LALAGYAN NG APOY
Ang mga lalagyan ng apoy ay ginamit sa iba’t ibang paraan may kaugnayan sa paglilingkod sa santuwaryo. Lumilitaw na may mga gintong lalagyan ng apoy na pinaglalagyan noon ng mga sunóg na mitsang inalis mula sa mga lampara ng ginintuang kandelero. (Exo 25:38; 37:23; Bil 4:9) Maliwanag na ang mga tansong lalagyan ng apoy para sa altar ng handog na sinusunog ay nagsilbing mga pandakot ng abo o mga kagamitang pangkuha ng mga baga mula sa apoy. (Exo 27:3; 38:3) Ang mga lalagyan ng apoy ay pinagsusunugan din ng insenso. (Lev 10:1) Bawat umaga at sa pagitan ng dalawang gabi, ang mataas na saserdote ay nagpapausok ng mabangong insenso sa ibabaw ng ginintuang altar ng insenso.—Exo 30:7, 8.
Ang mga lalagyan ng apoy at ang iba pang mga kagamitang ginagamit sa kandelero at sa altar ng handog na sinusunog ay kailangang takpan kapag lumilikas ng kampo ang mga Israelita at inililipat ang tabernakulo sa ibang lokasyon sa panahon ng kanilang mga paglalakbay.—Bil 4:9, 14.
Gumawa si Solomon ng ginto at pilak na mga lalagyan ng apoy para sa templo; ang mga plano para sa mga ito ay ibinigay kay David sa pamamagitan ng pagkasi. Posibleng mas magarbo ang mga ito kaysa sa mga lalagyan ng apoy na ginamit sa tabernakulo sa ilang. (1Ha 7:48-50; 1Cr 28:11-19; 2Cr 4:19-22) Binanggit din na may mga lalagyan ng apoy na yari sa tunay na ginto at pilak, na kinuha mula sa templo noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya.—2Ha 25:15; Jer 52:19.
Sa Hebreo 9:4 ay may binabanggit na isang bagay na, kasama ng kaban ng tipan, iniuugnay sa Kabanal-banalan. Sa Griego, tinatawag itong thy·mi·a·teʹri·on. Ang salitang iyan ay tumutukoy sa isang bagay na may kaugnayan sa pagsusunog ng insenso. Ito kaya ang altar ng insenso? Ganiyan ang pinalilitaw ng ilang salin, at ang binabanggit nila bilang suporta rito ay ang paggamit nina Philo at Josephus ng salitang thy·mi·a·teʹri·on upang tumukoy sa altar ng insenso. (NIV, NE, JB, RS) Sabihin pa, wala naman talaga sa loob ng Kabanal-banalan ang altar ng insenso. (Exo 30:1, 6) Sa halip, ito ay nasa labas mismo ng kurtina, o “nasa gawi roon ng kaloob-loobang silid,” gaya ng binanggit sa 1 Hari 6:22. (Ihambing ang Exo 40:3-5.) Sa kabilang dako, ang thy·mi·a·teʹri·on ay wastong maisasalin bilang “insensaryo,” at isang insensaryo ang aktuwal na ipinapasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalan tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev 16:12, 13) Sa Griegong Septuagint, ang salitang thy·mi·a·teʹri·on ay laging ginagamit upang tumukoy sa insensaryo (2Cr 26:19; Eze 8:11, LXX), bagaman ibang salita ang ginamit sa Levitico 16:12 nang inilalarawan ang mga kaganapan tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. Gayunman, ipinahihiwatig ng Judiong Mishnah na nang maglaon, isang pantanging ginintuang insensaryo ang ginamit sa Araw ng Pagbabayad-Sala. (Yoma 4:4; 5:1; 7:4) Kaya naman mas gusto ng ilang tagapagsalin na isalin ang thy·mi·a·teʹri·on bilang “insensaryo.”—NW, CC, Dy, Yg, Da, Kx.
Maling Paggamit. Ginamit ng mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ang kanilang mga lalagyan ng apoy upang maghandog ng kakaibang apoy sa harap ni Jehova at dahil dito’y namatay sila. (Lev 10:1, 2) Sa katulad na paraan, ang mapaghimagsik na 250 lalaki na pinangungunahan ni Kora ay tinupok ng apoy nang dalhin nila ang kanilang mga tansong lalagyan ng apoy sa harap ni Jehova. (Bil 16:16-19, 35, 39) Pinasapitan ng ketong si Haring Uzias habang ilegal na gumagamit ng insensaryo. (2Cr 26:18, 19) Ang 70 matatandang lalaki ng Israel na nakita ni Ezekiel sa pangitain ay gumagamit ng mga insensaryo upang maghandog ng insenso sa mga idolo.—Eze 8:10, 11; tingnan ang INSENSO.