“Kung Maiwala ng Asin ang Bisa Nito”
NAGKAROON ng digmaan dahil dito. Ginamit itong pambili. Sa sinaunang Tsina ay naging pangalawa lamang sa ginto ang halaga nito. Oo, ang asin ay matagal nang itinuturing ng tao bilang isang napakahalagang produkto. Hanggang sa ngayon, kinikilala ang kakayahan nito bilang gamot at panlaban sa impeksiyon, at ginagamit ito sa buong daigdig bilang pampalasa at bilang preserbatibo.
Kung isasaalang-alang ang maraming kanais-nais na katangian at gamit ng asin, hindi nga kataka-takang gamitin ito sa Bibliya sa makasagisag na paraan. Halimbawa, hinihiling ng Kautusang Mosaiko na anumang ihandog sa altar para kay Jehova ay kailangang asinan. (Levitico 2:13) Hindi ito ginagawa upang pasarapin ang lasa ng mga hain, kundi malamang ay dahil sa inilalarawan ng asin ang kalayaan mula sa pagkasira o pagkabulok.
Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo ang asin ng lupa.” (Mateo 5:13) Sa pamamagitan ng pananalitang ito, ipinahiwatig ni Jesus na ang kanilang pangangaral sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos ay may potensiyal na impluwensiyang mangalaga, o magligtas ng buhay ng kanilang mga tagapakinig. Sa katunayan, yaong mga nagkakapit ng mga salita ni Jesus ay ipagsasanggalang mula sa kabulukan sa moral at espirituwal sa mga pamayanan na kanilang pinaninirahan at pinaglilingkuran.—1 Pedro 4:1-3.
Gayunman, si Jesus ay nagpatuloy upang magbigay ng babala: “Subalit kung maiwala ng asin ang bisa nito, . . . hindi na ito magagamit pa sa anumang bagay kundi itatapon sa labas upang mayurakan ng mga tao.” Sa pagkokomento hinggil dito, sinabi ng iskolar sa Bibliya na si Albert Barnes na ang asin na alam ni Jesus at ng kaniyang mga apostol “ay hindi dalisay, nahaluan ng gulay at lupa.” Kaya kapag wala nang alat ang asin, “halos puro lupa” ang maiiwan. “Ito,” ang sabi ni Barnes, “ay wala nang silbi kundi . . . ilagay sa daanan, o mga landas, gaya ng ginagawa natin sa graba.”
Sa pakikinig sa babalang ito, dapat magpakaingat ang mga Kristiyano na huwag huminto sa kanilang pangmadlang pagpapatotoo o mahulog sa di-makadiyos na mga paraan ng paggawi. Kung hindi ay hihina ang kanilang espirituwalidad at maaaring mawalan ng silbi, gaya ng ‘asin na nawalan ng bisa.’