ARGAMASA
[sa Ingles, mortar].
Isang komposisyong inilalagay sa pagitan ng mga laryo at mga bato bilang semento upang magkadikit-dikit ang mga ito (halimbawa, sa isang pader) o ginagamit bilang pahid na pampalitada sa pader. (Lev 14:42, 45; 1Cr 29:2; Isa 54:11; Jer 43:9) Sa sinaunang Palestina, isang timplada (may-kawastuang tinawag na “argamasa”) ng apog, buhangin, at tubig na nakatatagal sa iba’t ibang uri ng panahon ang ginamit sa pagtatayo ng mas magagandang tahanan doon. Isa pang uri ng argamasa, na ginamit bilang palitada, ang ginagawa noon sa pamamagitan ng paghahalo ng buhangin, abo, at apog. Kung minsan, nilalagyan ng langis ang timpladang ito, o kaya ay pinapahiran ng langis ang pader pagkatapos na palitadahan iyon, upang hindi madaling matagos ng tubig ang pinakaibabaw niyaon. Sa Ehipto, noon at maging hanggang sa makabagong panahon, ang argamasang ginagamit na pampalitada ng pader ay binubuo ng dalawang bahaging luwad, isang bahaging apog, at isang bahaging dayami at abo.
Sa halip na pangkaraniwang argamasa, bitumen ang ginamit ng mga tagapagtayo ng Tore ng Babel, anupat ito’y “nagsilbing argamasa para sa kanila.” (Gen 11:3) Malamang na ang mga Babilonyo nang dakong huli ay kumuha ng bitumen na ginamit nila bilang argamasa mula sa mga bukal sa ilalim ng lupa malapit sa lunsod ng Hit di-kalayuan sa Babilonya sa Ilog Eufrates. Ayon kay Herodotus (I, 179), mainit na aspalto (bitumen) ang ginamit bilang semento, o argamasa, nang gawin ang mga gilid ng bambang ng Babilonya at nang itayo ang pader ng lunsod.
Noong ang mga Israelita ay mga alipin sa Ehipto, ‘patuloy na pinapait ng mga Ehipsiyo ang kanilang buhay sa mabigat na pagkaalipin sa argamasang luwad at mga laryo.’ (Exo 1:14) Hinahalo noon ang argamasa hanggang sa maging kasinlapot ng pulot, anupat kadalasa’y tinatapak-tapakan ito ng mga paa upang mahalo. Nilalagyan ng tinadtad na dayami ang argamasa upang maging mas malagkit ang timplada. Nang maglaon, sa kanilang sariling lupain, ang argamasang luwad at mga laryong putik ay nagsilbing pangkaraniwang materyales sa pagtatayo para sa mga Israelita sa mga lugar na kakaunti ang makukuhang de-kalidad na mga bato para sa pagtatayo.
Hindi nakatatagal ang mga laryong putik sa panahon ng tag-ulan. Kaya naman upang mapangalagaan ang isang bagong pader o upang maingatan at mapatibay ang isang nasirang pader, kung minsan ay pinapahiran ito ng argamasa o pinapalitadahan. Ngunit kung kalburo lamang o marupok na argamasa na kakaunti ang apog, kung mayroon man, ang ipapahid sa gayong pader, hindi iyon maaasahang makatatagal sa matitinding bagyo.—Ihambing ang Eze 13:11-16.