MIGUEL
[Sino ang Tulad ng Diyos?].
1. Ang tanging banal na anghel, maliban kay Gabriel, na ang pangalan ay binanggit sa Bibliya, at ang kaisa-isang anghel na tinawag na “arkanghel.” (Jud 9) Unang lumitaw ang pangalang ito sa ikasampung kabanata ng Daniel, kung saan si Miguel ay inilalarawan bilang “isa sa mga pangunahing prinsipe”; sinaklolohan niya ang isang nakabababang anghel na sinalansang ng “prinsipe ng kaharian ng Persia.” Si Miguel ay tinawag na ‘prinsipe ng bayan ni Daniel,’ “ang dakilang prinsipe na nakatayo alang-alang sa mga anak ng . . . bayan [ni Daniel].” (Dan 10:13, 20, 21; 12:1) Ipinahihiwatig nito na si Miguel ang anghel na umakay sa mga Israelita sa pagtahak sa ilang. (Exo 23:20, 21, 23; 32:34; 33:2) Bilang suporta sa konklusyong ito, binanggit sa Bibliya na ‘si Miguel na arkanghel ay nagkaroon ng pakikipaghidwaan sa Diyablo at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises.’—Jud 9.
Ipinakikita ng katibayan mula sa Kasulatan na ang pangalang Miguel ay kumakapit sa Anak ng Diyos bago siya umalis sa langit upang maging si Jesu-Kristo at pagkabalik din niya roon. Si Miguel ang kaisa-isang tinutukoy bilang “arkanghel,” na nangangahulugang “punong anghel,” o “pangunahing anghel.” Ang terminong ito ay lumilitaw sa Bibliya sa anyong pang-isahan lamang. Waring ipinahihiwatig nito na iisa lamang ang itinalaga ng Diyos na maging puno, o ulo, ng hukbo ng mga anghel. Sa 1 Tesalonica 4:16, ang tinig ng binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo ay inilalarawan bilang tinig ng arkanghel, anupat ipinahihiwatig na siya mismo ang arkanghel. Binabanggit sa tekstong ito na bumababa siya mula sa langit na may “nag-uutos na panawagan.” Samakatuwid, makatuwiran lamang na ang tinig na nagpapahayag ng nag-uutos na panawagang ito ay ilarawan ng isang salita na hindi makapagpapababa o makababawas sa malaking awtoridad na taglay na ngayon ni Kristo Jesus bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga panginoon. (Mat 28:18; Apo 17:14) Kung ang katawagang “arkanghel” ay kumakapit, hindi kay Jesu-Kristo, kundi sa ibang anghel, ang pagtukoy sa “tinig ng arkanghel” ay hindi magiging angkop. Kung kumakapit iyon sa ibang anghel, ang ilalarawan niyaon ay isang tinig na mas mababa ang awtoridad kaysa sa awtoridad ng Anak ng Diyos.
Mayroon ding iba pang mga pagkakatugma na nagpapatunay na si Miguel ay talaga ngang ang Anak ng Diyos. Pagkatapos ng unang pagbanggit ni Daniel kay Miguel (Dan 10:13), itinala niya ang isang hula na umaabot hanggang sa “panahon ng kawakasan” (Dan 11:40) at pagkatapos ay sinabi niya: “At sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nakatayo alang-alang sa mga anak ng . . . bayan [ni Daniel].” (Dan 12:1) Ang ‘pagtayo’ ni Miguel ay iniuugnay sa “isang panahon ng kabagabagan na hindi pa nangyayari magbuhat nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon.” (Dan 12:1) Sa hula ni Daniel, ang ‘pagtayo’ ay malimit na tumutukoy sa pagkilos ng isang hari, maaaring sa paghawak niya sa kaniyang maharlikang kapangyarihan o sa mabisang pagkilos niya sa kaniyang tungkulin bilang hari. (Dan 11:2-4, 7, 16b, 20, 21) Sinusuportahan nito ang konklusyon na si Miguel ay si Jesu-Kristo, yamang si Jesus ang Haring hinirang ni Jehova, na inatasang pumuksa sa lahat ng mga bansa sa Har–Magedon.—Apo 11:15; 16:14-16.
Sa aklat ng Apocalipsis (12:7, 10, 12) ay espesipikong binabanggit si Miguel may kaugnayan sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos anupat iniuugnay ang pangyayaring ito sa kabagabagan sa lupa: “At sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka. At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsabi: ‘Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid ay naihagis na . . . Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat.’” Sa dakong huli ay inilalarawan si Jesu-Kristo bilang nangunguna sa makalangit na mga hukbo sa pakikipagdigma laban sa mga bansa sa lupa. (Apo 19:11-16) Mangangahulugan ito ng isang yugto ng kabagabagan para sa mga tao, na makatuwirang magiging bahagi ng “panahon ng kabagabagan” na iniuugnay sa pagtayo ni Miguel. (Dan 12:1) Yamang ang Anak ng Diyos ay makikipaglaban sa mga bansa, makatuwirang isipin na siya, kasama ang kaniyang mga anghel, ang isa na nakipagbaka noon sa nakahihigit-sa-taong dragon, si Satanas na Diyablo, at sa mga anghel nito.
Bago siya naging tao, si Jesus ay tinatawag na “ang Salita.” (Ju 1:1) Taglay rin niya noon ang personal na pangalang Miguel. Sa pamamagitan ng patuloy na paggamit ng pangalang Jesus matapos siyang buhaying-muli (Gaw 9:5), ipinakikita ng “Salita” na siya rin ang Anak ng Diyos na nasa lupa noon. Itinatawag-pansin naman ng muli niyang paggamit ng kaniyang makalangit na pangalang Miguel at ng kaniyang titulo (o pangalan) na “Ang Salita ng Diyos” (Apo 19:13) na dati na siyang umiiral bago siya naging tao. Ang mismong pangalang Miguel ay nagtatanong, “Sino ang Tulad ng Diyos?” anupat itinatampok nito na ang Diyos na Jehova ay walang katulad, o walang kapantay, at na si Miguel na arkanghel niya ang kaniyang dakilang Tagapagtanggol o Tagapagbangong-Puri.
2. Ama ng pinunong si Setur, mula sa tribo ni Aser, na isa sa 12 na isinugo upang maniktik sa Canaan.—Bil 13:2, 13.
3. Ninuno ni Asap; mula sa pamilya ni Gersom na anak ni Levi.—1Cr 6:39, 40, 43.
4. Isa sa mga ulo na mula sa tribo ni Isacar; mula sa pamilya ni Tola.—1Cr 7:1-3.
5. Isang pinuno, mula sa tribo ni Manases, na lumipat sa panig ni David sa Ziklag.—1Cr 12:20.
6. Ama ni Omri, ulo ng isang sambahayan ni Isacar sa panig ng ama noong panahon ng paghahari ni David.—1Cr 27:18.
7. Isa sa mga anak ni Haring Jehosapat ng Juda; siya, kasama ng kaniyang mga kapatid, ay tumanggap ng mamahaling mga kaloob at mga nakukutaang lunsod mula sa kanilang ama. Ngunit nang maging hari ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Jehoram, pinatay ni Jehoram ang lahat ng kaniyang anim na nakababatang kapatid, kasama na si Miguel.—2Cr 21:1-4.
8. Isang Gadita at inapo ni Buz; isang ninuno ng Blg. 9 na di-kukulangin sa limang salinlahi ang layo.—1Cr 5:11, 13, 14.
9. Isang Gadita, ang una sa pitong anak ni Abihail, isang inapo ng Blg. 8 at isang ulo ng isang sambahayan ni Gilead na nakatala sa talaangkanan noong mga araw ng Israelitang si Haring Jeroboam II at ng Judeanong si Haring Jotam.—1Cr 5:11-17.
10. Isang Benjamita; inapo ni Saharaim sa kaniyang asawang si Husim sa pamamagitan ni Elpaal at ni Berias.—1Cr 8:1, 8, 11-13, 16.
11. Ama ng Zebadias na umahon sa Jerusalem mula sa Babilonya kasama ni Ezra noong 468 B.C.E.—Ezr 8:1, 8.