KARAMDAMAN AT PANGGAGAMOT
Madalas banggitin sa Kasulatan ang karamdaman, ang pagiging di-malusog ng katawan o isip, gayundin ang espirituwal na pagkakasakit, o pagkakaroon ng karamdaman sa makasagisag na paraan. Bagaman ang Bibliya ay hindi pangunahing isinulat bilang aklat na nagtuturo kung paano gagamutin ang iba’t ibang karamdaman sa pamamagitan ng medikal o iba pang mga paraan, ang impormasyong inihaharap nito hinggil sa gayong mga bagay ay tumpak at kaayon ng siyensiya. Gayunman, ipinakikita nito kung paano madaraig ang espirituwal na pagkakasakit.
Ang karamdaman ay resulta ng di-kasakdalang nagbubunga ng kamatayan na ipinamana ng makasalanang si Adan sa lahi ng tao. (Gen 3:17-19; Ro 5:12) Gayunman, si Jehova mismo ay ‘nagpasapit kay Paraon at sa kaniyang sambahayan ng malalaking salot dahil kay Sarai, na asawa ni Abram.’ (Gen 12:17) Ang Diyos ang nagpasapit ng mga “bukol na nagnanaknak” na tumubo sa tao at hayop bilang ikaanim na dagok sa sinaunang Ehipto. (Exo 9:8-11) Pinakapitan niya ng ketong ang pangahas na si Miriam (Bil 12:9-15), sinaktan niya ang anak nina David at Bat-sheba sa pagkakasala anupat nagkasakit ito at namatay (2Sa 12:15-18), at ‘pinasapitan niya ng salot ang Israel’ noong mga araw ni David (2Sa 24:15). Ginawa ng Diyos ang lahat ng ito upang itaguyod ang kaniyang pangalan at kautusan, at upang ipagsanggalang, palayain, o disiplinahin ang kaniyang piling bayan bilang kanilang ama.
Gayunman, sa kapahintulutan ni Jehova, “sinaktan [ni Satanas] si Job ng malulubhang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.” (Job 2:6, 7) Sa pamamagitan nito, si Job ay naging halimbawa sa bayan ng Diyos may kaugnayan sa pag-iingat ng katapatan. Nang maglaon ay pinagaling ng Diyos si Job, at pinahaba pa nang 140 taon ang kaniyang buhay dahil nanatili siyang tapat. (Job 42:10, 16) Kung minsan, ang mga demonyo ang nasa likod ng mga kapansanan, gaya sa kaso ng isang lalaking bulag at pipi na inalihan ng demonyo at pinagaling ni Jesu-Kristo. (Mat 12:22) Ngunit ipinakikita ng Kasulatan na may pagkakaiba ang normal na mga karamdaman at yaong mga resulta ng pag-ali ng demonyo.—Mat 4:24; Mar 1:32-34; Gaw 5:16; tingnan ang PAG-ALI NG DEMONYO.
Ang hindi pagsunod sa Salita ng Diyos, halimbawa may kaugnayan sa kalinisang-asal sa sekso, ay maaaring humantong sa karamdaman at kamatayan pa nga. (Kaw 7:21-27) Binabalaan ang mga Israelita na kung susuwayin nila si Jehova, pasasapitan niya sila ng iba’t ibang karamdaman.—Deu 28:58-61.
Maraming uri ng karamdaman at sakit ang binabanggit sa Bibliya. Halimbawa, kung magiging masuwayin ang mga Israelita, daranas sila ng mga karamdamang gaya ng tuberkulosis, bukol, almoranas, eksema, at kabaliwan. (Deu 28:22, 27, 28, 35) Naglaan ang Kautusan ng impormasyon kung paano kikilalanin ang mga kaso ng ketong at kung ano ang dapat gawin sa mga ito. (Lev kab 13, 14) Pinagbawalang gumanap ng makasaserdoteng mga tungkulin ang isang inapo ni Aaron kung ito’y may buni, at hindi maaaring ihain ang isang hayop na mayroon nito. (Lev 21:17, 20; 22:22) Sa kapangyarihan ng Diyos, nagpagaling si Jesu-Kristo ng pagkabulag na mula pa sa pagkapanganak (Ju 9:1-7), pagkabingi (Luc 7:22), manas (Luc 14:1-4), ketong (Luc 5:12, 13), epilepsi, paralisis, at iba pang mga karamdaman at kapansanan (Mat 4:23, 24). Sa Malta, pinagaling ni Pablo ang ama ni Publio, na “napipighati dahil sa lagnat at disintirya.”—Gaw 28:1-8.
Kung minsan, sinisikap ng makabagong-panahong mga mananaliksik na maging mas espesipiko kaysa sa Bibliya kapag inilalarawan nila ang mga sintomas at mga karamdaman na binabanggit nito, ngunit kadalasan ay iba-iba ang kanilang pangmalas. Gayunman, yamang ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos, tumpak ang sinasabi ng mga manunulat nito kapag tinutukoy nila ang pangalan ng isang karamdaman. Ngunit kung minsan, hindi nila binabanggit ang pangalan ng mga sakit. Bilang halimbawa, hindi tinukoy ng Bibliya ang pangalan ng mga sakit na ikinamatay ng dalawang batang lalaki na binuhay-muli ni Jehova sa pamamagitan ni Elias at ni Eliseo. (1Ha 17:17-24; 2Ha 4:17-37) Hindi nito isiniwalat ang uri ng “sakit na ikamamatay” ni Eliseo (2Ha 13:14, 20) ni ang karamdaman na naging dahilan ng pagkamatay ni Lazaro.—Ju 11:1-4.
Panggagamot Noong Sinaunang mga Panahon. Sa sinaunang Israel at sa iba pang mga lupain sa Bibliya, pangkaraniwan ang mga manggagamot, mga praktisyoner ng medisina o ng iba’t ibang sining ng pagpapagaling. Sa Ehipto, si Israel, ang namatay na si Jacob, ay “inembalsamo ng mga manggagamot.” (Gen 50:1-3) “Minamahal na manggagamot” ang tawag sa alagad na si Lucas. (Col 4:14) Sinasabi sa atin ni Marcos na may isang babae na “labindalawang taon nang dumaranas ng pag-agas ng dugo” at “pinaranas ng maraming pahirap ng maraming manggagamot at nagugol na niya ang lahat ng kaniyang pag-aari at hindi nakinabang kundi sa halip ay lalo pa ngang lumubha.”—Mar 5:25-29.
Lumilitaw na ang mga Hebreong manggagamot ay gumamit ng ilang yerba at, marahil, ng ilang uri ng pagkain bilang panlunas. Kung minsan, ang mga sugat ay pinapahiran ng ‘balsamo ng Gilead,’ isang mabangong langis na nakukuha sa mga halaman sa sinaunang Gilead, marahil bilang antiseptiko o pampaginhawa at pamawi ng kirot. (Jer 46:11; 51:8) Waring ginamit ang ilang uri ng dahon bilang gamot. (Eze 47:12; Apo 22:1, 2) Lumilitaw na gumamit din sila ng mga panapal. (2Ha 20:7; Isa 38:21) Kung minsan, langis ang ibinubuhos sa sugat at pasa upang mapalambot ito (Isa 1:6), anupat may mga pagkakataon na binubuhusan kapuwa ng langis at alak ang sugat. (Luc 10:34) Paminsan-minsan, inirerekomenda ang katamtamang pag-inom ng alak dahil nakapagpapasaya ito at mayroon itong mga sangkap na nakapagpapagaling.—Kaw 31:6; 1Ti 5:23.
Nagsagawa ng medisina at pag-oopera ang sinaunang mga Ehipsiyo, at tungkol sa kanila ay sumulat ang istoryador na si Herodotus (II, 84): “Lubhang magkakaiba ang isinasagawa nilang medisina, anupat isang karamdaman lamang ang pinagagaling ng bawat manggagamot. Napakarami ng mga manggagamot sa buong bansa, anupat ang ilan ay espesyalista sa mata, ang ilan ay sa ngipin, ang ilan ay may kinalaman sa tiyan, at ang ilan naman ay sa mga tagóng karamdaman.”
Sa Ehipto, kabilang sa mga pamamaraan sa pag-oopera ang cauterization upang makontrol ang pagdurugo, at ang pag-aangat sa piraso ng buto na maaaring nakadiin sa utak ng isang tao kung nagkaroon ng basag ang kaniyang bungo. Ginamitan ng mga balangkat (splint) ang mga baling buto, anupat natuklasan pa nga ang ilang momya na may mga balangkat na yari sa balat ng punungkahoy na binendahan. (Ihambing ang Eze 30:20, 21.) May mga siruhano sa sinaunang Babilonya at ipinahihiwatig ito sa Kodigo ni Hammurabi, na nagtatakda ng singil ng mga manggagamot at bumabanggit sa “isang bronseng kutsilyo na pang-opera.”
May mga dentista noon sa Fenicia. Ang isang natagpuang ispesimen na gawa ng dentista ay ginamitan ng pinong alambreng ginto upang pagdikit-dikitin ang anim na ngipin sa ibaba. Sa isa pang ispesimen, alambreng ginto ang ginamit bilang pangkabit sa mga ngipin na nanggaling sa ibang tao.
Impluwensiya ng Mahika at Huwad na Relihiyon. Tungkol sa mga manggagamot ng Ehipto at sa kanilang mga panlunas, ang The International Standard Bible Encyclopaedia (Tomo IV, p. 2393) ay nagsabi: “Mula sa naingatang sinaunang medikal na mga papiro, na ang pinakamalaki ay ang Papyrus Ebers, alam natin na ang kaalaman sa medisina ng mga manggagamot na ito ay batay lamang sa kanilang obserbasyon, halos puro mahika, at di-kaayon ng siyensiya. Bagaman marami silang pagkakataon para pag-aralan ang anatomiya ng tao, halos wala silang alam tungkol dito, masyadong sinauna ang mga paglalarawan nila sa mga karamdaman, at walang-bisa ang karamihan sa daan-daang reseta na nasa mga papiro. Pati ang kanilang pamamaraan sa pag-eembalsamo ay maling-mali anupat ilan lamang sa kanilang mga momya ang mapepreserba kung ang klima ay hindi gaya niyaong sa Ehipto.”—Inedit ni J. Orr, 1960.
Ang Pranses na manggagamot at iskolar na si Georges Roux (sa kaniyang aklat na Ancient Iraq, 1964, p. 305-309) ay nagsabi: “Ang diyagnosis at prognosis ng mga manggagamot ng Mesopotamia ay magkahalong pamahiin at tumpak na obserbasyon.” Doon ay may sinanay at propesyonal na mga manggagamot na naniniwalang karamihan sa mga karamdaman ay may mahiwagang pinagmulan ngunit isinasaalang-alang din nila ang ibang mga sanhi, gaya ng pagkahawa, pagkain, at inumin. Kung minsan ay pinapupunta ng manggagamot ang mga pasyente sa isang manghuhula, ang saserdoteng baru, na nagsisikap namang tuklasin ang lihim na pagkakasala na sanhi ng karamdaman. O maaaring papuntahin ng manggagamot ang maysakit sa saserdoteng ashipu, na gumagamit naman ng mga bulong at mga ritwal ng mahika upang magpalabas ng mga demonyo. Sinabi pa ni Roux: “Tulad ng kaniyang mga astronomo, ibinatay ng mga manggagamot ng Mesopotamia ang kanilang sining sa mga doktrinang metapisikal at sa gayon ay tinanggihan nila ang kapaki-pakinabang na paghahanap ng makatuwirang mga paliwanag.”
Itinuring ng mga Babilonyo si Ea bilang pangunahing diyos ng pagpapagaling. Bilang proteksiyon laban sa masasamang espiritu, nagsuot sila ng mga agimat at anting-anting. Kinilala ng mga Griego si Hygeia bilang ang diyosang nagbabantay sa kalusugan, at si Asclepius (Asklepios, Aesculapius) naman ay nagsilbing inspirasyon sa mga manggagamot sa sinaunang Gresya. Iniuugnay ng mga Romano sa ilang bathala ang pagpapagaling ng partikular na mga sakit. Halimbawa, iniugnay kay Febris ang mga lagnat. Ang isang sagisag na iniuugnay sa Griegong diyos na si Asclepius ay isang baston na may nakapulupot na ahas. (LARAWAN, Tomo 2, p. 530) Ang waring kahawig nito na caduceus, isang baston na may mga pakpak at mga serpiyenteng magkapulupot, na isang emblema ng medisina, ay kopya ng baston na sa sining na Romano ay ipinakikitang hawak ng diyos na si Mercury.
Tungkol sa sinaunang mga paniniwala hinggil sa mga sakit, ang The Interpreter’s Dictionary of the Bible (Tomo 1, p. 847) ay nagsabi: “Sa mga primitibong lahi, itinuturing na ang karamdaman ay resulta ng pangingibabaw sa isang tao ng mahika ng kaniyang kaaway, o kaya’y bunga ng pagkontra sa isang mahiwagang kapangyarihan. Alinman ang totoo, kapag mahirap pagalingin ang mga sakit, ipinapalagay na ang sanhi ng mga ito ay mahika, panggagaway, at pangkukulam, at ang ihahatol ay mula sa shaman, o albularyo. Tungkulin niyang alamin ang mahiwagang sanhi ng karamdaman, at sikaping itaboy iyon sa pamamagitan ng mga orasyon, mga anting-anting, mga droga, at mga bulong.”—Inedit ni G. Buttrick, 1962.
Ipinakikita ng Kasulatan na pinasapitan ni Satanas ng sakit si Job (Job 2:7) at na paminsan-minsan ay pag-ali ng demonyo ang sanhi ng karamdaman. (Mat 17:14-18) Kaya naman may saligan ang sinaunang mga pagano upang iugnay sa pag-ali ng demonyo ang ilang karamdaman. Ngunit, di-tulad nila, hindi kailanman gumamit ng mahika ang tapat na Hebreong mga saserdote at mga manggagamot upang makapagpagaling. (Deu 18:9-13) Hindi bumigkas si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga tunay na tagasunod ng mahiwagang mga bulong, kahit noong nagpapalayas sila ng mga demonyo sa pagpapagaling. Kapag naging Kristiyano ang mga dating nagsasagawa ng mahika, iniiwan nila ang gayong makademonyong mga gawain, at tiyak na hindi gagamit ng okultismo ang Kristiyanong manggagamot ni papupuntahin man niya sa mahiko ang kaniyang pasyente.—Gaw 19:18, 19.
Katumpakan ng mga Konsepto sa Kasulatan. Tungkol kay Hippocrates, isang Griegong manggagamot noong ikalima at ikaapat na siglo B.C.E. na kilala bilang “ama ng makabagong medisina,” ay sinabi: “Wala siyang kaugnayan sa mga ospital ng templo noong kaniyang panahon, na kontrolado ng mga saserdote ni Asclepius, ang diyos ng pagpapagaling.” (The World Book Encyclopedia, 1987, Tomo 9, p. 227) Halos kapanahon ni Hippocrates si Malakias, ngunit ang kalakhang bahagi ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga karamdaman ay isinulat ni Moises mga isang libong taon ang kaagahan. Gayunman, pansinin ang pananalitang ito: “Ang pinakamahuhusay na mananaliksik sa medisina ngayon na pinakamasulong sa kanilang gawain ay nagsasabi na ang Bibliya ay isang walang kamali-maling siyentipikong aklat. . . . Ang mga katotohanan hinggil sa buhay, diyagnosis, panggagamot, at pag-iwas sa sakit na iniulat sa Bibliya ay higit na makabago at mapananaligan kaysa sa mga teoriya ni Hippocrates, na marami sa mga ito ay hindi pa napatutunayan, at ang ilan ay natuklasang maling-mali.”—Dr. H. O. Philips, sa isang liham sa The AMA [American Medical Association] News, inilathala sa isyu ng Hulyo 10, 1967.
Tungkol sa Kristiyanong manggagamot na si Lucas, na sumulat ng isang Ebanghelyo at ng aklat ng Mga Gawa, sinabi ni Dr. C. Truman Davis: “Kapag nagbibigay siya ng medikal na paglalarawan, ito ay tumpak na tumpak. Gumagamit si Lucas ng may kabuuang dalawampu’t tatlong teknikal na salitang Griego na matatagpuan sa mga isinulat nina Hippocrates, Galen at sa iba pang mga akda sa medisina noong yugtong iyon.”—Arizona Medicine, Marso 1966, “Medicine and the Bible,” p. 177.
Kadalasan, kapaki-pakinabang sa kalusugan ang pagtupad sa Kautusan. Bilang halimbawa, iniutos nito na tabunan ang dumi ng tao kapag sila’y nasa isang kampamento ng militar (Deu 23:9-14), sa gayo’y nagsisilbi itong malaking proteksiyon laban sa mga nakahahawang sakit na dala ng mga langaw gaya ng disintirya at tipus. Naiwasan ang kontaminasyon ng pagkain at tubig dahil espesipikong binanggit ng Kautusan na anumang bagay na mahulugan ng isang patay na ‘maruming’ nilalang ay ituturing na marumi at may mga hakbang na kailangang gawin, kasama na rito ang pagbasag sa narumhang sisidlang luwad.—Lev 11:32-38.
Kapansin-pansin na sinabi: “Ang paglaban sa sakit ay mahalaga sa batas na ito, na kung susundin ay malaki ang maitutulong upang maiwasan ang mga sakit na nakukuha sa pagkain gaya ng polioencephalitis, mga lagnat na may kaugnayan sa bituka, pagkalason sa pagkain, at mga parasitong bulati. Ang pagtiyak na malinis ang suplay ng tubig ang pinakaepektibong paraan upang mapigilan ang paglitaw at pagkalat ng mga karamdamang gaya ng amoebiasis, mga lagnat na may kaugnayan sa bituka, kolera, bilharziasis, at spirochetal jaundice. Ang mga pamamaraang ito ng paglaban sa sakit, na isang pangunahing bahagi ng alinmang sistema para sa kalusugang pambayan, ay partikular na mahalaga para sa kapakanan ng isang bansa na namumuhay sa primitibong mga kalagayan sa isang subtropikal na rehiyon ng lupa.”—The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 544, 545.
Sa kaniyang aklat na The Bible and Modern Medicine, itinawag-pansin ni A. Rendle Short, M.D., na sa mga bansang nakapalibot sa sinaunang Israel, ang batas hinggil sa kalinisang pambayan, kung mayroon man, ay napakasimple lamang. Sinabi pa niya: “Kaya naman lalong nakagugulat malaman na ang aklat na tulad ng Bibliya, na sinasabing di-kaayon ng siyensiya, ay may kodigo ng kalinisan, at nakagugulat ding malaman na sa mga aklat ng batas ng isang bansa na kaaalpas pa lamang sa pagkaalipin, anupat madalas na dinadaluhong ng mga kaaway at dinadala sa pagkabihag sa pana-panahon, ay may napakahusay at napakamakatuwirang kodigo ng mga alituntuning pangkalusugan. Kinikilala ito ng mapananaligang mga awtoridad, kahit niyaong mga di-gaanong interesado sa relihiyosong aspekto ng Bibliya.”—London, 1953, p. 37.
Ayon sa Kautusan, kabilang ang kuneho at ang baboy sa mga hayop na bawal kainin ng mga Israelita. (Lev 11:4-8) Hinggil dito, sinabi ni Dr. Short: “Totoo, kumakain tayo ng baboy, rabit at kuneho, ngunit ang mga hayop na ito ay karaniwang may mga parasito at ligtas lamang kung lulutuing mabuti ang pagkain. Ang baboy ay kumakain ng maruruming bagay, at mayroon itong dalawang uri ng bulati, ang trichina at ang tape worm, na maaaring maipasa sa tao. Hindi ito gaanong mapanganib sa kasalukuyang mga kalagayan sa bansang ito, ngunit napakamapanganib nito sa sinaunang Palestina, at mas mabuti kung iiwasan noon ang pagkaing iyon.”—The Bible and Modern Medicine, p. 40, 41.
Sa espirituwal, mental, at pisikal na paraan, nagkaroon din ng mabuting epekto sa mga Israelita ang panghahawakan nila sa matuwid na mga kahilingan ni Jehova hinggil sa kalinisang-asal sa sekso. (Exo 20:14; Lev 18) Ang mga Kristiyanong nag-iingat ng moral na kalinisan ay nagtatamo rin ng mga kapakinabangan sa kalusugan. (Mat 5:27, 28; 1Co 6:9-11; Apo 21:8) Ang pagtupad sa matataas na pamantayang moral ng Bibliya ay nagsisilbing proteksiyon laban sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik.
Inirekomenda ni Pablo kay Timoteo na uminom ng kaunting alak para sa sikmura nito at sa malimit nitong pagkakasakit. (1Ti 5:23) Pinatutunayan ng makabagong-panahong pananaliksik na ang alak ay may mga sangkap na nakapagpapagaling. Si Dr. Salvatore P. Lucia, Propesor ng Medisina, University of California School of Medicine, ay nagsabi: “Ginagamit ang alak sa maraming dako bilang panlunas sa mga karamdaman sa sistema ng panunaw. . . . Dahil sa sangkap na tanin at sa banayad na antiseptikong katangian ng alak, kapaki-pakinabang ito sa paggamot ng koliko sa bituka, mucous colitis, pagtitibi, pagtatae at marami pang ibang sakit sa tiyan at bituka na sanhi ng impeksiyon.” (Wine as Food and Medicine, 1954, p. 58) Sabihin pa, iminungkahi ni Pablo kay Timoteo na ‘gumamit ng kaunting alak,’ hindi ng maraming alak, at hinahatulan ng Bibliya ang paglalasing.—Kaw 23:20; tingnan ang KALASINGAN, PAGLALASING.
Ipinakikita ng Kasulatan na maaaring makaapekto sa pisikal na kalusugan ang isip at emosyon, bagaman halos kamakailan lamang nabatid ng karamihan sa mga mananaliksik sa medisina ang kaugnayan ng pisikal na pagkakasakit at ng emosyonal na kalagayan ng isang tao. Sinasabi ng Kawikaan 17:22: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” Nakapipinsala ang mga emosyong gaya ng inggit, takot, kasakiman, poot, at makasariling ambisyon, samantalang nakabubuti naman, at kung minsan ay nakagagamot, ang pagpapasulong at pagpapamalas ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili, na mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Gal 5:22, 23) Sabihin pa, hindi itinuturing ng Kasulatan ang lahat ng karamdaman bilang resulta ng kalagayan ng isip at emosyon, ni tinututulan man nito ang lahat ng panggagamot ng mga doktor. “Minamahal na manggagamot” ang itinawag ni Pablo sa tapat na Kristiyanong si Lucas.—Col 4:14.
Kuwarentenas. Ayon sa Kautusan, ang isang tao na may nakahahawang sakit o pinaghihinalaang mayroon nito ay dapat ikuwarentenas, samakatuwid nga, ibukod sa iba nang ilang panahon. Pitong-araw na kuwarentenas ang ipinatutupad kapag sinusuri ang mga tao, mga kasuutan, at iba pang mga gamit, o mga bahay, kung mayroon bang ketong ang mga ito. (Lev 13:1-59; 14:38, 46) Gayundin, ang isang tao ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw kapag nakahipo siya ng bangkay ng tao. (Bil 19:11-13) Bagaman hindi sinasabi ng Kasulatan kung pangkalusugan ang layunin ng kababanggit na tuntunin, naglaan ito ng proteksiyon sa ibang indibiduwal sakaling ang ikinamatay ng taong iyon ay nakahahawang sakit.
Makasagisag na Pagkakapit. Nagkasakit sa espirituwal ang Juda at Jerusalem dahil sa kanilang mga kasalanan. (Isa 1:1, 4-6) Bagaman tinangka ng mga lider ng relihiyon ng Jerusalem na pagalingin ang pagkasira ng bayan, anupat may-kabulaanan nilang sinasabi na may kapayapaan (Jer 6:13, 14), hindi nila napigilan ang pagkawasak ng lunsod noong 607 B.C.E. Ngunit ipinangako ni Jehova na magpapasapit siya ng paggaling para sa Sion, o Jerusalem (Jer 30:12-17; 33:6-9), isang kagalingang natupad nang bumalik ang mga Judiong nalabi sa kanilang sariling lupain noong 537 B.C.E.
Natanto ni Jesu-Kristo ang pagiging may-sakit sa espirituwal ng mga makasalanan at sinikap niyang ilapit sila kay Jehova para sa espirituwal na pagpapagaling. Kaya naman nang punahin siya dahil sa pagkain at pag-inom niya kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan, sinabi ni Jesus: “Yaong malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi yaong mga may sakit. Ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.”—Luc 5:29-32.
Tinatalakay sa Santiago 5:13-20 ang paggamot sa espirituwal na pagkakasakit na maaaring maranasan ng isang miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Ipinahihiwatig ng konteksto na ang pagkakasakit ay kabaligtaran ng kagalakan, kung kaya ipinakikita nito na ang tinatalakay ni Santiago ay hindi pisikal na karamdaman, kundi espirituwal na pagkakasakit. May kinalaman sa mga hakbang na panlunas at sa bisa ng mga ito, sumulat si Santiago: “Mayroon bang sinumang may sakit [sa espirituwal] sa inyo? Tawagin niya ang matatandang lalaki [ang matatanda] ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya [upang marinig niya ang panalangin at sumang-ayon siya sa pamamagitan ng pagsasabi ng “Amen”], na pinapahiran siya ng langis [anupat pinatitibay-loob siya sa pamamagitan ng nakaaaliw at nakagiginhawang tagubilin mula sa Salita ng Diyos, upang muli siyang maging kaisa ng kongregasyon (Aw 133:1, 2; 141:5)] sa pangalan ni Jehova [lakip ang katapatan sa Diyos at kaayon ng Kaniyang layunin]. At ang panalangin ng pananampalataya [na ihahandog ng matatandang lalaki alang-alang sa taong may-sakit sa espirituwal] ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam [sa espirituwal], at ibabangon siya ni Jehova [mula sa kalumbayan at sa pagkadamang pinabayaan na siya ng Diyos, anupat palalakasin siya ni Jehova upang makalakad siya sa daan ng katotohanan at katuwiran (Fil 4:13)]. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya [ni Jehova (Aw 32:5; 103:10-14), kung malugod na tatanggapin ng indibiduwal ang mga panalangin at ang pagsaway, pagtutuwid, at payo mula sa Salita ng Diyos na ibibigay sa kaniya ng matatandang lalaki, at may-pagsisisi siyang manunumbalik at lalakad sa tamang daan (Aw 119:9-16)].”
Pagharap sa Karamdaman. Ang pagkakasakit ay isang kalamidad na maaaring sumapit sa isang tao kahit mayaman siya sa materyal. (Ec 5:16, 17; ihambing ang Mat 16:26.) Sagana sa masasarap na pagkain ang ilang indibiduwal ngunit hindi sila masisiyahan sa mga iyon kung mayroon silang karamdaman sa sikmura o sa bituka. (Ec 6:1, 2) Binanggit na kung minsan ay nagkakasakit din sa pisikal ang espirituwal na mga kapatid ni Jesu-Kristo. (Mat 25:39, 40) Nakaranas ng pisikal na pagkakasakit ang mga Kristiyanong gaya nina Epafrodito, Timoteo, at Trofimo (Fil 2:25-30; 1Ti 5:23; 2Ti 4:20), ngunit walang ulat sa Bibliya na makahimalang pinagaling ng mga apostol ang mga Kristiyanong ito.
Gayunpaman, kapag nagkasakit sa pisikal ang isa sa mga lingkod ng Diyos, wasto lamang na manalangin siya kay Jehova ukol sa tibay ng loob upang matiis niya ang kaniyang karamdaman at ukol sa espirituwal na lakas upang maingatan niya ang kaniyang katapatan sa panahong ito ng pisikal na kahinaan. ‘Aalalayan ni Jehova ang gayong tao sa kama ng karamdaman.’—Aw 41:1-3; tingnan din ang 1Ha 8:37-40.
Gayunman, kung ang isang tao ay magpapasok ng dugo sa kaniyang katawan upang gamutin ang kaniyang karamdaman, lalabagin nito ang kautusan ng Diyos.—Gen 9:3, 4; Gaw 15:28, 29; tingnan ang DUGO.
Kayang alisin ni Jehova ang mga sakit. (Exo 15:26; 23:25; Deu 7:15) Sumulat si Isaias tungkol sa isang panahon kapag “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit’” (Isa 33:24) at tungkol sa espirituwal na pagpapagaling sa bulag, bingi, pilay, at pipi, anupat ipinangangako rin sa mga hulang ito ang pisikal na pagpapagaling. (Isa 35:5, 6) Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, pinagaling niya kapuwa sa pisikal at espirituwal na mga paraan yaong mga maysakit sa pamamagitan ng pagtupad sa Mesiyanikong hula, “Siya mismo ang kumuha ng aming mga sakit at nagdala ng aming mga karamdaman.” (Mat 8:14-17; Isa 53:4) Ang saligan ng mga pagpapagaling na ito ay ang paghahain niya ng kaniyang buhay bilang tao, na siyang kasukdulan ng landasing tinahak niya mula nang bumaba sa kaniya ang espiritu ng Diyos sa Ilog Jordan noong 29 C.E. Kaya naman, ang mga Kristiyano ay may saligan para sa pag-asa at may saganang patotoo na sa pamamagitan ng binuhay-muling si Jesu-Kristo at ng Kaharian ng Diyos, ang masunuring sangkatauhan ay hindi lamang pansamantalang pagagalingin sa kanilang karamdaman, kundi permanenteng palalayain mula sa kasalanan, karamdaman, at kamatayan na nagmula kay Adan. Dahil dito, ang lahat ng papuri ay nauukol kay Jehova, na tinukoy ni David bilang ang isa na “nagpapagaling ng lahat ng iyong karamdaman.”—Aw 103:1-3; Apo 21:1-5.