Ang Pangmalas ng Bibliya
Aborsiyon—Ang Sagot sa Labis na Populasyon?
ITO man ay patakarang pambansa o pinili ng indibiduwal, ang aborsiyon ay naging isang karaniwang paraan ng pagkontrol sa populasyon noon at sa kasalukuyan.
Sinisipi ng isang ulat sa pahayagan sa Canada na pinamagatang “China’s agony is 53 million abortions” ang Ministri sa Kalusugang Pambayan sa Tsina na nag-uulat ng kapansin-pansing bilang na iyan para sa yugto ng panahon na mula 1979 hanggang 1984. Ang limang-taóng kabuuang aborsiyon na ito ay katumbas ng mahigit na doble ng populasyon ng Canada!
Tinataya ng Hapón na 30 porsiyento ng 2.1 milyong mga paglilihi taun-taon sa bansang iyon ay inilalaglag. Ang ilan sa mga batang ito na hindi isinisilang ay inaalaala sa pamamagitan ng munting mga imaheng yari sa bato, plastik, o yeso na inilalagay sa mga templong Budista sa ibayo ng bansa.
Sa kabilang panig ng daigdig, sa Sweden, ang hinihiling na aborsiyon ay ipinahihintulot sapol noong 1946 alang-alang “sa medikal, sosyo-medikal, makatao at eugenic na mga kadahilanan o kung makapipinsala sa ipinagbubuntis na sanggol.” Ngayon, gaya ng sa iba pang mga bansa, nakikita ng maraming babae sa Sweden ang aborsiyon bilang isang tinatanggap sa lipunan at popular na paraan upang takdaan ang laki ng kanilang mga pamilya.
Popular na Sinaunang Gawain
Sa sinaunang Atenas, ang aborsiyon ay isinasagawa upang kontrolin ang pagdami ng populasyon. “Ang boluntaryong pagtatakda ng pamilya ang kausuhan, ito man ay sa pamamagitan ng kontrasepsiyon, ng aborsiyon, o ng pagpatay sa sanggol,” sang-ayon sa mananalaysay na si Will Durant sa The Story of Civilization.
Palasak din ang aborsiyon sa imperyo ng Roma. Sa anong mga dahilan? Si Durant ay nagpapatuloy: “Nais ng mga babae na maging maganda sa seksuwal na paraan kaysa maging magandang ina; sa pangkalahatan ang pagnanais para sa indibiduwal na kalayaan ay waring salungat sa mga pangangailangan ng lahi. . . . Sa mga may-asawa, waring tinakdaan ng karamihan ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng aborsiyon, pagpatay sa sanggol, coitus interruptus, at kontrasepsiyon.” Hindi ba’t ang pagdami ng mga aborsiyon sa ating panahon ay sa gayunding kadahilanan?
Ang Pangmalas ng Sinaunang Kristiyano
Sa kabaligtaran, ang sinaunang mga Kristiyano ay matatag na nanindigan laban sa mga aborsiyon. Susog pa ni Durant: “Ang aborsiyon at pagpatay ng sanggol, na palasak sa lipunang pagano, ay bawal sa mga Kristiyano na katumbas ng pagpatay sa tao.” Kaya bagaman ang pagtatakda ng pamilya ay naging isang litaw na palatandaan ng lipunan kapuwa sa mga panahon ng Griego at Romano, ang pamayanang Kristiyano ay nanindigang matatag sa isang mahigpit na kodigong moral na gumagalang sa kabanalan ng buhay. Gaya ng sa sinaunang Israel, ang mga anak ay isang tanda ng pagpapala ng Maylikha. Ang salmista ay nagsabi: “Narito! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng bahay-bata ay isang gantimpala.”—Awit 127:3.
Maliwanag buhat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, na si Jehova, “ang bukal ng buhay,” ay kumikilala sa karapatan sa buhay ng di pa isinisilang na sanggol. Papaano? Una, ipinakikita ng Bibliya na minamalas niya ang isang di pa isinisilang na higit pa kaysa isa lamang umbok ng mga himaymay. Ang interes ng Diyos sa kaniyang kamangha-manghang mapanlikhang kaayusan ay inilalarawan ng salmista sa ganitong paraan: “Iyo [Jehova] akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina. . . . Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi.”—Awit 36:9; 139:13-16.
Isa pa, pinagsusulit ng Diyos ang indibiduwal na di-sinasadyang humahadlang sa likas na paraan ng mga pangyayari na nagsasangkot sa isang di pa isinisilang na sanggol. Pansinin na ang Batas Mosaiko ay naglalagay ng mabigat na pananagutan sa mga gayon, na nagsasabi: “At kung may magbabag, at makasakit ng isang babaing buntis, na anupa’t makunan, at gayunma’y walang karamdamang sumunod; ay tunay na papagbabayarin siya, ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya’y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom. Datapuwat kung may anumang karamdamang sumunod, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay.”—Exodo 21:22, 23, American Standard Version.
Ngayon kung minamalas ni Jehova ang isang di-sinasadyang paghadlang sa di pa isinisilang na sanggol na isang maselan na bagay, gaano pa nga kalaking pananagutan niyaong mga kusang humahadlang dito, gaya ng sa kaso ng aborsiyon! Gayundin, yamang ang Diyos ay hindi nagbigay ng takdang gulang kung tungkol sa ipinagbubuntis na sanggol sa ipinahayag niyang kautusan sa Exodo kabanata 21, ang mga argumento batay sa edad ay hindi maaaring pagtalunan.
Ang Sagot sa Labis na Populasyon
Gayunman, ang iba ay maaaring mangatuwiran na dahil sa tumitinding kakapusan ng pagkain, kakulangan ng sapat na pabahay, at umuunting suplay ng sariwang tubig, ang may pinipiling aborsiyon bilang isang paraan ng pagkontrol sa populasyon ay makababawas sa paghihirap ng darating na mga salinlahi. Datapuwat, ito ba ang tanging paraan upang gawing timbang ang populasyon ng daigdig sa kapaligiran ng lupa?
Mga 6,000 taon na ang nakalipas, maliwanag na binigkas ng Diyos na Jehova ang kaniyang layunin may kinalaman sa populasyon ng planetang Lupa. Ipinahayag ni Jehova sa unang mag-asawang tao: “Magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.” (Genesis 1:28) Pansinin ang ipinahayag na layunin ng Diyos na punuin, hindi labis-labis na punuin, ang lupa. Magagawa ng Maylikha ang timbang na populasyon sa daigdig—panatilihin ang makatuwirang dami ng populasyon, ekolohikal na pagkakatimbang, at sapat na produksiyon ng pagkain.—Isaias 65:17-25.
Makatuwirang maghinuha na tumpak na kukontrolin ng Maylikha ng kapangyarihang magparami ng tao ang gamit nito upang matamo ang sakdal na pagkakatimbang na ito. Hindi na kakailanganin pa ang mga aborsiyon upang takdaan ang pagdami ng populasyon. Titiyakin ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, na ang lupa ay maginhawang mapupunô ng masunuring mga tao na mamumuhay sa isang pangglobong paraiso.—Isaias 55:8-11; Apocalipsis 21:1-5.
[Blurb sa pahina 27]
“Ang aborsiyon at pagpatay ng sanggol . . . ay bawal sa mga Kristiyano na katumbas ng pagpatay sa tao.”—Will Durant, mananalaysay
[Larawan sa pahina 26]
“Sa panahong ang isang ipinagbubuntis na sanggol ay anim na buwang gulang na ito ay nakakakita, nakakarinig, nakakaranas, nakakatikim at natututo pa nga.”—Dr. T. Verny, awtor ng aklat na “The Secret Life of the Unborn”