NANINIRAHANG DAYUHAN
Sa malawak na kahulugan nito, ang pangngalang Hebreo na ger ay tumutukoy sa sinumang naninirahan bilang dayuhan sa labas ng kaniyang tinubuang lupain at may limitadong karapatang sibil. Maaaring nakikibahagi siya o hindi sa relihiyosong mga gawain ng mga katutubo ng lupaing tinitirahan niya. Sina Abraham, Isaac, Jacob, at ang kanilang mga inapo ay tinukoy bilang mga naninirahang dayuhan bago sila nabigyan ng legal na karapatang magmay-ari sa Lupang Pangako.—Gen 15:13; 17:8; Deu 23:7.
Kapag tinutukoy ng Bibliya ang isang taong di-lahing Israelita may kaugnayan sa komonwelt ng Israel, ang katawagang “naninirahang dayuhan” ay kumakapit kung minsan sa isa sa mga ito na naging isang proselita o isang ganap na mananamba ni Jehova. Kung minsan naman ay tumutukoy ito sa isang nakikipamayan sa lupain ng Palestina na kontento nang makipanirahan sa mga Israelita, anupat sumusunod sa saligang mga batas ng lupain ngunit hindi niya lubusang tinatanggap ang pagsamba kay Jehova. Ang konteksto ang magpapakita kung aling grupo ang tinutukoy ng terminong ito.
Isinasalin ng Griegong Septuagint ang ger bilang proselita (sa Gr., pro·seʹly·tos) nang mahigit sa 70 ulit. Ipinapalagay ng ilan na kadalasan, ang naninirahang dayuhan ay pumipisan sa isang sambahayang Hebreo ukol sa proteksiyon at waring kinakandili siya roon ngunit hindi bilang isang alipin. Mahihiwatigan ito sa pananalitang “iyong naninirahang dayuhan.”—Deu 5:14; ihambing ang Deu 1:16; gayundin ang Lev 22:10, kung saan ginagamit ang terminong toh·shavʹ, nangangahulugang “nakikipamayan.”
Nang ibigay ang tipang Kautusan sa Bundok Sinai, kalakip doon ang pantanging mga batas na umuugit, sa isang napakamaibiging paraan, sa kaugnayan ng naninirahang dayuhan sa likas na Israelita. Palibhasa’y disbentaha sa kaniya ang pagiging hindi likas na Israelita, ang naninirahang dayuhan ay binibigyan ng pantanging konsiderasyon at proteksiyon sa ilalim ng tipang Kautusan, na naglalaman ng maraming probisyon para sa mahihina at sa mga madaling mapagsamantalahan. Paulit-ulit na itinawag-pansin ni Jehova sa Israel na alam nila mismo ang mga kapighatian ng isang naninirahang dayuhan na wala sa sarili niyang lupain kung kaya dapat nilang ipakita sa mga naninirahang dayuhang kasama nila ang pagkabukas-palad at pagsasanggalang na hindi ipinamalas sa kanila. (Exo 22:21; 23:9; Deu 10:18) Pangunahin na, ang naninirahang dayuhan, lalo na ang proselita, ay dapat pakitunguhang gaya ng isang kapatid.—Lev 19:33, 34.
Bagaman ipinahihintulot ng mga kundisyon ng tipang Kautusan na maging miyembro ng kongregasyon ng Israel ang mga tao mula sa lahat ng bansa kung tatanggapin nila ang tunay na pagsamba kay Jehova at magpapatuli sila, nagtatakda rin ito ng mga eksepsiyon at mga restriksiyon. Halimbawa, hindi makapapasok sa kongregasyon ang mga Ehipsiyo at mga Edomita hanggang sa ikatlong salinlahi, samakatuwid nga, ang ikatlong salinlahi na naninirahan sa lupain ng Israel. (Deu 23:7, 8) Hindi pinapasok sa kongregasyon ang mga anak sa ligaw at ang kanilang mga inapo “hanggang sa ikasampung salinlahi.” (Deu 23:2) Pinagbawalang makapasok ang mga Ammonita at mga Moabita “hanggang sa ikasampung salinlahi . . . hanggang sa panahong walang takda . . . Huwag kang gagawa ukol sa kanilang kapayapaan at sa kanilang kasaganaan sa lahat ng iyong mga araw hanggang sa panahong walang takda.” (Deu 23:3-6) Ang lahat ng restriksiyong ito ay kumakapit sa mga kalalakihan ng mga bansang ito. Gayundin, walang lalaking pinutulan ng kaniyang mga sangkap sa sekso ang maaaring maging miyembro ng kongregasyon.—Deu 23:1.
Ang naninirahang dayuhan na naging tinuling mananamba ay nasa ilalim ng iisang kautusan kasama ng mga Israelita, samakatuwid nga, dapat niyang sundin ang lahat ng kundisyon ng tipang Kautusan. (Lev 24:22) Ang ilang halimbawa nito ay: Kailangan niyang ipangilin ang Sabbath (Exo 20:10; 23:12) at ipagdiwang ang Paskuwa (Bil 9:14; Exo 12:48, 49), ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (Exo 12:19), ang Kapistahan ng mga Sanlinggo (Deu 16:10, 11), ang Kapistahan ng mga Kubol (Deu 16:13, 14), at ang Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 16:29, 30). Maaari siyang maghandog ng mga hain (Bil 15:14) at dapat niyang gawin iyon sa paraang katulad ng itinakda para sa likas na Israelita. (Bil 15:15, 16) Dapat na walang dungis ang kaniyang mga handog (Lev 22:18-20) at dapat niyang dalhin ang mga ito sa pasukan ng tolda ng kapisanan gaya ng ginagawa ng likas na Israelita. (Lev 17:8, 9) Hindi siya maaaring magsagawa ng anumang huwad na pagsamba. (Lev 20:2; Eze 14:7) Kailangan niyang patuluin ang dugo ng hayop na napatay sa pangangaso at lilipulin siya kung kakainin niya iyon nang hindi napatulo ang dugo. (Lev 17:10-14) Maaari siyang mapatawad kasama ng likas na Israel para sa mga kasalanan ng buong komunidad. (Bil 15:26, 29) Kailangan niyang sundin ang mga pamamaraan ukol sa pagpapadalisay, halimbawa, kung naging marumi siya dahil sa paghipo sa bangkay ng tao. (Bil 19:10, 11) Maliwanag na ang naninirahang dayuhan na maaaring bigyan ng bangkay ng hayop na basta na lamang namatay ay yaong hindi naging ganap na mananamba ni Jehova.—Deu 14:21.
Sa mga hudisyal na usapin, ang naninirahang dayuhan ay dapat tumanggap ng katarungang walang pagtatangi sa mga kasong kinasasangkutan ng isang likas na Israelita. (Deu 1:16, 17) Hindi siya dapat dayain o isailalim sa baluktot na kahatulan. (Deu 24:14, 17) Isinusumpa ang mga hindi nakikitungo nang makatarungan sa mga naninirahang dayuhan. (Deu 27:19) Ang naninirahang dayuhan at ang nakikipamayan, gaya rin ng likas na Israelita, ay maaaring tumakas patungo sa mga kanlungang lunsod para sa nakapatay nang di-sinasadya.—Bil 35:15; Jos 20:9.
Ang mga naninirahang dayuhan, yamang wala silang lupaing mana, ay maaaring mga mangangalakal o mga upahang trabahador. Ang ilan ay mga alipin. (Lev 25:44-46) Posible silang yumaman. (Lev 25:47; Deu 28:43) Gayunman, sa pangkalahatan, ibinilang sila ng Kautusan sa uring dukha at nagtakda ito ng mga kaayusan upang maipagsanggalang at mapaglaanan sila. Halimbawa, maaaring makibahagi ang naninirahang dayuhan sa mga ikapung inilalaan tuwing ikatlong taon. (Deu 14:28, 29; 26:12) Ang mga himalay ng bukid at ng ubasan ay dapat iwan para sa kaniya. (Lev 19:9, 10; 23:22; Deu 24:19-21) Maaari siyang makinabang sa anumang tutubo sa panahon ng mga taon ng Sabbath. (Lev 25:6) Bilang isang upahang trabahador, bibigyan siya ng proteksiyong kapantay niyaong sa katutubong Israelita. Maaaring ipagbili ng isang dukhang Israelita ang kaniyang sarili sa isang mayamang naninirahang dayuhan. Sa ganitong kaso, ang Israelita ay dapat pakitunguhan nang may kabaitan, gaya ng isang upahang trabahador, at maaari siyang tubusin kailanman, marahil ay ng kaniyang sarili o ng isang kamag-anak o kaya, sa pinakamatagal na, palalayain siya sa ikapitong taon ng kaniyang paglilingkod o sa Jubileo.—Lev 25:39-54; Exo 21:2; Deu 15:12.
Noong kapanahunan ng mga hari, nanatili ang mabuting kaugnayan sa pagitan ng mga naninirahang dayuhan at ng mga Israelita. Noong panahon ng pagtatayo ng templo sa Jerusalem, kinuha sila bilang mga trabahador sa konstruksiyon. (1Cr 22:2; 2Cr 2:17, 18) Nang kumilos si Haring Asa upang isauli ang tunay na pagsamba sa Juda, nagtipon sa Jerusalem ang mga naninirahang dayuhan mula sa buong Lupang Pangako kasama ng likas na mga Israelita, sa layuning pumasok nang magkakasama sa isang pantanging tipan upang hanapin si Jehova nang kanilang buong puso at kaluluwa. (2Cr 15:8-14) Matapos namang linisin ni Haring Hezekias ang templo, idineklara niya na ipagdiwang ang Paskuwa sa Jerusalem sa ikalawang buwan. Pinadalhan niya ng paanyaya ang buong Israel, at maraming naninirahang dayuhan ang tumugon.—2Cr 30:25.
Pagkatapos na maisauli ang nalabi ng mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya, muli nilang nakasama sa tunay na pagsamba sa templo ang mga naninirahang dayuhan, na binubuo ng mga grupong gaya ng mga Netineo (nangangahulugang “Mga Ibinigay”), mga alipin, mga bihasang mang-aawit na lalaki at babae, at mga anak ng mga lingkod ni Solomon. Kabilang sa mga Netineo ang mga Gibeonitang inatasan ni Josue sa permanenteng paglilingkod sa templo. (Ezr 7:7, 24; 8:17-20; Jos 9:22-27) Hanggang sa huling pagbanggit sa kanila, ang mga naninirahang dayuhang ito ay nanatiling matapat na mga tagapagtaguyod ng tunay na pagsamba kay Jehova, anupat naglingkod kasama ng nalabi ng tapat na mga likas na Israelita na bumalik mula sa Babilonya. (Ne 11:3, 21) Noong yugto pagkatapos ng pagkatapon, muling inilahad ng mga propeta ni Jehova ang mga simulain ng tipang Kautusan na nagsasanggalang sa mga karapatan ng naninirahang dayuhan.—Zac 7:10; Mal 3:5.
Inihula ng propetang si Ezekiel ang isang panahon na doo’y tatanggap ng mana sa lupain ang naninirahang dayuhan tulad ng isang katutubo sa gitna ng mga anak ni Israel. (Eze 47:21-23) Nang dumating si Jesu-Kristo, ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa mga Judio at mga proselita, at ang mga ito ay kapuwa maaaring maging mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Pagkatapos, noong panahon ni Cornelio (36 C.E.), isang di-tuling Gentil at ang sambahayan nito ang tinanggap ni Jehova, anupat tumanggap sila ng mga kaloob ng espiritu. (Gaw 10) Mula noon, ang di-tuling mga Gentil, pagkatanggap nila kay Kristo, ay tinatanggap na sa kongregasyong Kristiyano, “kung saan walang Griego ni Judio, pagtutuli ni di-pagtutuli, banyaga, Scita, alipin, taong laya, kundi si Kristo ang lahat ng bagay at nasa lahat.” (Col 3:11; Gal 3:28) Inilalarawan ng Apocalipsis 7:2-8 ang espirituwal na Israel bilang binubuo ng 12 tribo na tig-12,000 bawat isa. Pagkatapos nito, binabanggit ng mga talata 9 hanggang 17 ang isang malaking pulutong na hindi mabilang ng sinumang tao, mga taong mula sa lahat ng mga bansa, mga tribo, mga bayan, at mga wika na nagbubunyi sa nakaluklok na Hari at sa kaniyang Kordero at tumatanggap ng lingap at proteksiyon ng Diyos.
Ang Nakikipamayan [Settler]. Ang nakikipamayan ay isang tao na tumatahan sa hindi niya sariling lupain o bansa. Ang salitang Hebreo para sa nakikipamayan (toh·shavʹ) ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na ya·shavʹ, nangangahulugang “manahanan.” (Gen 20:15) Maliwanag na naging mga proselita ang ilan sa mga nakikipamayan noon sa Israel; ang iba naman ay kontento nang makipanahanan sa mga Israelita at sumunod sa saligang mga batas ng lupain ngunit hindi sila naging mga mananamba ni Jehova gaya ng mga tinuling proselita. Ang nakikipamayan ay naiiba sa banyaga, na karaniwa’y hindi pumipirmi at pinagpapakitaan lamang ng pagkamapagpatuloy na kadalasang iniuukol sa mga panauhin sa Silangan.
Ang nakikipamayan na isang di-tuling nananahanan sa lupain ay hindi maaaring kumain ng Paskuwa o ng anumang bagay na banal. (Exo 12:45; Lev 22:10) Kapag taon ng Sabbath at taon ng Jubileo, nakikinabang siyang kasama ng mga naninirahang dayuhan at ng mga dukha yamang maaari siyang makibahagi sa anumang ibinunga ng lupain. (Lev 25:6, 12) Siya o ang kaniyang supling ay maaaring bilhin ng mga Israelita bilang mga alipin at ipamana bilang permanenteng mana anupat walang karapatang tumubos o benepisyong mapalaya sa Jubileo. (Lev 25:45, 46) Sa kabilang dako, maaaring ipagbili ng isang Israelita ang kaniyang sarili bilang alipin sa isang nakikipamayan o sa mga miyembro ng pamilya nito, anupat nasa kaniya ang karapatang tumubos sa anumang panahon, gayundin ang paglaya sa kaniyang ikapitong taon ng pagkaalipin o sa Jubileo.—Lev 25:47-54; Exo 21:2; Deu 15:12.
Bagaman ang likas na mga Israelita lamang ang nagkaroon ng minanang pag-aari sa lupain, si Jehova ang talagang may-ari nito at maaari niya silang ilagay o alisin sa lupain ayon sa kaniyang layunin. May kinalaman sa pagbebenta ng lupain, sinabi niya: “Kaya ang lupain ay hindi ipagbibili nang panghabang-panahon, sapagkat ang lupain ay akin. Sapagkat kayo ay mga naninirahang dayuhan at mga nakikipamayan ayon sa aking pangmalas.”—Lev 25:23.
“Ibang Tao” o “Taga-ibang Bayan” [Stranger]. Maliwanag na ang salitang Hebreo para sa “ibang tao” o “taga-ibang bayan” (zar) ay nagmula sa salitang-ugat na zur, na nangangahulugang “umiwas; málayô” (Aw 78:30; 69:8) at sa gayon ay may saligang kahulugan na “isa na lumalayo o umaalis.”—Theological Dictionary of the Old Testament, inedit nina G. Botterweck at H. Ringgren, 1980, Tomo 4, p. 53.
Ang mga indibiduwal ay itinuturing na “ibang mga tao” kung hindi sila bahagi ng pamilya ni Aaron at ng tribo ni Levi, at kapit ito sa likas na Israelita at sa naninirahang dayuhan, gayundin sa lahat ng iba pang mga tao. Sa pamilya ni Aaron ipinagkatiwala ng Kautusan ang makasaserdoteng mga tungkulin (Exo 28:1-3), at sa pangkalahatan, sa tribo naman ni Levi iniatas ang iba pang mga gawain sa templo. (Bil 1:49, 50, 53) Ang lahat ng iba pang mga indibiduwal, kabilang na ang likas na mga Israelita mula sa 12 di-Levitikong tribo, ay inihalintulad sa “ibang mga tao” kung tungkol sa ilang gawain ng tribo ni Levi. (Exo 29:33, tlb sa Rbi8, “‘di-Aaronita,’ samakatuwid nga, isang tao na hindi nagmula sa pamilya ni Aaron”; panggilid ng KJ, “bawat isa na hindi Levita”; Bil 3:38, tlb sa Rbi8, “samakatuwid nga, isang di-Levita”; JB, “karaniwang tao.” Tingnan din ang Lev 22:10; Bil 3:10.) Depende sa konteksto, ang karamihan ng paglitaw ng “ibang tao” sa Pentateuch ay tumutukoy sa sinumang hindi nagmula sa pamilya ni Aaron o sa tribo ni Levi, sapagkat hindi siya inatasan ng makasaserdote o ministeryal na mga pribilehiyo at mga tungkulin.
Ang “ibang tao” (di-Aaronita) ay hindi maaaring kumain ng hain ukol sa pagtatalaga (Exo 29:33), pahiran ng banal na langis na pamahid (Exo 30:33), o kumain ng anumang bagay na banal (Lev 22:10). Ang isang di-Aaronitang “ibang tao” ay hindi maaaring gumanap sa anumang tungkulin ng saserdote. (Bil 3:10; 16:40; 18:7) Ang isang di-Levitang “ibang tao,” samakatuwid nga, kahit yaong mga nagmula sa alinman sa iba pang 12 tribo, ay hindi maaaring lumapit sa tabernakulo upang isaayos ito o ukol sa anumang layunin maliban kung maghahandog siya ng mga hain o kung lalapit siya sa mga saserdote sa pintuang-daan ng tolda ng kapisanan. (Lev 4:24, 27-29) Ang anak na babae ng isang saserdote na nag-asawa ng isang di-Aaronitang “ibang tao” ay hindi maaaring kumain mula sa abuloy na mga banal na bagay, gayundin ang kaniyang asawang “ibang tao.”—Lev 22:12, 13.
Ang salitang ‘ibang tao’ o “di-kilala” ay ikinapit din sa mga lumihis mula sa bagay na kasuwato ng Kautusan kung kaya napahiwalay sila kay Jehova. Kaya naman ang patutot ay tinutukoy bilang “babaing di-kilala.” (Kaw 2:16; 5:17; 7:5) Kapuwa ang mga mananamba ng huwad na mga diyos at ang mga bathala mismo ay tinatawag na “mga taga-ibang bayan.”—Jer 2:25; 3:13.
Sa Hebreong Kasulatan, tinutukoy rin ang mga indibiduwal na hindi kakilala ng isa, o ang mga banyaga, bilang “ibang mga tao.”—1Ha 3:18; Job 19:15.
Mga simulaing Kristiyano may kinalaman sa “ibang mga tao.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pag-ibig sa “ibang tao” (sa Gr., xeʹnos; sa Ingles, stranger) ay mariing itinatampok bilang isang katangian na dapat ipakita ng Kristiyano. Sinabi ng apostol na si Pablo: “Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy [sa Gr., phi·lo·xe·niʹas, “pagkagiliw sa ibang mga tao”], sapagkat sa pamamagitan nito ang ilan, nang hindi nila namamalayan, ay nag-asikaso sa mga anghel.” (Heb 13:2) Binanggit ni Jesus na ang pagkamapagpatuloy na ipinakita sa kaniyang mga kapatid, bagaman ang mga ito noong panahong iyon ay waring mga taga-ibang bayan o hindi kakilala, ay itinuturing niya na sa kaniya ipinakita. (Mat 25:34-46) Sumulat ang apostol na si Juan anupat pinapurihan niya si Gayo sa mabubuting gawa na ipinakita nito sa mga lalaking Kristiyano, kung tutuusin ay “ibang mga tao” kay Gayo, na isinugo upang dalawin ang kongregasyong kinaaaniban ni Gayo, at hinatulan naman ni Juan si Diotrepes, na hindi nagpakita ng paggalang sa mga ito.—3Ju 5-10; 1Ti 5:10.
Ang mga Kristiyano ay tinatawag na “mga dayuhan” at “mga pansamantalang naninirahan” sa diwa na hindi sila bahagi ng sanlibutang ito. (Ju 15:19; 1Pe 1:1) Mga dayuhan sila sapagkat hindi sila nakikiayon sa mga gawain ng sanlibutang napopoot sa Diyos. (1Pe 2:11) Sa pamamagitan ni Kristo, yaong mga nagmula sa mga bansang Gentil, na dating “mga taga-ibang bayan sa mga tipan ng pangako,” walang pag-asa at “walang Diyos sa sanlibutan,” ay ‘hindi na mga taga-ibang bayan at mga naninirahang dayuhan,’ kundi naging “mga kapuwa mamamayan ng mga banal at mga miyembro ng sambahayan ng Diyos.” (Efe 2:11, 12, 19) Sa katulad na paraan, ang “ibang mga tupa” na sinabi ni Jesus na titipunin niya upang isama sa “isang kawan” ay lumalagay sa posisyong hiwalay sa sanlibutan, anupat taglay nila ang lingap ng Diyos at ang pag-asang buhay.—Ju 10:16; Mat 25:33, 34, 46; ihambing ang Apo 7:9-17.
Ang isa na nagtatangkang magtipon ng relihiyosong mga tagasunod para sa kaniyang sarili ay tinutukoy ni Kristo bilang “isang magnanakaw” at “ibang tao,” isa na mapanganib para sa “mga tupa” ni Kristo, at itinuturing na bulaang pastol. Hindi kikilalanin ng tunay na “mga tupa” ni Jesus ang tinig ng isang bulaang pastol, kung paanong nanatiling hiwalay ang tapat na mga Israelita mula sa banyaga na nagtaguyod ng kakaibang mga diyos.—Ju 10:1, 5; tingnan ang BANYAGA.