TINA, PAGTITINA
Ang sining ng pagkukulay ng sinulid, tela, at iba pang mga materyales ay kilala na bago pa ang mga araw ni Abraham, at malamang na kasintanda ito ng sining ng paghahabi. Ang mga Israelita ay gumamit ng mga materyales na gaya ng sinulid na asul, sinulid na iskarlatang kokus, at lanang tinina sa mamula-mulang purpura para sa tabernakulo at mga kasuutan ng saserdote. (Exo kab 25-28, 35, 38, 39) Nang bandang huli, ang pagtitina, na karaniwa’y isang gawaing-bahay lamang noong mas sinaunang mga panahon, ay naging isang malaking negosyo sa iba’t ibang dako. Ang sinaunang mga Ehipsiyo ay kilala sa kanilang mga tininang paninda na may matitingkad na kulay (Eze 27:7), at noong bumagsak na ang Ehipto, ang Tiro at ang iba pang mga lunsod ng Fenicia naman ang naging mahahalagang sentro ng pagtitina.
Ang Sinaunang mga Proseso. Nagkakaiba-iba ang mga proseso ng pagtitina sa iba’t ibang lugar. Kung minsan, ang sinulid ang tinitina, samantalang sa ibang kaso naman ay ang nahabi nang tela ang tinitina. Waring makalawang ulit na inilulubog sa tina ang sinulid, anupat pinipiga matapos itong hanguin sa tangke sa ikalawang pagkakataon upang kumapit ang tina. Pagkatapos nito, inilalatag ang sinulid upang matuyo.
Hindi pare-pareho ang paraan ng pagtitina sa bawat materyales. Kung minsan, ang pangkulay ay madaling kumapit sa mga hiblang tinitina. Ngunit kung hindi naman, ang materyales ay kailangan munang gamitan ng mordant, isang substansiya na kumakapit kapuwa sa hibla at sa tina. Upang magamit bilang mordant, ang isang substansiya ay kailangang kumapit kahit man lamang sa pangkulay, sa gayo’y mapaghahalo ang mga ito para makagawa ng isang may-kulay na compound na hindi naghihiwalay. Ipinakikita ng mga natuklasan na ang mga Ehipsiyo ay gumamit ng mga mordant sa pagtitina. Halimbawa, ang pula, dilaw, at asul ay ilan lamang sa mga kulay na ginamit nila, at sinasabing hindi kakapit ang gayong mga tina kung hindi gagamitan ng oxide ng mga elementong arsenic, iron, at tin bilang mga mordant.
Maliwanag na ang mga balat ng hayop ay kinukulti muna bago tinitina. Kahit nitong nakalipas na mga panahon sa Sirya, ang mga balat ng barakong tupa ay kinukulti muna sa sumac (isang uri ng halaman) at saka tinitina. Kapag tuyo na ang tina, kinukuskusan ng langis ang mga balat at pagkatapos ay pinakikintab. Ang mga sapatos at iba pang mga bagay na katad na ginagamit ng mga Bedouin ay tinitina sa pula sa gayong paraan, at maaaring ipaalaala nito sa atin ang “mga balat ng barakong tupa na tinina sa pula” na ginamit sa tabernakulo.—Exo 25:5.
May kaugnayan sa mga tininang materyales, kapansin-pansin ang isang inskripsiyon ng Asiryanong si Haring Tiglat-pileser III sa isang gusali. Pagkatapos niyang ilahad ang kaniyang mga kampanyang pangmilitar laban sa Palestina at Sirya, sinabi niya na tumanggap siya ng tributo mula kay Hiram ng Tiro at sa iba pang mga tagapamahala. Kabilang sa mga bagay na nakatala ang “mga kasuutang lino na may makukulay na palamuti, lanang tinina sa asul, lanang tinina sa purpura, . . . bukod pa sa mga kordero na ang binanat na mga balat ay tinina sa purpura, (at) maiilap na ibon na ang nakabukang mga pakpak ay tinina sa asul.”—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 282, 283.
Mga Pinagkukunan ng Tina. Ang mga tina ay kinukuha noon sa iba’t ibang bagay. Sa Palestina, ang mga tinang dilaw ay kinukuha sa mga dahon ng almendras at sa dinikdik na balat ng prutas na granada, bagaman ginagamit din ng mga taga-Fenicia ang luyang-dilaw at safflower. Ang mga Hebreo ay nakakakuha ng tinang itim mula sa balat ng puno ng granada at ng tinang pula mula sa ugat ng halamang madder (Rubia tinctorum). Ang mga halamang indigo (Indigofera tinctoria) na malamang na dinala sa Palestina mula sa Ehipto o Sirya ay magagamit naman para sa tinang asul. Sa isang pamamaraan upang kulayan ng purpura ang lana, magdamag itong ibinababad sa katas ng ubas at binubudburan ng pinulbos na halamang madder.
Ang mga tinang iskarlatang kokus at krimson ay nagmula sa pinakamatandang kilalang pantina, isang parasitikong insekto na kabilang sa pamilyang Coccidae (ang Coccus ilicis). Dahil ang buháy na babaing insektong ito, na mga kasinlaki ng buto ng cherry, ay kahawig ng isang berry, ikinapit dito ng mga Griego ang kanilang salita na kokʹkos, nangangahulugang “berry.” Ang pangalang Arabe naman para sa insektong ito ay qirmiz o kermez, kung saan hinalaw ang salitang Ingles na “crimson.” Masusumpungan ang insektong ito sa buong Gitnang Silangan. Tanging ang mga itlog nito ang mapagkukunan ng pantina na malapurpurang pula, na mayaman sa kermesic acid. Sa pagtatapos ng Abril, ang walang-pakpak na babaing insekto, na marami nang itlog, ay kumakapit, sa pamamagitan ng kaniyang proboscis, sa maliliit na sanga, at kung minsan ay sa mga dahon, ng kermes oak (Quercus coccifera). Ang mga babaing insektong ito ay tinitipon at pinatutuyo, at ang tina ay makukuha naman kapag pinakuluan sa tubig ang mga iyon. Ito ang tinang pula na ginamit sa maraming kagamitan ng tabernakulo at sa mga kasuutan ng mataas na saserdote ng Israel.
Ang tinang purpura ay nanggaling sa mga kabibi o mga mulusko gaya ng Murex trunculus at Murex brandaris. Sa pinakaleeg ng mga nilalang na ito ay may maliit na glandula na naglalaman ng isang patak ng fluido na tinatawag na bulaklak. Sa pasimula ay malakrema ang hitsura at lapot nito, ngunit kapag nahantad ito sa hangin at liwanag ay unti-unti itong nagiging kulay matingkad na ube o mamula-mulang purpura. Masusumpungan sa baybayin ng Dagat Mediteraneo ang mga kabibing ito, at nagkakaiba-iba ang tingkad ng kulay na nakukuha sa mga ito, depende sa kanilang lokasyon. Isa-isang binubuksan ang malalaking kabibi at maingat na kinukuha sa mga iyon ang mahalagang fluido, samantalang dinudurog naman sa almires ang maliliit. Yamang napakakaunti ng fluidong makukuha sa bawat kabibi, isang magastos na proseso ang pagtitipon ng marami nito. Kaya naman napakamahal ng tinang ito, at ang mga kasuutang tinina sa purpura ay naging pagkakakilanlan ng mga taong mayayaman o may mataas na katayuan sa lipunan. (Es 8:15; Luc 16:19) Isa pang kabibi (ang cerulean mussel) ang iminumungkahi na pinagkunan ng isang tinang asul.
Napabantog ang sinaunang Tiro dahil sa isang tinang purpura o matingkad na krimson na tinawag na Tyrian o Imperial purple. Bagaman sinasabing gumagamit ang mga taga-Tiro ng isang proseso na dobleng-pagtitina, hindi alam ang eksaktong pormula kung paano napalitaw ang kulay na ito. Maliwanag na ang pantina ay nakuha sa mga muluskong Murex at Purpura, yamang buntun-buntong balat ng kabibi ng Murex trunculus ang natagpuan sa baybayin ng Tiro at sa kapaligiran ng Sidon. Inilalarawan ni Jehova ang lunsod ng Tiro sa Fenicia bilang may lanang tinina sa mamula-mulang purpura at iba pang makukulay na materyales at nangangalakal ng gayong mga bagay.—Eze 27:2, 7, 24; tingnan ang KULAY, MGA.
[Mga larawan sa pahina 1313]
Mga kabibing “Murex”; ang laman ng mga ito ang pinagkunan ng mamahaling tinang purpura