Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang Diyos na Jehova ba’y nakipag-usap kay Adan nang tuwiran, o siya ba’y nakipag-usap sa pamamagitan ng Salita, ang bugtong na Anak ng Diyos?
Ang Bibliya ay hindi nagbibigay sa atin ng isang tuwirang sagot sa tanong na ito. Bagaman ang Diyos ay maaaring tuwirang nakipag-usap sa kaniyang sakdal na anak sa Eden, malamang na Siya’y nakipag-usap kay Adan sa pamamagitan ng Salita.
Malimit na binabanggit sa Bibliya na ang Diyos ay gumawa ng mga bagay-bagay gayong sa aktuwal ay ginawa niya iyon sa pamamagitan ng isa o higit pang mga anghel. Halimbawa, ang Genesis 1:1 ay nagsasabi sa atin: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.” Kung iyan lamang ang sinabi ng Bibliya tungkol sa pagkalalang sa uniberso, sasabihin natin na nilalang iyan ng Diyos nang tuwiran, na para bagang sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga kamay. Gayunman, ang Kasulatang Griegong Kristiyano ay nagpapalawak sa ating unawa. Ating mababasa: “Sa pamamagitan [ng Anak ng Diyos] nilikha ang lahat ng iba pang mga bagay sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita . . . Lahat ng iba pang mga bagay ay nangalikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya.” (Colosas 1:16, 17) Ang iba pang mga teksto ay nagpapatunay ng papel na ginampanan ng Anak sa paglalang sa sansinukob. (Juan 1:3, 10; Hebreo 1:1, 2) Gayumpaman, siya’y nagsilbing isang manggagawang mababa kay Jehova, na siyang pinagmulan, nagbigay ng kapangyarihan, at namanihala sa paglalang.—Awit 19:1.
Sinabi ng Diyos sa unang tao: “Sa bawat punò sa halamanan ay makakakain ka nang may kasiyahan.” (Genesis 2:16, 17) Hindi na kailangan noon ni Jehova ang anumang makina o aparatong de-koryente, tulad baga ng isang megaphone o isang shortwave radio. Gaya ng sabi ng Ang Bantayan noong Agosto 1, 1989: “Walang nakita ang tao na nagsasalita. Ang tinig ay nanggaling sa di-nakikita, na makaespiritung dako, at iyon ang kumakausap sa kaniya. Iyon ang tinig ng Maygawa sa tao, ang kaniyang Maylikha! . . . Ang tao ay hindi nangangailangan ng anumang moderno, siyentipikong aparato ng radyo upang makarinig ng tinig buhat sa kalangitan. Ang Diyos ay nakipag-usap nang tuwiran sa kaniya.”
Ang Diyos ba ay nagsalita sa pamamagitan ng isang anghel, kaipala ang Logos, na naging si Jesus? Iyan ay posibleng-posible. Bagaman walang himig na dogmatiko, sumulat si C. T. Russell: “Si Jesus marahil ang Kinatawan ng Diyos sa Halamanan ng Eden kay Adan.” (The Watch Tower, Pebrero 1, 1915) Ang panganay na Anak ng Diyos ay matagal na naglingkod sa mataas na tungkulin bilang “Salita,” o Kinatawang-Tagapagsalita ng kaniyang Ama, sa mga anghel at sa mga tao. (Juan 1:1; 12:49, 50; Apocalipsis 1:1, 2) Kaya kahit na kung ang ulat ng Genesis ay lumilikha ng impresyon na ang Diyos ay tuwirang nagsalita sa nag-iisang si Adan, hindi niyan inaalis ang posibilidad na Siya’y nagsalita sa pamamagitan ng isang anghel, kasali na ang Salita, ang makalangit na Anak ni Jehova. At lalo na ngang gayon kung isasaalang-alang na ginamit ni Jehova ang Logos upang lalangin ang tao unang-una, at ang isang ito ang ‘mahilig sa mga bagay na doo’y kasangkot ang mga anak ng mga tao.’—Kawikaan 8:22, 31; Juan 1:3.
Isaalang-alang, halimbawa, ang pangyayari nang si Moises ay umakyat sa Bundok Sinai. Ganito ang paglalahad ng Exodo 19:21-24: “Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises . . . At sinabi naman ni Moises kay Jehova . . . Gayunman, sinabi ni Jehova sa kaniya.” Pagkatapos ay ganito ang pagkasabi tungkol sa pagbibigay ng Sampung Utos: “Nangyaring sinalita ng Diyos ang lahat ng mga salitang ito.” (Exodo 20:1) Iyan ba’y parang personal na sinalita ng Diyos ang mga salita ng Kautusan? Ang ganiyang impresyon ay maaaring sinusuhayan ng bagay na sa ati’y sinabi na ang Diyos ay nagsalita kay Moises “nang mukhaan.”—Exodo 33:11.
Gayunman, may higit pang pagsisiwalat tungkol dito. Si apostol Pablo ay sumulat tungkol sa Kautusan: “Ito’y tinanggap sa pamamagitan ng mga anghel buhat sa kamay ng isang tagapamagitan.” (Galacia 3:19) Nang malaunan, espesipikong ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ng mga tagubilin na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan at ng tinanggap ng mga Kristiyano sa pamamagitan ni Jesus: “Kung ang binigkas na salita sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang matibay, at ang bawat pagsalansang at pagsuway ay tumanggap ng matuwid na parusa . . ., papaano tayo makaliligtas kung ating pinabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan na anupa’t sinimulang salitain sa pamamagitan ng ating Panginoon [si Jesus] at pinatunayan para sa atin ng mga nakarinig sa kaniya.” (Hebreo 2:2, 3) Samakatuwid hindi sinalita ng Diyos ang mga salita ng Kautusan ng kaniyang sariling personal na tinig, ni ginamit man niya ang Logos. Bagkus, minabuti niyang gumamit ng ibang mga anghel.
Ngayon, ano ba ang ibig idiin? Kadalasan pagka tayo’y nakabasa ng tungkol sa pakikipag-usap ng Diyos sa mga tao, mapapansin natin na ginawa niya ang gayon sa pamamagitan ng masunuring mga espiritung nilalang na nagsalita para sa kaniya. (Ihambing ang Genesis 18:2, 3, 33; 19:1; Exodo 3:2-4; Hukom 6:11, 12, 20-22.) Ang ikinapit na tawag kay Jesus bilang ang Salita ay nagpapahiwatig na siya ang malimit na ginagamit ng Diyos upang makipagtalastasan sa kaniyang iba pang nilalang. Kasali na ba rito ang sakdal na anak ng Diyos na si Adan? Malamang na ganiyan nga.—Lucas 3:38.
Totoo naman na nang ang Logos ay pumarito sa lupa nang malaunan, ang Ama ay makaitlong ulit na nagsalita nang malakas upang ang “huling Adan” na ito ay makarinig. (1 Corinto 15:45; Mateo 3:16, 17; 17:1-5; Juan 12:28-30) Sa mga okasyong ito, bakit ang Diyos ay magsasalita sa o tungkol sa kaniyang mahal na Anak sa pamamagitan ng isang anghel? Higit na makatuwiran, si Jehova ay magsasalita nang tuwiran; ang kaniyang sakdal na Anak, at maging ang di-sakdal na mga tao na nasa malapit, ay nakarinig ng sariling tinig ng Diyos. Kaya nang ang sakdal na taong si Adan ay lalangin, ang kaniyang mapagmahal na Ama ay maaaring tuwirang nakitungo sa kaniyang sakdal na bagong nilikhang ito. Gayunman, sa liwanag ng tinalakay na, malamang na ginamit niya ang Salita.