“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
1. Papaano ipinakikilala ng Bibliya ang May-akda nito, at anong uri ng kaalaman ang inilalaan ng mga Kasulatan?
“LAHAT ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” Ang mga salitang ito sa 2 Timoteo 3:16 ay nagpapakilala sa Diyos, na ang pangala’y Jehova, bilang May-akda at Maykasi ng Banal na Kasulatan. Tunay na kalugud-lugod ang mga kinasihang Kasulatan! Kagila-gilalas ang bangan ng tunay na kaalaman na inilalaan nito! Ito na nga ang “mismong kaalaman ng Diyos” na sa simula pa’y pinakamimithi at pinakamamahal na ng mga umiibig sa katuwiran.—Kaw. 2:5.
2. Papaano pinahalagahan nina Moises, David, at Solomon ang maka-diyos na karunungan?
2 Isa na nagmithi sa kaalamang ito ay si Moises, nakikitang pinunò at organisador ng bayan ng Diyos na Israel, na nagsabing ang aral ng Diyos ay nagpapaginhawa na “gaya ng hamog, gaya ng marahang ulan sa damo at gaya ng saganang ambon sa halaman.” Naroon din si David, magiting na mandirigma at tagapagtanggol ng pangalan ni Jehova, na nanalangin: “O Jehova, ituro mo sa akin ang iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan.” Naroon ang mapayapang si Solomon, maygawa ng isa sa pinakamaluwalhating gusali na naitayo sa lupa, ang bahay ni Jehova sa Jerusalem, na nagpahalaga sa maka-diyos na karunungan sa mga salitang: “Ang pakinabang nito ay higit pa kaysa pilak at higit pang pagtutubuan kaysa dalisay na ginto. Mahalaga pa ito kaysa mga hiyas, at lahat na maaaring nasain ay hindi maihahalintulad dito.”—Deut. 32:2; Awit 86:11; Kaw. 3:14, 15.
3. Anong halaga ang iniuukol ni Jesus at ng Diyos mismo sa salita ng Diyos?
3 Si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay nag-ukol ng pinakamataas na halaga sa salita ng Diyos sa pagsasabing, “Ang salita mo’y katotohanan.” Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo nga’y tunay na mga alagad ko, at makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 17:17; 8:31, 32) Makapangyarihan ang salitang tinanggap ni Jesus sa kaniyang Ama. Salita ito ng Diyos. Pagkaraan ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli at pag-akyat sa kanang kamay ni Jehova, higit pang nagpahayag si Jesus tungkol sa salitang ito, kalakip ang kalugud-lugod na paglalarawan ng mga pagpapala ng Diyos sa Paraiso. Pagkatapos, ay inutusan ng Diyos si apostol Juan: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Lahat ng salita sa kinasihang Kasulatan ay “tapat at totoo,” at may di-masukat na pakinabang sa mga tatalima rito.—Apoc. 21:5.
4. Sa ano kapaki-pakinabang ang kinasihang Kasulatan?
4 Papaano darating ang mga pagpapalang ito? Ang buong pangungusap ni apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:16, 17 ay sumasagot: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa bawat mabuting gawa.” Kaya ang kinasihang Kasulatan ay pakikinabangan sa pagtuturo ng tamang doktrina at wastong paggawi, pagtutuwid sa isipan at buhay, at pagsaway at pagdisiplina upang tayo’y makalakad nang may kapakumbabaan sa katotohanan at katuwiran. Sa pagpapasakop sa Salita ng Diyos, tayo’y nagiging “kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Wala nang mas dakilang pribilehiyo sa lupa ngayon kaysa pagiging-abala sa gawain ng Diyos bilang ‘ganap at lubos na nasasangkapang lingkod ng Diyos.’
MATATAG NA SALIGAN SA PANANAMPALATAYA
5. Ano ang pananampalataya, at papaano lamang ito makakamit?
5 Kailangan ang pananampalataya upang maging kamanggagawa ng Diyos. Hindi ito dapat ipagkamali sa pagka-mapaniwalain na palasak ngayon. Marami ang may-akalang sapat na ang alinmang paniwala—panatismo, makasiyentipiko, o makapilosopo. Gayunman, ang lingkod ng Diyos ay dapat “manghawakan sa uliran ng mga salitang magagaling . . . lakip ang pananampalataya at pag-ibig na kaugnay ni Kristo Jesus.” (2 Tim. 1:13) Ito ay dapat na maging tunay at buháy, pagkat “ang pananampalataya ay ang tiyak na paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na kapahayagan ng mga katunayang hindi nakikita.” Dapat itong mag-ugat sa matatag na paniwala sa Diyos at sa mga gantimpala sa magbibigay-lugod sa kaniya. (Heb. 11:1, 6) Ito ay makakamit lamang sa masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Nakasalig ito sa taimtim na pag-ibig sa Bibliya at sa Diyos ng Bibliya, si Jehova, at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Iisa lamang ang ganitong buháy na pananampalataya, kung papaanong may iisa lamang Panginoon, si Jesu-Kristo, at isang Diyos at Ama ng lahat, si Jehova.—Efe. 4:5, 6.
6. Ano ang katangian ng tunay na pananampalataya?
6 Dapat alamin kung ano ang Salita ng Diyos at kung saan ito galing, sampu ng autoridad at layunin nito at ang kapangyarihan nito ukol sa katuwiran. Sa pagpapahalaga sa maluwalhating mensahe nito, ay magkakaroon tayo ng pananampalataya. Isa pa, matututuhan natin na pakamahalin ang Bibliya at ang May-akda nito anupat walang makapipigil sa pananampalataya at pag-ibig na ito. Ang mga Kasulatan, na naglalakip sa mga salita ni Jesu-Kristo, ang talagang nagtatatag ng matibay na saligan ukol sa pananampalataya. Ang tunay na pananampalataya ay papasá sa pagsusuri at mahigpit na pagsubok, pag-uusig, sa materyalistikong tukso at pilosopiya ng isang lipunang walang-diyos. Magtatagumpay ito hanggang sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. “Ito ang pagtatagumpay na mananaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.”—1 Juan 5:4.
7. Ano ang gantimpala sa pagkasumpong ng karunungan ng Bibliya?
7 Upang makamit at maingatan ang pananampalataya, dapat patibayin ang pag-ibig at pagpapahalaga sa Salita ng Diyos, ang kinasihang Kasulatan. Ito ang natatanging kaloob ng Diyos sa tao, isang bangan ng espirituwal na kayamanan na ang karunungan ay hindi matarok at ang puwersa sa pagbibigay-liwanag at pagpapasigla sa katuwiran ay nakahihigit sa lahat ng aklat na napasulat. Habang lumalalim ang ating paghuhukay sa kaalaman ng Salita ng Diyos, mapapabulalas tayo gaya ni apostol Pablo: “O kalaliman ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” Ang pagkilala sa kinasihang Kasulatan at sa May-akda nito ay pagpasok sa landas ng walang-hanggang kagalakan at kaluguran.—Roma 11:33; Awit 16:11.
SI JEHOVA—DIYOS NA NAKIKIPAGTALASTASAN
8. (a) Bakit tayo dapat magpasalamat na si Jehova ay isang Diyos na nakikipagtalastasan? (b) Papaano siya naiiba sa mga demonyong diyos?
8 Nagpahayag si David hinggil sa kaluwalhatian ng pangalan ni Jehova: “Ikaw ay dakila at gumagawa ng kagila-gilalas na mga bagay; ikaw ang Diyos, ikaw lamang.” (Awit 86:10) Si Jehova ay marami nang nagawang “kagila-gilalas na bagay” para sa tao, kabilang na ang pagpapahayag ng kaniyang Salita. Oo, si Jehova ay Diyos na nakikipagtalastasan, na maibiging nagpapahayag ng sarili sa kapakanan ng kaniyang mga nilikha. Dapat tayong magpasalamat na ang Maylikha ay hindi isang tagapamahalang walang malasakit, balót ng hiwaga at manhid sa pangangailangan ng mga umiibig sa katuwiran! Tulad ng gagawin niya sa bagong sanlibutan, ngayon pa’y nananahan na si Jehova sa gitna ng mga sumasampalataya at umiibig sa kaniya, gaya ng mabait na Ama na nagpapahayag ng mabubuting bagay sa kaniyang nag-uusisang mga anak. (Apoc. 21:3) Siya’y di gaya ng mga demonyong diyos, na kinakatawan ng nakasisindak na mga piping idolo. Ang mga diyos na yari sa bakal at bato ay walang tulad-amang pakikipag-ugnayan sa kanilang mangmang na mga mananamba. Wala silang maibabahaging anomang kapaki-pakinabang. Oo, “yaong gumagawa sa kanila ay magiging gaya nila.”—Awit 135:15-19; 1 Cor. 8:4-6.
9. Anong uri ng mensahe ang dumating mula sa Diyos sa kaitaasan?
9 Si Jehova ay “Diyos na maawain at mapagmahal, banayad sa galit at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.” (Exo. 34:6) Sa kaniyang kagandahang-loob, ay saganang katotohanan ang ipinabatid niya sa sangkatauhan. Lahat ng ito ay mahusay na payo na papatnubay sa tao at naglalakip ng hula na magbibigay-liwanag sa hinaharap na pagpapala. “Sapagkat ang lahat ng napasulat noong una ay nasulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pag-aliw ng mga Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Mula sa kaitaasan, mula sa langit mismo, ay dumating ang mapanghahawakang mensahe na magtuturo sa mga taga-lupa, ang tao.—Juan 8:23.
10. Sa anong mga wika nakipagtalastasan ang Diyos, at bakit?
10 Kailanma’y hindi nagsalita si Jehova sa di-kilalang wika kundi laging sa wika ng tao, sa buháy na wika ng tapat niyang mga saksi. (Gawa 2:5-11) Kina Adan, Noe, Abraham, Moises, at sa mga propetang Hebreo, si Jehova ay nakipag-usap sa kauna-unahang wika ng tao, kilala ngayon bilang Hebreo. Ang Hebreo ay patuloy na ginamit habang ito’y nauunawaan, hanggang kay Saulo ng Tarso, na kinausap ng binuhay-na-muling si Jesus sa wikang yaon. (Gawa 26:14) Nang mauso sa mga Israelitang tapon ang wikang Aramaiko ng mga Caldeo, nakipagtalastasan ang Diyos sa Aramaiko, sapagkat ito ay naunawaan ng mga tao. (Ezra 4:8–6:18; 7:12-26; Dan. 2:4b–7:28) Nang Griyego ang maging pandaigdig na wika at pangunahing lenguwahe ng kaniyang mga saksi, ang mga patalastas ni Jehova ay ginawa at iningatan sa wikang ito. Ang mga salita sa Bibliya ay pakikipagtalastasan ni Jehova, laging binibigkas sa isang buháy na wika sa kapakanan ng mga taong mapagpakumbaba at maibigin-sa-katotohanan.
11. Bakit masasabi na si Jehova ang Tagabuo ng lahat ng wika?
11 Si Jehova ang Maylikha ng isip at ng mga sangkap sa pagsasalita, gaya ng dila, bibig, at lalamunan, na bumubuo ng lahat ng masalimuot na tunog ng salita ng bawat wika. Kaya, masasabi na si Jehova ang Tagabuo ng lahat ng wika. Ang autoridad niya sa wika ng tao ay itinanghal ng himala sa Tore ng Babel. (Exo. 4:11; Gen. 11:6-9; 10:5; 1 Cor. 13:1) Para kay Jehova ay walang banyagang wika. Hindi lamang niya ipinagkaloob sa tao ang orihinal na wikang Hebreo kundi, sa paglikha sa isipan at sangkap ng pagsasalita, inilaan din niya ang saligan sa Aramaiko at Griyego at sa lahat ng humigit-kumulang 3,000 wika na ginagamit ngayon ng tao.
ANG WIKA NG KATOTOHANAN
12, 13. (a) Papaano pinadali ni Jehova ang pag-unawa sa kaniyang mga mensahe? (b) Magbigay ng mga halimbawa.
12 Anoman ang wika ng tao na ginagamit ni Jehova, lagi siyang nakikipag-usap sa wika ng katotohanan, hindi sa relihiyosong mistisismo. Ito’y wika na payak at madaling maintindihan. (Zef. 3:9) Naiintindihan agad ng tao ang mga bagay na may tatluhang sukat (three-dimensional), alalaong baga’y may taas, luwang, at haba at na may takdang dako sa agos ng panahon. Kaya ang di-nakikitang mga bagay ay inilalarawan ni Jehova sa mga sagisag na maaaring masakyan ng isipan ng tao. Halimbawa, ang tabernakulo na dinisenyo ng Diyos at itinayo ni Moises sa ilang. Kinasihan si Pablo na gamitin ang tatluhang-sukat na mga sagisag nito upang ipaliwanag ang maluwalhating katuparan na walang iba kundi ang langit mismo.—Heb. 8:5; 9:9.
13 Isa pang halimbawa: Si Jehova, isang espiritu, ay hindi literal na nauupo sa tulad-tronong luklukan sa langit. Ngunit, sa taong hamak, na ang nauunawaan lamang ay ang nakikita, gumagamit ang Diyos ng mga nakikitang sagisag upang ihatid ang tamang unawa. Kaya sa kaniyang makalangit na mga paglilitis ay gaya siya ng isang hari sa lupa na lumilitis habang nakaluklok sa trono.—Dan. 7:9-14.
MADALING ISALIN
14, 15. Di gaya ng pilosopikal na mga katha ng tao, bakit madaling isalin ang Bibliya sa ibang wika? Ilarawan.
14 Palibhasa ang Bibliya ay isinulat sa mga terminong praktikal at madaling unawain, kaya ang mga sagisag at pangyayari nito ay posibleng isalin nang maliwanag at wasto sa karamihan ng makabagong wika. Ang orihinal na kapangyarihan at puwersa ng katotohanan ay naingatan sa lahat ng salin. Ang payak at araw-araw na mga salitang gaya ng “kabayo,” “digmaan,” “korona,” “trono,” “asawang-lalaki,” “asawang-babae,” at “mga anak,” ay naghahatid ng wastong kahulugan sa bawat wika. Kabaligtaran ito ng pilosopikal na mga katha ng tao, na malimit ay napakahirap isalin. Ang kanilang masalimuot na pananalita at matayog-pakinggang terminolohiya ay malimit na hindi maisalin nang wasto sa ibang wika.
15 Nakahihigit ang puwersa ng Bibliya sa pagpapahayag. Maging noong humahatol ang Diyos sa mga di-sumasampalataya, hindi siya gumamit ng makapilosopong pananalita kundi ng araw-araw na mga simbolo. Makikita ito sa Daniel 4:10-12. Ang kaharian ng mayabang na haring pagano ay detalyadong inilarawan ng isang punongkahoy, at sa tulong ng mga kaganapan kaugnay nito, ay wastong naihula ang hinaharap. Lahat ay maliwanag na naihatid ng mga salin sa ibang wika. Si Jehova ay maibiging nakipagtalastasan sa paraang ito upang ang “tunay na kaalaman ay lumago.” Kamangha-mangha ang naitulong nito sa pag-unawa ng hula sa “panahon ng kawakasan”!—Dan. 12:4.
HANAY NG PAKIKIPAGTALASTASAN
16. Papaano babalangkasin ang hanay ng pakikipagtalastasan ni Jehova?
16 Maaaring itanong, Anong paraan ng pakikipagtalastasan ang ginamit? Kumuha tayo ng makabagong-panahong halimbawa. Ang hanay ng pakikipagtalastasan ay (1) ang tagabigkas, o pinagmulan ng mensahe; (2) ang transmitter (tagapaghatid); (3) ang pinagdaraanang medium; (4) ang receiver (tagatanggap); at (5) ang nakikinig. Sa komunikasyon ng telepono ay nariyan ang (1) tumatawag bilang pinagmulan ng mensahe; (2) ang transmitter ng telepono, na bumabago sa mensahe upang maging mga pintig ng koryente; (3) ang mga kawad na naghahatid ng mga pintig ng koryente; (4) ang receiver na bumabago sa mga pintig upang maging tunog; at (5) ang nakikinig. Kahawig nito sa langit (1) binibigkas ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga kapahayagan; (2) pagkatapos, ang kaniyang opisyal na Salita, o Kinatawan—kilala ngayon bilang si Jesu-Kristo—ay malimit na siyang naghahatid ng mensahe; (3) ang espiritu ng Diyos, ang aktibong puwersa na siyang medium ng komunikasyon, na naghahatid nito sa lupa; (4) ang propeta ng Diyos na tumatanggap ng mensahe; at (5) siyang nagpapahayag nito sa kapakinabangan ng bayan ng Diyos. Kung papaanong sa ngayon, isang mensahero ang naghahatid ng mahalagang mensahe, gumagamit din si Jehova ng mga espiritung mensahero, o anghel, upang ihatid ang mga patalastas mula sa langit tungo sa kaniyang mga lingkod sa lupa.—Gal. 3:19; Heb. 2:2.
PARAAN NG PAGKASI
17. Anong salitang Griyego ang isinaling “kinasihan ng Diyos,” at papaano tumutulong ang kahulugan nito sa pag-unawa sa paraan ng pagkasi?
17 Ang pariralang “kinasihan ng Diyos” ay isinalin mula sa Griyegong the·oʹpneu·stos, ibig sabihin, “hiningahan-ng-Diyos.” (Tingnan ang 2 Timoteo 3:16, unang talababa.) Mismong espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa, ang ‘inihinga’ sa tapat na mga lalaki, upang udyukan sila na tipunin at isulat ang Banal na Kasulatan. Tinatawag ito na pagkasi (inspirasyon). Ang isipan ng mga propeta at ibang tapat na lingkod ni Jehova na sumailalim ng pagkasi ay pinatnubayan ng aktibong puwersang ito. Kaya tumanggap sila ng mensahe, pati na ng mga larawan, mula sa Diyos at ito ay nakintal nang malalim sa kanilang isipan. “Sapagkat ang hula ay hindi kailanman dumating sa kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos udyok ng banal na espiritu.”—2 Ped. 1:21; Juan 20:21, 22.
18. Gaano kalalim ang pagkakintal ng mga kinasihang mensahe sa mga taong tumanggap nito?
18 Samantalang ang mga lingkod ng Diyos ay gising at may malay o nangangarap sa pagtulog, itinanim ng espiritu ang mensahe mula sa banal na pinagmulan ng komunikasyon. Sa pagtanggap ng mensahe, naging pananagutan ng propeta na paratingin ito sa iba sa pamamagitan ng salita. Sa pagkabuhay-muli ni Moises at ng ibang tapat na propeta, tiyak na patutunayan nila ang kawastuan ng naingatang rekord ng kanilang mga isinulat, sapagkat malamang na taglay pa rin ng kanilang naisauling isipan ang orihinal na mga mensahe na buong-linaw nilang maaalaala. Kahawig nito, malalim na napakintal sa isip ni apostol Pedro ang pangitain ng pagbabagong-anyo kaya buong-linaw niyang naisulat ang karingalan nito pagkaraan ng mahigit na 30 taon.—Mat. 17:1-9; 2 Ped. 1:16-21.
ANG MAY-AKDA AT ANG KANIYANG DALIRI
19. Ano ang “daliri” ng Diyos, gaya ng pinatutunayan ng anong mga kasulatan?
19 Ang mga taong may-akda ay gumamit ng daliri sa pagsulat, noong sinauna ay sa tulong ng isang pluma o pakpak at sa makabagong panahon ay sa tulong ng pluma, makinilya, o computer. Ang isinulat ng kanilang daliri ay sinasabing iniakda ng isipan ng may-katawan. Alam ba ninyo na ang Diyos ay may daliri? Ganoon nga, sapagkat tinukoy ni Jesus ang espiritu ng Diyos bilang Kaniyang “daliri.” Nang pagalingin ni Jesus ang isang inaalihan ng demonyo at ito’y muling nakapagsalita at nakakita, nilapastangan ng mga relihiyosong kaaway ang kaniyang paraan ng pagpapagaling. Ayon kay Mateo, sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos nagpapalabas ako ng mga demonyo, ay naabutan na nga kayo ng kaharian ng Diyos.” (Mat. 12:22, 28) Pinalalawak ni Lucas ang ating unawa sa pagsipi kay Jesus sa isa pang okasyon: “Kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalabas ako ng mga demonyo, ay naabutan na nga kayo ng kaharian ng Diyos.” (Luc. 11:20) Nauna pa rito, napilitang umamin ang mga salamangkerong saserdote ng Ehipto na ang mga salot sa Ehipto ay pagtatanghal ng nakahihigit na kapangyarihan ni Jehova, sa pagsasabing: “Ito’y daliri ng Diyos!”—Exo. 8:18, 19.
20. Papaano kumilos ang “daliri” ng Diyos, at ano ang resulta?
20 Kasuwato ng mga paggamit na ito sa salitang “daliri,” malinaw na ang “daliri ng Diyos” ay makapangyarihan at ito ay wastong kumakapit sa kaniyang espiritu nang ito’y gamitin niya sa pagsulat ng Bibliya. Kaya sinasabi ng mga Kasulatan na sa tulong ng “daliri ng Diyos,” ay isinulat niya ang Sampung Utos sa dalawang tapyas na bato. (Exo. 31:18; Deut. 9:10) Nang ipasulat ng Diyos sa mga tao ang mga aklat ng Bibliya, ang makasagisag niyang daliri, o espiritu, ay siya ring puwersa na umugit sa kanilang panulat. Ang espiritu ng Diyos ay di-nakikita, subalit kumilos ito sa kamangha-manghang paraan, at ang nakikita, nahihipong resulta ay ang pinakamamahal na kaloob ng Salita ng katotohanan ng Diyos, ang Kaniyang Bibliya. Walang alinlangan na ang May-akda ng Bibliya ay ang Diyos na Jehova, ang makalangit na Tagapagpatalastas.
NAGSIMULA ANG KINASIHANG KOLEKSIYON
21. (a) Papaano nagsimula ang pagsulat sa mga Kasulatan? (b) Papaano tiniyak ni Jehova ang pag-iingat nito?
21 Gaya ng nakita natin, “ibinigay [ni Jehova] kay Moises ang dalawang tapyas ng Patotoo, mga tapyas ng bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.” (Exo. 31:18) Ito ay binuo ng Sampung Utos, at kapansin-pansin na walong beses opisyal na inihaharap ng dokumento ang banal na pangalan, Jehova. Nang taon ding yaon, 1513 B.C.E., iniutos ni Jehova kay Moises na simulan ang paggawa ng permanenteng ulat. Kaya nagsimula ang pagsulat ng Banal na Kasulatan. (Exo. 17:14; 34:27) Iniutos din ng Diyos kay Moises na itayo ang “kaban ng patotoo,” o “kaban ng tipan,” isang baol na napakaganda ang pagkakayari na paglalagakan ng mga Israelita ng pinakamamahal na kalatas na ito. (Exo. 25:10-22; 1 Hari 8:6, 9) Ang disenyo ng Kaban, at ng tabernakulo na pinaglagyan nito, ay inilaan ni Jehova; at ang punong anluwagi at tagapagtayo nito, si Bezalel, ay nilipos “ng espiritu ng Diyos sa karunungan, sa unawa at sa kaalaman at sa bawat gawang may kadalubhasaan” upang matapos ang kaniyang gawain ayon sa banal na huwaran.—Exo. 35:30-35.
22. (a) Sino ang May-akda ng kinasihang Kasulatan, at gaano katagal ang inabot ng pagsulat? (b) Sino ang mga katulong sa pagsulat ng Bibliya, at ano ang nalalaman tungkol sa kanila?
22 Nang ipinapahayag ang kaniyang layunin, ang Diyos ay “nagsalita sa iba’t-ibang panahon at sa iba’t-ibang paraan” sa loob ng mahabang yugto ng panahon. (Heb. 1:1) Ang kaniyang Salita ay isinulat mula 1513 B.C.E. hanggang mga 98 C.E., o sa loob ng mga 1,610 taon. Ang iisang May-akda, ang Diyos na Jehova, ay gumamit ng mga 40 eskriba, o mga taong kalihim. Sila’y pawang Hebreo at kaanib ng bansang “pinagkatiwalaan ng banal na mga kapahayagan ng Diyos.” (Roma 3:2) Walo sa kanila ay Judiong Kristiyano na nakakilala kay Jesus nang personal o sa pamamagitan ng mga apostol. Ang kinasihang Kasulatan na isinulat bago ang panahon nila ay nagpatotoo sa pagdating ng Mesiyas, o Kristo. (1 Ped. 1:10, 11) Bagaman mula sa iba’t-ibang antas ng buhay, ang mga manunulat ng Bibliya, mula kay Moises hanggang kay apostol Juan, ay pawang nagtaguyod ng soberanya ng Diyos na Jehova at naghayag ng kaniyang layunin sa lupa. Sumulat sila sa pangalan ni Jehova at sa bisa ng kaniyang espiritu.—Jer. 2:2, 4; Ezek. 6:3; 2 Sam. 23:2; Gawa 1:16; Apoc. 1:10.
23. Anong mas maagang mga dokumento ang ginamit ng ilang manunulat ng Bibliya, at papaano naging bahagi ito ng kinasihang Kasulatan?
23 Inilakip ng maraming manunulat ang mga dokumento ng mga naunang manunulat na mismong nakasaksi, bagaman hindi lahat ay kinasihan. Halimbawa, maaaring tinipon ni Moises ang mga bahagi ng Genesis mula sa ulat ng mga mismong nakasaksi, gaya rin ng ginawa ni Samuel sa aklat ng Mga Hukom. Tinipon ni Jeremias ang Una at Ikalawang Hari, at isinulat ni Ezra ang Una at Ikalawang Cronika, karamiha’y sa paraang ito. Pinatnubayan ng banal na espiritu ang mga nagtipon upang matiyak kung aling mga bahagi ng mas matatandang dokumento ang dapat na ilakip, sa gayo’y pinatutunayan na ang mga ito ay mapanghahawakan. Mula nang simulan ang pagtitipon, ang mga halaw mula sa mas matatandang dokumento ay naging bahagi ng kinasihang Kasulatan.—Gen. 2:4; 5:1; 2 Hari 1:18; 1 Cron. 16:11.
24, 25. (a) Anong yugto ng kasaysayan ang sinasaklaw ng Bibliya? (b) Bumanggit ng ilang kapana-panabik na bagay sa chart sa pahina 12.
24 Papaano nagkasunud-sunod ang 66 na aklat ng Bibliya? Anong bahagi ng walang-hanggang agos ng panahon ang saklaw nito? Matapos ilarawan ang paglikha sa mga langit at sa lupa at ang paghahanda sa lupa bilang tahanan ng tao, tinatalakay ng Genesis ang pasimula ng kasaysayan mula sa paglalang ng unang tao noong 4026 B.C.E. Saka isinasalaysay ng Banal na Kasulatan ang mahahalagang pangyayari hanggang matapos ang 443 B.C.E. Pagkaraan ng agwat na 400 taon, nagpapatuloy ang ulat sa 3 B.C.E., hanggang sa mga 98 C.E. Kaya ang mga Kasulatan ay sumasaklaw ng 4,123 taon ng kasaysayan.
25 Ang chart sa pahina 12 ay tulong sa pag-unawa sa karanasan ng mga manunulat ng Bibliya at sa pagkasunud-sunod ng mga aklat.
ANG BUONG “AKLAT” NG BANAL NA KATOTOHANAN
26. Papaanong isang kumpletong aklat ang mga Kasulatan?
26 Ang Banal na Kasulatan, isang koleksiyon mula Genesis hanggang Apocalipsis, ay isang buong aklat, isang buong aklatan na kinasihan ng iisang Kataas-taasang May-akda. Hindi ito dapat hatiin sa dalawa, na ang isang bahagi ay mas mahalaga. Ang Kasulatang Hebreo at ang Kristiyanong Kasulatang Griyego ay mahalaga sa isa’t- isa. Ang hulí ay idinagdag sa nauna upang bumuo ng isang kumpletong aklat ng banal na katotohanan. Lahat-lahat, ang 66 aklat ng Bibliya ay bumubuo ng iisang aklatan ng Banal na Kasulatan.—Roma 15:4.
27. Bakit mali ang katawagang “Matandang Tipan” at “Bagong Tipan”?
27 Isang pagkakamali ng tradisyon ang paghahati ng nasusulat na Salita ng Diyos sa dalawa, na tumatawag sa unang bahagi, mula Genesis hanggang Malakias, na “Matandang Tipan,” at ang ikalawa, mula Mateo hanggang Apocalipsis, na “Bagong Tipan.” Sa 2 Corinto 3:14 binabanggit ng tanyag na King James Version ang “pagbasa ng matandang tipan,” subalit hindi tinutukoy ng apostol ang matandang Kasulatang Hebreo sa kabuuan. Hindi rin nangangahulugan na ang mga kinasihang kasulatang Kristiyano ay bubuo ng isang “bagong testamento [tipan].” Ang tinutukoy ng apostol ay ang tipang Batas na iniulat ni Moises sa Pentateuko at bumubuo ng isa lamang bahagi ng mga Kasulatan bago ang panahong Kristiyano. Kaya sinasabi niya sa susunod na talata, “kapag si Moises ay binabasa.” Ang salitang Griyego na isinaling “testamento” sa King James Version ay pare-parehong isinasalin na “tipan” sa maraming makabagong salin.—Mat. 26:28; 2 Cor. 3:6, 14, New World Translation of the Holy Scriptures, Revised Standard Version, American Standard Version.
28. Anong katiyakan ang ibinibigay hinggil sa hula ng Bibliya?
28 Hindi dapat pakialaman ang naisulat at naingatan bilang Banal na Kasulatan. (Deut. 4:1, 2; Apoc. 22:18, 19) Tungkol dito ay sumusulat si apostol Pablo: “Datapwat, kahima’t kami o isang anghel sa langit ang mangaral sa inyo ng mabuting balita na iba kaysa amin nang naipahayag, ay hayaan siyang matakwil.” (Gal. 1:8; tingnan din ang Juan 10:35.) Lahat ng inihula ni Jehova ay matutupad sa takdang panahon. “Gayon ang salitang lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik nang walang bunga, kundi tiyak na gagawin ang kinalulugdan ko, at magtatagumpay sa aking pinagsuguan.”—Isa. 55:11.
PAGSUSURI SA MGA KASULATAN
29. Sa aklat na ito, habang sinusuri ang bawat aklat ng Bibliya, anong pambungad na impormasyon ang inilalaan?
29 Sa susunod na mga pahina, ang 66 na aklat ng mga Banal na Kasulatan ay susuriing isa-isa. Ilalarawan ang kapaligiran ng bawat aklat, at ilalaan ang impormasyon hinggil sa manunulat, panahon ng pagsulat, at kung minsan ay ang yugtong sinasaklaw. Ihaharap din ang katibayan ng pagiging-totoo ng aklat at ng pagiging-marapat nito bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan. Ang katibayan ay maaaring nasa mga sinabi ni Jesu-Kristo o sa mga kinasihang sulat ng ibang lingkod ng Diyos. Malimit ang pagiging-totoo ng aklat ay makikita sa di-matatanggihang katuparan ng hula ng Bibliya o sa panloob na ebidensiya mula sa aklat mismo, tulad ng pagkakasuwato, katapatan, at pagiging-prangko. Higit pang umaalalay na ebidensiya ang makukuha sa arkeolohiya o sa sekular na kasaysayan.
30. Papaano inihaharap ang nilalaman ng bawat aklat ng Bibliya?
30 Habang inilalarawan ang bawat aklat, sisikaping palitawin ang makapangyarihang mensahe ng manunulat sa paraan na pupukaw ng taimtim na pag-ibig para sa mga kinasihang Kasulatan at sa May-akda nito, ang Diyos na Jehova, at sa gayo’y palaguin ang pagpapahalaga sa buháy na mensahe ng Salita ng Diyos at sa pagiging-praktikal, pagkakasuwato, at kagandahan nito. Ang nilalaman ng bawat aklat ay inihaharap sa ilalim ng mga subtitulo ng parapo. Nagpapagaang ito sa pag-aaral at hindi nilayong gumawa ng mahigpit na paghahati sa mga aklat ng Bibliya. Bawat aklat ay buo sa ganang sarili, at tumutulong nang malaki sa pag-unawa sa banal na mga layunin.
31. (a) Anong impormasyon ang inilalaan upang ipakita kung bakit kapaki-pakinabang ang bawat aklat? (b) Anong maluwalhating tema ang itinatampok sa kabuuang pagtalakay sa mga aklat ng Bibliya?
31 Sa pagtatapos sa bawat aklat, idiniriin kung bakit ang bahaging ito ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Tim. 3:16) Tinatalakay ang mga katuparan ng hula, kapag ipinapahiwatig ito ng kinasihang patotoo ng mga nahuling manunulat ng Bibliya. Sa bawat pagkakataon, ipinakikita ang naitutulong ng aklat sa pagbuo ng pangkalahatang tema ng Bibliya. Ang Bibliya ay hindi alamat. Nilalaman nito ang tanging buháy na mensahe para sa sangkatauhan. Mula sa unang aklat, ang Genesis, hanggang sa huling aklat, ang Apocalipsis, ang kinasihang Kasulatan ay nagpapatotoo sa layunin ng Maylikha ng Sansinukob, ang Diyos na Jehova, na pakabanalin ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng Kaharian na pagpupunuan ng kaniyang Binhi. Dito nakapaloob ang maluwalhating pag-asa ng lahat ng umiibig sa katuwiran.—Mat. 12:18, 21.
32. Anong impormasyon ang inilalaan upang mapalago ang pagpapahalaga sa Bibliya?
32 Matapos talakayin ang 66 aklat, inilaan ang espasyo para sa umaalalay na impormasyon sa Bibliya. Kalakip dito ang mga pag-aaral sa heograpiya ng Lupang Pangako, pagsukat sa panahon ng mga pangyayari sa Bibliya, mga salin ng Bibliya, arkeolohikal at iba pang umaalalay na ebidensiya sa pagiging-totoo ng Bibliya, at ang katibayan ng katalogo ng Bibliya. Makikita rin sa seksiyong ito ang iba pang mahalagang impormasyon at mga taláhanayan. Lahat ng ito ay dinisenyo upang palaguin ang pagpapahalaga sa Bibliya bilang pinaka-praktikal at kapaki-pakinabang na aklat sa lupa ngayon.
33. Papaano mailalarawan ang Bibliya, at ano ang pakinabang sa pag-aaral nito?
33 Matagal na nakipag-usap sa tao ang banal na May-akda. Ang nagawa niya para sa kaniyang mga anak sa lupa ay tanda ng matinding pag-ibig at maka-amang interes. Isang kamangha-manghang koleksiyon ng kinasihang mga dokumento ang inilaan niya sa Banal na Kasulatan! Oo, ito’y kayamanang walang katumbas, isang malawak na aklatan ng impormasyong ‘inihinga ng Diyos,’ mas mayaman at mas malawak kaysa naisulat ng karaniwang tao. Ang pagsusumakit sa pag-aaral ng Salita ng Diyos ay hindi “kapaguran ng katawan,” kundi, magdudulot ng walang-hanggang pakinabang sa mga nakakaalam “ng salita ni Jehova [na] nananatili magpakailanman.”—Ecle. 12:12; 1 Ped. 1:24, 25.
[Chart sa pahina 12]
ANG MGA KINASIHANG KALIHIM NG BIBLIYA AT ANG ISINULAT NILA
(Sunud-sunod Ayon sa Panahon)
Pagka- Manunulat Gawain Natapos Mga Isinulat
sunud Isulat
-sunod
1. Moises Iskolar, 1473 B.C.E. Genesis; Exodo;
pastol, Levitico; Job;
propeta, Bilang;
lider Deuteronomio;
(malamang pati 91)
2. Josue Lider 1450 B.C.E. Josue
3. Samuel Levita, bago c.
propeta 1080 B.C.E. Mga Hukom;
Ruth; bahagi ng
Unang Samuel
4. Gad Propeta c. 1040 B.C.E. Bahagi ng
Unang Samuel;
Ikalawang Samuel
(kapuwa katulong
ni Nathan)
5. Nathan Propeta c. 1040 B.C.E. Tingnan ang itaas
(katulong ni Gad)
6. David Hari, 1037 B.C.E. Marami sa Mga Awit
pastol,
manunugtog
7. Mga anak Ilan sa Mga Awit
ni Kore
8. Asaph Mang-aawit Ilan sa Mga Awit
9. Heman Paham Awit 88
10. Ethan Paham Awit 89
11. Solomon Hari, c. 1000 Karamihan ng
tagapagtayo, B.C.E. Mga Kawikaan;
paham Awit ni Solomon;
Eclesiastes;
12. Agur Kawikaan kabanata 30
13. Lemuel Hari Kawikaan kabanata 31
14. Jonas Propeta c. 844 Jonas
B.C.E.
15. Joel Propeta c. 820 Joel
B.C.E.(?)
16. Amos Pastol, c. 804 Amos
propeta B.C.E.
17. Oseas Propeta pagkaraan ng Oseas
745 B.C.E.
18. Isaias Propeta pagkaraan ng Isaias
732 B.C.E.
19. Mikas Propeta bago ang Mikas
717 B.C.E.
20. Zefanias Prinsipe, bago ang Zefanias
propeta 648 B.C.E.
21. Nahum Propeta bago ang Nahum
632 B.C.E.
22. Habacuc Propeta c. 628 Habacuc
B.C.E.(?)
23. Obadias Propeta c. 607 Obadias
B.C.E.
24. Ezekiel Saserdote, c. 591 Ezekiel
propeta B.C.E.
25. Jeremias Saserdote, 580 B.C.E. Una at
propeta Ikalawang Hari;
Jeremias;
Mga Panaghoy
26. Daniel Prinsipe, c. 536 Daniel
pinunò, B.C.E.
propeta
27. Hagai Propeta 520 B.C.E. Hagai
28. Zacarias Propeta 518 B.C.E. Zacarias
29. Mardokeo Punong c.475 Esther
ministro B.C.E.
30. Ezra Saserdote, c. 460 Una at Ikalawang
eskriba, B.C.E. Cronica;
administrador Ezra
31. Nehemias Opisyal ng pagkaraan ng Nehemias
korte, 443 B.C.E.
gobernador
32. Malakias Propeta pagkaraan ng Malakias
443 B.C.E.
33. Mateo Maniningil c. 41 C.E. Mateo
ng buwis,
apostol
34. Lucas Manggagamot, c. 61 C.E. Lucas; Mga Gawa
misyonero
35. Santiago Tagapangasiwa bago ang Santiago
(kapatid ni 62 C.E.
Jesus)
36. Marcos Misyonero c. 60-65 C.E. Marcos
37. Pedro Mangingisda, c. 64 C.E. Una at
apostol Ikalawang Pedro
38. Pablo Misyonero, c. 65 C.E. Una at Ikalawang
apostol, Tesalonica;
manggagawa Galacia;
ng tolda Una at Ikalawang
Corinto; Roma;
Efeso; Filipos;
Colosas; Filemon;
Hebreo; Una at
Ikalawang Timoteo;
Tito
39. Judas Disipulo c. 65 C.E. Judas
(kapatid ni
Jesus)
40. Juan Mangingisda, c. 98 C.E. Apocalipsis;
apostol Juan; Una,
Ikalawa, at
Ikatlong Juan