ANAK, BATA
Iba’t ibang terminong Hebreo at Griego ang ginagamit upang tumukoy sa mga supling ng tao. Ang karaniwang terminong Hebreo para sa anak o bata (child) ay yeʹledh. (Gen 21:8) Ang kaugnay na terminong yal·dahʹ ay tumutukoy naman sa isang “batang babae” (female child; girl), o isang ‘babae’ (young lady). (Joe 3:3; Zac 8:5; Gen 34:4) Ang dalawang salitang ito ay parehong galing sa salitang-ugat na ya·ladhʹ, nangangahulugang “magluwal; magsilang ng; manganak.” May dalawa pang salitang Hebreo para sa anak o bata (ʽoh·lelʹ at ʽoh·lalʹ) na nagmula naman sa pandiwang salitang-ugat na ʽul, nangangahulugang “magpasuso.” (1Sa 22:19; Jer 6:11; Gen 33:13) Naʹʽar ang karaniwang terminong Hebreo para sa isang batang lalaki o kabataang lalaki. (Gen 19:4; Huk 8:20) Gayunman, ginagamit din ang terminong ito para sa mga sanggol na tulad ng tatlong-buwang-gulang na si Moises. (Exo 2:6; ihambing ang 2Sa 12:16.) Itinatawid ng Hebreong taph (maliliit na anak; maliliit na bata) ang saligang ideya niyaong mga lumalakad “nang patiyad.” (Gen 43:8; 45:19; Isa 3:16) Kasama naman sa mga terminong Griego ang teʹknon (anak), te·kniʹon (munting anak), pai·diʹon (anak, bata, munting anak), at arʹsen (batang lalaki). (Mat 10:21; Ju 13:33; Mat 2:8; Apo 12:13) Ang Griegong neʹpi·os ay tumutukoy sa isang “sanggol” [babe] (1Co 13:11), gayundin ang Griegong breʹphos [infant]. (Luc 1:41) Kung minsan, ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “anak na lalaki” ay isinasalin bilang “anak.”—Gen 3:16; Luc 20:34; tingnan ang ANAK NA LALAKI, ANAK.
Isinaayos ng Maylalang, si Jehova, ang pagpaparami ng lahi ng tao sa pamamagitan ng pagsisilang ng mga anak na magiging mga adulto at sa kalaunan ay magiging mga magulang din. Ipinahayag sa Genesis 1:28 ang utos na magpakarami. Normal sa mga tao ang pagnanais na magkaanak. Lalo nang interesadong magkaanak ang sinaunang mga Israelita dahil sa pangako ng Diyos na gagawin niya silang isang makapangyarihang bansa at dahil sa kanila magmumula ang binhi ni Abraham na sa pamamagitan nito ay pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili. (Gen 28:14) Itinuring na pagpapala mula sa Diyos ang pagkakaroon ng maraming anak. (Aw 127:3-5; 128:3-6) Minalas naman ang pagkabaog bilang kadustaan.—Gen 30:23.
Noong panahon ng Bibliya, mas ipinagsasaya ang kapanganakan ng batang lalaki kaysa sa batang babae, bagaman sa loob ng pamilya ay pantay ang pagmamahal ng mga magulang sa mga anak na lalaki at babae. Ang anak na lalaki ay garantiya na magpapatuloy ang linya at pangalan ng pamilya, at tinitiyak nito na mananatili sa pamilya ang kanilang ari-arian. Mahihiwatigan din ang pagbibigay ng priyoridad sa anak na lalaki dahil sa ilalim ng Kautusan, makalawang ulit ang haba ng yugto ng pagpapadalisay para sa anak na babae. (Lev 12:2-5) Ang panganay na anak na lalaki ay kay Jehova at dapat tubusin sa pamamagitan ng isang handog.—Exo 13:12, 13; Bil 18:15.
Noong sinaunang panahon, pagkasilang ng sanggol ay hinuhugasan muna ito sa tubig, pagkatapos ay kinukuskusan ito ng asin. (Eze 16:4) Ginagawa ito upang ang balat ay matuyo, mabanat, at humigpit. Ang sanggol ay mahigpit na binabalot ng damit na pambilot o mga telang pamigkis. (Job 38:9; Luc 2:12) Pinasususo ito ng ina sa loob ng dalawa at kalahating taon, tatlong taon, o mas matagal pa. Sa ilalim ng pantanging mga kalagayan, halimbawa ay namatay ang ina o hindi makapaglaan ng gatas, mga nagpapasusong tagapag-alaga ang ginagamit.
Noon pa man, ang mga bata ay binibigyan ng pangalan pagkasilang. Ginagawa ito ng ama (Gen 5:29; 16:15; 21:3; 35:18) o ng ina (Gen 4:25; 29:32; 1Sa 1:20). Ngunit sa Israel nang maglaon, ang mga batang lalaki ay binibigyan ng pangalan sa ikawalong araw, sa panahon ng pagtutuli. (Luc 1:59; 2:21) Kung minsan, ang pangalan ng batang lalaki ay ipinapareho sa pangalan ng kaniyang ama, ngunit kadalasan, ang pangalan ay may kinalaman sa mga pangyayari bago siya isilang o habang siya’y isinisilang, o kaya naman ay isa itong pangalan na may koneksiyon sa pangalan ni Jehova. Sa paglipas ng panahon, may mga pangalan na nakaugalian na lamang at wala nang kinalaman sa orihinal na kahulugan ng mga ito.
Iba-iba ang paraan ng pagbuhat ng mga ina sa kanilang maliliit na anak. Kung minsan, ang bata ay binabalot at inilalagay sa likod o kaya ay ipinapasan sa balikat. Sa pamamagitan ni Isaias, tinukoy ni Jehova ang pagkarga ng mga ina sa kanilang mga anak sa kanilang dibdib, pagpasan nila sa mga ito sa kanilang mga balikat, o pagbuhat nila sa mga ito sa kanilang tagiliran, sa bandang itaas ng balakang. (Isa 49:22; 66:12) Ipinahihiwatig din ng mga salita ni Moises na ang mga bata ay binubuhat sa dibdib.—Bil 11:12.
Mga ina ang pangunahing nag-aalaga sa mga batang lalaki hanggang sa edad na mga limang taon. Sabihin pa, mga ama ang pangunahing may pananagutan na magturo sa bata ng Kasulatan mula sa pagkasanggol, at tinutulungan naman siya ng ina. (Deu 6:7; Kaw 1:8; Efe 6:4; 2Ti 3:15) Habang lumalaki ang mga bata, binibigyan sila ng kanilang ama ng praktikal na pagsasanay sa agrikultura, pag-aalaga ng mga hayop, o sa isang hanapbuhay gaya ng pagkakarpintero. Sina Jose at David ay naging mga pastol noong sila’y bata pa.—Gen 37:2; 1Sa 16:11.
Ang mga batang babae naman ay nasa pangangalaga ng kanilang ina, ngunit sakop pa rin sila ng awtoridad ng ama. Habang nasa tahanan ay tinuturuan sila ng mga kasanayang pambahay na magiging kapaki-pakinabang sa pamumuhay nila bilang mga adulto. Si Raquel ay naging babaing pastol. (Gen 29:6-9) Ang mga kabataang babae ay nagtatrabaho sa bukid kapag panahon ng pag-aani ng butil (Ru 2:5-9), at sinabi ng babaing Shulamita na inatasan siya ng kaniyang mga kapatid na lalaki bilang tagapag-alaga ng mga ubasan.—Sol 1:6.
Marunong ding magpahingalay at maglibang ang mga bata sa Israel; kung minsan ay naglalaro sila sa pamilihan at ginagaya ang mga bagay na nakikita nila sa mga adulto.—Mat 11:16, 17; Zac 8:5.
Inalaala ng mahuhusay na kabataang Israelita ang kanilang Maylalang sa mga araw ng kanilang kabinataan, at ang ilan ay naging mga lingkod niya. Bata pa si Samuel nang gamitin siya upang maglingkod kay Jehova sa tabernakulo. (1Sa 2:11) Noong 12 taóng gulang pa lamang si Jesus, interesadung-interesado siya sa paglilingkod sa kaniyang Ama anupat sinamantala niya ang pagkakataong matuto sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga guro sa templo. (Luc 2:41-49) Isang batang babaing Hebreo, na lubusang nananampalataya kay Jehova at sa Kaniyang propetang si Eliseo, ang nagturo kay Naaman na pumaroon kay Eliseo upang mapagaling ang ketong nito. (2Ha 5:2, 3) Sa Awit 148:12, 13, ang mga batang lalaki at mga batang babae ay kapuwa inuutusang pumuri kay Jehova. Dahil sa kanilang kaalaman sa Bibliya, sumigaw ang mga batang lalaki nang makita nila si Jesus sa templo, na sinasabi: “Magligtas ka, aming dalangin, sa Anak ni David!” at pinapurihan naman sila ni Jesus.—Mat 21:15, 16.
Mga magulang ang may pananagutan sa edukasyon at pagsasanay sa kanilang mga anak, anupat sila mismo ang naging mga tagapagturo at mga gabay, kapuwa sa salita at sa halimbawa. Ganito ang programa ng edukasyon: (1) Itinuturo ang pagkatakot kay Jehova. (Aw 34:11; Kaw 9:10) (2) Ang anak ay pinaaalalahanang parangalan ang kaniyang ama at ina. (Exo 20:12; Lev 19:3; Deu 27:16) (3) Ang disiplina o tagubilin sa Kautusan, ang mga utos at mga turo nito, at ang pagtuturo hinggil sa mga gawa at isiniwalat na katotohanan ni Jehova ay masikap na ikinikintal sa murang isipan ng mga anak. (Deu 4:5, 9; 6:7-21; Aw 78:5) (4) Idiniriin ang paggalang sa mga nakatatanda. (Lev 19:32) (5) Ang kahalagahan ng pagsunod ay itinitimo sa isipan ng kabataan. (Kaw 4:1; 19:20; 23:22-25) (6) Binibigyang-diin ang praktikal na pagsasanay para sa pamumuhay bilang adulto; ang mga batang babae ay tinuturuan ng mga gawain sa bahay, at ang mga batang lalaki ay tinuturuan ng hanapbuhay ng ama o ng iba pang hanapbuhay. (7) Itinuturo ang pagbasa at pagsulat.
Pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, nagkaroon ng mga sinagoga ang karamihan sa mga lunsod, at nang maglaon ay doon tumanggap ng pagtuturo ang mga batang lalaki. Karagdagan pa, tinuturuan din ang mga bata hinggil sa relihiyon kapag sumasama sila sa kanilang mga magulang sa mga kapulungang idinaraos upang sambahin at purihin si Jehova. (Deu 31:12, 13; Ne 12:43) Isinama si Jesus ng kaniyang mga magulang para sa Paskuwa sa Jerusalem. Noong pauwi na sila, natuklasan nilang nawawala si Jesus. Natagpuan nila siya sa templo, na “nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.”—Luc 2:41-50; tingnan ang EDUKASYON.
Kung sakaling ang isang anak ay tuluyang maging mapaghimagsik at ayaw magbago sa kabila ng paulit-ulit na babala at pagbibigay ng kinakailangang disiplina, isang mas matinding hakbangin ang ginagawa. Ang anak na iyon ay ihaharap sa matatandang lalaki ng lunsod, at matapos patotohanan ng mga magulang na siya’y wala nang pag-asang magbago, ang anak na delingkuwente ay tatanggap ng kaparusahang kamatayan sa pamamagitan ng pagbato. Maliwanag na ang tinutukoy sa gayong kaayusan ay isang anak na hindi na itinuturing na bata, sapagkat inilalarawan siya ng Kasulatan bilang “matakaw at lasenggo.” (Deu 21:18-21) Ang anak na mananakit sa kaniyang ama o ina, o susumpa sa kaniyang mga magulang, ay papatayin. Ang ganitong matitinding hakbangin ay upang maalis sa gitna ng bansa ang kasamaan at upang ‘marinig ito ng buong Israel at matakot nga.’ Sa gayon, ang ganitong pagpaparusa sa mga manlalabag ay makapipigil sa anumang tendensiya ng bansa tungo sa pagkadelingkuwente ng mga kabataan o kawalang-galang sa awtoridad ng magulang.—Exo 21:15, 17; Mat 15:4; Mar 7:10.
Isang grupo ng maliliit na batang lalaki ang nagpakita ng labis na kawalang-galang kay Eliseo, isang propetang inatasan ng Diyos, nang alipustain nila siya, na sumisigaw: “Umahon ka, kalbo! Umahon ka, kalbo!” Nais nilang si Eliseo, na nakasuot ng pamilyar na kasuutan ni Elias, ay patuloy na umahon patungong Bethel o lumisan sa lupa gaya ng ipinapalagay na ginawa ni Elias. (2Ha 2:11) Ayaw nila siyang makita roon. Sa wakas ay lumingon si Eliseo at isinumpa sila sa pangalan ni Jehova. “Nang magkagayon ay dalawang osong-babae ang lumabas mula sa kakahuyan at niluray ang apatnapu’t dalawang bata sa kanila.”—2Ha 2:23, 24.
Inihula ni Jesus na titindig ang mga anak laban sa kanilang mga magulang at ang mga magulang laban sa kanilang mga anak dahil sa kanilang paninindigan bilang mga tagasunod niya. (Mat 10:21; Mar 13:12) Inihula naman ng apostol na si Pablo na kasama sa malalaking problema na magsisilbing palatandaan ng “mga huling araw” ang pagiging masuwayin ng mga anak sa kanilang mga magulang at ang kawalan ng likas na pagmamahal.—2Ti 3:1-3.
Noong inilalahad niya ang mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano, espesipikong binanggit ng apostol na si Pablo na ang mga lalaking pipiliin para sa mga posisyong ito ay dapat na may “nananampalatayang mga anak na hindi mapararatangan ng kabuktutan o di-masupil,” at na dapat ay nagpapasakop ang mga ito nang buong pagkaseryoso; sapagkat, sabi ni Pablo, “kung hindi nga alam ng sinumang lalaki kung paano mamuno sa kaniyang sariling sambahayan, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?”—Tit 1:6; 1Ti 3:4, 5, 12.
Awtoridad ng Magulang. Napakalawak ng saklaw ng awtoridad ng mga magulang, lalo na ang awtoridad ng ama. Hangga’t buháy ang ama at may kakayahan pang mamahala sa sambahayan, ang mga anak ay sakop niya. Gayunman, kapag ang anak na lalaki ay nagkaroon ng sariling pamilya at tahanan, siya na ang magiging ulo ng kaniyang sambahayan. Maaaring ipagbili ng ama ang kaniyang mga anak sa pansamantalang pagkaalipin upang makabayad sa pagkakautang. (Exo 21:7; 2Ha 4:1; Mat 18:25) Napakalaki ng awtoridad ng ama sa kaniyang anak na babae anupat maaari niyang pawalang-saysay ang panatang binitiwan nito. Gayunman, hindi niya maaaring gamitin ang kaniyang awtoridad upang pagbawalan ang kaniyang anak na babae sa pagsamba nito kay Jehova o upang huwag nitong sundin ang mga utos ni Jehova, sapagkat ang ama, na miyembro ng bansang Israel, ay nakaalay sa Diyos at sakop ng Kautusan ng Diyos. (Bil 30:3-5, 16) Makikita rin ang awtoridad ng mga magulang yamang sila ang pumipili ng mapapangasawa ng kanilang mga anak na lalaki o sila ang gumagawa ng mga kaayusan para sa pag-aasawa ng mga ito. (Gen 21:21; Exo 21:8-11; Huk 14:1-3) Ang isang babaing balo o isang babaing diniborsiyo ay maaaring bumalik sa bahay ng kaniyang ama at muling magpasakop dito.—Gen 38:11.
Sa ama nagmumula ang mga karapatan sa pagmamana. Kapag kambal ang isinilang, buong-ingat na tinitiyak kung aling bata ang unang lumabas (Gen 38:28), yamang dalawang bahagi sa mana ng ama ang tatanggapin ng panganay na anak na lalaki, samantalang isang bahagi lamang ang tatanggapin ng isa pang anak. (Deu 21:17; Gen 25:1-6) Kadalasan, ang nakatatandang anak na lalaki ang gumaganap sa pananagutang itaguyod ang mga kababaihan sa pamilya kapag namatay ang kaniyang ama. Ang isang anak na lalaki na bunga ng pag-aasawa bilang bayaw ay palalakihin bilang anak ng taong namatay at magmamana ng ari-arian nito.—Deu 25:6; Ru 4:10, 17.
Makasagisag na mga Paggamit. Malawak ang saklaw ng kahulugan ng mga salitang “anak” at “mga anak” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya. Ang mga inapo ni Israel ay tinutukoy bilang “mga anak sa laman,” at tinutukoy rin sila ni Isaias bilang “mga anak ng pagsalansang” dahil sa kanilang paghihimagsik laban kay Jehova. (Ro 9:8; Isa 57:4) Noong mga araw ng mga apostol, ang mga taong balakyot ay tinukoy bilang “mga isinumpang anak” at “mga anak ng Diyablo.” (2Pe 2:14; 1Ju 3:10) Kabaligtaran nito, ang mga taong nananampalataya kay Kristo at nagiging mga inianak sa espiritu ay tinatawag na “mga anak ng Diyos.” (Ju 1:12; Ro 8:16) Ang mga alagad ay madalas tawagin na mga anak.—Ju 13:33; Heb 2:13.
Ang mga indibiduwal na magkakapribilehiyong buhaying-muli ay tinutukoy bilang “mga anak ng pagkabuhay-muli” (Luc 20:36); gayundin, yaong mga kasamang tagapagmana ni Kristo ay “mga anak sa pamamagitan ng pangako” (Ro 9:8) o mga anak “ng malayang babae” (Gal 4:31). Lahat ng nagnanais magtamo ng buhay sa Kaharian ng langit ay dapat magpakita ng mga katangian ng mga bata gaya ng kapakumbabaan, pagiging handang tumugon, at pagtitiwala. (Mat 18:2-4) Ang mga lalaki’t babae na nagsisikap na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapasikat ng liwanag ng katotohanan sa kanilang buhay ay inilalarawan bilang “masunuring mga anak” at bilang “mga anak ng liwanag.”—1Pe 1:14; Efe 5:8.
Gaya ng isang ama na nagpapayo sa mga anak, pinayuhan ni Pablo ang kongregasyon sa Corinto na ‘palawakin’ nila ang kanilang pagmamahal. Bago nito ay hinimok niya sila na huwag maging mga bata sa kanilang mga kakayahan ng pang-unawa.—2Co 6:13; 1Co 14:20.