KABANATA 18
Karunungan sa “Salita ng Diyos”
1, 2. Anong “liham” ang isinulat sa atin ni Jehova, at bakit?
NATATANDAAN mo ba nang huling tumanggap ka ng liham mula sa isang minamahal na nakatira sa malayo? May ilang bagay na nagpapalugod sa atin na gaya ng isang taos-pusong liham mula sa isang pinakamamahal. Tuwang-tuwa tayong makabalita tungkol sa kaniyang kapakanan, karanasan, at mga plano. Ang gayong pakikipag-usap ay lalong nagpapalapít sa ating mga minamahal, kahit na sila’y nasa malayo sa pisikal.
2 Kung gayon, ano pa kaya ang makapagpapalugod sa atin kaysa sa pagtanggap ng isang nakasulat na mensahe mula sa ating iniibig na Diyos? Sa diwa, si Jehova ay sumulat sa atin ng isang “liham”—ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Dito ay sinasabi niya sa atin kung sino siya, kung ano na ang nagawa niya, kung ano ang layunin niyang gawin, at marami pa. Ibinigay ni Jehova sa atin ang kaniyang Salita sapagkat nais niyang mapalapít tayo sa kaniya. Pinili ng ating Diyos na marunong sa lahat ang pinakamainam na paraan ng pakikipag-usap sa atin. Makikita natin ang walang-katulad na karunungan ni Jehova sa paraan ng pagkakasulat sa Bibliya at sa nilalaman nito.
Bakit Isang Nasusulat na Salita?
3. Sa anong paraan ibinigay ni Jehova ang Kautusan kay Moises?
3 Baka magtanong ang ilan, ‘Bakit kaya hindi gumamit si Jehova ng isang mas madulang paraan—halimbawa, isang tinig mula sa langit—upang makipag-usap sa mga tao?’ Ang totoo, may mga pagkakataon na talagang nagsalita si Jehova mula sa langit sa pamamagitan ng mga kinatawang anghel. Halimbawa, ginawa niya ito nang ibigay niya ang Kautusan sa Israel. (Galacia 3:19) Ang tinig mula sa langit ay kamangha-mangha—anupat nakiusap ang nahintakutang mga Israelita na huwag nang makipag-usap si Jehova sa kanila sa gayong paraan kundi makipag-usap na lamang siya sa pamamagitan ni Moises. (Exodo 20:18-20) Kaya naman ang Kautusan, na binubuo ng mga 600 batas, ay ibinigay kay Moises nang bibigan, salita-por-salita.
4. Ipaliwanag kung bakit ang basta salita lamang ay isang di-maaasahang paraan ng paghahatid ng mga kautusan ng Diyos.
4 Ano kaya kung ang Kautusang iyan ay hindi kailanman naisulat? Matatandaan kaya ni Moises ang eksaktong pananalita ng detalyadong kodigong iyan at maipararating ito sa lahat ng tao nang walang mali? Kumusta naman kaya ang susunod na mga henerasyon? Makaaasa kaya sila sa basta salita lamang? Iyan ay hindi isang maaasahang paraan ng paghahatid ng mga kautusan ng Diyos. Isip-isipin ang maaaring mangyari kung ikaw ay magkukuwento sa mga tao na nasa mahabang linya sa pamamagitan ng pagsasabi muna nito sa nasa unahan at pagkatapos ay sasabihin naman niya ito sa sumunod sa kaniya hanggang sa makarating sa dulo. Malamang na ang maririnig ng taong nasa dulo ay ibang-iba na sa sinabi sa pasimula. Ang mga salita ng Kautusan ng Diyos ay hindi napalagay sa gayong panganib.
5, 6. Ano ang itinagubilin ni Jehova kay Moises na gawin sa Kaniyang mga salita, at bakit isang pagpapala para sa atin na ang Salita ni Jehova ay nakasulat?
5 Buong karunungang minabuti ni Jehova na ipasulat ang kaniyang mga salita. Nagtagubilin siya kay Moises: “Isulat mo ang mga salitang ito, dahil nakikipagtipan ako sa iyo at sa Israel ayon sa mga salitang ito.” (Exodo 34:27) Ganiyan nagsimula ang panahon ng pagsulat sa Bibliya, noong 1513 B.C.E. Nang sumunod na 1,610 taon, si Jehova ay nagsalita “sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan” sa mga 40 tao na sumulat noon ng Bibliya. (Hebreo 1:1) Sa loob ng panahong iyon, ang mga debotong tagakopya ay buong ingat na gumawa ng eksaktong mga kopya upang mapangalagaan ang Kasulatan.—Ezra 7:6; Awit 45:1.
6 Talaga ngang pinagpala tayo ni Jehova sa pamamagitan ng pakikipag-usap niya sa atin sa sulat. Nakatanggap ka na ba ng isang liham na napakahalaga sa iyo—marahil dahil sa ito’y nagbibigay ng kinakailangang kaaliwan—anupat itinago mo ito at paulit-ulit na binabasa? Gayundin ang “liham” ni Jehova sa atin. Palibhasa’y ipinasulat ni Jehova ang kaniyang mga salita, nababasa natin ang mga ito nang regular at nabubulay-bulay ang mga sinasabi nito. (Awit 1:2) “Ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas” kailanma’t kailanganin natin ito.—Roma 15:4.
Bakit Kaya mga Tao ang Tagasulat?
7. Paano nakikita ang karunungan ni Jehova sa kaniyang paggamit ng mga taong tagasulat?
7 Dahil sa kaniyang karunungan, gumamit si Jehova ng mga tao upang isulat ang kaniyang Salita. Isaalang-alang ito: Kung ang ginamit ni Jehova ay mga anghel upang isulat ang Bibliya, magkakaroon kaya ito ng katulad na pang-akit? Totoo nga’t mailalarawan ng mga anghel si Jehova mula sa kanilang matayog na pananaw, maipahahayag ang kanilang sariling debosyon sa kaniya, at makapag-uulat tungkol sa tapat na mga taong lingkod ng Diyos. Subalit mauunawaan kaya natin ang pananaw ng mga perpektong espiritung nilalang, na ang kaalaman, karanasan, at kalakasan ay lubhang nakahihigit kaysa sa ating taglay?—Hebreo 2:6, 7.
8. Sa anong paraan hinayaan na gamitin ng mga tagasulat ng Bibliya ang kanilang sariling kakayahan ng pag-iisip? (Tingnan din ang talababa.)
8 Sa kaniyang paggamit ng mga taong tagasulat, ibinigay ni Jehova ang talagang kailangan natin—isang ulat na “mula sa Diyos” ngunit naroroon pa rin ang katangian ng tao. (2 Timoteo 3:16) Paano kaya niya ito nagawa? Sa maraming pagkakataon, lumilitaw na hinayaan niyang gamitin ng mga tagasulat ang kanilang sariling kakayahan ng pag-iisip para makapili ng “magagandang salita at maisulat nang tumpak ang mga salita ng katotohanan.” (Eclesiastes 12:10, 11) Ito ang dahilan ng pagkakaiba-iba ng istilo ng Bibliya; ang mga sulat ay nagpapamalas ng pinagmulan at personalidad ng bawat sumulat.a Gayunman, ang mga taong ito ay “nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Kaya naman ang Bibliya ay masasabing ang “salita ng Diyos.”—1 Tesalonica 2:13.
“Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos”
9, 10. Bakit ang paggamit sa mga taong tagasulat ay nakaragdag sa puwersa at pang-akit ng Bibliya?
9 Ang paggamit ng mga taong tagasulat ay nagbibigay sa Bibliya ng pambihirang puwersa at pang-akit. Ang mga tagasulat nito’y mga taong may damdaming gaya ng sa atin. Palibhasa’y di-perpekto, sila’y napaharap sa mga pagsubok at panggigipit na katulad ng sa atin. Sa ilang pagkakataon, ginabayan sila ng espiritu ni Jehova upang isulat ang tungkol sa kanilang sariling damdamin at mga pagpupunyagi. (2 Corinto 12:7-10) Kaya isinulat nila ang mga salita sa unang panauhan, mga salitang hindi maipahahayag ng sinumang anghel.
10 Halimbawa, isaalang-alang si Haring David ng Israel. Matapos siyang makagawa ng ilang malulubhang kasalanan, kumatha si David ng isang awit na doo’y ibinulalas niya ang laman ng kaniyang puso, na nakikiusap na siya’y patawarin ng Diyos. Sumulat siya: “Linisin mo ako sa kasalanan ko. Dahil alam na alam ko ang mga pagkakamali ko, at ang kasalanan ko ay laging nasa harap ko. Ipinanganak akong makasalanan; makasalanan na ako mula pa nang ipaglihi ng aking ina. Huwag mo akong itaboy mula sa harap mo; at huwag mong alisin sa akin ang iyong banal na espiritu. Ang handog na nakalulugod sa Diyos ay isang bagbag na puso; ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo itatakwil.” (Awit 51:2, 3, 5, 11, 17) Hindi mo ba nadarama ang paghihirap ng sumulat? Sino pa nga ba bukod sa isang di-perpektong tao ang makapagpapahayag ng gayong taimtim na damdamin?
Bakit Isang Aklat Tungkol sa mga Tao?
11. Anong uri ng mga halimbawa sa tunay na buhay ang inilakip sa Bibliya “para matuto tayo”?
11 May isa pang bagay na nakaragdag sa pang-akit ng Bibliya. Sa kalakhang bahagi, ito’y isang aklat tungkol sa mga tao—tunay na mga tao—yaong naglilingkod sa Diyos at yaong hindi naglilingkod sa kaniya. Nababasa natin ang kanilang mga karanasan, paghihirap, at kagalakan. Nakikita natin ang kinalabasan ng kanilang ginawang pagpapasiya sa kanilang buhay. Ang gayong mga ulat ay inilakip “para matuto tayo.” (Roma 15:4) Sa pamamagitan ng mga halimbawang ito sa tunay na buhay, nagtuturo si Jehova sa mga paraang tumatagos sa ating puso. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
12. Sa anong paraan tumutulong sa atin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa di-tapat na mga tao?
12 Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol sa di-tapat, masasama pa ngang mga tao at kung ano ang sinapit nila. Sa mga ulat na ito, ipinapakita ng kanilang mga gawa ang di-kanais-nais na mga ugali, anupat madali tuloy natin itong nauunawaan. Halimbawa, ano pa kayang utos laban sa pagiging di-tapat ang higit pang mabisa kaysa sa buháy na halimbawa ng ugaling ito na taglay ni Judas habang isinasagawa niya ang kaniyang maitim na balak laban kay Jesus? (Mateo 26:14-16, 46-50; 27:3-10) Ang mga ulat na gaya nito ay mas mabisang tumitimo sa ating puso, anupat tinutulungan tayong makita at itakwil ang nakasusuklam na pag-uugali.
13. Sa anong paraan tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan ang kanais-nais na mga katangian?
13 Inilalarawan din ng Bibliya ang maraming tapat na lingkod ng Diyos. Nababasa natin ang hinggil sa kanilang debosyon at katapatan. Nakikita natin ang buháy na mga halimbawa ng mga katangiang kailangan nating linangin upang mapalapít sa Diyos. Kuning halimbawa ang pananampalataya. Binibigyang-kahulugan ng Bibliya ang pananampalataya at sinasabi sa atin kung gaano ito kahalaga sa pagpapalugod sa Diyos. (Hebreo 11:1, 6) Subalit ang Bibliya ay naglalaman din ng matitingkad na halimbawa ng pagsasagawa ng pananampalataya. Isipin na lamang ang pananampalatayang ipinakita ni Abraham nang tangkain niyang ihandog si Isaac. (Genesis, kabanata 22; Hebreo 11:17-19) Sa pamamagitan ng mga ulat na ito, ang salitang “pananampalataya” ay nagpapahiwatig ng karagdagang kahulugan at nagiging madaling maunawaan. Isang karunungan nga na hindi lamang tayo pinapayuhan ni Jehova na maglinang ng kanais-nais na mga katangian kundi naglalaan din siya ng mga halimbawa ng mga ito sa tunay na buhay!
14, 15. Ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa isang babae na dumating sa templo, at ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa salaysay na ito?
14 Ang mga salaysay sa tunay na buhay na masusumpungan sa Bibliya ay kadalasang nagtuturo sa atin ng isang bagay tungkol sa kung anong uri ng persona si Jehova. Isaalang-alang ang nabasa natin tungkol sa isang babaeng nakita ni Jesus sa templo. Habang nakaupong malapit sa mga kabang-yaman, si Jesus ay nagmamasid habang ang mga tao ay naghuhulog ng kanilang mga kontribusyon. Maraming mayayaman ang dumarating at nagbibigay “mula sa kanilang sobra.” Subalit napatitig si Jesus sa mahirap na biyuda. Ang kaniyang kaloob ay “dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga.”b Iyon na lamang ang pera niya. Si Jesus, na may kaparehong pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay, ay nagsabi: “Mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa na naghulog ng pera sa mga kabang-yaman.” Ayon sa mga salitang iyon, naghulog siya ng higit kaysa sa sama-samang inihulog ng lahat ng iba pa.—Marcos 12:41-44; Lucas 21:1-4; Juan 8:28.
15 Hindi ba makahulugan na sa lahat ng taong dumating sa templo nang araw na iyon, ang biyudang ito pa ang napili at binanggit sa Bibliya? Sa halimbawang ito, itinuturo sa atin ni Jehova na siya’y isang mapagpahalagang Diyos. Nalulugod siyang tanggapin ang ating buong-kaluluwang mga kaloob, gaano man kaliit ito kung ihahambing sa naibibigay ng iba. Tiyak ngang nasumpungan ni Jehova ang pinakamahusay na paraan upang maituro sa atin ang nakapagpapasiglang katotohanang ito!
Kung Ano ang Hindi Inilakip sa Bibliya
16, 17. Paano nakikita ang karunungan ni Jehova kahit doon sa mga pinili niyang huwag ilakip sa kaniyang Salita?
16 Kapag ikaw ay sumusulat ng liham sa isang minamahal, limitado lamang ang iyong masasabi. Kaya naman ikaw ang nagpapasiya kung ano ang nais mong isulat. Gayundin naman, pinili ni Jehova na banggitin ang ilang indibidwal at mga pangyayari sa kaniyang Salita. Subalit sa mga ulat na ito, hindi palaging nililiwanag ng Bibliya ang lahat ng detalye. (Juan 21:25) Halimbawa, nang sabihin ng Bibliya ang tungkol sa paghatol ng Diyos, maaaring hindi masagot ng inilaang impormasyon ang lahat ng tanong natin. Ang karunungan ni Jehova ay nakikita kahit doon sa mga pinili niyang huwag ilakip sa kaniyang Salita. Paano?
17 Ang paraan ng pagkakasulat sa Bibliya ay nagsisilbing pagsubok sa kung ano ang laman ng ating puso. Ang Hebreo 4:12 ay nagsasabi: “Ang salita [o, mensahe] ng Diyos ay buháy at malakas at mas matalas kaysa sa anumang espada na magkabila ang talim, at sa talas nito ay kaya nitong paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao, . . . at kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso.” Ang mensahe ng Bibliya ay tumatagos nang malalim, anupat isinisiwalat ang ating tunay na iniisip at mga hangarin. Ang mga bumabasa nito na may pusong mapamintas ay madalas na natitisod sa mga ulat na walang sapat na impormasyon upang masiyahan sila. Baka kuwestiyunin pa nga ng gayong mga tao kung si Jehova ay talagang maibigin, marunong, at makatuwiran.
18, 19. (a) Bakit hindi tayo dapat mag-alala kapag ang isang partikular na ulat sa Bibliya ay nagbabangon ng mga tanong at hindi natin makita ang kagyat na sagot? (b) Ano ang kailangan upang maunawaan ang Salita ng Diyos, at paanong ito’y katibayan ng dakilang karunungan ni Jehova?
18 Kabaligtaran naman, kapag maingat nating pinag-aaralan ang Bibliya taglay ang taimtim na puso, natututo tayo tungkol kay Jehova mula sa konteksto na doo’y ipinapakilala siya sa Bibliya sa kabuoan nito. Dahil dito, hindi tayo nag-aalala kapag sa isang partikular na ulat ay may bumangong ilang tanong at hindi natin makita ang kagyat na sagot. Halimbawa, kapag bumubuo tayo ng isang malaking puzzle, maaaring hindi muna natin makita ang isang partikular na piraso o hindi natin makita kung paano iaakma ang isang piraso. Gayunman, baka sapat na ang mga pirasong nabuo natin upang mapag-unawa kung ano ang magiging hitsura nito kapag nakumpleto na ang larawan. Sa katulad na paraan, kapag nag-aaral tayo ng Bibliya, unti-unti nating natututuhan kung anong uri ng Diyos si Jehova, at lumilitaw ang isang tiyak na larawan. Kahit sa pasimula’y hindi natin maunawaan ang isang ulat o makita kung paano ito umaakma sa personalidad ng Diyos, labis-labis na ang naituturo sa atin ng Bibliya tungkol kay Jehova upang makita natin na siya’y isang maibigin, makatuwiran, at makatarungang Diyos.
19 Kung gayon, upang maunawaan ang Salita ng Diyos, dapat natin itong basahin at pag-aralan taglay ang taimtim na puso at bukás na isip. Hindi ba’t ito’y katibayan ng dakilang karunungan ni Jehova? Ang matatalinong tao ay nakasusulat ng mga aklat na “marurunong at matatalino” lamang ang nakauunawa. Subalit ang makagawa ng isang aklat na mauunawaan lamang niyaong may tamang motibo ng puso—kailangan diyan ang karunungan ng Diyos!—Mateo 11:25.
Isang Aklat ng “Praktikal na Karunungan”
20. Bakit si Jehova lamang ang makapagsasabi sa atin ng pinakamainam na paraan ng pamumuhay, at ano ang nilalaman ng Bibliya na makatutulong sa atin?
20 Sa kaniyang Salita, sinasabi sa atin ni Jehova ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay. Bilang ating Maylalang, mas alam niya kaysa sa atin ang mga pangangailangan natin. At ang pangunahing pangangailangan ng tao gaya ng paghahangad na makasumpong ng pag-ibig, kaligayahan, at matagumpay na pagsasamahan ay hindi nagbabago. Ang Bibliya ay naglalaman ng saganang “praktikal na karunungan” na tutulong sa atin upang magkaroon ng makabuluhang buhay. (Kawikaan 2:7, talababa) Ang bawat seksiyon ng pantulong na ito sa pag-aaral ay naglalaman ng isang kabanata na nagpapakita kung paano natin maisasabuhay ang matalinong payo ng Bibliya, subalit isaalang-alang muna natin ngayon ang isang halimbawa.
21-23. Anong matalinong payo ang makatutulong sa atin upang huwag magkimkim ng galit at hinanakit?
21 Napapansin mo bang madalas na ang taong nagtatanim ng sama ng loob at nagkikimkim ng matinding hinanakit ang siya mismong napipinsala sa dakong huli? Ang matinding hinanakit ay isang mabigat na pasaning dinadala sa ating buhay. Kapag ito’y kinikimkim natin, inaabala nito ang ating isip, inaagaw ang ating kapayapaan, at pinipigil ang ating kagalakan. Ipinahihiwatig ng mga pag-aaral sa siyensiya na ang pagtatanim ng galit ay makadaragdag ng panganib na tayo’y magkasakit sa puso at maraming iba pang nagtatagal na karamdaman. Matagal pa bago ang mga pag-aaral na ito sa siyensiya, ang Bibliya ay matalinong nagsabi: “Alisin mo ang galit at huwag ka nang magngalit.” (Awit 37:8) Subalit paano natin ito magagawa?
22 Ibinibigay ng Salita ng Diyos ang matalinong payong ito: “Ang kaunawaan ng tao ang pumipigil sa kaniya na magalit agad, at nagiging kapuri-puri siya kapag pinalalampas niya ang pagkakamali.” (Kawikaan 19:11) Kapag may kaunawaan ang isa, naiintindihan niya ang sinabi o ginawa ng isang tao. Nauunawaan din niya kung bakit ito sinabi o ginawa ng taong iyon. Ang pagsisikap na maunawaan ang kaniyang tunay na motibo, damdamin, at kalagayan ay maaaring makatulong sa atin na alisin ang negatibong pag-iisip at saloobin tungkol sa kaniya.
23 Ang Bibliya ay naglalaman pa ng ganitong payo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.” (Colosas 3:13) Ang pananalitang “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa” ay nagpapahiwatig ng pagiging mapagpasensiya sa iba, anupat hindi na lamang pinapansin ang mga ugaling marahil ay kinaiinisan natin. Ang gayong pagtitimpi ay makatutulong sa atin upang huwag magtanim ng sama ng loob hinggil sa maliliit na bagay. Ang ‘pagpapatawad’ ay nagpapahiwatig ng ideya ng pag-aalis ng hinanakit. Alam ng ating marunong na Diyos na kailangang patawarin natin ang iba kapag may mabuting dahilan para gawin iyon. Hindi lamang ito para sa kanilang kapakinabangan kundi para din sa ating sariling kapayapaan ng isip at puso. (Lucas 17:3, 4) Kay lalim nga ng karunungang nasusumpungan sa Salita ng Diyos!
24. Ano ang nagiging resulta kapag iniaayon natin ang ating buhay sa karunungan ng Diyos?
24 Dahil sa kaniyang walang-hanggang pag-ibig, ninais ni Jehova na makipag-usap sa atin. Pumili siya ng pinakamainam na paraan—isang “liham” na isinulat ng mga tao sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu. Bilang resulta, ang sariling karunungan ni Jehova ay nasusumpungan sa mga pahina nito. Ang karunungang ito ay “talagang mapagkakatiwalaan.” (Awit 93:5) Habang iniaayon natin dito ang ating buhay at habang ibinabahagi natin ito sa iba, tayo’y likas na napapalapít sa ating Diyos na marunong sa lahat. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang isa pang pambihirang halimbawa ng napakalawak na karunungan ni Jehova: ang kaniyang kakayahang hulaan ang mangyayari sa hinaharap at tuparin ang kaniyang layunin.
a Halimbawa, si David, na isang pastol, ay gumamit ng mga halimbawang kinuha sa buhay ng isang pastol. (Awit 23) Si Mateo, na dating maniningil ng buwis, ay gumawa ng maraming pagtukoy sa mga numero at mga halaga ng pera. (Mateo 17:27; 26:15; 27:3) Si Lucas, na isang doktor, ay gumamit ng mga salitang nagpapakita na siya’y may karanasan sa medisina.—Lucas 4:38; 14:2; 16:20.
b Bawat isa sa mga baryang ito ay isang lepton, ang pinakamaliit na baryang Judio na ginagamit noong panahong iyon. Ang dalawang lepton ay katumbas ng 1/64 ng isang araw na suweldo. Ang dalawang baryang ito ay kulang pa nga para makabili ng isang maya, ang pinakamurang ibon na kinakain ng mahihirap.