Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Gumamit ng mga Imahen sa Pagsamba sa Diyos?
“Itinuro sa akin noon na matutulungan ako ng mga imahen na maging mas malapít sa Diyos.”—Mack.
“Punung-puno ng mga relihiyosong idolo ang bahay namin. Akala kasi namin, natutuwa rito ang Diyos.”—Herta.
“Yumuyukod kami sa ilang imahen. Hindi namin naisip kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol dito.”—Sandra.
ANO ang masasabi mo sa mga sinabi nila? Marami ang naniniwalang nakatutulong sa kanilang pagsamba sa Diyos ang mga relihiyosong imahen. Tama kaya ang paniniwalang ito? Higit sa lahat, ano kaya ang nadarama ng Diyos hinggil dito? Isaalang-alang natin kung ano ang sinasabi sa kaniyang nasusulat na Salita, ang Banal na Bibliya.
Pananaw ng Diyos Tungkol sa mga Relihiyosong Imahen
Ang mga relihiyosong imahen at idolo ay mga larawan o sagisag ng anumang pinag-uukulan ng debosyon o pagsamba. Kasama rito ang mga krus, rebulto, o anumang kawangis ng mga bagay na nasa langit o nasa lupa.a Sinasamba rin ng iba ang mga bandila.
Libu-libong taon nang ginagamit ang gayong mga imahen sa pagsamba. Kaya noong 1513 B.C.E., nang ibigay ng Diyos ang Sampung Utos sa Israel na katatatag pa lamang noon bilang isang bansa, malinaw na sinabi niya sa kanila ang kaniyang pananaw hinggil sa mga relihiyosong imahen. Sinabi niya: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.”—Exodo 20:4, 5.
Pansinin ang dalawang puntong binanggit ng Diyos sa kaniyang utos: Una, hindi dapat gumawa ang kaniyang bayan ng mga imahen para sa pagsamba, at ikalawa, hindi nila dapat ‘yukuran’ ni paglingkuran man ang mga ito. Bakit ba ipinagbabawal ng ating Maylalang ang paggawa ng mga imahen? Kasi “walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” Walang pisikal na katawan si Jehova yamang isa siyang espiritu at naninirahan siya sa langit. (Juan 1:18; 4:24) Hindi rin tayo dapat gumawa ng mga imahen ng anumang bagay sapagkat hinihiling ng Diyos na pag-ukulan natin siya ng “bukod-tanging debosyon.” “Sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga nililok na imahen,” ang sabi niya. (Isaias 42:8) Sa dahilang ito, mali rin ang gumawa ng imahen bilang pantulong sa pagsamba. Nang gumawa ng imahen ang isang pinuno ng Israel na nagngangalang Aaron, talagang nagalit si Jehova.—Exodo 32:4-10.
Bakit Hindi Dapat Yumukod sa mga Ito?
Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga idolo: “May bibig sila, ngunit hindi sila makapagsalita; may mga mata sila, ngunit hindi sila makakita; may mga tainga sila, ngunit hindi sila makarinig.” Pagkatapos ay idinagdag nito ang matinding babala: “Yaong mga gumagawa sa kanila ay magiging tulad nila”—magiging walang buhay!—Awit 115:4-8.
Kawalan din ng utang na loob sa Diyos kapag ang isa ay sumamba sa mga idolo. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano kaya ang madarama ko kung binigyan ko ng mamahaling regalo ang aking anak at pagkatapos ay pinasalamatan niya ang isang estranghero o ang isang bagay na walang buhay?’ Maaari itong makatulong sa iyo na maunawaan kung ano ang nadarama ng ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay kapag iba—pati na ang mga idolong walang buhay—ang pinasasalamatan at sinasamba ng mga tao sa halip na Siya.—Apocalipsis 4:11.
Pag-isipan din ito: Hindi ba nakakainsulto sa tao—na nilalang ayon sa larawan ng Diyos—kung sasamba siya sa isang bagay na walang buhay? (Genesis 1:27) Ganito ang isinulat ni propeta Isaias tungkol sa ilan na gayon ang ginawa: “Ang gawa ng mga kamay ng isa ay niyuyukuran nila, yaong ginawa ng kaniyang mga daliri. At ang makalupang tao ay yumuyukod, at ang tao ay nabababa, at talagang hindi mo [ang Diyos na Jehova] sila mapagpapaumanhinan.”—Isaias 2:8, 9.
Higit sa lahat, nagagalit ang Diyos sa huwad na pagsamba dahil ang totoo, pagsamba ito sa mga demonyo—ang mga kaaway ng Diyos. Nang talikuran ng mga Israelita si Jehova at sumamba sa mga idolo, sinabi ng Deuteronomio 32:17 na “naghain sila sa mga demonyo, hindi sa Diyos.”
Ang unang mga tagasunod ba ni Jesu-Kristo ay sumamba sa mga imahen o gumamit ng mga ito bilang pantulong sa kanilang pagsamba? Hindi! Sumulat ang apostol ni Jesus na si Juan: “Mumunting mga anak, bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.” (1 Juan 5:21) Ganito ang sinasabi ng aklat na Early Church History to the Death of Constantine: “Para sa unang mga alagad, wala nang higit na kasuklam-suklam kaysa sa pagsamba sa mga imahen.”
Ang Tamang Paraan ng Pagsamba
Sinabi ni Jesus: “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23) Oo, gusto ng Diyos na makilala natin ang kaniyang personalidad—ang kaniyang mga kagustuhan, mga kinamumuhian, pamantayan, at layunin para sa atin. (Juan 17:3) Sa katunayan, iyan ang dahilan kung bakit ipinasulat niya ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Gayundin, yamang ang Diyos ay “hindi . . . malayo sa bawat isa sa atin,” makapananalangin tayo sa kaniya kahit anong oras, kahit saan, at hindi natin kailangan ang tulong ng mga relihiyosong imahen para magawa ito.—Gawa 17:27.
“Nang makapasok ako sa isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, wala akong nakitang mga imaheng ginagamit sa pagsamba,” ang sabi ni Sandra, na sinipi kanina. “Ginamit ng mga Saksi ang Bibliya upang ituro sa akin ang mga katangian ng Diyos at ang kaniyang mga kahilingan. Dahil dito, natuto akong manalangin ayon sa paraang pinakikinggan ng Diyos. Ngayon, masasabi kong nakilala ko na talaga ang Maylalang at mayroon na akong malapít na kaugnayan sa kaniya.” Oo, naranasan ni Sandra kung paano nakapagpapaginhawa at nakapagpapalaya mula sa maling mga turo ang mga katotohanan sa Bibliya. (Juan 8:32) Maaari mo rin itong maranasan.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Talaga Bang sa Krus Namatay si Jesus?” sa Abril 2006 na isyu ng magasing ito.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Bakit natin dapat iwasan ang paggamit ng anumang imahen sa pagsamba?—Awit 115:4-8; 1 Juan 5:21.
◼ Paano dapat sambahin ang tunay na Diyos?—Juan 4:24.
◼ Paano mo malalaman ang katotohanan tungkol sa Diyos, at paano ka makikinabang dito?—Juan 8:32; 17:3.