KUNEHO
[sa Heb., ʼar·neʹveth; sa Ingles, hare].
Isang hayop na ngumangatngat, kabilang sa pamilyang Leporidae, at malapit na kamag-anak ng rabit ngunit mas malaki rito. Naiiba ito sa rabit dahil ang mga anak nito ay karaniwan nang hindi isinisilang sa isang lungga sa ilalim ng lupa kundi ipinanganganak na aktibo, mabalahibo, at mulat na ang mga mata. Kilala ang kuneho sa labing may hati, mahahabang tainga, nakatayong buntot, at mahahabang binti sa hulihan at paa, na magagamit sa mabilis na pagtakas sa mga kaaway nito. Ang pinakamatutulin na kuneho ay sinasabing nakaaabot sa bilis na 70 km/oras (43 mi/oras). Maraming iba’t ibang uri ng kuneho, at ang katamtamang haba nila ay mga 0.6 m (2 piye). Ang karaniwang kulay nila ay abuhin o kayumanggi.
Sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang kuneho ay ipinagbawal kainin at tinukoy bilang ngumunguya ng dating kinain. (Lev 11:4, 6; Deu 14:7) Sabihin pa, ang tiyan ng mga kuneho at mga rabit ay walang iba’t ibang kompartment o partisyon at hindi nila ibinabalik mula rito ang kanilang pagkain para muling nguyain, mga katangiang kaugnay ng siyentipikong klasipikasyon ng mga ruminant o mga ngumunguya ng dating kinain. Bagaman ang terminong Hebreo na ginamit dito para sa pagnguya ay literal na nangangahulugang “ibalik,” hindi ang makabagong siyentipikong klasipikasyon ng ‘pagnguya ng dating kinain’ ang batayan ng pagkaunawa rito ng mga Israelita noong mga araw ni Moises. Samakatuwid, hindi dapat hatulan ang kawastuan ng pananalita ng Bibliya batay sa limitado at maituturing na bagong depinisyon ng hayop na ngumunguya ng dating kinain, gaya ng ginagawa ng maraming kritiko.
Noon, ang mga komentaristang may pananampalataya sa pagiging kinasihan ng rekord ng Bibliya ay walang nakitang pagkakamali sa sinabi ng Kautusan. Ganito ang obserbasyon ng The Imperial Bible-Dictionary: “Maliwanag na kapag nagpapahinga ang kuneho, paulit-ulit nitong nginunguya ang pagkain na naunang kinain nito; at ang gawaing ito ay matagal nang itinuturing ng marami bilang pagnguya ng dating kinain. Maging ang makata nating si Cowper, isang maingat na tagapagmasid ng likas na mga pangyayari, na nagrekord ng kaniyang mga obserbasyon sa tatlong kuneho na inalagaan niya, ay nagpapatotoo na ‘maghapong nginunguya ng mga ito ang kanilang dating kinain hanggang sa gabi.’”—Inedit ni P. Fairbairn, London, 1874, Tomo I, p. 700.
Gayunman, ipinakikita ng siyentipikong obserbasyon sa mga kuneho at mga rabit nitong nakaraang mga taon na hindi lamang ang waring pagnguya ng dating kinain ang nasasangkot. Ganito ang isinulat ni François Bourlière (The Natural History of Mammals, 1964, p. 41): “Ang kaugalian ng ‘refection,’ o makalawang ulit na pagpaparaan ng pagkain sa bituka sa halip na minsan lamang, ay waring karaniwan sa mga rabit at mga kuneho. Karaniwan nang kinakain at nilululon ng mga alagang rabit nang di-nginunguya ang kanilang mga idinudumi sa gabi, at sa kinaumagahan ay halos ito ang kalahati ng laman ng kanilang tiyan. Sa mailap na rabit, ang refection ay nangyayari nang makalawang ulit sa maghapon, at iniuulat din ang kaugaliang iyan tungkol sa European hare. . . . Ipinapalagay na ang kaugaliang ito’y naglalaan sa mga hayop ng maraming bitamina B na produkto ng mga baktiryang nasa pagkain sa loob ng malaking bituka.” Hinggil dito, ganito ang komento ng akdang Mammals of the World (ni E. P. Walker, 1964, Tomo II, p. 647): “Maaaring katulad ito ng ‘pagnguya ng dating kinain’ na ginagawa ng mga mamalyang ruminant.”—Tingnan ang DATING KINAIN.