Kung Bakit Hindi Maligaya ang Katayuan ng Isang Mareklamo
ANG pagsasaya ay nauwi sa kawalang pag-asa sa loob lamang ng ilang linggo. Ang naunang pagsasaya ng mga Israelita sa kanilang bagong-tuklas na kalayaan buhat sa pagkaalipin sa mga Ehipsiyo ay napauwi sa walang-saysay na pagrereklamo tungkol sa pagkain. Nang ikalawang buwan matapos lisanin nila ang Ehipto, and di-nasisiyahang bansa ay nagsabing mas ibig nila ang maging alipin kaysa dumanas ng mahirap na buhay sa ilang. Nang mga buwang sumunod, ang ganitong pagrereklamo ang nagpahina sa kanilang pagkadesididong tumalima kay Jehova at sumira sa pag-asa ng salinlahing iyan na makapasok sa Lupang Pangako.—Exodo 16:1-3; Bilang 14:26-30.
Kung sa bagay, hindi iisang salinlahi lamang o iisang bayan ang kinakitaan ng pagrereklamo. Sino ba ang hindi manaka-naka ay nagrereklamo tungkol sa trabaho, sa pagkain, sa lagay ng panahon, sa mga anak, sa mga kalapit-bahay, o sa gastos ng pamumuhay? Waring dahil sa di-kasakdalan ng tao kung kaya ang isa’y nahihilig sa pagrereklamo.—Roma 5:12; Santiago 3:2.
Bakit nga ba tayo nagrereklamo kaagad? Baka tayo ay nasisiraan ng loob, bigo, o maysakit. Ang pagrereklamo ay maaaring isang pagpapahayag ng ating kabiguan, o maaaring ito ay isang di-tuwirang paraan ng pagsasabing: “Kung ihahambing sa iba ay mas mabuti ang magagawa ko!” Kung minsan ang mga reklamo ay pinalulubha pa ng mga pagkakaiba sa personalidad ng mga tao. Gayundin, mayroon talagang mga samaan ng loob.
Anuman ang tunay na sanhi, gaya ng ipinakikita ng nabanggit nang halimbawa ng mga Israelita, ang pagrereklamo ay maaaring makapinsala kung magpapatuloy iyon. Ang isang tao ay maaaring maging isang talamak na reklamador, na nagrereklamo pa nga tungkol sa paraan ni Jehova ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Bakit iyan ay napakamapanganib? At papaano dapat pakitunguhan ang mga reklamong may batayan?
Mga Reklamong May Batayan
Kung ang isang reklamo ay hindi naman malubha, ang unang tanong natin ay, Maaari ko kayang pagpaumanhinan na lamang iyon nang dahil sa pag-ibig? Totoo, baka tayo ay may-katwirang magreklamo laban sa iba, marahil kahit na sa isang kapananampalataya. Baka tayo ay kaniyang pinakitunguhan sa hindi mabuting paraan o nang hindi makatarungan. Gayunpaman, ang pagrereklamo ba sa iba tungkol sa di-mabuting trato sa atin ay magpapabuti sa mga bagay-bagay? Papaano ba nagrerekomenda ang Bibliya ng dapat nating ikilos? Ang Colosas 3:13 ay nagsasabi: “Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo.” Kaya kahit na may-katwiran ang isang reklamo, inirerekomenda ng Kasulatan ang saloobing magpatawad sa halip na isang mareklamong kalooban.—Mateo 18:21, 22.
Ano kung ang isang bagay ay totoong malubha upang ipagpaumanhin? Baka may mabuting dahilan na sabihin ang reklamo. Nang isang may-katwirang “daing ng reklamo” ang pumailanlang kay Jehova tungkol sa Sodoma at Gomora, siya’y kumilos upang tapusin ang nakahihiyang kalagayan sa mahalay na mga lunsod na iyon. (Genesis 18:20, 21) Isa pang may-katwirang reklamo ang bumangon hindi nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. Nang mamahagi ng pagkain sa nangangailangang mga biyuda, nagkaroon ng pagtatangi sa mga babaing Hebreo ang wika. Mauunawaan, ito’y naging sanhi ng pagsamâ ng loob ng mga biyudang ang wika ay Griego. Sa wakas, ang reklamo ay nakatawag-pansin sa mga apostol, at sila’y dagling nag-organisa ng isang pangkat ng responsableng mga lalaki upang lutasin ang suliranin.—Gawa 6:1-6.
Ang hinirang na Kristiyanong matatanda sa ngayon ay dapat ding huwag ipagpaliban ang kinakailangang mga pagkilos pagka itinawag-pansin sa kanila ang malulubhang suliranin. Ang Kawikaan 21:13 ay nagsasabi: “Ang nagtatakip ng kaniyang mga pakinig sa daing ng dukha, siya naman ay dadaing ngunit hindi diringgin.” Sa halip na ipagwalang-bahala ang isang may-katwirang reklamo, ang matatanda ay dapat makinig nang may simpatiya. Sa kabilang banda, lahat tayo ay maaaring makipagtulungan upang ang malulubhang reklamo ay maparating sa matatanda, sa halip na ulit-ulitin ang mga iyon sa sinuman na makikinig.
Gayunpaman, tuwirang aaminin ng karamihan sa atin na may mga panahon na dahil sa di-kasakdalan ng tao tayo ay nagrereklamo nang hindi naman kinakailangan. Ang isang malapitang pagmamasid sa iginawi ng mga Israelita sa ilang ay tutulong sa atin na makita ang panganib kung ang manaka-nakang pagmamaktol ay unti-unting mauuwi sa espiritu ng pagrereklamo.
Ang Pangmalas ng Diyos sa mga Mareklamo
Ang kabubulong ng mga Israelita tungkol sa mga panustos na pagkain ay nagsisiwalat ng dalawang likas na panganib sa pagrereklamo. Una, ang pagrereklamo ay nakahahawa. Iniuulat na “ang buong kapisanan ng mga anak ng Israel ay nagsimulang magreklamo laban kay Moises at kay Aaron sa ilang.” (Exodo 16:2) Malamang, ang ilan ay nagsimulang magreklamo tungkol sa kakapusan sa pagkain, at hindi nagtagal ang lahat ay nagrereklamo na.
Ikalawa, ang suliranin ay kadalasan pinalalaki pa ng reklamador. Sa kasong ito, binanggit ng mga Israelita na magiging lalong kasiya-siya ang kanilang kalagayan sa Ehipto, na kung saan sila’y makakakain ng maraming tinapay at karne hanggang gusto nila. Sila’y nagreklamo na dinala sila sa ilang upang mamatay ng gutom.—Exodo 16:3.
Ang kalagayan ba ng mga Israelitang iyon ay talagang ganiyan kaselan? Maaari nga na umuunti ang kanilang panustos na pagkain, subalit patiuna pa’y nakini-kinita na ni Jehova ang suliraning iyon, at sa takdang panahon siya’y naglaan ng manna upang makatustos sa kanilang pisikal na mga pangangailangan. Ang kanilang pinalaki na mga reklamo ay nagpakitang sila’y kulang ng pagtitiwala sa Diyos. Samantalang nasa Ehipto sila’y may-katwirang magreklamo tungkol sa mahihirap na kalagayan. (Exodo 2:23) Subalit nang sila’y palayain ni Jehova buhat sa pagkaalipin, sila’y nagsimulang magreklamo tungkol sa pagkain. Iyan ay walang-katwirang pagrereklamo. “Ang inyong pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban kay Jehova,” ang babala ni Moises.—Exodo 16:8.
Ang ganitong espiritu ng pagrereklamo ng mga Israelita ay paulit-ulit na nakita sa kanila. Hindi pa natatapos ang isang taon ang manna ay naging dahilan na ng reklamo. (Bilang 11:4-6) Hindi nagtagal pagkatapos ang masamang balita buhat sa 10 ng 12 tiktik na Israelita ang nag-udyok na naman ng karereklamo tungkol sa inaakalang mga panganib sa pagsakop sa Lupang Pangako. Nagmalabis ang mga tao hanggang sa pagsasabing: “Nangamatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto, o nangamatay na sana tayo sa ilang na ito!” (Bilang 14:2) Kaylaking kawalan ng pagpapahalaga! Hindi naman kataka-taka na sabihin ni Jehova kay Moises: “Hanggang kailan hahamakin ako ng bayang ito, at hanggang kailan hindi sila mananampalataya sa akin?” (Bilang 14:11) Ang walang utang-na-loob na mga reklamador na iyon ay hinatulan na gumala sa ilang nang may 40 taon hanggang sa mangamatay na lahat ang kabilang sa lahing iyon.
Si apostol Pablo ay nagpapaalaala rin sa atin ng halimbawang ito. Siya’y nagbababala sa kapuwa mga Kristiyano na huwag tularan ang mga Israelitang iyon na naging mareklamo, upang mangamatay lamang sa ilang. (1 Corinto 10:10, 11) Maliwanag, ang walang katuwirang kabubulong at ang espiritu ng pagrereklamo ay maaaring makasira sa ating pananampalataya at humantong sa hindi pagkalugod ni Jehova.
Gayunman, si Jehova ay matiisin sa kaniyang mga lingkod na maaaring manaka-naka’y nagrereklamo dahilan sa mga kalagayang nakasisira ng loob. Nang si Elias ay tumakas sa Bundok Horeb dahilan sa pag-uusig ng balakyot na si Reyna Jezebel, siya’y kumbinsido na ang kaniyang gawain bilang propeta ay natapos na. May kamaliang ipinagpalagay niya na siya lamang ang natitirang sumasamba kay Jehova sa lupain. Upang patibayin ang pananampalataya ni Elias, una muna ay binigyan siya ng Diyos ng isang pagtatanghal ng Kaniyang banal na kapangyarihan. Pagkatapos ay sinabi sa propeta na mayroon pa ring 7,000 tapat na mga lingkod si Jehova sa Israel at marami pang gawain na dapat niyang gawin. Kaya naman, nakalimutan ni Elias ang kaniyang mga reklamo at nagpatuloy siya na taglay ang panibagong sigla. (1 Hari 19:4, 10-12, 15-18) Sa paggamit ng Kristiyanong matatanda ng matalinong pang-unawa, sila’y makapagsasalita rin ng pang-aliw sa mga tapat, na tinutulungan silang makita ang kanilang bahagi sa katuparan ng layunin ng Diyos.—1 Tesalonica 5:14.
Pananaig sa Espiritu ng Pagrereklamo
Papaano madaraig ang espiritu ng pagrereklamo? Bueno, yaong mga binibigyan ng patotoo tungkol sa pinsalang nagagawa ng tabako sa katawan ay may isang matibay na pangganyak upang huminto ng paninigarilyo. Gayundin, ang pagkaunawa kung bakit ang espiritu ng pagrereklamo ay totoong nakapipinsala ay mag-uudyok sa atin na huminto sa kinaugaliang pagrereklamo.
Ano ang mga pakinabang para sa mga nananaig sa espiritu ng pagrereklamo? Ang isang mahalagang pakinabang na tinatamasa ng mga umiiwas sa pagrereklamo ay na kanilang mamamalas ang mga bagay ayon sa Kasulatan at sa paraang higit na makatwiran. Ang isang mareklamo ay bihirang humihinto sandali upang pag-isipan ang isang suliranin buhat sa pangmalas ni Jehova. Ang mareklamong mga Israelita ay nakalimot na sila’y pinalaya ng Diyos na Jehova buhat sa pagkaalipin at kaniyang makahimalang hinati ang tubig ng Dagat na Pula para sa kanila. Ang kanilang negatibong kaisipan ang bumulag sa kanila upang huwag makita ang kapangyarihan ng Diyos at mapawi ang kanilang kagalakan. Kaya naman, nawala ang kanilang pagtitiwala kay Jehova.
Isa pa, ang isang taong makatwirang sumusuri sa kaniyang mga suliranin ay nakauunawa kung kailan ang kaniyang sariling mga pagkakamali ang ugat na sanhi ng kaniyang mga kahirapan. Malamang na hindi na siya gagawa uli ng ganoong pagkakamali. Ang kaniyang kapuwa mga Israelita ay pinaalalahanan ni Jeremias na huwag magreklamo tungkol sa mga kahirapang dinaranas nila pagkatapos na mapuksa ang Jerusalem. Ang kanilang pagdurusa ay isang tuwirang bunga ng kanilang sariling mga kasalanan, at iyon ay isang bagay na kailangang maunawaan nila upang makapagsisi at manumbalik kay Jehova. (Panaghoy 3:39, 40) Gayundin, ang alagad na si Judas ay nagsalita laban sa “taong masasama” na tumanggi sa patnubay ni Jehova at talamak na “mga reklamador tungkol sa kanilang kinasapitan sa buhay.”—Judas 3, 4, 16.
Gaya ng minsan ay napansin ng matalinong si Haring Solomon na, “ang masayang puso ay mabuting kagamutan, ngunit ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.” (Kawikaan 17:22) Dahil sa pagkakaroon ng espiritu ng pagrereklamo tayo ay nanlulupaypay at nawawala ang ating kagalakan. Mababanaag dito ang negatibong kaisipan, hindi ang positibo. Subalit ang mga natututong mag-isip at magsalita tungkol sa ‘kapuri-puring mga bagay’ ay may kagalakan ng puso, na maaaring magdulot pa nga sa kanila ng lalong magaling na pakiramdam.—Filipos 4:8.
Walang alinlangan, lalong magiging kasiya-siya ang ating buhay kung mapapansin natin ang mabubuting katangian ng mga tao sa halip na ang kanilang mga kahinaan. Tayo’y susulong kung ang mahihirap na kalagayan ay ating tatanggapin at tayo’y magiging masayahin sa halip na magreklamo tungkol sa ating mga balakid. Maging ang mga pagsubok na iyon ay maaaring magdulot ng kagalakan kung ating mamalasin na ang mga ito ay isang pagkakataon na palakasin ang ating pananampalataya at patibayin ang ating pagtitiis.—Santiago 1:2, 3.
Mahalaga ring tandaan na kung tayo’y mareklamo, hindi lamang ang sarili natin ang ating pinipinsala. Sa patuloy na pagrereklamo, baka sirain natin ang pananampalataya ng iba. Ang masamang balita ng sampung tiktik na Israelita ang nagpangyaring malasin ng buong bansa na isang gawaing walang pag-asa ang pagsakop sa Lupang Pangako. (Bilang 13:25–14:4) Sa isa pang pagkakataon, si Moises ay nasiraan ng loob dahilan sa patuloy na pagrereklamo ng bayan anupat kaniyang hiniling kay Jehova na wakasan na ang kaniyang buhay. (Bilang 11:4, 13-15) Sa kabilang panig, kung tayo ay mangungusap sa paraang nakapagpapatibay, maaaring mapatibay natin ang pananampalataya ng iba at madulutan sila ng kagalakan.—Gawa 14:21, 22.
Bagaman tayo’y matuksong magreklamo tungkol sa ating mga kasamahan sa trabaho, sa ating mga kaibigan, sa ating pamilya, o kahit na sa matatanda sa kongregasyon, nais ni Jehova na ang bayan niya ay “magkaroon ng maningas na pag-ibig sa isa’t isa.” Ang gayong pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na pagtakpan ang mga pagkakamali ng iba sa halip na patingkarin ang kanilang mga kamalian. (1 Pedro 4:8) Salamat naman, naaalaala ni Jehova na tayo ay hamak na alabok at hindi tinatandaan ang ating mga pagkakamali. (Awit 103:13, 14; 130:3) Kung lahat tayo ay magsisikap na tularan ang kaniyang halimbawa, walang pagsalang tayo ay hindi gaanong magrereklamo.
Pagka naisauli na sa kasakdalan ang sangkatauhan, walang sinuman ang magkakaroon ng dahilan na magreklamo tungkol sa kaniyang kalagayan sa buhay. Hanggang sa pagdating ng panahong iyon, ating paglabanan ang tukso na magreklamo tungkol sa iba o tungkol sa ating sariling nakayayamot na kalagayan. Upang ipakitang tayo’y nagtitiwala kay Jehova at talagang umiibig sa ating mga kapuwa mananampalataya, “patuloy na gawin natin ang lahat ng mga bagay nang walang reklamo.” (Filipos 2:14) Ito’y makalulugod kay Jehova at magdudulot sa atin ng malaking kapakinabangan. Kung gayon, alang-alang sa ating sariling ikabubuti at sa ikabubuti ng iba, huwag nating kalilimutan na ang katayuan ng isang mareklamo ay hindi maligaya.
[Larawan sa pahina 20]
Maging ang kahima-himalang paglalaan ng Diyos ng manna ay naging isang dahilan ng pagrereklamo