BUKOD-TANGING DEBOSYON
Ipinahihiwatig ng pananalitang ito na hindi pinahihintulutan ni Jehova na magkaroon siya ng kaagaw, samakatuwid nga, na sambahin ang iba pang mga diyos. Ang salitang Hebreo na qan·naʼʹ ay ginagamit lamang may kinalaman sa Diyos; ito’y nangangahulugang “humihiling ng bukod-tanging debosyon; mapanibughuin.”—Exo 20:5, tlb sa Rbi8; tingnan ang MAPANIBUGHUIN, PANINIBUGHO.
Hindi ibibigay ng Diyos sa iba ang karangalang nauukol sa kaniya. (Isa 42:8) Kung ang isa ay lilihis mula sa pag-uukol sa Kaniya ng bukod-tanging debosyon, tatamuhin niya ang init ng sigasig ng Kaniyang galit. (Deu 4:24; 5:9; 6:15) Ang Israel ay itinuring na asawa ni Jehova. Bilang asawang lalaki, hiniling ni Jehova sa Israel ang bukod-tanging debosyon at pagkamatapat. Magiging masigasig siya na ipagtanggol ito, anupat mapupuspos siya ng pag-aalab alang-alang dito. (Eze 36:5) Sa kabaligtaran, ang pagkamasuwayin, o pagsunod sa ibang mga diyos, ay pangangalunya, sa gayo’y marapat pagtuunan ng matuwid na galit ni Jehova at ng paninibugho niya para sa kaniyang sariling pangalan.—Deu 32:16, 21; Eze 16:38, 42.
Ano ang bukod-tanging debosyon na hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga lingkod?
Ang salitang “bukod-tangi” ay isinalin mula sa Ingles na “exclusive,” na nagmula naman sa Latin na exclusus, nangangahulugang “lubusang nakabukod.” Ang debosyon ay nangangahulugan ng matinding pagmamahal at marubdob na pag-ibig. Samakatuwid, ang bukod-tanging debosyon ay nangangahulugan na hindi natin isinasama ang iba sa posisyon ng Diyos sa ating puso at mga pagkilos. Ang lahat ng iba pang mga indibiduwal at mga bagay ay nananatili sa labas ng marangal na posisyong ito na si Jehova lamang ang maaaring magtaglay.
Hindi Pinahihintulutan ng Diyos na Jehova na Magkaroon Siya ng Kaagaw. Ang bukod-tanging debosyon ay tuwirang hiniling ni Jehova sa ikalawa sa “Sampung Salita” o Sampung Utos na isinulat ng daliri ng Diyos: “Ako ay si Jehova na iyong Diyos . . . Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha [o, “iba pang mga diyos bilang pagsalansang sa akin”]. . . . sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Deu 5:6-9) Sa Exodo 34:14, ang Pranses na Drioux Version (1884) ay nagsasabi: “Nais ng Diyos na siya lamang ang ibigin,” samakatuwid nga, siya lamang mag-isa. Sinuportahan ni Jesus ang pangmalas na ito nang makipag-usap siya sa isang Judio na nagtangkang sumubok sa kaniya. (Mat 22:37) Si Jehova ay kapuwa Diyos at Hari ng Israel, ang Ulo ng relihiyon at ng Estado. Samakatuwid, kapag nilabag ng isang Israelita ang una at ikalawang utos sa pamamagitan ng paglilingkod sa ibang mga diyos, nangangahulugan ito na nagkasala siya ng lèse-majesté, o kataksilan sa tagapamahala, ang pinakamalubha sa mga krimen, na marapat sa pinakamabigat na kaparusahan. Noong minsan, ang Israel ay nakibahagi sa pagsamba sa isang huwad na diyos at nagsagawa ng imoralidad at, dahil mahigpit na humihingi si Jehova ng bukod-tanging debosyon, lilipulin na sana Niya sila. Ngunit dahil sa mabilis na pagkilos ni Pinehas, na apo ni Aaron, upang ‘hindi pahintulutang magkaroon ng kaagaw’ si Jehova, ang Israel ay naligtas.—Bil 25:11.
Ang layunin ni Jehova sa pagsasauli sa kaniyang bayan pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya ay para sa kapakanan ng kaniyang pangalan. (Eze 39:25-28) Sa Exodo 34:14, ang salin ni Fenton ay kababasahan: “Yaong LAGING-BUHÁY ay naninibugho ukol sa KANIYANG PANGALAN.” Yamang siya’y naninibugho ukol sa kaniyang pangalan o may bukod-tanging debosyon para rito, hindi niya pinahintulutang magkaroon siya ng kaagaw sa gitna ng kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanila na magparangal sa pangalan ng iba pang diyos.
Kaugnayan ng Panginoon at Alipin. Ipinahihiwatig din ng bukod-tanging debosyon ang kaugnayan sa pagitan ng panginoon at alipin. Bilang Maylalang, si Jehova ay May-ari at Panginoon. Siya ang Diyos dahil siya ang Maylalang; karapatan niyang tumanggap ng bukod-tanging debosyon mula sa kaniyang mga sakop na nilalang, at dapat nilang gawin ang kaniyang kalooban. Ang taong may matuwid na kaisipan, dahil sa pagkatuto tungkol kay Jehova at sa pagpapahalaga sa kaniyang kaugnayan sa Diyos, ay kusang-loob na mag-uukol ng bukod-tanging debosyon mula sa puso, na siya namang ninanais ni Jehova. Kinapopootan niya ang basta pormal na debosyon o pagsamba. (Mat 15:8, 9) Ang kaugnayang iyon at ang bukal-sa-loob na debosyong ninanais ni Jehova ay inilarawan sa Kautusang Mosaiko. Ang isang aliping Hebreo ay pinalalaya sa ikapitong taon ng kaniyang pagkaalipin. “Ngunit kung ang alipin ay mapilit na magsasabi, ‘Talagang iniibig ko ang aking panginoon, ang aking asawa at ang aking mga anak; hindi ko nais na umalis bilang isa na pinalaya,’ kung magkagayon ay ilalapit siya ng kaniyang panginoon sa tunay na Diyos at dadalhin siya sa tapat ng pinto o ng poste ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga sa pamamagitan ng balibol, at siya ay magiging alipin niya hanggang sa panahong walang takda.” (Exo 21:2, 5, 6) Nagsalita si Pablo sa mga di-Judio sa kongregasyon ng Tesalonica tungkol sa kanilang kusang-loob na pagbabaling ng debosyon nang sila’y maging mga Kristiyano. Huminto na sila sa pagiging mga alipin ng mga idolo at nagsimula na silang “magpaalipin sa isang buháy at tunay na Diyos.”—1Te 1:9.
Ang Bukod-Tanging Debosyon ni Jesus sa Diyos. Gaya ng ipinakikita sa Filipos 2:5-8, kapuwa noong naroon siya sa langit at noong narito siya sa lupa, kinilala ni Jesus ang bukod-tanging posisyon ng kaniyang Ama at pinag-ukulan niya Siya ng bukod-tanging debosyon. Itinawag-pansin ni Jesus na ang pinakamahalagang utos sa Kautusan ay humihiling ng buong-pusong pag-ibig sa Diyos. (Mat 22:37) Karagdagan pa, nagpakita si Jesus ng bukod-tanging debosyon sa pangalan ni Jehova at idiniin niya na gayunding saloobin ang dapat taglayin ng kaniyang mga alagad. Sa panalanging itinuro niya sa kaniyang mga alagad, nagsimula siya sa ganitong mga salita, “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mat 6:9) Ang debosyong ito ni Jesus ay may kalakip na nagniningas na sigasig, gaya ng nakita noong linisin niya ang templo, kung saan tinupad niya ang hulang, “Uubusin ako ng sigasig para sa iyong bahay.” (Ju 2:17; Aw 69:9) Wala nang hihigit pa sa paglalarawan ng bukod-tanging debosyon ni Jesus sa kaniyang Ama kaysa sa nakasulat sa 1 Corinto 15:24-28, kung saan sinasabing kapag napuksa na ng kaniyang makalangit na Kaharian ang lahat ng iba pang awtoridad at ang lahat ng kaaway, ibibigay niya ang Kaharian sa Ama at magpapasakop siya sa Kaniya upang “ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”