Ang “Tinapay ng Buhay” Maaaring Makamit ng Lahat
“Ako ang tinapay ng buhay na bumabang galing sa langit; kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito siya’y mabubuhay magpakailanman; at, sa katunayan, ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.”—JUAN 6:51.
1. Anong kalunus-lunos na kalagayan ang nakaharap sa sangkatauhan ngayon
ANG sanlibutan ng sangkatauhan ay malaon nang nabubuhay sa tinapay, ang pinakamalaganap na pagkain sa lupa. Angkop naman, ito ay tinatawag na ang suhay ng buhay. Subalit sa ngayon ang gutom sa tinapay ay naging isang kalunus-lunos na suliranin. Ang gutom at kakapusan sa pagkain ay may epekto ngayon sa isang kaapat na bahagi ng mga tao sa lupa. Kamakailan, ang The Globe and Mail ng Toronto, Canada, ay nagsabi ng ganito, “Ang taggutom, tulad ng digmaan, ay walang nakikilalang hangganan.” Sinipi ng pahayagang iyan ang isang tagapangulo ng ahensiya ng UN na nagbibigay ng tulong sa Aprika bilang nagbababala na ang Aprika ay nasa bingit ng “isa sa pinakamalubhang kasawian ng tao, isa sa pinakamalaking hamon sa tao, na napaharap sa atin kailanman.”
2, 3. (a) Ang mga kakapusan sa pagkain ay bahagi ng anong tanda? (b) Paanong malulutas ang mga problema tungkol sa pagkain? (c) Ano ang kailangan pa, at anong maligayang katiyakan ang ibinibigay ng Isaias 25:8?
2 Inihula ni Jesus na ang kakapusan sa pagkain ay magiging bahagi ng tanda ng kaniyang pagkanaririto na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. (Mateo 24:3, 7, 32, 33; 25:31, 32; Lucas 21:11) Anong laki ng ating kagalakan na ang Kahariang ito ay natatatag na! Hindi na magtatagal, ang maluwalhating Haring ito ay magtatagumpay sa lahat ng kaaway ng sangkatauhan, at aalisin ang lahat ng kaapihan na dulot ng pamamalakad politika at pangkabuhayan na nagdala ng pagkalupit-lupit na pagdurusa. At kung magkagayon lahat ng mga bayan ay magagalak sa pagtanggap nila ng kanilang pagkain sa araw-araw.—Mateo 6:10, 11; 24:21, 22; Daniel 2:44; Kawikaan 29:2.
3 Sa ilalim ng matuwid na pamahalaan, ang ating lupang ito ay mapag-aanihan ng “labis-labis” na pagkain, sapat-sapat na makatutustos ng makapupo pa sa kasalukuyang populasyon ng daigdig. (Awit 72:12-14, 16, 18) Si Jehova ay gagawa ng “isang kapistahan” ng matatabang bagay para sa kaniyang bayan. (Isaias 25:6) Subalit isa pang bagay na karagdagan ang kinakailangan. Habang lumalakad ang mga taon, ang mga tao baga’y magkakasakit pa at mangamamatay? Nakaliligayang malaman, ang Isaias 25:8 ay nagsasabi tungkol kay Jehova: “Aktuwal na lululunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mga mukha.” Paano nga nangyayari ito?
Ang Maibiging Paglalaan ni Jehova
4. Anong maibiging paglalaan ang isinaayos ni Jehova sa Egipto?
4 Nang si Jose ay tagapamahala ng pagkain sa Egipto, nagkaroon doon ng saganang trigo. Ito’y dahilan sa si Jose, pagkatapos na atasan ni Faraon, ay may katalinuhang naghanda para sa inihulang pitong taon ng taggutom, at maibiging pinagpala naman iyon ni Jehova. (Genesis 41:49) Nagkaroon ng kasaganaan para sa lahat, at labis-labis pa nga. Nang ang ama ni Jose na si Jacob, pati kaniyang mga kapatid, at kani-kanilang pamilya ay lumikas upang makapiling ni Jose sa Egipto, sila’y nakinabang nang malaki dahil sa paglalaang iyon ng Diyos. Tiyak na kilang-kilala rin ng mga Israelitang iyon ang tinapay na minasa sa pinakasim na harina, yamang maliwanag na ito’y doon unang nanggaling sa Egipto.
5. (a) Paano naglaan si Jehova ng pagkain sa ilang? (b) Sino ang kahati ng Israel sa pagpapalang ito, at bakit?
5 Nang malaunan, si Jehova ay gumawa ng higit pang mapagmahal na mga paglalaan para sa kaniyang bayan. Ito’y nang ang milyung-milyon na mga Israelita ay lumisan sa Egipto upang tumawid sa ilang ng Sinai. Paano ngang ang malaking pulutong na ito ay makakasumpong ng pagkain sa mapanglaw, at malupit na disyerto na iyon? Bagamat si Jehova ay sumiklab ang galit dahilan sa kanilang kakulangan ng pananampalataya, kaniyang “binuksan mismo ang mga pintuan ng langit. At siya’y patuloy na nagpaulan sa kanila ng mana upang makain, at ang trigo ng langit ay kaniyang ibinigay sa kanila.” “Sa pamamagitan ng tinapay na mula sa langit ay patuloy na binusog niya sila” sa loob ng 40 mahahabang taon. (Awit 78:22-24; 105:40; Exodo 16:4, 5, 31, 35) Huwag din namang kalilimutan na ang mga Israelita ay hindi nag-iisa sa pagkain ng mana. “Isang haluang lubhang karamihan” ng mga di-Israelita ang nagsagawa ng pananampalataya kay Jehova at nakisama sa kanila sa paglabas sa Egipto. Ang Diyos ay naglaan din naman ng manna para sa kanila.—Exodo 12:38.
6. (a) Ano ang higit na pangangailangan ng tao, at bakit? (b) Ano ang idiniin ng mga hain na inihandog ng Israel, at sa ano lumarawan ang mga ito?
6 Gayunman, sa tuwina’y may pangangailangan ang sangkatauhan na higit kaysa literal na “tinapay mula sa langit.” Kahit na yaong nagsikain ng makahimalang mana ay nagsitanda at nangamatay, sapagkat dahil sa minanang kasalanan ng tao ay hindi maiiwasan ang kamatayan, anomang buti ng kaniyang pagkain. (Roma 5:12) Ang mga haing handog ng Israel ay nagbigay ng pagkakataon upang mapanatili ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos, ngunit ang mga haing iyon ay nagdiin din naman ng pagkamakasalanan ng bansa. Ang mga ito ay “kailanman hindi lubusang nakaalis ng mga kasalanan.” Isa pa, ang mga handog na iyon ay lumarawan sa “kaisa-isang hain” ni Jesus, na siyang paglalaan para sa pag-aalis “magpakailanman” ng mga kasalanan. Buhat sa kaniyang mataas na puwesto sa langit, naikakapit na ngayon ni Jesus ang bisa ng haing iyon.—Hebreo 10:1-4, 11-13.
“Tunay na Tinapay Mula sa Langit”
7. (a) Ang mga salita ni Jesus sa Juan kabanata 6 ay kailangang unawain ayon sa anong bagong konteksto? (b) Bakit pinagwikaan ni Jesus ang karamihan?
7 Tayo ngayon ay bumaling sa Juan kabanata 6. Ang mga sinabi rito ni Jesus ay hindi isang pagpapatuloy lamang ng kaniyang sinabi na nakasulat sa Juan kabanata 5. Ang konteksto ay naiiba, sapagkat isa pang taon ang lumipas. Noon ay 32 C.E. na. Ang pangyayaring iyon ay naganap hindi na sa gitna ng mapagmatuwid na mga Judio sa Jerusalem kundi sa gitna ng mga karaniwang tao sa Galilea. Katatapos lamang nagawa ni Jesus ang himala ng pagpapakain sa 5,000 mga tao ng limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Kinabukasan, ang karamihan ng mga tao ay kasu-kasunod ni Jesus, at umaasang sila’y makakakain uli ng libre. Kayat sinabihan sila ni Jesus: “Ako’y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo’y nagsikain ng tinapay at kayo’y nangabusog. Magsigawa kayo, hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan.” Si Jesus ay sinugo ng kaniyang Ama upang maglaan ng gayong pagkain para sa lahat na magsasagawa ng pananampalataya sa kaniya. Ito “ang tunay na tinapay mula sa langit,” na may lalong higit na kabutihan kaysa literal na manna na kinain ng mga sinaunang Israelita.—Juan 6:26-32.
8. Paano makakamit ng isa ang buhay na walang hanggan?
8 Si Jesus ang nagpapatuloy ng pagpapaliwanag ng mga pakinabang na makukuha sa “pagkain” na iyon, at sinabi sa kanila: “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay kailanma’y hindi mauuhaw. . . . Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kaniya’y nagsasagawa ng pananampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at akin siyang bubuhaying-muli sa huling araw.”—Juan 6:35-40.
9, 10. (a) Paanong “ang tinapay ng buhay” ay naiiba sa manna? (b) Sang-ayon sa Juan 6:42-51, ukol kanino ibinigay ni Jesus ang kaniyang laman? (c) Paano ang mga ito ay ‘kumakain ng kaniyang laman’?
9 Ang materyalistikong mga Judiong iyon ay nagbangon ng maisisira sa mga salitang ito. Ang kanilang pagkakilala kay Jesus ay isa lamang anak ni Jose at si Maria. Sa kanila’y sinabi ni Jesus: “Huwag kayong magbulung-bulungan. Walang taong makalalapit sa akin maliban nang ang Ama, na nagsugo sa akin, ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y bubuhayin kong mag-uli sa huling araw.” Pagkatapos ay kaniyang inulit: “Ako ang tinapay ng buhay. Nagsikain ang inyong mga ninuno ng mana sa ilang ngunit nangamatay pa rin. Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang taong makakain ay huwag nang mamatay. Ako ang tinapay ng buhay na bumaba galing sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya’y mabubuhay magpakailanman; at kung sa katotohanan, ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.”—Juan 6:42-51.
10 Sa gayon, iyon ay ukol sa “buhay ng sanlibutan”—ang buong sanlibutan ng mga taong maaaring tubusin—kung kaya ibinigay ni Jesus ang kaniyang laman. At ang “sinuman” sa sanlibutan ng sangkatauhan na sa makasagisag na paraan kumakain ng “tinapay” na iyon, sa pamamagitan ng pagpapakita ng pananampalataya sa kapangyarihan ng hain ni Jesus na tumubos, ay maaaring pumasok sa daan na patungo sa buhay na walang hanggan. Dito, ang “haluang lubhang karamihan” na kasama ng mga Israelita sa pagkain ng mana sa ilang ay lumarawan sa lubhang karamihan ng “mga ibang tupa” ni Jesus na, kasama ng pinahirang nalabi ng “Israel ng Diyos,” ay kumakain ngayon ng laman ni Jesus ayon sa makasagisag na diwa. Ito’y ginagawa nila sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang hain.—Galacia 6:16; Roma 10:9, 10.
11. Sa ano pang sinabi ni Jesus nagitla ang mga Judio, at bakit?
11 Sa Galilea noon, marami sa mga nakikinig kay Jesus ay nagitla dahilan sa kaniyang sinabi. Kayat samantalang naroon rin siya sa paksa tungkol sa kaniyang laman, sumulong pa siya ng isang hakbang, at sinabi sa kanila: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao, at inumin ang kaniyang dugo, kayo ay walang buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya’y aking bubuhaying-muli sa huling araw; sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.” (Juan 6:53-55) Nakagigitla nga! Ang ideya ng kanibalismo ay kasuklam-suklam na sa mga Judiong iyon subalit gayundin ang Kautusan sa Levitico 17:14 ay tiyakang nagbabawal ng pagkain ng “dugo ng anomang uri ng laman.”
12. (a) Ano ang idiniriin dito ni Jesus? (b) Anong mga teksto ang nagpapakita na ito ay hindi para lamang sa mga kasamang tagapagmana ni Jesus?
12 Mangyari pa, dito ay idiniriin ni Jesus na sinoman na nais magkamit ng buhay na walang hanggan ay kailangang magsagawa ng pananampalataya sa hain ni Jesus nang ihandog ni Jesus ang kaniyang sakdal na katawang-tao at ibuhos ang kaniyang dugo. (Hebreo 10:5, 10; 1 Pedro 1:18, 19; 2:24) Ang paglalaang ito ay hindi para lamang sa mga kasamang tagapagmana ni Jesus. Kasali rin dito ang “malaking pulutong,” na maliligtas sa “malaking kapighatian,” sapagkat ang mga ito ay “naglaba ng kanilang kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero. “Ang resulta ng kanilang pananampalataya sa hain ni Jesus, gaya ng ipinakikita rin naman ng kanilang “banal na paglilingkod” sa Diyos, ay ang kanilang pagkaligtas sa panahon ng pinakamalaking kapighatian sa lupang ito. Bilang nakakatulad nito, si Rahab ay inaring matuwid at nakaligtas nang itinalaga ni Josue ang Jerico sa pagkapuksa.—Apocalipsis 7:9, 10, 14, 15; Josue 6:16, 17; Santiago 2:25.
“Buhay sa Inyong Sarili”
13. (a) Sa paghahambing ng Juan 5:26 at Juan 6:53, ano ang mapapansin? (b) Anong kaparehong gramatikang konstruksion sa Griego ang tumutulong sa atin na maunawaan ang Juan 6:53? (c) Kung gayon, ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng “buhay sa inyong sarili,” at kanino kumakapit ang mga salitang ito?
13 Sa Juan 6:53, 54, ang “buhay na walang hanggan” ay itinutumbas ni Jesus sa pagkakaroon ng “buhay sa inyong sarili.” Kung gayon, sa kontekstong ito, ang pananalitang “buhay sa inyong sarili” ay waring mayroong kahulugan na naiiba sa ginamit ni Jesus sa Juan 5:26. Ang mga salitang may kaparehong gramatikang konstruksion na gaya ng pagkakaroon ng “buhay sa inyong sarili” ay makikita sa ibang lugar sa Kasulatang Griego. Halimbawa: “Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili” (Marcos 9:50) at “tumatanggap sa kanilang sarili ng buong kagantihan” (Roma 1:27).a Sa mga halimbawang ito, ang pananalitang iyan ay hindi tumutukoy sa kapangyarihan na magbigay ng asin o ng kagantihan sa iba. Bagkus, ang ipinakikita ay panloob na pagkakompleto o kaganapan. Samakatuwid, ayon sa konteksto ng Juan 6:53, ang pagkakaroon ng “buhay sa inyong sarili,” ay nangangahulugan dito ng pagpasok sa wakas sa mismong kaganapan ng buhay. Ang “munting kawan” ng mga tagapagmana ng Kaharian ay dumaranas nito sa kanilang pagkabuhay-muli sa langit. Ang “mga ibang tupa” ay dumaranas nito pagkatapos naman ng isang libong taon, pagka sila ay sinubok na at inaring matuwid ukol sa buhay na walang hanggan sa lupang Paraiso.—1 Juan 3:2; Apocalipsis 20:4, 5.
14. Sino pa ang makikinabang sa “tinapay mula sa langit,” at paano?
14 Ang mga iba rin naman, ay maaaring makinabang sa “tinapay mula sa langit.” Sinabi ni Jesus tungkol sa isa na ‘kumakain ng kaniyang laman at umiinom ng kaniyang dugo’ ngunit namatay: “Bubuhayin ko siya sa huling araw.” Nauunawaan na ang pinahirang mga Kristiyano na nangatutulog sa kamatayan ay ibinabangon pagtunog ng “huling trumpeta,” na nagaganap naman sa panahon ng “pagpapakita” ni Jesu-Kristo na taglay ang kaluwalhatian sa Kaharian. (1 Corinto 15:52; 2 Timoteo 4:1, 8) Subalit kumusta naman ang umaasang “mga ibang tupa” na natutulog sa kamatayan? Tayo’y interesado rito sa mga salita ni Martha nang panahon na mamatay si Lasaro, sapagkat noon ang maytakot sa Diyos na mga Judio ay walang ibang pag-asa maliban sa makalupang pagkabuhay-muli. Ang pananampalataya ni Martha ay ipinahayag sa mga salitang: “Batid ko na siya [si Lasaro] ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:24) Tayo na nangabubuhay ngayon sa pagkanaririto ni Kristo ay maaari samakatuwid na umasa na ang mga tapat na kabilang sa “malaking pulutong” na makakatulog sa kamatayan ay magkakaroon ng maagang pagkabuhay-muli dito sa lupa, upang sila man ay muling makabahagi sa “tinapay mula sa langit,” na ang inaasahan ay buhay na walang hanggan. Anong pagkaganda-gandang pag-asa iyan, isang pag-asa na tiyak sapagkat si Jesus mismo ay binuhay buhat sa mga patay!—1 Corinto 15:3-8.
‘Kaisa ni Kristo’
15. Ang mga salita ni Jesus na “kaisa ni Kristo” ay kumakapit kanino, at bakit ganiyan ang sagot ninyo?
15 Si Jesus ay nagpapatuloy ng ganito: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatiling kaisa ko, at ako’y kaisa niya.” (Juan 6:56) Ito, kung gayon, ay totoo sa “sinoman” na sa gayo’y nagsasagawa ng pananampalataya sa hain ni Jesus, taglay ang pag-asang ‘pagkakaroon ng buhay sa kaniyang sarili.’ Lahat ng nagpapakita ng gayong pananampalataya ay maaaring ‘makaisa’ ni Jesus. Mangyari pa, ang “malaking pulutong,” na may makalupang pag-asa, ay hindi “kaisa ni Kristo” sa diwa na pagiging mga kasamang tagapagmana niya, mga miyembro ng kaniyang kasintahan na tumatanggap ng makalangit na pagkabuhay-muli kagaya ng tinanggap niya. (Roma 8:1, 10; 1 Corinto 1:2; 2 Corinto 5:17; 11:2; Galacia 3:28, 29; Efeso 1:1, 4, 11; Filipos 3:8-11) Gayunman lahat ng mga may makalupang pag-asa ay maaari, sa aktuwal kailangan, na lubusang magkasuwato ng Ama at ng Anak sa pagkaalam at paggawa ng “sakdal na kalooban ng Diyos,” gaya rin ng “munting kawan.”—Roma 12:2; ihambing ang Juan 17:21.
16. (a) Sa anong napakamahalagang mga paraan na lahat ng nagsasagawa ng pananampalataya sa hain ni Kristo ay “kaisa” ni Jesus? (b) Sa ano makikita ang kanilang pagkakaisa ng layunin at pagsisikap?
16 Kaya naman, ang bisa ng inihaing laman at dugo ni Kristo ay maaaring pakinabangan ng lahat sa ngayon na nagsasagawa ng pananampalataya, at lahat ng nakikinabang dito, sa napakamahalagang mga paraan, ay maaaring “makaisa” ni Jesus. Lahat ay magiging bahagi ng pansansinukob na pamilya ng Diyos na Jehova. Sa maselang na “mga huling araw” na ito, sila’y nagtatamasa ng isang pambuong-daigdig na pagkakaisa ng paniniwala, layunin, at gawain. Sa pagsasagawa nila ng pananampalataya kay Jesus, sila’y nakagagawa ng “lalong dakilang mga gawa” kung sa lawak kaysa roon sa nagawa ni Jesus dito sa lupa. At pansinin na ang milyun-milyon na nasa “malaking pulutong” ngayon ay bumubuo ng 99.7 porsiyento niyaong nagsasagawa ng gawain ni Jehova sa panahong ito. (Juan 14:12; Roma 10:18) Ang pagkakaisang ito ng layunin at pagsisikap ay makikita sa dakilang pangglobong pagpapatotoo at kusang pagsuporta sa mga proyekto ng Watch Tower Society na pagtatayo. (Awit 110:3) Kung ilan pa sa mga tao sa sanlibutan ang maniniwala at mapapalakip sa mahalagang pagkakaisang ito, iyan ay makikita pa natin. Ang isang report kamakailan ay nagpapakita na mayroong 3,024,131 mga aktibong Saksi.
17. Anong mga punto ang dapat na pahalagahan ng lahat sa pagdalo sa Memoryal?
17 Inaasahan na maraming mga taong interesado ang makakabilang sa magsisidalo sa 1986 na selebrasyon ng Memoryal. Angaw-angaw ng “mga ibang tupa” ang magsisidalo, kasama na ang kumakaunting libu-libo ng mga kabilang sa “munting kawan”—na lahat ay lubhang nagpapahalaga sa maibiging paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo, sa pagkilala nila ng kahalagahan ng laman at dugo ni Kristo. Subalit, dapat makilalang malinaw ng lahat kung saan sila nakatayo. Ang pakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ay hindi nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay mga simbolo ng hain ni Jesus, na una munang ikinakapit may kaugnayan sa “bagong tipan.” Yaong mga pinahiran na isinasali sa tipan na iyan, at sila lamang, ang wastong maaaring bumahagi sa mga emblema. Ang isa ay alinman sa siya’y nasa bagong tipang iyon o wala. (1 Corinto 11:20, 23-26) Yaong mga hindi kasali sa bagong tipan at hindi tinawag ni Jesus para maging bahagi ng isang tipan ukol sa isang kaharian ay hindi nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal, subalit dapat pa ring kilalanin nila kung gaano kahalaga sa kanila ang inihaing laman at dugo ni Jesus. (Lucas 22:14-20, 28-30) Ang haing ito ang paraan na sa pamamagitan nito ay maaari silang magtamo ng buhay na walang hanggan sa lupa.
18. Anong kaligayahan ang resulta ng malinaw na pagkakilala sa buong kahulugan ng hain na inihandog ni Jesus?
18 Harinawa, kung gayon, na dumalo tayo sa okasyong ito ng Memoryal na taglay ang malinaw na pagkaunawa sa buong kahulugan ng hain na inihandog ni Jesus para sa sangkatauhan. Harinawang yaong mga kabilang sa “munting kawan” ay lubusang magpahalaga sa pagkatawag sa kanila, at harinawang ang lumalaking pulutong ng “mga ibang tupa” ay mangagalak sa pag-asang magkaroon ng sakdal na makalupang ‘buhay sa kanilang sarili,’ samantalang kanilang lubhang pinahahalagahan ang kanilang pakikipagkaisa, sa mismong sandaling ito, sa Ama, sa Anak, at sa umuunting bilang ng pinahirang nalabi na narito pa sa lupa. Anong ligaya natin na “ang tinapay ng buhay” ay maaari na ngayon makamit ng lahat!
[Talababa]
a Tingnan din ang Mateo 3:9; 9:3; 13:21; Marcos 5:30; 6:51; Lucas 7:39, 49; 12:17; 18:4; Juan 5:42; 11:38; Gawa 10:17; 2 Corinto 1:9.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Noong 32 C.E., bumanggit si Jesus ng anong dalawang uri ng manna, na inilaan para kanino?
◻ Sino ang mga inaanyayahan ni Jesus upang ‘kumain ng kaniyang laman at uminom ng kaniyang dugo,’ at paano nila ginagawa ito?
◻ Ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng “buhay sa inyong sarili,” at paano at kailan ito nakakamit?
◻ Sa anong kaligayahan maaari na ngayong makabahagi ang lahat kung tungkol sa “tinapay ng buhay”?