ARALING ARTIKULO 44
Ano ang Ibig Sabihin sa Iyo ng Tapat na Pag-ibig ni Jehova?
‘Ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay walang hanggan.’—AWIT 136:1.
AWIT 108 Ang Tapat na Pag-ibig ng Diyos
NILALAMANa
1. Ano ang gusto ni Jehova na gawin natin?
NAPAKAHALAGA kay Jehova ng tapat na pag-ibig. (Os. 6:6) At gusto niya na pahalagahan din ito ng mga lingkod niya. Pinapasigla niya tayo na “ibigin ang tapat na pag-ibig” gaya ng ipinasulat niya kay propeta Mikas. (Mik. 6:8, tlb.) Pero para magawa iyan, alamin muna natin ang ibig sabihin ng tapat na pag-ibig.
2. Ano ang tapat na pag-ibig?
2 Ano ang tapat na pag-ibig? Ang pananalitang “tapat na pag-ibig” ay makikita nang mga 230 ulit sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ayon sa “Glosari ng mga Termino sa Bibliya” ng saling iyon, tumutukoy ito sa “pag-ibig na udyok ng pananagutan, katapatan, at malalim na ugnayan. Madalas itong ginagamit para tumukoy sa pag-ibig ng Diyos sa mga tao, pero ipinapakita rin ng mga tao ang pag-ibig na ito sa isa’t isa.” Si Jehova ang pinakamagandang halimbawa ng tapat na pag-ibig. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano nagpapakita si Jehova ng tapat na pag-ibig sa mga tao. Sa susunod na artikulo, tatalakayin naman natin kung paano natin maipapakita ang tapat na pag-ibig sa isa’t isa gaya ni Jehova.
“SAGANA SA TAPAT NA PAG-IBIG” SI JEHOVA
3. Paano ipinakilala ni Jehova ang sarili niya kay Moises?
3 Hindi pa nagtatagal pagkaalis ng mga Israelita sa Ehipto, sinabi ni Jehova kay Moises ang pangalan at mga katangian Niya: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan, nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo, nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway at kasalanan.” (Ex. 34:6, 7) Sa mga sinabing ito ni Jehova, ipinakita niya kay Moises kung bakit espesyal ang tapat na pag-ibig Niya.
4-5. (a) Ano ang sinabi ni Jehova tungkol sa sarili niya? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
4 Hindi lang basta sinabi ni Jehova na mayroon siyang tapat na pag-ibig, kundi sinabi niya na ‘sagana siya sa tapat na pag-ibig.’ Maraming beses na binanggit sa Bibliya ang paglalarawang ito. (Bil. 14:18; Neh. 9:17; Awit 86:15; 103:8; Joel 2:13; Jon. 4:2) Lahat iyon ay kay Jehova lang tumutukoy. Hindi ba’t ipinapakita nito na talagang mahalaga kay Jehova ang tapat na pag-ibig?b Kaya naman nasabi ni Haring David: “O Jehova, ang iyong tapat na pag-ibig ay umaabot sa langit . . . Napakahalaga ng iyong tapat na pag-ibig, O Diyos! Sa lilim ng iyong mga pakpak nanganganlong ang mga anak ng tao.” (Awit 36:5, 7) Pinapahalagahan din ba natin ang tapat na pag-ibig ng Diyos gaya ni David?
5 Para mas maintindihan kung ano ang tapat na pag-ibig, talakayin natin ang dalawang tanong: Kanino nagpapakita si Jehova ng tapat na pag-ibig? At paano tayo nakikinabang sa tapat na pag-ibig ni Jehova?
KANINO NAGPAPAKITA SI JEHOVA NG TAPAT NA PAG-IBIG?
6. Kanino nagpapakita si Jehova ng tapat na pag-ibig?
6 Kanino nagpapakita si Jehova ng tapat na pag-ibig? Sinasabi ng Bibliya na marami tayong puwedeng ibigin, gaya ng “disiplina,” “kaalaman,” at “karunungan.” (Kaw. 12:1; 29:3) Sa tao lang naipapakita ang tapat na pag-ibig, hindi sa mga bagay. Pero hindi ibig sabihin nito na si Jehova ay nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa lahat. Ipinapakita niya lang ito sa malalapít sa kaniya. Tapat ang Diyos sa mga kaibigan niya. May magandang layunin siya para sa kanila, at hinding-hindi niya sila iiwan.
7. Paano ipinakita ni Jehova na iniibig niya ang lahat ng tao?
7 Iniibig ni Jehova ang lahat ng tao. Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:1, 16; Mat. 5:44, 45.
8-9. (a) Bakit nagpapakita ng tapat na pag-ibig si Jehova sa mga lingkod niya? (b) Ano ang susunod na tatalakayin natin?
8 Gaya ng binanggit kanina, si Jehova ay nagpapakita lang ng tapat na pag-ibig sa malalapít sa kaniya—ang mga lingkod niya. Kitang-kita iyon sa mga sinabi nina Haring David at propeta Daniel. Halimbawa, sinabi ni David: “Patuloy mong ipakita ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo.” “Ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay walang hanggan para sa mga natatakot sa kaniya.” Sinabi naman ni Daniel: “O Jehova na tunay na Diyos, na . . . nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga nagmamahal sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya.” (Awit 36:10; 103:17; Dan. 9:4) Batay sa mga ito, nagpapakita si Jehova ng tapat na pag-ibig sa mga lingkod niya dahil kilala nila siya, natatakot sila sa kaniya, mahal nila siya, at sinusunod nila ang mga utos niya. Ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay para lang sa tunay na mananamba niya.
9 Bago tayo naging lingkod ni Jehova, tumanggap na tayo ng pag-ibig ng Diyos na ipinapakita niya sa lahat ng tao. (Awit 104:14) Pero dahil naging mananamba tayo ni Jehova, nakikinabang din tayo sa tapat na pag-ibig niya. Tinitiyak pa nga sa atin ni Jehova: “Ang aking tapat na pag-ibig ay hindi aalisin sa iyo.” (Isa. 54:10) At gaya ng naranasan ni David, “espesyal ang pagtrato ni Jehova sa tapat sa kaniya.” (Awit 4:3) Ano ang dapat na maging reaksiyon natin sa espesyal na pag-ibig ni Jehova sa atin? Sinabi ng salmista: “Ang marunong ay magmamasid sa mga bagay na ito, at pag-iisipan niyang mabuti ang tapat na pag-ibig na ipinapakita ni Jehova.” (Awit 107:43) Habang pinag-iisipan ang mga salitang ito, talakayin natin ang tatlong paraan kung paano nakikinabang ang mga lingkod ni Jehova sa tapat na pag-ibig niya.
PAANO TAYO NAKIKINABANG SA TAPAT NA PAG-IBIG NI JEHOVA?
10. Paano nakakatulong sa atin ang pagiging walang hanggan ng tapat na pag-ibig ng Diyos? (Awit 31:7)
10 Walang hanggan ang tapat na pag-ibig ng Diyos. Binanggit ito nang 26 na beses sa Awit 136. Sa unang talata, mababasa natin: “Magpasalamat kayo kay Jehova, dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” (Awit 136:1) Sa talata 2 hanggang 26, paulit-ulit nating mababasa ang pananalitang “ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” Habang binabasa natin ang awit na ito, mapapahanga tayo sa walang-sawang pagpapakita ni Jehova ng tapat na pag-ibig sa maraming paraan. Tinitiyak sa atin ng paulit-ulit na pagbanggit sa pananalitang “ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan” na hindi pabago-bago ang pag-ibig ng Diyos sa bayan niya. Talagang nakakapagpatibay isipin na hindi tayo iniiwan ni Jehova! Lagi siyang nandiyan para sa atin lalo na sa harap ng mga pagsubok. Kung paano tayo nakikinabang: Dahil alam nating hindi tayo iniiwan ni Jehova, nagiging masaya tayo at nagkakaroon ng lakas para makayanan ang mga pagsubok at patuloy na lumakad sa daan ng buhay.—Basahin ang Awit 31:7.
11. Ayon sa Awit 86:5, bakit nagpapatawad si Jehova?
11 Nagpapatawad ang Diyos dahil sa tapat na pag-ibig niya. Kapag nakita ni Jehova na nagsisisi ang isang nagkasala at nagbago ito, pinapatawad niya ito dahil sa tapat na pag-ibig niya. Sinabi ng salmistang si David tungkol kay Jehova: “Hindi niya tayo pinaparusahan ayon sa mga kasalanan natin, at hindi niya tayo ginagantihan ayon sa nararapat sa mga pagkakamali natin.” (Awit 103:8-11) Naranasan ni David kung gaano kahirap usigin ng konsensiya dahil sa malubhang pagkakasala. Pero natutuhan niya na “handang magpatawad” si Jehova. Bakit nagpapatawad si Jehova? Sinasagot iyan ng Awit 86:5. (Basahin.) Oo, gaya ng sinabi ni David sa panalangin, nagpapatawad si Jehova dahil sagana ang tapat na pag-ibig niya sa lahat ng tumatawag sa kaniya.
12-13. Kapag nakokonsensiya pa rin tayo dahil sa mga pagkakamali natin noon, ano ang makakatulong sa atin?
12 Kapag nagkasala tayo, normal lang na malungkot at makonsensiya. Makakatulong pa nga iyon para magsisi tayo at itama ang mga pagkakamali natin. Pero may ilang lingkod ng Diyos na sobra pa ring nakokonsensiya dahil sa mga pagkakamali nila noon. Iniisip nila na hinding-hindi sila mapapatawad ni Jehova kahit pinagsisihan na nila ang nagawa nila. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, makakatulong kung maiintindihan mo na gusto talaga ni Jehova na magpakita ng tapat na pag-ibig sa iyo.
13 Kung paano tayo nakikinabang: Kahit hindi tayo perpekto, makakapaglingkod pa rin tayo kay Jehova nang masaya at may malinis na konsensiya. Posible ito dahil “nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:7) Kung nasisiraan ka ng loob dahil sa isang kahinaan, laging tandaan na gustong-gusto kang patawarin ni Jehova kung nagsisisi ka. Iniugnay ni David ang tapat na pag-ibig sa pagpapatawad. Isinulat niya: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kaniya. Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilalayo sa atin ang mga kasalanan natin.” (Awit 103:11, 12) Talagang handang magpatawad “nang lubusan” si Jehova.—Isa. 55:7.
14. Ano ang sinabi ni David para ipakita na pinoprotektahan tayo ng tapat na pag-ibig ng Diyos?
14 Pinoprotektahan tayo sa espirituwal ng tapat na pag-ibig ng Diyos. Sinabi ni David sa panalangin niya kay Jehova: “Ikaw ay isang lugar na mapagtataguan ko; poprotektahan mo ako sa kagipitan. Papalibutan mo ako ng mga hiyaw ng kagalakan dahil sa iyong pagliligtas. . . . Ang nagtitiwala kay Jehova ay napapalibutan ng Kaniyang tapat na pag-ibig.” (Awit 32:7, 10) Noon, napapalibutan ng mga pader ang isang lunsod at napoprotektahan nito ang mga nakatira doon. Ganiyan din ang tapat na pag-ibig ni Jehova. Pinoprotektahan tayo nito mula sa mga panganib na puwedeng sumubok sa ating katapatan. Dahil din sa tapat na pag-ibig ni Jehova, inilalapit niya tayo sa kaniya.—Jer. 31:3.
15. Bakit iniuugnay sa isang kanlungan at tanggulan ang tapat na pag-ibig ni Jehova?
15 Iniugnay rin ni David sa isang kanlungan at tanggulan ang tapat na pag-ibig ni Jehova. Isinulat niya: “Ang Diyos ang aking ligtas na kanlungan, ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pag-ibig.” Sinabi rin ni David tungkol kay Jehova: “Siya ang aking tapat na pag-ibig at tanggulan, ang aking ligtas na kanlungan at tagasagip, ang aking kalasag at kublihan.” (Awit 59:17; 144:2) Bakit iyon nasabi ni David? Kasi kahit nasaan tayo, basta’t lingkod tayo ni Jehova, poprotektahan niya tayo para hindi masira ang kaugnayan natin sa kaniya. Iyan din ang tinitiyak sa atin ng Awit 91. Isinulat ng salmista: “Sasabihin ko kay Jehova: ‘Ikaw ang aking kanlungan at tanggulan.’” (Awit 91:1-3, 9, 14; tlb.) Ginamit din ni Moises ang salitang kanlungan para ilarawan ang proteksiyon ni Jehova. (Awit 90:1, tlb.) At bago mamatay si Moises, isinulat niya: “Ang Diyos ay kanlungan mula pa nang unang panahon, nakasuporta sa iyo ang walang-hanggang mga bisig niya.” (Deut. 33:27) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova sa pananalitang “nakasuporta sa iyo ang walang-hanggang mga bisig niya”?
16. Paano tayo pinagpapala ni Jehova? (Awit 136:23)
16 Kapag si Jehova ang ating Kanlungan, panatag tayo. Pero baka pinanghihinaan pa rin tayo ng loob kung minsan. Kapag naramdaman natin iyon, ano ang gagawin ni Jehova para sa atin? (Basahin ang Awit 136:23.) Susuportahan niya tayo ng bisig niya, aalalayan niya tayo, at tutulungan niya tayong makayanan ang mga problema. (Awit 28:9; 94:18) Kung paano tayo nakikinabang: Dahil alam natin na lagi tayong sinusuportahan ng Diyos, makakatulong iyon para maalala natin na pinagpapala niya tayo sa dalawang paraan. Una, nasaan man tayo, sigurado tayo na poprotektahan tayo ni Jehova. Ikalawa, talagang nagmamalasakit sa atin ang ating mapagmahal na Ama sa langit.
MAKAKAPAGTIWALA TAYO SA TAPAT NA PAG-IBIG NG DIYOS
17. Bakit tayo makakapagtiwala sa tapat na pag-ibig ng Diyos? (Awit 33:18-22)
17 Gaya ng tinalakay natin, kapag napapaharap sa pagsubok, makakatiyak tayo na susuportahan tayo ni Jehova para makapanatili tayong tapat. (2 Cor. 4:7-9) Sinabi ni propeta Jeremias: “Dahil sa tapat na pag-ibig ni Jehova kaya hindi pa tayo nalilipol, dahil walang hanggan ang awa niya.” (Panag. 3:22) Makakapagtiwala tayo na patuloy na ipapakita ni Jehova ang tapat na pag-ibig niya sa atin. Tinitiyak sa atin ng salmista: “Ang mata ni Jehova ay nagbabantay sa mga may takot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang tapat na pag-ibig.”—Basahin ang Awit 33:18-22.
18-19. (a) Ano ang dapat nating tandaan? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Ano ang dapat nating tandaan? Bago tayo naging lingkod ni Jehova, tumanggap na tayo ng pag-ibig ng Diyos na ipinapakita niya sa lahat ng tao. Pero dahil naging mananamba tayo ni Jehova, nakikinabang din tayo sa tapat na pag-ibig niya. Dahil sa pag-ibig na ito, pinoprotektahan niya tayo. Lagi niya tayong tinutulungan na maging malapít sa kaniya at tutuparin niya ang lahat ng pangako niya sa atin. Gusto niya tayong maging kaibigan magpakailanman! (Awit 46:1, 2, 7) Kaya anumang pagsubok ang dumating, bibigyan niya tayo ng lakas para makapanatiling tapat sa kaniya.
19 Natutuhan natin kung paano nagpapakita si Jehova ng tapat na pag-ibig sa mga lingkod niya. Kaya inaasahan niya na magpapakita rin tayo ng tapat na pag-ibig sa isa’t isa. Paano natin iyon magagawa? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 136 Malaking Gantimpala Mula kay Jehova
a Ano ang tapat na pag-ibig? Kanino ito ipinapakita ni Jehova, at paano sila nakikinabang dito? Sasagutin ang mga tanong na iyan sa artikulong ito. Tatalakayin din ang napakagandang katangian na tapat na pag-ibig sa susunod na artikulo.
b Mababasa rin sa ibang teksto sa Bibliya ang pagiging sagana ng Diyos sa tapat na pag-ibig.—Tingnan ang Nehemias 13:22; Awit 69:13; 106:7; at Panaghoy 3:32.
c LARAWAN: Nagpapakita si Jehova ng pag-ibig sa lahat ng tao, lalo na sa mga lingkod niya. Makikita sa mga icon sa itaas ng mga tao ang ilang paraan kung paano ipinapakita ng Diyos ang pag-ibig niya. Ang pagkakataon na makinabang sa kaayusan ng pantubos ang pinakamahalaga sa mga ito.
d LARAWAN: Espesyal ang pagtrato ni Jehova sa mga lingkod niya at sa mga nananampalataya sa pantubos. Bukod sa pag-ibig na ipinapakita ng Diyos sa lahat ng tao, tumatanggap ang mga lingkod ni Jehova ng tapat na pag-ibig ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Makikita sa mga icon ang ilan sa mga ito.