ARALING ARTIKULO 49
“May Takdang Panahon” Para Magtrabaho at Magpahinga
“Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.”—MAR. 6:31.
AWIT 143 Patuloy na Magbantay at Maghintay
NILALAMANa
1. Ano-ano ang pananaw ng mga tao sa trabaho?
SA LUGAR ninyo, ano ang pananaw ng mga tao sa trabaho? Sa maraming bansa, subsob ang mga tao sa trabaho. Hindi na sila makapagpahinga, at wala na silang panahon sa pamilya o sa Diyos. (Ecles. 2:23) May iba naman na ayaw talagang magtrabaho at nagdadahilan para makaiwas dito.—Kaw. 26:13, 14.
2-3. Anong halimbawa pagdating sa pagtatrabaho ang ipinakita ni Jehova at ni Jesus?
2 Hindi balanse ang pananaw ng karamihan pagdating sa trabaho, pero hindi ganiyan si Jehova at si Jesus. Alam natin na gustong-gusto ni Jehova na magtrabaho. Nilinaw iyan ni Jesus: “Ang Ama ko ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, kaya patuloy rin akong gumagawa.” (Juan 5:17) Isipin ang lahat ng ginawa ng Diyos nang lalangin niya ang napakaraming anghel at ang napakalawak na uniberso. Makikita rin sa planeta natin ang magagandang ginawa ng Diyos. Kaya naman sinabi ng salmista: “Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova! Lahat ng iyon ay ginawa mo nang may karunungan. Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo.”—Awit 104:24.
3 Tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama. Tumulong ang Anak “nang ihanda [ng Diyos] ang langit.” Kasama siya ni Jehova bilang “isang dalubhasang manggagawa.” (Kaw. 8:27-31) Noong nasa lupa na si Jesus, naging mahusay rin siya sa paggawa. Gaya ito ng pagkain para sa kaniya, at ang mga ginawa niya ay nagpatunay na isinugo siya ng Diyos.—Juan 4:34; 5:36; 14:10.
4. Ano ang matututuhan natin kay Jehova at kay Jesus tungkol sa pagpapahinga?
4 Dahil masipag si Jehova at si Jesus, ibig bang sabihin, hindi na tayo puwedeng magpahinga? Hindi naman. Hindi napapagod si Jehova, kaya hindi niya kailangang magpahinga. Pero sinasabi ng Bibliya na “nagpahinga” si Jehova pagkatapos niyang lalangin ang langit at lupa. (Ex. 31:17) Lumilitaw na ang ibig sabihin nito ay tumigil si Jehova sa paggawa para tingnan ang mga nilalang niya at masiyahan dito. At kahit nagtrabaho nang husto si Jesus noong nandito siya sa lupa, tiniyak niya na may panahon siya para magpahinga at kumaing kasama ng mga kaibigan niya.—Mat. 14:13; Luc. 7:34.
5. Saan nahihirapan ang marami?
5 Pinapayuhan ng Bibliya ang mga lingkod ng Diyos na masiyahan sa pagtatrabaho. Dapat silang maging masipag at hindi tamad. (Kaw. 15:19) Baka nagtatrabaho ka para suportahan ang pamilya mo. At may pananagutan ang lahat ng alagad ni Kristo na ipangaral ang mabuting balita. Pero kailangan mo pa rin ng sapat na pahinga. Minsan ba nahihirapan kang balansehin ang panahon mo sa trabaho, ministeryo, at pahinga? Paano natin malalaman kung gaano karaming panahon ang ilalaan natin sa trabaho at pahinga?
MAGING BALANSE
6. Paano ipinapakita ng Marcos 6:30-34 na balanse ang pananaw ni Jesus sa trabaho at pahinga?
6 Mahalagang maging balanse sa pagtatrabaho. Isinulat ni Haring Solomon: “May takdang panahon . . . para sa bawat gawain.” Binanggit niya ang pagtatanim, pagtatayo, pag-iyak, pagtawa, pagsasayaw, at iba pang gawain. (Ecles. 3:1-8) Maliwanag, mahalagang bahagi ng buhay ang trabaho at pahinga. Si Jesus ay may balanseng pananaw pagdating sa mga ito. Minsan, pagbalik ng mga apostol galing sa pangangaral, naging sobrang abala sila at “wala man lang silang panahon para kumain.” Sinabi ni Jesus: “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.” (Basahin ang Marcos 6:30-34.) Hindi man sila laging nakakapagpahinga, alam ni Jesus na kailangan nila iyon.
7. Ano ang matututuhan natin sa batas sa Sabbath?
7 Minsan, kailangan talaga natin ng pahinga o ng pagbabago sa rutin. Makikita natin iyan sa isang kaayusan na ginawa ng Diyos para sa bayan niya noon—ang lingguhang Sabbath. Wala na tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, pero may matututuhan tayo sa sinasabi nito tungkol sa Sabbath. Makakatulong ito sa atin na masuri ang pananaw natin sa trabaho at pahinga.
SABBATH—PANAHON NG PAHINGA AT PAGSAMBA
8. Ayon sa Exodo 31:12-15, para saan ang araw ng Sabbath?
8 Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos ng anim na “araw” ng paglalang, tumigil ang Diyos sa paggawa ng mga bagay sa lupa. (Gen. 2:2) Pero gustong-gusto ni Jehova na magtrabaho, at “patuloy [siyang] gumagawa” sa ibang paraan. (Juan 5:17) Ang kaayusan ng lingguhang Sabbath ay katulad ng araw ng kapahingahan ni Jehova na binanggit sa Genesis. Sinabi ng Diyos na ang Sabbath ay isang tanda sa pagitan niya at ng Israel. Ito ay “isang espesyal na araw ng pamamahinga” at “banal para kay Jehova.” (Basahin ang Exodo 31:12-15.) Bawal magtrabaho ang lahat, pati ang mga bata, alipin, at alagang hayop. (Ex. 20:10) Dahil dito, mas nakapagpokus ang bayan sa espirituwal na mga bagay.
9. Noong panahon ni Jesus, ano ang maling pananaw ng ilang tao tungkol sa Sabbath?
9 Nakabuti ang araw ng Sabbath sa bayan ng Diyos; pero noong panahon ni Jesus, maraming lider ng relihiyon ang naging napakahigpit dito. Ipinagbawal nila kahit ang pagpitas ng mga uhay ng butil o ang pagpapagaling ng maysakit kapag Sabbath. (Mar. 2:23-27; 3:2-5) Pero hindi iyan ang gusto ng Diyos, at nilinaw ito ni Jesus sa mga nakikinig sa kaniya.
10. Ano ang matututuhan natin sa Mateo 12:9-12 tungkol sa pananaw ni Jesus sa Sabbath?
10 Sinunod ni Jesus at ng mga tagasunod niyang Judio ang batas sa Sabbath dahil nasa ilalim sila ng Kautusang Mosaiko.b Pero ipinakita ni Jesus sa salita at gawa na hindi maling gumawa ng mabubuting bagay at tumulong sa iba tuwing Sabbath. Sinabi niya: “Puwedeng gumawa ng mabuti kapag Sabbath.” (Basahin ang Mateo 12:9-12.) Hindi niya inisip na pagsuway sa Sabbath ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba. Makikita sa mga ginawa niya ang mahalagang dahilan kung bakit may Sabbath. Mas nakakapagpokus ang bayan ng Diyos sa espirituwal na mga bagay dahil hindi sila nagtatrabaho sa araw na ito. Malamang na ginamit ng pamilya ni Jesus ang araw ng Sabbath para sa pagsamba sa Diyos. Nalaman natin iyan mula sa ulat tungkol kay Jesus nang nasa Nazaret siya: “Gaya ng nakagawian [ni Jesus] tuwing araw ng Sabbath, pumasok siya sa sinagoga at tumayo para magbasa.”—Luc. 4:15-19.
ANO ANG PANANAW MO SA PAGTATRABAHO?
11. Sino ang naging mabuting halimbawa kay Jesus pagdating sa pagtatrabaho?
11 Siguradong itinuro ni Jose kay Jesus ang pananaw ng Diyos sa pagtatrabaho habang tinuturuan niya si Jesus na magkarpintero. (Mat. 13:55, 56) At tiyak na nakita ni Jesus na masipag na nagtrabaho si Jose araw-araw para masuportahan ang malaking pamilya nila. Sinabi pa nga ni Jesus sa mga alagad niya: “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.” (Luc. 10:7) Talagang alam ni Jesus na mahalaga ang pagiging masipag sa trabaho.
12. Anong mga teksto ang nagpapakita ng pananaw ng Bibliya sa pagtatrabaho?
12 Ganiyan din si apostol Pablo. Pangunahin kay Pablo ang pangangaral tungkol kay Jesus at sa mga itinuro niya. Pero nagtrabaho rin si Pablo para suportahan ang sarili niya. Alam ng mga taga-Tesalonica na “gabi’t araw [siyang] nagtrabaho at nagpakahirap para hindi [niya] mapabigatan ang sinuman.” (2 Tes. 3:8; Gawa 20:34, 35) Malamang na ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang trabaho niya bilang manggagawa ng tolda. Habang nasa Corinto, tumuloy siya sa bahay nina Aquila at Priscila at “nagtrabahong kasama nila,” dahil “pare-pareho silang gumagawa ng tolda.” Nang sabihin ni Pablo na nagtrabaho siya nang “gabi’t araw,” hindi naman niya sinasabing hindi na siya tumigil sa pagtatrabaho. Nagpapahinga rin siya, halimbawa kapag Sabbath. Ginagamit niya ang araw na ito para mangaral sa mga Judio, na hindi rin nagtatrabaho kapag Sabbath.—Gawa 13:14-16, 42-44; 16:13; 18:1-4.
13. Ano ang matututuhan natin kay Pablo?
13 Mabuting halimbawa si apostol Pablo. Kailangan niyang magtrabaho, pero tiniyak niyang regular din siya “sa banal na gawain ng paghahayag ng mabuting balita ng Diyos.” (Roma 15:16; 2 Cor. 11:23) Pinatibay niya ang iba na gawin din iyon. Kaya sina Aquila at Priscila ay tinukoy rin bilang “mga kamanggagawa [ni Pablo] kay Kristo Jesus.” (Roma 12:11; 16:3) Pinasigla ni Pablo ang mga taga-Corinto na maging “laging abala sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58, tlb.; 2 Cor. 9:8) Ginabayan pa nga ni Jehova si apostol Pablo na isulat: “Kung ayaw magtrabaho ng isang tao, huwag siyang pakainin.”—2 Tes. 3:10.
14. Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus sa Juan 14:12?
14 Ang pinakamahalagang gawain sa mga huling araw na ito ay ang pangangaral at paggawa ng alagad. Ang totoo, inihula ni Jesus na ang gagawin ng mga alagad niya ay makahihigit sa mga ginawa niya! (Basahin ang Juan 14:12.) Hindi naman ibig sabihin nito na makakagawa tayo ng himala gaya niya, kundi nangangahulugan ito na makakapangaral at makakapagturo ang mga tagasunod niya sa mas maraming lugar, sa mas maraming tao, at sa mas mahabang panahon.
15. Ano-anong tanong ang dapat nating pag-isipan, at bakit?
15 Kung may trabaho ka, pag-isipan ang mga ito: ‘Kilala ba akong masipag sa trabaho? Naaabot ko ba ang mga deadline? Ginagawa ko ba ang buong makakaya ko?’ Kung oo, malamang na pagtiwalaan ka ng boss mo. Malamang din na pakinggan ng mga katrabaho mo ang mabuting balita. Pagdating naman sa pangangaral at pagtuturo, pag-isipan ang mga ito: ‘Kilala ba akong masipag sa ministeryo? Naghahanda ba ako para sa unang pag-uusap? Bumabalik ba ako agad sa mga nagpakita ng interes? At regular ba akong nakikibahagi sa iba’t ibang anyo ng pangangaral?’ Kung oo, magiging masaya ka sa ministeryo.
ANO ANG PANANAW MO SA PAGPAPAHINGA?
16. Ano ang pananaw ni Jesus at ng kaniyang mga apostol sa pahinga, at paano ito naiiba sa pananaw ng karamihan ngayon?
16 Alam ni Jesus na kung minsan, kailangan niya at ng kaniyang mga apostol ng pahinga. Pero maraming tao noon at ngayon ang gaya ng mayamang lalaki sa ilustrasyon ni Jesus. Sinabi ng lalaki sa sarili niya: “Magpasarap ka na lang sa buhay, kumain, uminom, at magpakasaya.” (Luc. 12:19; 2 Tim. 3:4) Pinakamahalaga sa kaniya ang pahinga at pagpapasarap sa buhay. Pero hindi iyan ang pinakamahalaga kay Jesus at sa mga apostol.
17. Paano natin ginagamit ang mga panahong wala tayong pasok?
17 Sinisikap nating tularan si Jesus kapag ginagamit natin ang mga panahong wala tayong pasok, hindi lang para magpahinga, kundi para mangaral at dumalo sa pulong. Napakahalaga sa atin ng mga ito, kaya ginagawa natin ang lahat para maging regular sa mga gawaing ito. (Heb. 10:24, 25) Kahit nasa bakasyon, dumadalo pa rin tayo sa pulong at naghahanap ng pagkakataon para makapagpatotoo.—2 Tim. 4:2.
18. Ano ang gusto ng ating Hari, si Kristo Jesus, na gawin natin?
18 Talagang nagpapasalamat tayo na makatuwiran ang ating Hari, si Kristo Jesus, at tinutulungan niya tayong maging balanse sa pahinga at trabaho. (Heb. 4:15) Gusto niyang magkaroon tayo ng sapat na pahinga. Gusto niya ring maging masipag tayo sa trabaho para masuportahan ang sarili natin, at gusto niyang maging regular tayo sa paggawa ng alagad. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang ginawa ni Jesus para mapalaya tayo mula sa isang uri ng pagkaalipin.
AWIT 38 Tutulungan Ka Niya
a Itinuturo sa atin ng Kasulatan kung paano magiging balanse sa pagtatrabaho at pagpapahinga. Gamit ang lingguhang Sabbath ng mga Israelita noon, tutulungan tayo ng artikulong ito na masuri ang pananaw natin sa trabaho at pahinga.
b Napakalaki ng paggalang ng mga alagad sa batas sa Sabbath kaya huminto sila sa paghahanda ng mabangong langis at iba pang sangkap para sa katawan ni Jesus hanggang sa matapos ang araw ng Sabbath.—Luc. 23:55, 56.
c LARAWAN: Isinasama ni Jose ang pamilya niya sa sinagoga sa araw ng Sabbath.
d LARAWAN: Isang ama na nagtatrabaho para suportahan ang pamilya niya; ginagamit niya ang panahong wala siyang pasok para sa teokratikong gawain, kahit nasa bakasyon sila ng pamilya niya.