Isang Bagay na Nakahihigit Kaysa sa mga Kayamanan ng Ehipto
KABILANG sa pinakadakila sa lahat ng mga makasaysayang tao si Moises. Ang apat na aklat sa Bibliya—mula Exodo hanggang Deuteronomio—ay halos pantanging mga salaysay hinggil sa mga pakikitungo ng Diyos sa Israel sa ilalim ng pangunguna ni Moises. Pinangasiwaan niya ang kanilang Pag-alis sa Ehipto, namagitan sa tipang Kautusan, at inakay ang Israel sa hangganan ng Lupang Pangako. Pinalaki si Moises sa sambahayan ni Paraon, subalit siya ang naging awtorisadong kumandante ng bayan ng Diyos, gayundin naging isang propeta, hukom, at manunulat na kinasihan ng Diyos. Gayunman, siya rin ay ‘totoong pinakamaamo sa lahat ng tao.’—Bilang 12:3.
Karamihan sa mga isinalaysay ng Bibliya hinggil kay Moises ay may kinalaman sa huling 40 taon ng kaniyang buhay, na sumasaklaw mula sa paglaya ng Israel sa pagkaalipin hanggang sa kamatayan ni Moises sa edad na 120. Mula sa edad na 40 hanggang 80, siya ay isang pastol sa Midian. Subalit, sabi ng isang akda, “marahil ang lubhang nakatatawag-pansin na bahagi ng kaniyang buhay, gayunma’y isa na pinakamalabo,” ay ang kaniyang unang 40 taon, mula sa kaniyang pagsilang hanggang sa pagtakas niya mula sa Ehipto. Ano nga ba ang matututuhan natin hinggil sa yugtong ito? Paano nakaapekto ang mga kalagayan ng pagpapalaki kay Moises sa kung ano ang kinalabasan niya bilang isang tao? Anu-ano ang nakaimpluwensiya sa kaniya? Anong mga suliranin ang kinailangan niyang harapin? At ano ang maituturo ng lahat ng ito sa atin?
Pagkaalipin sa Ehipto
Isinasalaysay ng aklat ng Exodo na sinimulang katakutan ng isang Paraon ang mga Israelitang naninirahan sa Ehipto dahil sa kanilang mabilis na pagdami. Sa paniniwalang kumikilos siya nang may karunungan, sinikap niyang bawasan ang kanilang bilang sa pamamagitan ng pagpapasailalim sa kanila sa mapaniil na pagtatrabaho bilang alipin sa ilalim ng paghagupit ng mga tagapag-utos—pagdadala ng mga pasanin, paggawa ng argamasang luwad, at pagtupad sa araw-araw na kota ng mga laryo.—Exodo 1:8-14; 5:6-18.
Ang paglalarawang ito sa Ehipto kung saan isinilang si Moises ay katugmang-katugma ng katibayan ng kasaysayan. Inilarawan ng isang sinaunang papiro at ng di-kukulangin sa isang ipinintang larawan sa libingan ang paggawa ng mga alipin ng mga laryong luwad noong ikalawang milenyo B.C.E. o mas maaga pa. Inorganisa ng mga opisyal na may pananagutan sa pagtutustos ng mga laryo ang daan-daang alipin na pinagpangkat-pangkat sa 6 hanggang 18 grupo sa ilalim ng isang kapatas o lider ng tauhan. Kailangang hukayin ang laryong luwad at dalhin ang dayami sa gawaan ng laryo. Mga manggagawa ng iba’t ibang nasyonalidad ang nag-iigib ng tubig at naghahalo nito sa luwad at sa dayami na ginagamit ang asarol. Hile-hilera ng mga laryo ang nagagawa sa pamamagitan ng parihabang mga molde. Pagkatapos, pinipingga ng mga manggagawa ang mga laryong pinatuyo sa araw tungo sa lugar ng konstruksiyon, na kung minsan ay nararating sa pamamagitan ng isang rampa. Ang mga tagapangasiwang Ehipsiyo, na may mga pamalo, ay nauupo o naglalakad habang kanilang sinusubaybayan ang trabaho ng mga manggagawa.
Binabanggit ng isang sinaunang ulat ang 39,118 laryo na ginawa ng 602 manggagawa, na katumbas ng katamtamang 65 laryo isang tao sa bawat turno ng trabaho. At isang dokumento noong ika-13 siglo B.C.E. ang nagsasabi: “Tinutupad ng mga lalaki . . . ang kanilang kota ng mga laryo araw-araw.” Lahat ng ito ay kahawig na kahawig ng pagpapatrabaho sa mga Israelita gaya ng inilarawan sa aklat ng Exodo.
Hindi nakabawas sa populasyon ng mga Hebreo ang paniniil. Sa halip, ‘habang lalo pa silang sinisiil ng mga Ehipsiyo ay lalo pa silang dumarami . . . , kung kaya nakadama ang mga Ehipsiyo ng nakapanlulumong takot dahilan sa mga anak ni Israel.’ (Exodo 1:10, 12) Kaya, ipinag-utos ni Paraon sa mga komadronang Hebreo muna at pagkatapos ay sa buong bayan niya na patayin ang bawat bagong-silang na lalaking Israelita. Sa ilalim ng nakasisindak na mga kalagayang ito, isinilang kina Jokebed at Amram ang isang magandang batang lalaki, si Moises.—Exodo 1:15-22; 6:20; Gawa 7:20.
Itinago, Nasumpungan, at Inampon
Nilabag ng mga magulang ni Moises ang mapamaslang na utos ni Paraon at itinago ang kanilang munting anak na lalaki. Ginawa ba nila iyon sa kabila ng paglilibot at paghahanap ng mga espiya at mga inspektor sa mga sanggol? Hindi natin matiyak. Sa paano man, pagkalipas ng tatlong buwan ay hindi na maitago si Moises ng kaniyang mga magulang. Kaya ang kaniyang desperadong ina ay gumawa ng isang basket na yari sa papiro, pinahiran ito ng alkitran upang hindi ito pasukin ng tubig, at inilagay ang kaniyang anak sa loob nito. Sa isang antas, sumunod si Jokebed sa utos ni Paraon na itapon ang bawat bagong-silang na lalaking Hebreo sa Nilo. Pagkatapos, si Miriam, na ate ni Moises, ay tumayo nang di-kalayuan upang magbantay.—Exodo 1:22–2:4.
Hindi natin alam kung sinadya ni Jokebed na masumpungan ng anak na babae ni Paraon si Moises nang ito ay magtungo sa ilog upang maligo, subalit gayon ang nangyari. Natanto ng prinsesa na ito ay anak ng mga Hebreo. Ano ang gagawin niya? Ipag-uutos ba niya ang kamatayan nito bilang pagsunod sa kaniyang ama? Hindi, kumilos siya na katulad ng natural na gagawin ng karamihang babae. Kumilos siya nang may pagkamahabagin.
Di-nagtagal at nasa tabi na niya si Miriam. ‘Tatawag ba ako ng isang babaing Hebreo upang maalagaan niya ang bata para sa iyo?’ ang tanong niya. Nasumpungan ng ilan ang malaking kabalintunaan sa talatang ito. Itinuring na kabaligtaran ang kapatid na babae ni Moises kay Paraon, na nagpakana kasama ng kaniyang mga tagapayo na makitungo nang “may katusuhan” sa mga Hebreo. Sabihin pa, ang kapakanan ni Moises ay napagtibay lamang nang sumang-ayon ang prinsesa sa plano ng kaniyang kapatid na babae. “Yumaon ka!” ang tugon ng anak ni Paraon, at agad na tinawag ni Miriam ang kaniyang ina. Sa isang katangi-tanging kasunduan, si Jokebed ay inupahan upang palakihin ang kaniya mismong anak na may maharlikang proteksiyon.—Exodo 2:5-9.
Ang pagkamahabagin ng prinsesa ay tiyak na malayung-malayo sa kalupitan ng kaniyang ama. Hindi siya ignorante ni nalinlang man may kinalaman sa bata. Pinakilos siya ng mapagmahal na habag upang ampunin ang bata, at ang pagsang-ayon niya sa ideya hinggil sa isang Hebreo na tagapag-alagang nagpapasuso ay nagsisiwalat na hindi siya nagtatangi na gaya ng kaniyang ama.
Pagpapalaki at Edukasyon
“Kinuha [ni Jokebed] ang bata at inalagaan ito. At lumaki ang bata. Nang magkagayon ay dinala niya ito sa anak ni Paraon, kung kaya naging anak niya ito.” (Exodo 2:9, 10) Hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano katagal tumira si Moises kasama ng kaniyang likas na mga magulang. Iniisip ng ilan na maaaring ito ay hanggang sa siya ay maawat sa suso—dalawa o tatlong taon—subalit maaaring mas matagal pa. Binabanggit lamang ng Exodo na siya ay “lumaki” na kasama ng kaniyang mga magulang, na maaaring mangahulugan ng pagsapit sa kahit na anong edad. Sa anumang kalagayan, tiyak na ginamit nina Amram at Jokebed ang panahon upang malaman ng kanilang anak na siya ay mula sa mga Hebreo at maturuan siya tungkol kay Jehova. Sa dakong huli lamang naisiwalat kung gaano sila katagumpay sa pagkikintal sa puso ni Moises ng pananampalataya at pag-ibig sa katuwiran.
Nang maibalik na siya sa anak ni Paraon, si Moises ay tinuruan “sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gawa 7:22) Nangangahulugan iyan ng pagsasanay na dinisenyo upang si Moises ay maging kuwalipikado sa isang katungkulan sa pamahalaan. Kasama sa napakaraming kaalaman ng Ehipto ang matematika, heometriya, arkitektura, konstruksiyon, at iba pang mga sining at siyensiya. Malamang, nais ng maharlikang pamilya na turuan siya sa relihiyon ng Ehipto.
Maaaring tinanggap ni Moises ang kaniyang natatanging edukasyon kasama ng iba pang mga anak ng mga maharlika. Kabilang sa mga nakinabang mula sa gayong edukasyon ng pilíng mga tao ang “mga anak ng mga tagapamahalang banyaga na ipinadala o dinalang mga bihag sa Ehipto upang maging ‘sibilisado’ at pagkatapos ay ibinalik bilang mga basalyo” na tapat sa Paraon. (The Reign of Thutmose IV, ni Betsy M. Bryan) Ang mga nursery (dako kung saan inaalagaan at sinasanay ang mga bata) na karugtong ng mga palasyo ng hari ay waring naghanda sa mga kabataan upang maglingkod bilang mga opisyal sa palasyo.a Isinisiwalat ng mga inskripsiyon mula pa noong panahon ng Gitnang Kaharian (ika-11 at ika-12 Dinastiya) at Bagong Kaharian (ika-18 hanggang ika-20 Dinastiya) ng Ehipto na pinanatili ng ilan sa personal na mga alalay at matataas na opisyal sa korte ni Paraon ang marangal na titulong “Child of the Nursery” kahit na sila’y mga adulto na.
Masusubok si Moises ng buhay sa palasyo. Nag-aalok ito ng kayamanan, luho, at kapangyarihan. Naghaharap din ito ng mga panganib sa moral. Paano kikilos si Moises? Saan maiuukol ang kaniyang katapatan? Siya ba’y isang tunay na mananamba ni Jehova, isang kapatid ng sinisiil na mga Hebreo, o mas pinili niya ang lahat ng maiaalok ng paganong Ehipto?
Isang Napakahalagang Pasiya
Sa gulang na 40, nang panahong si Moises ay lubusan na sanang magiging Ehipsiyo, siya ay ‘lumabas upang tingnan ang mga pasanin na dinadala ng kaniyang mga kapatid.’ Ipinakita ng kaniyang sumunod na pagkilos na hindi lamang ito pag-uusyoso; hangad niyang tumulong sa kanila. Nang makita niyang binubugbog ng isang Ehipsiyo ang isang Hebreo, namagitan siya, anupat napatay niya ang maniniil. Ipinakikita ng pagkilos na iyan na ang puso ni Moises ay nasa kaniyang mga kapatid. Ang lalaking napatay ay malamang na isang opisyal, napatay habang isinasagawa nito ang kaniyang tungkulin. Sa paningin ng mga Ehipsiyo, may lahat ng dahilan si Moises na maging matapat kay Paraon. Subalit, pag-ibig din sa katarungan ang nagpakilos kay Moises, isang katangian na ipinakita pa niya kinabukasan nang makipagkatuwiranan siya sa isang Hebreo na walang-katarungang binubugbog ang kaniyang kasamahan. Hangad ni Moises na palayain ang mga Hebreo mula sa malupit na pagkaalipin, subalit nang malaman ni Paraon ang pagtalikod niya sa kaniyang tungkulin at magsikap ito na patayin siya, si Moises ay napilitang tumakas tungo sa Midian.—Exodo 2:11-15; Gawa 7:23-29.b
Ang pagpili ni Moises ng panahon dahil nais niyang mapalaya ang bayan ng Diyos ay hindi kasuwato ng panahon ni Jehova. Gayunman, isiniwalat ng kaniyang mga pagkilos ang pananampalataya. Ganito ang sabi ng Hebreo 11:24-26: “Sa pananampalataya si Moises, nang malaki na, ay tumanggi na tawaging anak ng anak na babae ni Paraon, na pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” Bakit? “Sapagkat itinuring niya ang kadustaan ni Kristo bilang kayamanan na nakahihigit kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto; sapagkat tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran.” Ang natatanging paggamit sa ekspresyong “Kristo,” na nangangahulugang “pinahiran,” ay kumakapit kay Moises sa diwa na tumanggap siya noong dakong huli ng isang pantanging atas mula mismo kay Jehova.
Isip-isipin lamang! Tanging ang maharlikang Ehipsiyo ang maaaring makapagtamasa ng pagpapalaking tinanggap ni Moises. Ang kaniyang katungkulan ay nag-aalok ng isang kahanga-hangang karera at lahat ng maguguniguning kaluguran, subalit tinanggihan niya ang lahat ng ito. Hindi niya mapagkasundo ang buhay sa palasyo ni Paraon, ang maniniil, sa pag-ibig niya kay Jehova at sa katarungan. Ang kaalaman at pagbubulay-bulay sa mga pangako ng Diyos sa kaniyang mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang nag-udyok kay Moises na piliin ang pagsang-ayon ng Diyos. Bunga nito, ginamit ni Jehova si Moises upang gampanan ang isa sa pinakamahalagang papel para maisagawa ang Kaniyang mga layunin.
Napapaharap tayong lahat sa pagpili sa kung anu-anong mga bagay ang pinakamahalaga. Tulad ni Moises, marahil ay napapaharap ka sa isang mahirap na desisyon. Isusuko mo ba ang ilang kaugalian o nakikitang mga kapakinabangan, anuman ang kapalit? Kung iyan ang pagpipiliang nakaharap sa iyo, tandaan na itinuring ni Moises na mas mahalaga ang pakikipagkaibigan kay Jehova kaysa sa lahat ng kayamanan ng Ehipto, at hindi niya pinagsisihan ito.
[Mga talababa]
a Ang edukasyong ito ay maaaring nahahawig doon sa tinanggap ni Daniel at ng kaniyang mga kasama upang maglingkod bilang mga nanunungkulan sa pamahalaan ng Babilonya. (Daniel 1:3-7) Ihambing ang Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, kabanata 3, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Na si Moises ay may sigasig sa katarungan ay ipinakita pa nang ipagtanggol niya ang kaawa-awang mga babaing-pastol mula sa masamang pakikitungo sa Midian, kung saan siya ay naging isang takas.—Exodo 2:16, 17.
[Kahon sa pahina 11]
Mga Kontrata ng mga Tagapag-alagang Nagpapasuso
Karaniwang pinasususo ng mga ina ang kanilang sariling mga sanggol. Gayunman, ganito ang sabi ng iskolar na si Brevard Childs sa Journal of Biblical Literature, “sa ilang pagkakataon, umuupa ang mga kabilang sa maharlikang sambahayan [malapit sa Silangan] ng isang tagapag-alagang nagpapasuso. Ang kaugaliang ito ay karaniwan din kung saan hindi mapasuso ng ina ang kaniyang anak o kung di-kilala ang ina. Tinatanggap ng tagapag-alaga ang pananagutan sa pagpapalaki sa bata gayundin sa pagpapasuso rito sa loob ng itinakdang panahon.” Naingatan ang ilang papiro ng mga kontrata ng tagapag-alagang nagpapasuso mula sa Malapit na Silangan noong unang panahon. Pinatutunayan ng mga dokumentong ito ang malaganap na gawain mula noong panahon ng Sumeriano hanggang noong dakong huli nang panahon ng mga Griego (Hellenistic) sa Ehipto. Karaniwang tampok sa mga dokumentong ito ang mga kasunduan ng mga indibiduwal na nasasangkot, ang panahong saklaw ng kontrata, ang mga kalagayan ng trabaho, mga detalye may kinalaman sa pagkain, mga multa sa pagsira sa kontrata, sahod, at ang paraan ng pagpapasahod. Karaniwan na, “ang pag-aalaga ay lumalampas sa mahigit na dalawa o tatlong taon,” ang paliwanag ni Childs. “Pinalalaki ng tagapag-alagang nagpapasuso ang bata sa kaniyang sariling bahay, subalit kung minsan ay hinihilingang isauli ang bata sa may-ari nito para sa pagsisiyasat.”
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang paggawa ng laryo sa Ehipto ay katulad na katulad noong panahon ni Moises, gaya ng ipinakikita ng isang sinaunang iginuhit na larawan
[Credit Lines]
Itaas: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.; ibaba: Erich Lessing/Art Resource, NY