Ang Salita ng Diyos ay Mananatili Magpakailanman
“Ang salita ng ating Diyos, ito ay mamamalagi magpakailanman.”—ISAIAS 40:8.
1. (a) Ano ang kahulugan dito ng pananalitang “ang salita ng ating Diyos”? (b) Paano maihahambing ang mga pangako ng tao sa salita ng Diyos?
HILIG na ng mga tao na maglagak ng kanilang tiwala sa mga pangako ng prominenteng mga lalaki at babae. Ngunit kahit na waring kanais-nais ang mga pangakong ito sa mga taong nananabik na mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay, ang mga ito ay tulad ng nalalantang mga bulaklak kapag inihambing sa salita ng ating Diyos. (Awit 146:3, 4) Mahigit na 2,700 taon na ang nakalipas, kinasihan ng Diyos na Jehova si propeta Isaias upang isulat: “Ang lahat ng laman ay luntiang damo, at lahat ng kanilang maibiging-kabaitan ay tulad ng bulaklak sa parang. . . . Ang luntiang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; ngunit ang salita ng ating Diyos, ito ay mamamalagi magpakailanman.” (Isaias 40:6, 8) Ano ang ‘salitang’ ito na mananatili? Ito ay ang paghahayag ng Diyos ng kaniyang layunin. Taglay natin sa ngayon ang nasusulat na anyo ng “salita” na ito sa Bibliya.—1 Pedro 1:24, 25.
2. Sa harap ng anong mga saloobin at pagkilos tinupad ni Jehova ang kaniyang salita hinggil sa sinaunang Israel at Juda?
2 Naranasan ng mga taong nabubuhay noong panahon ng sinaunang Israel ang katotohanan ng isinulat ni Isaias. Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta ay inihula ni Jehova na ipatatapon una ang sampung-tribong kaharian ng Israel at pagkatapos ang dalawang-tribong kaharian ng Juda, dahil sa malubhang kawalang-katapatan sa kaniya. (Jeremias 20:4; Amos 5:2, 27) Bagaman kanilang pinag-usig, pinatay pa nga, ang mga propeta ni Jehova, sinunog ang isang balumbon na naglalaman ng babalang mensahe ng Diyos, at hiningi ang militar na tulong mula sa Ehipto upang mahadlangan ang katuparan nito, hindi nabigo ang salita ni Jehova. (Jeremias 36:1, 2, 21-24; 37:5-10; Lucas 13:34) Isa pa, nagkaroon ng pambihirang katuparan ang pangako ng Diyos na isauli ang nagsising nalabing Judio sa kanilang lupain.—Isaias, kabanata 35.
3. (a) Anong mga pangako na isinulat ni Isaias ang pantanging nakapupukaw ng ating interes? (b) Bakit kayo kumbinsido na magaganap ang mga bagay na ito?
3 Sa pamamagitan ni Isaias, inihula rin ni Jehova ang matuwid na pamamahala sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyas, pagkatubos mula sa kasalanan at kamatayan, at ang pagbabago ng lupa tungo sa isang paraiso. (Isaias 9:6, 7; 11:1-9; 25:6-8; 35:5-7; 65:17-25) Magaganap din kaya ang mga bagay na ito? Wala ni bahagya mang pag-aalinlangan! ‘Ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling.’ Ipinasulat niya ang kaniyang makahulang salita para sa ating kapakinabangan, at tiniyak niya na ito ay naingatan.—Tito 1:2; Roma 15:4.
4. Bagaman hindi nanatili ang orihinal na mga manuskrito ng Bibliya, paanong totoo na ang Salita ng Diyos ay “buháy”?
4 Hindi pinanatili ni Jehova ang orihinal na mga manuskrito na pinagsulatan ng kaniyang sinaunang mga manunulat ng mga pangakong iyon. Ngunit ang kaniyang “salita,” ang kaniyang ipinahayag na layunin, ay napatunayang isang buháy na salita. Hindi mapigil ang katuparan ng layuning ito, at habang nangyayari ito, nahahayag ang natatagong kaisipan at motibo ng mga taong ang buhay ay naantig nito. (Hebreo 4:12) Isa pa, ipinakikita ng makasaysayang ulat na ang pag-iingat at pagsasalin ng kinasihang Kasulatan mismo ay naisagawa sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.
Nang Mapaharap sa mga Pagtatangkang Sugpuin Ito
5. (a) Anong pagsisikap ang ginawa ng isang Sirianong hari upang sirain ang kinasihang Hebreong Kasulatan? (b) Bakit siya nabigo?
5 Hindi lamang miminsang sinikap ng mga tagapamahala na sirain ang kinasihang mga kasulatan. Noong 168 B.C.E., ang Sirianong Haring si Antiochus Epiphanes (inilarawan sa pahina 10) ay nagtayo ng isang altar kay Zeus sa templo na inialay kay Jehova. Hinanap din niya ang “mga aklat ng Kautusan,’ anupat sinunog ang mga ito, at ipinahayag na papatayin ang sinumang nagtataglay ng gayong Kasulatan. Gaano man karami ang kopyang sinunog niya sa Jerusalem at Judea, hindi niya lubusang nasugpo ang Kasulatan. Ang mga kolonyang Judio ay nakakalat noon sa maraming lupain, at bawat sinagoga ay may sarili nitong koleksiyon ng mga balumbon.—Ihambing ang Gawa 13:14, 15.
6. (a) Anong puspusang pagsisikap ang ginawa upang sirain ang Kasulatan na ginagamit ng mga unang Kristiyano? (b) Ano ang naging resulta?
6 Noong 303 C.E., ipinag-utos rin naman ng Romanong Emperador na si Diocletian na ang mga Kristiyanong pulungang-dako ay wasakin at na ang kanilang ‘Kasulatan ay tupukin sa apoy.’ Nagpatuloy ang gayong pagwasak sa loob ng isang dekada. Bagaman kahila-hilakbot ang pag-uusig, hindi nagtagumpay si Diocletian na sugpuin ang Kristiyanismo, ni pinayagan man ng Diyos ang mga ahente ng emperador na sirain ang lahat ng kopya ng isa man lamang bahagi ng Kaniyang kinasihang Salita. Ngunit sa pamamagitan ng kanilang pagtugon sa pamamahagi at pangangaral ng Salita ng Diyos, inihayag ng mga mananalansang kung ano ang nasa kanilang puso. Ipinakilala nila ang kanilang sarili bilang mga taong nabulag ni Satanas at nagsasagawa ng kaniyang kalooban.—Juan 8:44; 1 Juan 3:10-12.
7. (a) Anong mga pagsisikap ang ginawa upang pigilin ang paglaganap ng kaalaman sa Bibliya sa kanlurang Europa? (b) Ano ang naisagawa sa pagsasalin at paglalathala ng Bibliya?
7 Nagkaroon din ng ibang anyo ang mga pagsisikap na pigilin ang paglaganap ng kaalaman sa Bibliya. Nang maging isang patay na wika ang Latin, hindi ang mga paganong tagapamahala kundi ang mga nag-aangking Kristiyano—si Papa Gregorio VII (1073-85) at Papa Inocencio III (1198-1216)—ang siyang aktibong sumalansang sa pagsasalin ng Bibliya sa mga wika ng pangkaraniwang mga tao. Sa pagsisikap na patahimikin ang pagtutol sa awtoridad ng simbahan, ipinahayag ng Romano Katolikong Konseho sa Toulouse, Pransiya, noong 1229, na ang isang pangkaraniwang mamamayan ay hindi maaaring magmay-ari ng mga aklat ng Bibliya sa karaniwang wika. Buong-lupit na ginamit ang Inkisisyon upang ipatupad ang dekreto. Gayunman, pagkalipas ng 400 taon ng Inkisisyon, naisalin na ng mga umiibig sa Salita ng Diyos ang kumpletong Bibliya at pinalalaganap na ang nilimbag na mga edisyon nito sa mga 20 wika, pati na sa ibang diyalekto, at ang malalaking bahagi nito sa 16 pang wika.
8. Noong ika-19 na siglo, ano ang nangyari sa larangan ng pagsasalin at pamamahagi ng Bibliya sa Russia?
8 Hindi lamang ang Simbahang Katoliko Romano ang nagsikap na itago ang Bibliya sa karaniwang mga tao. Maaga noong ika-19 na siglo, isinalin ni Pavsky, isang propesor sa St. Petersburg Academy of Divinity, ang Ebanghelyo ni Mateo mula sa wikang Griego tungo sa wikang Ruso. Isinalin din sa Ruso ang iba pang mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, at si Pavsky ang naging patnugot. Ang mga ito ay malawakang ipinamahagi hanggang noong 1826, nang dahil sa pagmamaniobra ng simbahan, nahimok ang czar na ilagay sa ilalim ng pangangasiwa ng “Banal na Sinodo” ng Rusong Simbahang Ortodokso ang Russian Bible Society, na pagkaraa’y matagumpay na napigilan ang mga gawain nito. Nang maglaon, isinalin ni Pavsky ang Hebreong Kasulatan sa Ruso mula sa wikang Hebreo. Halos kasabay nito, isinalin din ni Makarios, isang arkimandrita ng Simbahang Ortodokso, ang Hebreong Kasulatan mula sa Hebreo tungo sa Ruso. Kapuwa sila pinarusahan dahil sa kanilang mga pagsisikap, at ang kanilang mga salin ay inilagay sa mga ingat-talaan ng simbahan. Determinado ang simbahan na panatilihin ang Bibliya sa matandang wikang Slavonic, na noon ay hindi binabasa o nauunawaan ng karaniwang mga tao. Nang hindi na mapigil ng “Banal na Sinodo” ang pagsisikap ng mga tao na magtamo ng kaalaman sa Bibliya ay saka lamang nito pinasimulan, noong 1856, ang sariling sinang-ayunan-ng-sinodong pagsasalin, anupat ginawa iyon ayon sa mga alituntuning buong-ingat na kinatha upang tiyaking ang mga salitang ginamit ay kasuwato ng pananaw ng simbahan. Kaya naman, may kinalaman sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos, nahayag ang di-pagkakasuwato ng panlabas na anyo ng mga relihiyosong lider at ng kanilang saloobin, gaya ng isiniwalat ng kanilang pananalita at pagkilos.—2 Tesalonica 2:3, 4.
Iniingatan ang Salita Laban sa Pagbabanto
9. Paano ipinakita ng ilang tagapagsalin ng Bibliya ang kanilang pag-ibig sa Salita ng Diyos?
9 Kabilang sa mga nagsalin at kumopya ng Kasulatan ay mga lalaking tunay na umiibig sa Salita ng Diyos at taimtim na nagsisikap na ipaabot ito sa lahat. Pinatay si William Tyndale (noong 1536) dahil sa ginawa niya upang mapalaganap ang Bibliya sa Ingles. Ibinilanggo ng Katolikong Inkisisyon si Francisco de Enzinas (pagkaraan ng 1544) dahil sa pagsasalin at paglalathala ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Kastila. Bagaman nanganib ang kaniyang buhay, isinalin ni Robert Morrison (mula 1807 hanggang 1818) ang Bibliya sa wikang Tsino.
10. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na may mga tagapagsalin na naudyukan ng mga impluwensiya bukod sa pag-ibig sa Salita ng Diyos?
10 Subalit kung minsan, may mga bagay bukod sa pag-ibig sa Salita ng Diyos ang nakaimpluwensiya sa mga tagakopya at mga tagapagsalin. Tingnan ang apat na halimbawa: (1) Nagtayo ang mga Samaritano ng templo sa Bundok Gerizim bilang karibal ng templo sa Jerusalem. Bilang suporta rito, gumawa ng isang pagdaragdag sa Exodo 20:17 ng Samaritanong Pentateuch. Animo’y bahagi ng Dekalogo ang idinagdag na utos na magtayo ng altar na bato sa Bundok Gerizim at maghandog ng mga hain doon. (2) Ang tao na unang nagsalin ng aklat ng Daniel para sa Griegong Septuagint ay gumawa ng mga paglabag sa kaniyang pagsasalin. Nagsingit siya ng mga pangungusap na inakala niyang magpapaliwanag o magpapaganda sa Hebreong teksto. Inalis niya ang mga detalye na inakala niyang hindi matatanggap ng mga mambabasa. Nang isalin niya ang hula hinggil sa panahon ng paglitaw ng Mesiyas, na masusumpungan sa Daniel 9:24-27, pinalsipika niya ang ipinahayag na yugto ng panahon at dinagdagan, binago, at pinagpalit-palit ang mga salita, maliwanag upang ang hula ay maging waring suporta sa pakikipaglaban ng mga Macabeo. (3) Noong ikaapat na siglo C.E., sa isang akdang Latin, maliwanag na idinagdag ng isang ubod-sigasig na tagapagtaguyod ng Trinidad ang mga salitang “sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang banal na espiritu; at ang tatlong ito ay iisa” na para bang ang mga ito ay sinipi mula sa 1 Juan 5:7. Nang maglaon ay inilakip ang talatang ito sa teksto ng isang manuskrito ng Bibliyang Latin. (4) Binigyang-awtoridad ni Louis XIII (1610-43), sa Pransiya, si Jacques Corbin upang isalin ang Bibliya sa Pranses nang sa gayo’y mahadlangan ang pagsisikap ng mga Protestante. Sa layuning ito, inilakip ni Corbin ang ilang pagdaragdag ng mga salita sa teksto, kasali na ang pagtukoy sa “banal na hain ng Misa” sa Gawa 13:2.
11. (a) Paano nanatili ang Salita ng Diyos sa kabila ng kawalang-katapatan ng ilang tagapagsalin? (b) Gaano karaming ebidensiya ng sinaunang manuskrito ang umiiral upang patunayan kung ano ang orihinal na sinasabi sa Bibliya? (Tingnan ang kahon.)
11 Hindi hinadlangan ni Jehova ang gayong pakikialam sa kaniyang Salita, ni nabago man nito ang kaniyang layunin. Ano ang naging mga epekto nito? Ang pagdaragdag ng mga pagtukoy sa Bundok Gerizim ay hindi naging sanhi upang ang relihiyong Samaritano ay maging kasangkapan ng Diyos upang pagpalain ang sangkatauhan. Sa halip, pinatunayan nito na, bagaman ang relihiyong Samaritano ay nag-aangking naniniwala sa Pentateuch, hindi ito maaasahang magtuturo ng katotohanan. (Juan 4:20-24) Ang pagpilipit ng mga salita sa Septuagint ay hindi nakahadlang sa pagdating ng Mesiyas sa panahong inihula sa pamamagitan ni propeta Daniel. Isa pa, kahit ginagamit na ang Septuagint noong unang siglo, maliwanag na nakasanayan ng mga Judio na mapakinggang binabasa sa Hebreo ang Kasulatan sa kanilang mga sinagoga. Bunga nito, “ang mga tao ay may inaasahan” nang malapit na ang panahon ng katuparan ng hula. (Lucas 3:15) Kung tungkol naman sa pagdaragdag sa 1 Juan 5:7 upang suhayan ang Trinidad at sa Gawa 13:2 upang bigyang-katuwiran ang Misa, hindi binago ng mga ito ang katotohanan. At dumating ang panahon na ang mga pandaraya ay lubusang nalantad. Ang malaking suplay ng magagamit na mga manuskrito ng Bibliya sa orihinal na wika ay naglalaan ng paraan upang matiyak ang kawastuan ng anumang salin.
12. (a) Anong seryosong mga pagbabago ang ginawa ng ilang tagapagsalin ng Bibliya? (b) Gaano kalawak ang epekto ng mga ito?
12 Sa iba pang pagsisikap na baguhin ang Kasulatan ay nasasangkot hindi lamang ang pagbabago ng mga salita sa ilang talata. Nangangahulugan ito ng pag-atake sa pagkakakilanlan ng tunay na Diyos mismo. Ang mismong uri at lawak ng mga pagbabago ay nagbigay ng maliwanag na patotoo ng impluwensiya ng isang pinagmumulan na mas makapangyarihan kaysa sinumang tao o organisasyon ng tao—oo, impluwensiya mula sa pusakal na kaaway ni Jehova, si Satanas na Diyablo. Sa pagpapadaig sa impluwensiyang ito, ang mga tagapagsalin at mga tagakopya—ang ilan ay sabik, ang iba naman ay atubili—ay nagsimulang mag-alis ng personal na pangalan ng Diyos, ang Jehova, mula sa kaniyang kinasihang Salita sa libu-libong dako kung saan lumitaw ito. Sa isang maagang petsa, lubusang inalis ng ilang salin mula sa Hebreo tungo sa Griego, Latin, Aleman, Ingles, Italyano, at Olandes, bukod sa iba pa, ang pangalan ng Diyos o kaya’y pinanatili ito sa ilang bahagi lamang. Inalis din ito sa mga kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
13. Bakit ang malawakang pagsisikap na baguhin ang Bibliya ay hindi humantong sa pagkabura ng pangalan ng Diyos sa alaala ng tao?
13 Gayunman, ang maluwalhating pangalang ito ay hindi nabura sa alaala ng tao. Ang mga salin ng Hebreong Kasulatan sa Kastila, Portuges, Aleman, Ingles, Pranses, at marami pang iba, ay buong-katapatang naglakip ng personal na pangalan ng Diyos. Pagsapit ng ika-16 na siglo, ang personal na pangalan ng Diyos ay nagsimula ring muling lumitaw sa iba’t ibang saling Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan; pagsapit ng ika-18 siglo, sa Aleman; pagsapit ng ika-19 na siglo, sa Croatiano at Ingles. Bagaman maaaring sikapin ng mga tao na isaisantabi ang pangalan ng Diyos, kapag dumating ang “araw ni Jehova,” kung gayon, gaya ng ipinahayag ng Diyos, ‘makikilala ng mga bansa na ako ay si Jehova.’ Hindi mabibigo ang ipinahayag na layuning ito ng Diyos.—2 Pedro 3:10; Ezekiel 38:23; Isaias 11:9; 55:11.
Nakarating ang Mensahe sa Buong Globo
14. (a) Pagsapit ng ika-20 siglo, nailimbag na ang Bibliya sa gaano karaming wika sa Europa, at ano ang naging epekto? (b) Sa bandang katapusan ng 1914, ang Bibliya ay nagagamit na sa gaano karaming wika sa Aprika?
14 Sa pagbubukang-liwayway ng ika-20 siglo, inililimbag na ang Bibliya sa 94 na wika sa Europa. Ipinabatid nito sa mga estudyante ng Bibliya sa bahaging ito ng daigdig ang bagay na sasapit ang nakagigimbal na mga pangyayari sa daigdig kasabay ng katapusan ng Panahon ng mga Gentil noong 1914, at totoo namang nangyari ang mga ito! (Lucas 21:24) Bago matapos ang makasaysayang taon ng 1914, ang Bibliya, alinman sa kabuuan o ilang aklat nito, ay nailathala na sa 157 wika sa Aprika, bukod pa sa malawakang ginagamit na mga wikang Ingles, Pranses, at Portuges. Sa gayon nailatag ang pundasyon para sa pagtuturo ng nagpapalaya-sa-espirituwal na katotohanan ng Bibliya sa mapagpakumbabang mga tao mula sa maraming tribo at mga taga-ibang bansa na naninirahan doon.
15. Sa pasimula ng mga huling araw, gaano na kalaganap ang Bibliya sa wika ng mga tao sa mga lupain sa Amerika?
15 Habang pumapasok ang sanlibutan sa inihulang mga huling araw, malawakan nang ginagamit ang Bibliya sa mga lupain sa Amerika. Ang mga salin nito sa kanilang iba’t ibang wika ay dinala ng mga nandayuhan mula sa Europa. Naganap ang isang malawakang programa ng edukasyon sa Bibliya, pati na ang mga pahayag pangmadla at puspusang pamamahagi ng mga literatura sa Bibliya na inilathala ng International Bible Students, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Karagdagan pa, ang paglilimbag ng Bibliya ay isinagawa na ng mga samahan sa Bibliya sa 57 iba pang wika upang matugunan ang pangangailangan ng mga katutubong naninirahan sa Kanluraning Hemispero.
16, 17. (a) Gaano na kalaganap ang Bibliya nang sumapit ang panahon para sa pangglobong pangangaral? (b) Paano napatunayang tunay na isang namamalagi at totoong maimpluwensiyang aklat ang Bibliya?
16 Nang sumapit ang panahon para sa pangglobong pangangaral ng mabuting balita bago ‘dumating ang wakas,’ ang Bibliya ay hindi na bagong dating sa Asia at sa mga isla sa Pasipiko. (Mateo 24:14) Inilalathala na ito sa 232 wika na sinasalita sa bahaging iyon ng globo. Ang ilan ay kumpletong mga Bibliya; marami ay mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan; ang iba ay isang aklat ng Sagradong Kasulatan.
17 Maliwanag, ang Bibliya ay hindi nanatiling isa lamang antigong aklat. Sa lahat ng aklat na umiiral, ito ang pinakamaraming salin at pinakamalawak na naipamahagi. Kasuwato ng ebidensiyang ito ng pabor ng Diyos, ang nakasulat sa aklat na ito ay nagaganap. Ang mga turo nito at ang espiritu na nasa likod nito ay nagkakaroon din ng namamalaging epekto sa buhay ng mga tao sa maraming lupain. (1 Pedro 1:24, 25) Subalit marami pang darating—maraming-marami pa.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano “ang salita ng ating Diyos” na mananatili magpakailanman?
◻ Ano ang mga ginawang pagtatangka upang sugpuin ang Bibliya, at ano ang mga resulta?
◻ Paano naingatan ang integridad ng Bibliya?
◻ Paano napatunayang isang buháy na salita ang paghahayag ng Diyos ng kaniyang layunin?
[Kahon sa pahina 12]
Talaga Bang Alam Natin Kung Ano ang Orihinal na Sinabi sa Bibliya?
Mga 6,000 sulat-kamay na manuskritong Hebreo ang nagpapatunay sa nilalaman ng Hebreong Kasulatan. Ang petsa ng ilan sa mga ito ay bago pa ang panahong Kristiyano. Di-kukulangin sa 19 na umiiral na manuskrito ng kumpletong Hebreong Kasulatan ang may petsa bago naimbento ang paglilimbag sa pamamagitan ng nakikilos na tipo. Karagdagan pa, mula nang panahon ding iyon, umiiral na ang mga salin sa 28 iba pang wika.
Para sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, mga 5,000 manuskrito sa Griego ang naitala na. Ang isa sa mga ito ay may petsa bago ang 125 C.E., sa gayo’y ilang taon lamang pagkatapos ng orihinal na pagsulat. At ang ilang bahagi ay inaakalang may petsa na mas maaga. Para sa 22 ng 27 kinasihang aklat, may 10 hanggang sa 19 na kumpletong uncial na mga manuskrito. Ang pinakamaliit na bilang ng kumpletong uncial na mga manuskrito para sa alinman sa mga aklat ng bahaging ito ng Bibliya ay tatlo—para sa Apocalipsis. Ang isang manuskrito ng kumpletong Kristiyanong Griegong Kasulatan ay may petsang ikaapat na siglo C.E.
Wala nang iba pang sinaunang literatura ang pinatutunayan ng gayon karaming sinaunang dokumento.