman ito kataka-taka, sapagkat ang mga hari noong mas makabagong mga panahon ay nagtala lamang ng kanilang mga tagumpay at hindi ng kanilang mga pagkatalo at madalas nilang sinikap burahin ang anumang ulat na salungat sa kanilang imahe o sa imahe ng bayan o sa ideolohiya na sinisikap nilang itimo sa taong-bayan. Maging nitong kalilipas na mga panahon, tinangka ng ilang tagapamahala na pawiin ang mga gawa at mga reputasyon ng kanilang mga hinalinhan. Anumang itinuturing na kahiya-hiya o di-kanais-nais ay hindi itinatala sa mga inskripsiyong Ehipsiyo o inaalis sa lalong madaling panahon. Halimbawa, ipinatanggal ng kahalili ni Reyna Hatshepsut, si Thutmose III, ang pangalan at wangis ng reyna mula sa rekord ng isang batong bantayog na natuklasan sa Deir al-Bahri sa Ehipto.—Tingnan ang Archaeology and Bible History, ni J. P. Free, 1964, p. 98 at ang larawang katapat ng p. 94.
Si Manetho, isang saserdoteng Ehipsiyo na maliwanag na napopoot sa mga Judio, ay sumulat sa wikang Griego noong mga 280 B.C.E. Sinipi ng Judiong istoryador na si Josephus ang sinabi ni Manetho na ang mga ninuno ng mga Judio ay “pumasok sa Ehipto nang laksa-laksa at sinupil ang mga tumatahan doon,” at saka sinabi ni Josephus na si Manetho ay “umamin na pagkatapos nito ay pinalayas ang mga ito mula sa bansa, nanirahan sa tinatawag ngayon na Judaea, itinatag ang Jerusalem, at itinayo ang templo.”—Against Apion, I, 228 (26).
Bagaman sa pangkalahatan ay lubhang di-makasaysayan ang ulat ni Manetho, kapansin-pansing binanggit niya na ang mga Judio ay nakarating sa Ehipto at lumabas doon, at sa iba pang mga akda, ayon kay Josephus, iniuugnay niya si Moises kay Osarsiph, isang saserdoteng Ehipsiyo, anupat nagpapahiwatig na, bagaman hindi iniuulat ng mga bantayog sa Ehipto ang bagay na ito, ang mga Judio ay naroon noon sa Ehipto at si Moises ang kanilang lider. Tinukoy ni Josephus ang isa pang Ehipsiyong istoryador, si Chaeremon, na nagsabing sina Jose at Moises ay magkasabay na pinalayas mula sa Ehipto; binabanggit din ni Josephus ang isang Lysimachus na naglahad ng isang kahawig na kuwento.—Against Apion, I, 228, 238 (26); 288, 290 (32); 299 (33); 304-311 (34).
Ang Bilang ng mga Kasama sa Pag-alis. Sa Exodo 12:37, itinala ang buong bilang na 600,000 “matitipunong lalaki na naglalakad” bukod pa sa “maliliit na bata.” Sa aktuwal na sensus na kinuha mga isang taon pagkatapos ng Pag-alis, gaya ng nakaulat sa Bilang 1:2, 3, 45, 46, ang bilang nila ay 603,550 lalaki mula 20 taóng gulang pataas bukod pa sa mga Levita (Bil 2:32, 33), na sa mga ito ay may 22,000 lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas. (Bil 3:39) Hindi kasama ang mga babae sa terminong Hebreo na geva·rimʹ (matitipunong lalaki). (Ihambing ang Jer 30:6.) Ang “maliliit na bata” ay mula sa Hebreong taph at tumutukoy sa isa na lumalakad nang patiyad. (Ihambing ang Isa 3:16.) Ang karamihan sa ganitong “maliliit na bata” ay kailangang buhatin o kung hindi man ay hindi makalalakad sa buong haba ng paglalakbay.
“Sa ikaapat na salinlahi.” Dapat nating tandaan na sinabi ni Jehova kay Abraham na sa ikaapat na salinlahi ay babalik sa Canaan ang kaniyang mga inapo. (Gen 15:16) Sa buong 430 taon mula nang panahong magkabisa ang tipang Abrahamiko hanggang sa Pag-alis ay nagkaroon ng mahigit sa apat na salinlahi, kahit isaalang-alang pa na mahaba ang buhay nila noon, ayon sa ulat. Ngunit ang mga Israelita ay aktuwal na nasa Ehipto nang 215 taon lamang. Ang ‘apat na salinlahi’ pagkatapos nilang pumasok sa Ehipto ay maaaring kalkulahin sa ganitong paraan, na ginagamit na halimbawa ang isa lamang tribo ng Israel, ang tribo ni Levi: (1) Levi, (2) Kohat, (3) Amram, at (4) Moises.—Exo 6:16, 18, 20.
Ang bilang ng umahon mula sa Ehipto, samakatuwid nga, 600,000 matitipunong lalaki bukod pa sa mga babae at mga bata, ay nangangahulugan na maaaring mahigit pa sa tatlong milyon katao ang lumabas. Bagaman tinututulan ng ilan, ito ay makatuwiran. Sapagkat, bagaman mayroon lamang apat na salinlahi mula kay Levi hanggang kay Moises, kapag minalas mula sa punto de vista ng lawig ng buhay ng mga lalaking ito na nabuhay nang mahabang panahon, bawat isa sa mga lalaking ito ay maaaring nakakita na ng ilang salinlahi o ilang henerasyon ng mga bata na ipinanganak noong siya’y nabubuhay. Maging sa kasalukuyang panahon, ang isang tao na 60 o 70 taóng gulang ay madalas na may mga apo na at maaari pa ngang may mga apo na sa tuhod (sa gayon ay apat na salinlahi ang sabay-sabay na nabubuhay).
Napakabilis na pagdami. Inilalahad ng ulat: “At ang mga anak ni Israel ay naging palaanakin at nagsimulang kumapal ang bilang; at patuloy silang dumarami at lumalakas nang napakabilis, anupat ang lupain ay napuno nila.” (Exo 1:7) Sa katunayan, lubha silang dumami anupat sinabi ng hari ng Ehipto: “Narito! Ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit na marami at mas malakas kaysa sa atin.” “Ngunit habang lalo pa nila silang sinisiil ay lalo pa silang dumarami at lalo pa silang lumalaganap, kung kaya nakadama sila ng nakapanlulumong takot dahilan sa mga anak ni Israel.” (Exo 1:9, 12) Gayundin, kung iisipin natin na ang poligamya, kasama ang pagkakaroon ng mga babae, o mga pangalawahing asawa, ay pinahihintulutan noon at na ang ilang Israelita ay nag-asawa ng mga babaing Ehipsiyo, makikita natin kung paano nangyari na dumami sila anupat nagkaroon ng populasyon na 600,000 adultong lalaki.
Pitumpung kaluluwa mula sa mismong sambahayan ni Jacob ang bumaba sa Ehipto o ipinanganak doon di-nagtagal pagkatapos nito. (Gen 46) Kung hindi natin isasama si Jacob, ang kaniyang 12 anak na lalaki, ang kaniyang anak na babae na si Dina, ang kaniyang apong babae na si Sera, ang tatlong anak ni Levi, at posibleng ang iba pa mula sa bilang ng mga ulo ng pamilya na nagsimulang dumami sa Ehipto, baka 50 lamang sa 70 ang matitira. (Hindi kasama ang mga anak ni Levi yamang hindi isinama ang mga Levita sa mas huling bilang na 603,550.) Kaya kung magsisimula tayo sa katamtamang bilang na 50 ulo ng pamilya at isasaalang-alang ang sinabi ng Bibliya na “ang mga anak ni Israel ay naging palaanakin at nagsimulang kumapal ang bilang; at patuloy silang dumarami at lumalakas nang napakabilis, anupat ang lupain ay napuno nila” (Exo 1:7), madali nating maipakikita kung paanong posible na 600,000 lalaki na nasa edad ng pagsusundalo, sa pagitan ng 20 at 50 taóng gulang, ang nabubuhay noong panahon ng Pag-alis. Isaalang-alang ang sumusunod:
Dahil malalaki ang mga pamilya noon at nais ng mga Israelita na magkaroon ng mga anak upang matupad ang pangako ng Diyos, makatuwirang ipalagay na sa katamtaman, ang bawat lalaking ulo ng pamilya ay nagkaroon ng sampung anak (anupat mga kalahati nito ay mga lalaki) noong siya’y nasa pagitan ng 20 at 40 taóng gulang. Bilang palugit, maaari nating ipalagay na ang bawat isa sa orihinal na 50 na naging mga ulo ng pamilya ay nagsimulang magkaanak pagkaraan ng 25 taon mula nang pumasok sila sa Ehipto. At, yamang dahil sa kamatayan o iba pang mga kalagayan ay maaaring hindi magkaanak ang ilang anak na lalaki, o maaaring mapigilan ang kanilang pag-aanak bago sila sumapit sa 40 taóng gulang na itinakda natin, maaari rin nating bawasan ng 20 porsiyento ang bilang ng mga lalaking ipinanganak na naging mga ama. Sa simpleng pananalita, ito’y nangangahulugan na sa isang yugto na 20 taon, 200 anak na lalaki lamang, sa halip na 250, ang ipinanganak sa 50 orihinal na ulo ng pamilya na itinakda natin na magkakaroon ng sarili nilang mga pamilya.
Ang batas ni Paraon. Isa pang salik ang maaari nating isaalang-alang: ang batas ni Paraon na patayin ang lahat ng batang lalaki pagkasilang ng mga ito. Ang batas na ito ay waring hindi naging mabisa at panandalian lamang. Si Aaron ay ipinanganak tatlong taon bago isinilang si Moises (o noong 1597 B.C.E.), at lumilitaw na walang gayong batas na ipinatutupad noon. Tiyakang sinasabi ng Bibliya na hindi gaanong nagtagumpay ang batas ni Paraon. Ang utos ng hari ay hindi sinunod ng mga babaing Hebreo na sina Sipra at Pua, malamang na mga nangunguna sa propesyon ng mga komadrona at nangangasiwa sa kanilang mga kasamahan. Lumilitaw na hindi nila tinagubilinan ang mga komadrona na gawin ang iniuutos sa kanila. Ang resulta: “Ang bayan ay patuloy pang dumami at lubhang lumakas.” Nang magkagayon ay iniutos ni Paraon sa kaniyang buong bayan na itapon sa ilog ng Nilo ang bawat bagong-silang na Israelitang batang lalaki. (Exo 1:15-22) Ngunit waring hindi naman ganoon katindi ang pagkapoot ng mga Ehipsiyo sa mga Hebreo. Iniligtas pa nga ng mismong anak na babae ni Paraon si Moises. Muli, maaaring di-nagtagal ay napag-isip-isip ni Paraon na mawawalan siya ng mapapakinabangang mga alipin kung patuloy na ipatutupad ang kaniyang batas. Alam natin na, nang maglaon, tumanggi ang Paraong namamahala noong panahon ng Pag-alis na payaunin ang mga Hebreo sa mismong dahilan na mahalaga sila sa kaniya bilang mga aliping trabahador.
Gayunman, upang maging mas katamtaman pa ang ating pagtaya, maaari nating bawasan ng halos isang katlo ang bilang ng mga batang lalaki na nakaligtas sa loob ng isang yugtong limang taon upang kumatawan sa posibleng mga epekto ng di-matagumpay na utos ni Paraon.
Isang kalkulasyon. Ibigay man ang lahat ng palugit na ito, napakabilis pa rin ng magiging pagdami ng populasyon, bukod pa sa nasa kanila ang pagpapala ng Diyos. Ang bilang ng mga batang ipinanganak sa loob ng bawat yugto na limang taon mula at pagkatapos ng 1563 B.C.E. (samakatuwid nga, 50 taon bago ang Pag-alis) hanggang noong 1533 (o 20 taon bago ang Pag-alis) ay magiging gaya ng sumusunod:
PAGLAKI NG POPULASYON NG KALALAKIHAN
B.C.E. Mga Lalaking Ipinanganak
1563 hanggang 1558 47,350
1558 hanggang 1553 62,300
1553 hanggang 1548 81,800
1548 hanggang 1543 103,750
1543 hanggang 1538 133,200
1538 hanggang 1533 172,250
Kabuuan 600,650*
* Ipinapalagay na populasyon ng kalalakihan mula sa edad na 20 hanggang 50 noong panahon ng Pag-alis (1513 B.C.E.)
Mapapansin na kahit ang isang maliit na pagbabago sa paraan ng pagkukuwenta, halimbawa, kung daragdagan ng isa ang katamtamang bilang ng mga anak na lalaki na ipinanganganak sa bawat magulang na lalaki, ay magpaparami sa bilang na ito hanggang sa mahigit na isang milyon.
Ano ang ipinahihiwatig ng bilang ng mga tao na umalis sa Ehipto sa pangunguna ni Moises?
Bukod sa 600,000 matitipunong lalaki na binanggit sa Bibliya, lumabas ding kasama nila ang isang malaking bilang ng matatandang lalaki, isang mas malaki pang bilang ng mga babae at mga bata, at “isang malaking haluang pangkat” ng mga di-Israelita. (Exo 12:38) Kaya ang kabuuang populasyon na umahon mula sa Ehipto ay posibleng mahigit sa tatlong milyon katao. Hindi kataka-taka na ayaw na ayaw ng mga maharlikang Ehipsiyo na payaunin ang gayon kalaking pangkat ng mga alipin. Dahil dito ay nawalan sila ng isang kapaki-pakinabang na kayamanang pang-ekonomiya.
Sa pangkat nila ay may nakatatakot na bilang ng mga lalaking mandirigma anupat pinatototohanan ito ng ulat ng Bibliya: “Ang Moab ay lubhang natakot sa bayan, sapagkat marami sila; at ang Moab ay nakadama ng nakapanlulumong takot sa mga anak ni Israel.” (Bil 22:3) Sabihin pa, ang isang dahilan ng pagkatakot ng mga Moabita ay ang mga kababalaghang ginawa ni Jehova para sa Israel, ngunit ang isa pang dahilan ay ang kanilang napakalaking bilang, na hindi maaaring sabihin kung sila ay iilang libo lamang. Ang totoo, bahagya lang ang ipinagbago ng bilang ng populasyon ng Israel noong panahon ng paglalakbay sa ilang dahil napakarami ng namatay sa ilang bilang resulta ng kawalang-katapatan.—Bil 26:2-4, 51.
Sa sensus na kinuha di-nagtagal pagkatapos ng Pag-alis, ang mga Levita ay binilang nang bukod, at yaong mga mula sa gulang na isang buwan pataas ay may bilang na 22,000. (Bil 3:39) Maaaring bumangon ang tanong kung bakit ang lahat ng iba pang 12 tribo ay mayroon lamang 22,273 panganay na lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas. (Bil 3:43) Madali itong mauunawaan kung isasaalang-alang ang mga ito: ang mga ulo ng pamilya ay hindi binilang; dahil sa poligamya, maaaring magkaroon ang isang lalaki ng maraming anak na lalaki ngunit iisa lamang ang panganay; at ang binilang ay ang panganay na anak na lalaki ng isang lalaki at hindi ng babae.
Mga Isyung Nasasangkot. Alinsunod sa pangako ng Diyos kay Abraham, ang Kaniyang takdang panahon ay dumating na upang iligtas Niya ang bansang Israel mula sa “hurnong bakal” ng Ehipto. Itinuring ni Jehova ang Israel bilang kaniyang panganay na anak salig sa pangako niya kay Abraham. Nang bumaba si Jacob sa Ehipto kasama ang kaniyang sambahayan, pumaroon siya nang kusang-loob ngunit nang maglaon ay naging mga alipin ang kaniyang mga inapo. Bilang isang bansa, mahal sila ni Jehova gaya ng isang panganay na anak, at si Jehova ay may legal na karapatang ilabas sila mula sa Ehipto nang walang halagang kabayaran.—Deu 4:20; 14:1, 2; Exo 4:22; 19:5, 6.
Bilang pagsalansang sa layunin ni Jehova, ayaw ni Paraon na mawala sa kaniya ang malaking bansang iyon ng mga aliping manggagawa. Bukod diyan, nang lapitan ni Moises si Paraon taglay ang kahilingan sa pangalan ni Jehova na payaunin ang mga Israelita upang makapagdiwang sila ng isang kapistahan para sa Kaniya sa ilang, sumagot ito: “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig upang payaunin ang Israel? Hindi ko kilala si Jehova.” (Exo 5:2) Itinuturing ni Paraon ang kaniyang sarili na isang diyos at hindi niya kinilala ang awtoridad ni Jehova, bagaman tiyak na maraming beses na niyang narinig na ginamit ng mga Hebreo ang pangalang iyon. Matagal nang alam ng bayan ni Jehova ang kaniyang pangalan; tinawag pa nga ni Abraham na Jehova ang Diyos.—Gen 2:4; 15:2.
Ang isyung ibinangon dito ng saloobin at mga pagkilos ni Paraon ay hinggil sa pagka-Diyos. Kinailangan ngayon ng Diyos na Jehova na itaas ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa mga diyos ng Ehipto, kabilang na si Paraon, na itinuturing na isang diyos. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapasapit ng Sampung Salot sa Ehipto, na naging dahilan upang palayain ang Israel. (Tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA [Ang Sampung Salot].) Noong panahon ng huling salot, ang pagkamatay ng mga panganay, inutusan ang mga Israelita na maging handang lumabas ng Ehipto sa hapunan ng Paskuwa. Bagaman apurahan ang kanilang paglabas, anupat pinagmadali sila ng mga Ehipsiyo, na nagsabi, “Kaming lahat ay para na ring patay!” hindi sila lumabas na walang dala. (Exo 12:33) Dinala nila ang kanilang mga bakahan at mga kawan, ang kanilang masang harina bago pa iyon kumasim, at ang mga masahan nila. Bukod pa rito, ipinagkaloob ng mga Ehipsiyo sa Israel ang anumang hingin nila, anupat binigyan sila ng mga kagamitang pilak at mga kagamitang ginto at mga kasuutan. Gayunman, hindi ito pagnanakaw sa mga Ehipsiyo. Wala silang karapatang alipinin ang Israel, kaya dapat nilang ibigay ang kabayaran ng bayan.—Exo 12:34-38.
“Isang malaking haluang pangkat” ang lumabas na kasama ng Israel. (Exo 12:38) Ang mga ito ay pawang mananamba ni Jehova, sapagkat kailangang nakahanda na silang umalis kasama ng Israel habang inililibing ng mga Ehipsiyo ang kanilang mga patay. Ipinagdiwang nila ang Paskuwa, dahil kung hindi ay malamang na abala sila sa mga ritwal ng Ehipto para sa pagdadalamhati at paglilibing. Maaaring ang ibang kabilang sa pangkat na ito ay mga taong nagkaroon ng kaugnayan sa mga Israelita sa pamamagitan ng pag-aasawa. Halimbawa, maraming lalaking Israelita ang nag-asawa ng mga babaing Ehipsiyo, at may mga babaing Israelita na nag-asawa ng mga lalaking Ehipsiyo. Isang halimbawa nito ay ang taong pinatay sa ilang dahil sa paglapastangan sa pangalan ni Jehova. Siya ay anak ng isang lalaking Ehipsiyo at ang kaniyang ina ay si Selomit na mula sa tribo ni Dan. (Lev 24:10, 11) Mapapansin din na nagbigay si Jehova ng permanenteng mga tagubilin may kinalaman sa mga kahilingan sa mga naninirahang dayuhan at mga alipin upang makakain ang mga ito ng Paskuwa kapag dumating na ang Israel sa Lupang Pangako.—Exo 12:25, 43-49.
Ruta ng Pag-alis. Malamang na nasa iba’t ibang lokasyon ang mga Israelita nang magsimula silang humayo palabas ng Ehipto, anupat sa pasimula ay hindi iisang malaking kalipunan. Ang iba ay maaaring sumama sa pangunahing kalipunan ng mga humahayo nang dumaan ang mga ito sa kinaroroonan nila. Ang pasimula ay sa Rameses, maaaring ang lunsod o isang distrito na may gayong pangalan, anupat ang unang bahagi ng paglalakbay ay hanggang sa Sucot. (Exo 12:37) Iminumungkahi ng ilang iskolar na, habang nagsisimulang humayo si Moises mula sa Rameses, ang mga Israelita ay nanggaling sa iba’t ibang bahagi ng lupain ng Gosen at nagtagpo sa Sucot.—MAPA, Tomo 1, p. 536.
Bagaman ang mga Israelita ay apurahang umalis sa Ehipto, anupat pinagmadali ng mga Ehipsiyo, naging organisado pa rin ang kanilang pag-alis: “Ngunit ang mga anak ni Israel ay nasa hanay ng pakikipagbaka nang umahon mula sa lupain ng Ehipto,” samakatuwid nga, posibleng tulad ng isang hukbo na may limang bahagi, anupat may bantay sa unahan, bantay sa likuran, pangunahing kalipunan, at dalawang pangkat na panggilid. Bukod sa mahusay na pangunguna ni Moises, pinangunahan din sila ni Jehova mismo, mula pa noong nagkakampo sila sa Etham, sa pamamagitan ng paglalaan ng isang haliging ulap upang patnubayan sila sa araw, na nagiging isang haliging apoy upang magbigay sa kanila ng liwanag sa gabi.—Exo 13:18-22.
Ang pinakamaikling ruta ay sa tuyong lupa na mga 400 km (250 mi) mula sa bandang H ng Memfis hanggang sa Lakis sa Lupang Pangako. Ngunit kapag sa rutang iyon dumaan ang mga Israelita, daraan sila sa baybayin ng Mediteraneo at sa kahabaan ng lupain ng mga Filisteo. Noong mga panahong nagdaan, ang kanilang mga ninuno na sina Abraham at Isaac ay nagkaproblema sa mga Filisteo. Palibhasa’y alam ng Diyos na baka masiraan sila ng loob kung sasalakayin sila ng mga Filisteo, yamang wala silang kabatiran sa pakikidigma at dahil kasama nila ang kanilang mga pamilya at mga kawan, ipinag-utos niya na ang Israel ay bumalik at magkampo sa harap ng Pihahirot sa pagitan ng Migdol at ng dagat sa tapat ng Baal-zepon. Doon ay nagkampo sila sa tabi ng dagat.—Exo 14:1, 2.
Ang eksaktong rutang tinahak ng mga Israelita mula sa Rameses hanggang sa Dagat na Pula ay hindi matatalunton nang may katiyakan sa ngayon, yamang hindi na tiyakang matukoy ang mga lugar na binanggit sa ulat. Ipinakikita ng karamihan sa mga reperensiyang akda na tumawid sila sa lugar na tinatawag na Wadi Tumilat sa rehiyon ng Delta sa Ehipto. Gayunman, ito’y batay sa palagay na ang Rameses ay nasa HS sulok ng rehiyon ng Delta. Ngunit gaya ng sinabi ng Propesor ng Ehiptolohiya na si John A. Wilson: “Nakalulungkot, hindi nagkakasundo ang mga iskolar kung saan ang eksaktong lokasyon ng Rameses. Ang mga Paraon na nagngangalang Ramses, lalo na si Ramses II, ay nagpangalan ng maraming bayan sa kanilang sarili. Karagdagan pa, may mga pagtukoy sa lunsod na ito sa mga nahukay sa mga bayan ng Delta na hindi tiyakang makapag-aangkin na siyang lokasyon nito.”—The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 4, p. 9.
Iba’t ibang dako na ang iminungkahi, pansamantalang tinanggap ng karamihan, at pagkatapos ay tinanggihan upang suportahan ang ibang posibleng lokasyon. Ang lugar ng Tanis (makabagong San el-Hagar) na 56 na km (35 mi) sa TK ng lunsod ng Port Said sa baybayin ng Mediteraneo ay popular, ngunit gayundin ang Qantir, na mga 20 km (12 mi) sa mas dako pang T. Kung tungkol sa unang lugar, ang Tanis, mapapansin na itinatala ng isang tekstong Ehipsiyo ang Tanis at (Per-)Rameses bilang magkahiwalay na mga dako, hindi iisa, at na ang ilan sa mga bagay na nahukay sa Tanis ay nagbibigay ng katibayan na nagmula ang mga ito sa ibang mga dako. Kaya naman sinabi pa ni John A. Wilson na “walang garantiya na ang mga inskripsiyon na nagtataglay ng pangalang Rameses ay orihinal na nagmula roon.” Kung tungkol sa Tanis at Qantir, masasabing ang mga inskripsiyong may kinalaman kay Ramses II na natagpuan sa mga lugar na ito ay nagpapakita lamang ng kaugnayan sa Paraong iyon, ngunit hindi nagpapatunay na ang alinman sa mga lugar ay ang Raamses sa Bibliya na itinayo ng mga Israelita bilang imbakang dako bago pa man ang kapanganakan ni Moises. (Exo 1:11) Gaya ng ipinakikita sa artikulong RAAMSES, RAMESES, kakaunting katibayan ang sumusuporta sa pangmalas na si Ramses II ang Paraon noong panahon ng Pag-alis.
Ang rutang bumabagtas sa Wadi Tumilat ay pinapaboran din dahil sa popular na makabagong teoriya na ang pagtawid sa Dagat na Pula ay hindi aktuwal na naganap sa Dagat na Pula kundi sa isang lugar sa dakong H nito. Itinataguyod pa nga ng ilang iskolar na ang pagtawid ay naganap sa Lawa ng Serbonis, o malapit dito, na nasa baybayin ng Mediteraneo, anupat pagkalabas mula sa Wadi Tumilat ay lumiko ang mga Israelita sa H sa direksiyon ng baybayin. Ang pangmalas na ito ay tuwirang sumasalungat sa espesipikong pananalita sa Bibliya na inakay ng Diyos ang mga Israelita palayo sa ruta na patungo sa lupain ng mga Filisteo. (Exo 13:17, 18) Pinapaboran din ng iba ang isang ruta na dumaraan sa Wadi Tumilat ngunit sinasabi nila na ang isinagawang pagtawid sa “dagat” ay sa rehiyon ng Bitter Lakes sa H ng Suez.
Dagat na Pula, hindi ‘dagat ng mga tambo.’ Ang huling pangmalas na ito ay salig sa argumento na ang Hebreong yam-suphʹ (isinaling “Dagat na Pula”) ay literal na nangangahulugang “dagat ng mga hungko, o, mga tambo, mga bulrush,” at samakatuwid ay tumawid ang mga Israelita, hindi sa sanga ng Dagat na Pula na tinatawag na Gulpo ng Suez, kundi sa isang dagat ng mga tambo, isang latiang dako na gaya ng rehiyon ng Bitter Lakes. Gayunman, dahil sa ganitong paniniwala, hindi sila kaisa ng mga tagapagsalin ng sinaunang Griegong Septuagint, na nagsalin sa yam-suphʹ tungo sa pangalang Griego na e·ry·thraʹ thaʹlas·sa, literal na nangangahulugang “Dagat na Pula.” Ngunit ang mas mahalaga, ginamit kapuwa ni Lucas, na manunulat ng Mga Gawa (sa pagsipi kay Esteban), at ng apostol na si Pablo ang mismong pangalang Griegong ito nang inilalahad ang mga pangyayari noong panahon ng Pag-alis.—Gaw 7:36; Heb 11:29; tingnan ang DAGAT NA PULA.
Karagdagan pa, hindi kakailanganin ang isang malaking himala kung isang latian lamang ang tinawid, at ang mga Ehipsiyo ay hindi maaaring ‘malulon’ sa Dagat na Pula nang “ang dumadaluyong na tubig ay tumabon sa kanila” anupat lumubog sila “sa kalaliman tulad ng isang bato.” (Heb 11:29; Exo 15:5) Ang kamangha-manghang himalang ito ay hindi lamang tinukoy nina Moises at Josue nang dakong huli kundi sinabi rin ng apostol na si Pablo na ang mga Israelita ay nabautismuhan kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat. Ipinahiwatig nito na lubusan silang napalibutan ng tubig, anupat ang dagat ay nasa magkabilang panig at ang ulap ay nasa ibabaw at likuran nila. (1Co 10:1, 2) Ipahihiwatig din nito na ang tinawid na katubigan ay higit na mas malalim kaysa sa isang katubigang malalakaran.
Ang ruta ng Pag-alis ay pangunahin nang depende sa dalawang salik: kung nasaan ang kabisera ng Ehipto noong panahong iyon, at kung alin ang katubigan na tinawid. Yamang ginamit ng kinasihang Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pananalitang “Dagat na Pula,” lubos tayong makapaniniwala na iyon ang katubigang tinawid ng Israel. Kung tungkol sa kabisera ng Ehipto, ang pinakaposibleng lokasyon ay ang Memfis, ang pangunahing sentro ng pamahalaan sa kalakhang bahagi ng kasaysayan ng Ehipto. (Tingnan ang MEMFIS.) Kung gayon nga, malamang na ang dako kung saan nagsimula ang Pag-alis ay di-kalayuan sa Memfis anupat si Moises ay naipatawag sa harap ni Paraon pagkalampas ng hatinggabi noong gabi ng Paskuwa at pagkatapos ay nakarating agad sa Rameses upang pasimulan ang paghayo patungong Sucot bago matapos ang ika-14 na araw ng Nisan. (Exo 12:29-31, 37, 41, 42) Ang pinakamatandang tradisyong Judio, na iniulat ni Josephus, ay nagsasabing nagsimula ang paghayo di-kalayuan sa H ng Memfis.—Jewish Antiquities, II, 315 (xv, 1).
Ang isang ruta na bumabagtas sa Wadi Tumilat ay napakalayo sa dakong H ng Memfis anupat hindi magiging posible ang nabanggit na mga kalagayan. Sa dahilang ito, iminumungkahi ng maraming mas naunang komentarista ang isa sa mga kilaláng ruta “ng mga peregrino” na dumaraan sa Ehipto, gaya ng ruta ng el Haj na nagmumula sa Cairo patawid sa Suez (sinaunang Clysma, nang dakong huli ay Kolsum) sa bukana ng Gulpo ng Suez.
Saan nahati ang Dagat na Pula upang makatawid ang Israel?
Dapat pansinin na nang marating nila ang ikalawang bahagi ng kanilang paglalakbay, sa Etham “sa gilid ng ilang,” iniutos ng Diyos kay Moises na “bumalik sila at magkampo sa harap ng Pihahirot . . . sa tabi ng dagat.” Dahil sa pagkilos na ito, aakalain ni Paraon na ang mga Israelita ay “nagpapagala-gala . . . dahil sa kalituhan.” (Exo 13:20; 14:1-3) Ayon sa mga iskolar na mas pabor sa ruta ng el Haj, ang pandiwang Hebreo para sa “bumalik” ay mariin at hindi basta nangangahulugang “lumihis,” kundi higit na nangangahulugan ng pagbuwelta o ng maliwanag na pag-iba ng daan. Iminumungkahi nila na pagdating sa isang dako sa H ng bukana ng Gulpo ng Suez, binaligtad ng mga Israelita ang kanilang hanay ng paghayo at lumigid patungo sa S panig ng Jebel ʽAtaqah, isang kabundukan na kahangga ng K panig ng Gulpo. Ang isang malaking hukbo, na gaya ng mga Israelita, ay hindi mabilis na makaalis mula sa gayong posisyon kung tutugisin mula sa H, at sa gayon ay masusukol sila anupat nakaharang ang dagat sa daraanan nila.
Gayon ngang larawan ang inihaharap ng tradisyong Judio noong unang siglo C.E. (Tingnan ang PIHAHIROT.) Ngunit, higit na mahalaga, ang gayong situwasyon ay tumutugma sa pangkalahatang larawan na ipinakikita sa Bibliya mismo, samantalang hindi tumutugma rito ang popular na mga pangmalas ng maraming iskolar. (Exo 14:9-16) Lumilitaw na ang pagtawid ay malayo mula sa bukana ng Gulpo (o kanlurang sanga ng Dagat na Pula) anupat ang mga hukbo ni Paraon ay hindi basta makaliligid sa dulo ng Gulpo at madaling makararating sa mga Israelita na nasa kabilang panig.—Exo 14:22, 23.
Nagbago ang isip ni Paraon tungkol sa pagpapalaya sa mga Israelita nang mabalitaan niya ang kanilang pag-alis. Tiyak na ang pagkawala ng gayong bansang alipin ay mangangahulugan ng matinding dagok sa ekonomiya ng Ehipto. Hindi mahirap para sa kaniyang mga karo na abutan ang buong bansang ito na lumilikas, lalo na dahil “bumalik” sila. Ngayon, palibhasa’y iniisip niyang nagpapagala-gala ang Israel sa ilang dahil sa kalituhan, buong-pagtitiwala niya silang tinugis. Kasama ang pinakamagaling na hukbo na may 600 piling karo, ang lahat ng iba pang mga karo ng Ehipto na may sakay na mga mandirigma, ang kaniyang mga kabalyero, at ang lahat ng kaniyang hukbong militar, inabutan niya ang Israel sa Pihahirot.—Exo 14:3-9.
Waring napakapanganib ng posisyon ng mga Israelita noon. Maliwanag na sila’y nakulong sa pagitan ng dagat at ng kabundukan, anupat nakaharang ang mga Ehipsiyo sa likuran. Palibhasa’y iniisip na nasukol na sila, dinatnan ng takot ang puso ng mga Israelita at nagsimula silang magreklamo laban kay Moises. Ngayon ay kumilos ang Diyos upang ipagsanggalang ang Israel sa pamamagitan ng paglilipat ng ulap mula sa unahan tungo sa likuran. Sa isang panig, sa kinaroroonan ng mga Ehipsiyo ay madilim; sa kabila naman ay patuloy nitong pinagliliwanag ang gabi para sa Israel. Habang pinipigilan ng ulap ang mga Ehipsiyo mula sa pagsalakay, sa utos ni Jehova ay itinaas ni Moises ang kaniyang tungkod, at nahawi ang tubig ng dagat, anupat naiwang tuyo ang sahig ng dagat upang madaanan ng Israel.—Exo 14:10-21.
Ang luwang at lalim ng dakong tinawid. Yamang tinawid ng Israel ang dagat sa loob ng magdamag, malayong mangyari na nahawi ang tubig sa isang makitid na daanan. Sa halip, maaaring nahawi ito sa lapad na isang kilometro o mahigit pa. Masinsin man ang hanay ng paghayo, ang gayong grupo, kasama ang anumang karwahe na mayroon sila, ang kanilang bagahe, at ang kanilang mga baka, kahit medyo dikit-dikit ang pagkakasunud-sunod, ay sasakop sa lawak na marahil ay 8 km kuwadrado (3 mi kuwadrado) o mahigit pa. Lumilitaw, kung gayon, na isang napakalapad na puwang ang nahawi sa dagat upang makatawid ang mga Israelita. Kung ang puwang ay mga 1.5 km (1 mi), malamang na ang haba ng hanay ng mga Israelita ay mga 5 km (3 mi) o mahigit pa. Kung ang puwang naman ay mga 2.5 km (1.5 mi), ang haba ay maaaring mga 3 km (2 mi) o mahigit pa. Mangangailangan ng ilang oras ang gayong hanay para makarating sa pinakasahig ng dagat at makapaglakbay patawid dito. Bagaman hindi sila nagkakagulong humayo dahil sa takot, kundi nanatili silang nasa hanay ng pakikipagbaka, tiyak na nagmadali silang kumilos.
Kung hindi dahil sa ulap, tiyak na madali silang maaabutan ng mga Ehipsiyo at marami ang mapapatay ng mga ito. (Exo 15:9) Nang ang mga Israelita ay makalusong na sa sahig ng dagat at ang ulap na nasa likuran nila ay magtungo sa unahan, nakita na sila ng mga Ehipsiyo at tinugis sila ng mga ito. Muli, dito ay idiniriin na kailangan na maluwang at mahaba ang tuyong sahig ng dagat, sapagkat napakalaki ng hukbong militar ni Paraon. Palibhasa’y determinadong puksain at muling bihagin ang kanilang dating mga alipin, ang buong hukbo ay sumugod hanggang sa pinakasahig ng dagat. Pagkatapos, sa oras ng pagbabantay sa umaga, na nagsisimula nang mga 2:00 hanggang 6:00 n.u., tumingin si Jehova mula sa ulap at pinasimulang lituhin ang kampo ng mga Ehipsiyo, anupat pinag-aalisan ng mga gulong ang kanilang mga karo.—Exo 14:24, 25.
Ang mga Israelita, nang malapit nang mag-umaga, ay ligtas na nakatawid sa silangang baybayin ng Dagat na Pula. Pagkatapos ay inutusan si Moises na iunat ang kaniyang kamay upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipsiyo. Sa gayon “ang dagat ay nagsimulang bumalik sa dating kalagayan nito,” at ang mga Ehipsiyo ay tumakas upang hindi nito maabutan. Ipinahihiwatig din nito na ang tubig ay bumuka nang maluwang, sapagkat kaagad silang maaapawan kung makitid ang daanan. Ang mga Ehipsiyo ay tumakas mula sa kumukubkob na mga pader ng tubig patungo sa kanlurang pampang, ngunit ang tubig ay patuloy na nagsalubong hanggang sa lubusan nitong matabunan ang lahat ng mga karong pandigma at mga kabalyero ng mga hukbong militar ni Paraon; walang isa man sa kanila ang natira.
Maliwanag na ang gayon kalaking kapahamakan ay imposibleng maganap sa isang latian. Karagdagan pa, sa isang mababaw na latian ay hindi mapapadpad sa baybayin ang mga bangkay, gaya ng aktuwal na nangyari, anupat “nakita ng Israel ang mga Ehipsiyo na mga patay na sa baybay-dagat.”—Exo 14:22-31; MAPA at LARAWAN, Tomo 1, p. 537.
“Namuo” ang tubig. Ayon sa paglalarawan ng Bibliya, ang dumadaluyong na tubig ay namuo upang makaraan ang Israel. (Exo 15:8) Ang salitang “namuo” ay ginagamit sa American Standard Version, sa King James Version, at sa mga salin nina J. N. Darby, I. Leeser, R. Knox, at J. Rotherham. Ayon sa katuturang ibinigay sa Webster’s Third New International Dictionary (1981), ang mamuo ay nangangahulugang “magbago mula sa pagiging fluido tungo sa pagiging solido sa pamamagitan ng o gaya ng sa pamamagitan ng lamig . . . : magyelo . . . : pangyarihing (ang likido ay) mabuo o tumigas na gaya ng gulaman: makurta, maging buo.” Ang salitang Hebreo rito na isinaling “namuo” ay ginagamit sa Job 10:10 may kinalaman sa pagkakurta ng gatas. Samakatuwid, ang pamumuo ng mga pader ng tubig ay maaaring hindi gaya ng pagtigas ng yelo, kundi maaaring gaya ng pamumuo ng gulaman o kurtadong gatas. Walang anumang bagay ang nakitang pumigil sa tubig ng Dagat na Pula sa magkabilang panig ng mga Israelita, kaya ang tubig ay waring namuo, nanigas, o nakurta, anupat nanatili itong nakatayo na parang pader sa magkabilang panig at hindi bumagsak at tumabon sa mga Israelita, na maaaring ikalipol nila. Ganito ang tingin ni Moises dito nang hatiin ng isang malakas na hanging S ang tubig at tuyuin ang lunas ng dagat anupat hindi ito nagputik, ni nagyelo, kundi madaling natawid ng karamihan.
Ang daanang nabuksan sa dagat ay may sapat na lapad upang ang mga Israelita, na posibleng tatlong milyon, ay makatawid na lahat hanggang sa silangang pampang pagsapit ng umaga. Pagkatapos, ang namuong tubig ay sinimulang pawalan at bumuhos ito mula sa magkabilang panig, anupat dumaluyong at umapaw sa mga Ehipsiyo habang ang Israel ay nakatayo sa silangang pampang at pinagmamasdan ang walang-katulad na pagliligtas ni Jehova sa isang buong bansa mula sa isang kapangyarihang pandaigdig. Nakita nila ang literal na katuparan ng mga salita ni Moises: “Ang mga Ehipsiyo na nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli, hindi, hinding-hindi na.”—Exo 14:13.
Kaya sa pamamagitan ng isang kamangha-manghang pagtatanghal ng kapangyarihan ay dinakila ni Jehova ang kaniyang pangalan at iniligtas ang Israel. Sa S baybayin ng Dagat na Pula, pinangunahan ni Moises ang mga anak ni Israel sa isang awit, habang ang kaniyang kapatid na si Miriam, ang propetisa, ay may hawak na isang tamburin sa kaniyang kamay at pinangungunahan ang lahat ng mga babae na may mga tamburin at nagsasayawan, anupat tumutugon ng awit sa mga lalaki. (Exo 15:1, 20, 21) Noon ay ganap na ibinukod ang Israel mula sa kanilang mga kaaway. Nang lumabas sila mula sa Ehipto ay hindi sila pinahintulutang mapinsala ng tao o hayop; wala man lamang asong umangil sa mga Israelita o naggalaw ng dila nito laban sa kanila. (Exo 11:7) Bagaman hindi binabanggit ng salaysay ng Pag-alis na personal na bumaba si Paraon sa dagat kasama ng kaniyang mga hukbong militar at napuksa, sinasabi ng Awit 136:15 na ‘ibinulid ni Jehova si Paraon at ang kaniyang hukbong militar sa Dagat na Pula.’
Lumarawan sa mga Pangyayari sa Dakong Huli. Nang ilabas ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto gaya ng ipinangako kay Abraham, itinuring niya ang bansang Israel bilang kaniyang anak, gaya nga ng sinabi niya kay Paraon, ‘Ang Israel ay aking panganay.’ (Exo 4:22) Nang maglaon, sinabi ni Jehova: “Noong bata pa ang Israel ay inibig ko siya, at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.” (Os 11:1) Ang pagtukoy na ito sa Pag-alis ay isa ring hula na nagkaroon ng katuparan noong mga araw ni Herodes nang sina Jose at Maria ay bumalik mula sa Ehipto kasama si Jesus pagkamatay ni Herodes at mamayan sa Nazaret. Ikinapit ng istoryador na si Mateo ang hula ni Oseas sa pangyayaring ito, anupat sinabi tungkol kay Jose: “Nanatili siya roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes, upang matupad yaong sinalita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta, na nagsasabi: ‘Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.’”—Mat 2:15.
Itinala ng apostol na si Pablo ang Pag-alis kasama ng mga bagay na sinabi niyang nangyari sa Israel bilang mga halimbawa o mga pagsasalarawan. (1Co 10:1, 2, 11) Kaya lumilitaw na sumasagisag ito sa isang bagay na mas dakila. Ang likas na Israel ay ginagamit sa Bibliya upang sumagisag sa espirituwal na Israel, ang Israel ng Diyos. (Gal 6:15, 16) Gayundin, sinabi ni Moises na may propetang darating na magiging tulad niya. (Deu 18:18, 19) Inasahan ng mga Judio na ang isang iyon ay magiging isang dakilang lider at tagapagligtas. Tinukoy ng apostol na si Pedro si Jesu-Kristo bilang ang Lalong Dakilang Moises. (Gaw 3:19-23) Kaya ang pagliligtas sa Israel sa Dagat na Pula at ang pagpuksa sa hukbong Ehipsiyo ay tiyak na lumarawan sa pagliligtas sa espirituwal na Israel mula sa kanilang mga kaaway na makasagisag na Ehipto sa pamamagitan ng isang malaking himala sa mga kamay ni Jesu-Kristo. At kung paanong napadakila ang pangalan ng Diyos dahil sa kaniyang ginawa sa Dagat na Pula, ang mas malaking katuparan ng makalarawang mga pangyayaring iyon ay lalong higit na magpapadakila at magpapabantog sa pangalan ni Jehova.—Exo 15:1.