PAGHAMPAS, PAMAMALO, PAMBUBUGBOG
Ipinahihintulot ng Kautusang Mosaiko ang pagpaparusa sa pamamagitan ng pamamalo. Ginagawa ito gamit ang isang tungkod. Mga hukom ang nagpapasiya kung ilang hampas ang ibibigay depende sa nagawang paglabag, anupat isinasaalang-alang din ang motibo, mga kalagayan, at iba pa. Ganito ang itinakdang posisyon: “Padadapain nga siya ng hukom at ipahahampas siya sa harap niya ayon sa bilang na katumbas ng kaniyang balakyot na gawa.” Ang kaparusahan ay limitado sa 40 hampas. (Deu 25:2, 3) Ang dahilan ay sapagkat kung hihigit pa rito, madudusta ang taong iyon sa paningin ng kaniyang mga kababayan. Isa ito sa mga halimbawang nagpapakita na hindi ipinahihintulot ng Kautusan ang malupit o naiibang kaparusahan. Ang layunin ng kaparusahan ay magtuwid, hindi ang maghiganti at maging mabalasik na gaya ng mga kaparusahang inilalapat ng ibang bansa. Ang tagapalo mismo ay parurusahan kung lalampas siya sa legal na bilang ng mga hampas. Dahil dito, nilimitahan ng mga Judio sa 39 ang bilang ng mga hampas upang hindi sila magkamaling lumampas sa hangganan at sa gayon ay malabag ang kautusan.—2Co 11:24.
Pinahihintulutan ang isang Hebreong may-ari ng alipin na hampasin ang kaniyang aliping lalaki o aliping babae sa pamamagitan ng tungkod kung ang alipin ay masuwayin o mapaghimagsik. Ngunit kung mamatay ang alipin dahil sa paghampas, ang may-ari ng alipin ay parurusahan. Gayunman, kung mabuhay pa ang alipin nang isa o dalawang araw pagkaraan nito, iyon ay nagpapahiwatig na walang intensiyon ang may-ari na paslangin ang alipin. May karapatan siyang maglapat ng kaparusahan bilang disiplina, sapagkat ang alipin ay “kaniyang salapi.” Malayong mangyari na sasadyain ng isang tao na lubusang sirain ang sarili niyang mahalagang pag-aari, yamang magiging kalugihan ito sa kaniya. Isa pa, kung ang alipin ay mamatay pagkaraan ng isang araw o higit pa, hindi maaaring matiyak kung ang ikinamatay niya ay ang pamamalo o iba pang sanhi. Kaya kung mananatiling buháy ang alipin nang isa o dalawang araw, hindi parurusahan ang kaniyang panginoon.—Exo 21:20, 21.
Kung pinaratangan ng isang lalaki ang kaniyang asawa na may-panlilinlang itong nag-angking dalaga noong panahong ikasal sila at ang paratang niya ay bulaan, didisiplinahin siya at pagmumultahin ng matatandang lalaki ng lunsod, na nagsisilbing mga hukom, dahil nagdala siya ng masamang pangalan laban sa isang dalaga ng Israel. Maaaring kabilang sa disiplinang ito ang paglalapat ng espesipikong bilang ng mga hampas.—Deu 22:13-19.
Paulit-ulit na idiniriin ng Kasulatan ang kahalagahan ng paghampas bilang paraan ng pagdidisiplina. Ipinakikita ng Kawikaan 20:30 na ang disiplina ay maaaring magkaroon nang malalim na epekto, anupat mabuti ang ibubunga nito sa indibiduwal. Ito ay kababasahan: “Masasakit na sugat ang kumakayod ng kasamaan; at ang mga latay, ng mga kaloob-loobang bahagi ng tiyan.” Dapat kilalanin ng taong dinidisiplina sa ganitong paraan na ang ginawa niya ay isang kamangmangan at na dapat siyang magbago. (Kaw 10:13; 19:29) Ang taong tunay na marunong ay maaaring maituwid sa pamamagitan ng mga salita at sa gayo’y hindi na kailangang lapatan ng mga hampas.
Yamang ang buong sangkatauhan ay iniluwal “sa kamalian” at ipinaglihi “sa kasalanan” (Aw 51:5), ipinapayo ng Kasulatan na dapat na mahigpit na gamitin ng mga magulang ang tulad-pamalong awtoridad, kung minsan ay sa pamamagitan ng literal na pamalo. (Kaw 22:15) Sa gayon ay maililigtas ang bata mula sa paghatol at sa kamatayan.—Kaw 23:13, 14.
Lumilitaw na bukod sa pamalo, nang maglaon ay gumamit na rin ang mga Judio ng panghagupit. (Heb 11:36) Mas matinding kaparusahan ito kaysa sa pamamalo, at bagaman ginawa itong legal noong narito sa lupa si Jesus, hindi ito salig sa Kautusan. (Mat 10:17; 23:34) Ang Mishnah, na diumano’y nabuo mula sa bibigang tradisyon, ay naglalarawan sa paraan ng paghagupit:
“Iginagapos nila sa isang haligi ang dalawang kamay niya sa magkabilang panig, at sinusunggaban ng ministro ng sinagoga ang kaniyang mga kasuutan, mapunit man ang mga ito o magkagula-gulanit, upang mahubaran ang kaniyang dibdib. Inilalagay ang isang bato sa likuran niya kung saan tumatayo ang ministro ng sinagoga hawak ang isang strap na yari sa balat ng guya, na dinoble ang tupi, at [nakakabit] doon ang dalawang [iba pang] strap na nagtataas-baba.
“Ang hawakan ng strap ay may haba na isang sinlapad-ng-kamay at may lapad na isang sinlapad-ng-kamay; at ang dulo nito ay abot hanggang sa kaniyang pusod. Isang-katlo ng mga latay ang ilalapat sa kaniya sa harap at dalawang-katlo sa likod; at hindi siya hahampasin kapag nakatayo o kapag nakaupo, ngunit tanging kapag siya ay nakayukod nang mababa, sapagkat nasusulat, Pahihigain siya ng hukom. At ang nanghahampas, ay humahampas nang buong lakas niya gamit ang isang kamay.
“ . . . Kung mamatay siya sa kamay nito, ang humahagupit ay walang kasalanan. Ngunit kung lumampas ng isa ang hagupit nito sa kaniya at siya ay mamatay, dapat itong tumakas at magtago dahil sa kaniya.”
“Ilang latay ang ilalapat nila sa isang tao? Apatnapu kulang ng isa, sapagkat nasusulat, Sa bilang na apatnapu; [samakatuwid nga,] isang bilang na malapit sa apatnapu.”—Makkot 3:12–14, 10; isinalin ni H. Danby.
Isang kakaibang anyo ng panghahagupit ang ginawa ni Gideon sa 77 prinsipe at matatandang lalaki ng Sucot na tumangging magbigay ng panustos sa kaniyang mga tauhan nang tinutugis niya ang mga hari ng Midian. Lumilitaw na gumawa siya ng mga panghagupit na yari sa mga tinik at matitinik na palumpong sa ilang upang hampasin sila. Sinasabing sila ay “tinuruan niya ng aral.”—Huk 8:7, 14, 16.
Gumamit naman ng mas matitinding anyo ng pamamalo ang ibang mga bansa, at hindi nila ito nilimitahan sa 40 hampas. Ang mga Israelita sa Ehipto ay binubugbog noon ng kanilang mga Ehipsiyong tagapangasiwa, at walang alinlangang napakatindi ng gayong pambubugbog.—Exo 5:14, 16; 2:11, 12.
Mga pamalo ang ginamit ng mga Romano sa paghampas, anupat hinuhubaran muna nila ng mga panlabas na kasuutan ang mga hahampasin. (Gaw 16:22, 23) Ang salitang Griego na isinaling ‘hampasin ng mga pamalo’ sa Gawa 16:22 ay rha·bdiʹzo, na nauugnay sa rhaʹbdos (pamalo; baston). (Ihambing ang 1Co 4:21, Int.) Ang mga salitang Griegong ito ay kapuwa nauugnay sa rha·bdouʹkhos, isinasaling “kustable” sa Gawa 16:35, 38 at literal na nangangahulugang “tagapagdala ng pamalo.”—Ihambing ang Int.
Gumamit din ang mga Romano ng panghagupit. Ang tao ay iniuunat, anupat lumilitaw na itinatali ang kaniyang mga kamay sa isang poste sa pamamagitan ng mahahabang piraso ng katad. (Gaw 22:25, 29) Ang kumandante ang nagpapasiya sa bilang ng mga hampas na ilalapat. Kadalasan nang pinarurusahan muna ng hagupit ang isa bago siya ibayubay. Sinasabi ng ulat na matapos magpadala si Pilato sa mapilit na pagsigaw ng mga Judio na ibayubay si Jesus, at matapos niyang palayain sa kanila si Barabas, “sa gayon, nang panahong iyon ay kinuha ni Pilato si Jesus at hinagupit siya.” (Ju 19:1; Mat 20:19) Kung minsan ay ginagamit ng mga Romano ang panghahagupit upang “siyasatin” ang mga biktima at paaminin sila o kunan ng testimonyo. (Gaw 22:24, 25) Ang dalawang pandiwang Griego para sa “hagupitin” ay ma·sti·goʹo (Mat 10:17) at ma·stiʹzo (Gaw 22:25). Ang mga ito ay kapuwa nauugnay sa maʹstix, na maaaring mangahulugang “panghahagupit” sa literal na diwa (Gaw 22:24; Heb 11:36) at, bilang metapora, “nakapipighating karamdaman (sakit).” (Mar 3:10; 5:34) Gayunman, ilegal ang paghagupit sa isang mamamayang Romano. Dahil sa Lex Valeria at Lex Porcia, na ipinatupad sa iba’t ibang panahon sa pagitan ng 509 at 195 B.C.E., nalibre ang mga mamamayang Romano sa panghahagupit—ang Lex Valeria ay kapag umapela sa taong-bayan ang isang mamamayan; ang Lex Porcia naman ay kapag wala ang gayong pag-apela.
Ang pinakakahila-hilakbot na instrumentong panghagupit ay tinatawag na flagellum. Binubuo ito ng isang hawakan na kinabitan ng ilang kurdon o mahahabang piraso ng katad. Ang mga pirasong ito ng katad ay nilalagyan ng matatalim na piraso ng buto o metal bilang pabigat upang lalong maging masakit at mas nakasusugat ang mga hampas. Ang pangngalang Griego na phra·gelʹli·on (“panghagupit”; Ju 2:15) ay hinalaw sa Latin na flagellum. Ang kaugnay na pandiwang phra·gel·loʹo ay nangangahulugang “hagupitin.”—Mat 27:26; Mar 15:15.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na dahil sa kaniyang pangalan ay hahampasin sila sa mga sinagoga. (Mar 13:9) Natupad ang hulang ito nang maraming ulit. Ang ilan sa mga apostol ay inaresto at dinala sa harap ng Judiong Sanedrin at pinagpapalo matapos silang tumangging huminto sa kanilang gawaing pangangaral. (Gaw 5:40) Bago makumberte si Saul, na nang maglaon ay naging ang apostol na si Pablo, may-kalupitan niyang pinag-usig ang mga Kristiyano, anupat ibinibilanggo sila at pinapalo sa bawat sinagoga. (Gaw 22:19) Ang pandiwang Griego na ginamit sa mga ulat na ito (deʹro) ay nauugnay sa derʹma (‘balat’; Heb 11:37, Int) at may saligang kahulugan na “balatan.”—Ihambing ang Luc 12:47, Int.
Pinaghahampas si Pablo sa pamamagitan ng mga pamalo sa lunsod ng Filipos. Ginamit niya ang insidenteng ito laban sa kaniyang mga mang-uusig, anupat sinamantala ang pagkakataong ipagtanggol at legal na itatag ang mabuting balita na ipinangangaral niya. Hayagan siyang pinalo at ibinilanggo, ngunit nang matuklasan ng mga mahistrado na isa siyang mamamayang Romano, labis silang natakot, sapagkat hindi lamang nila pinalo ang isang mamamayang Romano kundi ginawa nila iyon bago pa man siya mahatulan sa pamamagitan ng paglilitis. Sa kaso ring ito, sina Pablo at Silas ay itinanghal sa madla bilang mga salarin. Kaya nang utusan ng mga mahistrado ang tagapagbilanggo na palayain sina Pablo at Silas, tumugon si Pablo: “Pinalo nila kami nang hayagan nang hindi pa nahahatulan, mga taong Romano, at itinapon kami sa bilangguan; at pinalalayas ba nila kami ngayon nang palihim? Tunay ngang hindi! kundi sila mismo ang pumarito at maglabas sa amin.” Kinailangang personal na kilalanin ng mga mahistrado ang kanilang pagkakamali. “Kaya isinaysay ng mga kustable ang mga pananalitang ito sa mga mahistrado sibil. Ang mga ito ay natakot nang marinig nila na ang mga lalaki ay mga Romano. Dahil dito ay pumaroon sila at namanhik sa kanila at, pagkatapos na mailabas sila, hiniling nila sa kanila na lisanin ang lunsod.” (Gaw 16:22-40) Sa gayon, ang pangangaral ng mabuting balita ay napatunayan na hindi labag sa kautusan, sapagkat sa pamamagitan ng pagkilos na iyon ng mga mahistrado, ipinakita nila mismo sa madla na walang ginawang mali sina Pablo at Silas. Ganito ang ikinilos ni Pablo dahil nais niyang ‘legal na itatag ang mabuting balita.’—Fil 1:7.
Makasagisag na Paggamit. Nang ihambing ni Haring Rehoboam ang ipatutupad niyang paraan ng pamamahala sa pamamahala ng kaniyang amang si Solomon, ginamit niya bilang metapora ang hagupit na isang mas matinding kaparusahan kaysa sa mga hampas. (Sa Hebreo, ang salita para sa “mga hagupit” [ʽaq·rab·bimʹ] ay literal na nangangahulugang “mga alakdan” at lumilitaw na isa itong uri ng panghampas na may mga buhol, o may mga simà sa dulo gaya ng pantibo ng alakdan, o marahil ay may maliliit na sangang mabuko o matitinik.)—1Ha 12:11-14, tlb sa Rbi8.
Nang makipagtipan si Jehova kay David ukol sa isang kaharian, sinabi Niya kay David na ang trono ay itatatag sa kaniyang linya ngunit kung gagawa ng kamalian ang kaniyang dinastiya o ang sinuman sa kaniyang linya ng angkan, ‘sasawayin siya ni Jehova ng pamalo ng mga tao at ng mga hampas ng mga anak ni Adan.’ (2Sa 7:14; Aw 89:32) Naganap ito nang pahintulutan ni Jehova na talunin ng mga hari ng mga bansang Gentil ang mga hari ng Juda, partikular na noong alisin ni Nabucodonosor, na hari ng Babilonya, si Zedekias mula sa trono sa Jerusalem.—Jer 52:1-11.
Sinabi ni Jehova na ang mga bansa na hindi naitaboy ng mga Israelita ay magiging ‘hagupit sa kanilang mga tagiliran.’ (Jos 23:13) Ipinakikita ng Isaias 10:24-26 na, kung gumamit ng tungkod ang Asiryano upang saktan ang Sion sa di-makatarungang paraan, magwawasiwas naman si Jehova ng “isang panghagupit” laban sa Asiryano. Ang disiplina mula kay Jehova ay inihahalintulad sa panghahagupit.—Heb 12:6.
Inihula ni Isaias na papasanin ng Mesiyas ang mga sakit at mga kirot niyaong mga nananampalataya sa kaniya. Sinabi niya: “Dahil sa kaniyang mga sugat ay nagkaroon ng pagpapagaling para sa amin.” (Isa 53:3-5) Ikinapit ni Pedro ang hulang ito kay Jesu-Kristo, sa pagsasabing: “Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang tayo ay matapos na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran. At ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay napagaling kayo.’”—1Pe 2:24.