INA
Tulad ng salitang Hebreo na ʼav (ama), malamang na ang salitang ʼem (ina) ay isang salita na ginaya sa isa sa mga unang tunog na nabibigkas ng sanggol. Ginagamit ito upang tumukoy sa tunay na ina ng isang indibiduwal, posible ring sa isang madrasta (Gen 37:10; ihambing ang Gen 30:22-24; 35:16-19), at gayundin sa isang babaing ninuno, yamang ang asawa ni Adan na si Eva ang “ina ng lahat ng nabubuhay.” (Gen 3:20; 1Ha 15:10) Ang salitang Griego para sa “ina” ay meʹter. Kapuwa sa Hebreo at sa Griego, ang salita para sa ina ay ginagamit sa maraming makasagisag na paraan.
Napakasidhi ng pagnanais ng mga babaing Hebreo na magkaroon ng malaking pamilya dahil sa pangako ng Diyos na ang Israel ay gagawin niyang isang mataong bansa at ang bayan na pagmumulan ng binhing ipinangako. (Gen 18:18; 22:18; Exo 19:5, 6) Ang hindi pagkakaroon ng anak ay itinuring na isa sa pinakamasaklap na kasawian.—Gen 30:1.
Sa ilalim ng tipang Kautusan, ang isang babae na nagsilang ng anak na lalaki ay nagiging “marumi” sa relihiyosong paraan sa loob ng 40 araw (7 at 33), at kung siya’y nagsilang ng anak na babae, ang kaniyang karumihan ay doble naman ng haba ng panahong ito, o 80 araw (14 at 66). (Lev 12:2-5) Sa loob ng 7 o 14 na araw ay marumi siya sa harap ng lahat ng tao, pati na sa kaniyang asawa, ngunit sa kasunod na 33 o 66 na araw ay marumi lamang siya may kinalaman sa mga banal na bagay at sa mga bagay na nauugnay sa relihiyosong paglilingkod sa santuwaryo.
Pinasususo ng mga inang Hebreo ang kanilang mga anak hanggang sa edad na tatlong taon at kung minsan pa nga ay hanggang sa edad na limang taon o higit pa, dahil naniniwala silang mas magiging malakas ang bata kapag mas matagal itong sumuso sa ina. (Tingnan ang PAG-AWAT SA SUSO.) Kapag ang ina ay namatay o hindi makapaglaan ng sapat na gatas, kumukuha ng isang nagpapasusong tagapag-alaga. Samakatuwid, posibleng kabilang sa “mga sanggol at mga pasusuhin” sa Bibliya yaong mga maaari nang awatin sa suso, anupat may sapat nang gulang upang magkaroon ng kaalaman, makapuri kay Jehova, at masanay sa santuwaryo.—Mat 21:15, 16; 1Sa 1:23, 24; 2:11.
Matalik ang kaugnayan ng ina at ng mga anak dahil ang ina ang tuwirang nag-aalaga sa mga anak hanggang sa panahong awatin sa suso ang mga ito, kung kailan naman sinisimulan ng ama ang mas personal na pagpatnubay sa edukasyon ng bata. Kinikilala at pinahahalagahan ang posisyon ng ina sa sambahayan. Dapat siyang igalang kahit na siya’y napakatanda na. (Exo 20:12; 21:15, 17; Kaw 23:22; Deu 5:16; 21:18-21; 27:16) Sabihin pa, ang kaniyang posisyon ay laging pangalawahin sa posisyon ng kaniyang asawang lalaki, na dapat niyang igalang at sundin. Bilang isang anak, laging nagpapasakop si Jesus sa kaniyang ama-amahang si Jose at sa kaniyang inang si Maria.—Luc 2:51, 52.
Kapag ang ama ay may higit sa isang asawa, tinutukoy ng mga anak ang kanilang tunay na ina sa pamamagitan ng katawagang “ina” upang ipakita ang kaibahan niya mula sa ibang mga asawa ng kanilang ama. Ang pananalita naman na “mga anak ng aking ina” ay tumutukoy sa tunay na mga kapatid ng isa bilang naiiba sa kaniyang mga kapatid sa ama.—Huk 8:19; Gen 43:29.
Hinihilingan ang ina na itawid sa kaniyang mga anak ang mga tagubilin at mga utos ng ama at tiyakin na naisasagawa ang mga ito. (Kaw 1:8; 6:20; 31:1) Ang ina ang namamahala sa kaniyang sambahayan sa ilalim ng pagkaulo ng kaniyang asawang lalaki. Ang pagkakaroon ng mga anak at pagpapalaki sa mga ito sa tamang paraan ay nakatutulong sa kaniya na manatiling abala at makaiwas sa pakikipagtsismis o panghihimasok sa buhay-buhay ng ibang tao. Hangga’t nananatili siya sa pananampalataya, isa itong napakalaking proteksiyon para sa kaniya. (1Ti 5:9-14; 2:15) Ang mabuting ina ay kailangang maghanda ng pagkain at gumawa ng tela at ng iba’t ibang uri ng pananamit para sa kaniyang mga anak at sa iba pang mga miyembro ng sambahayan, at dahil dito ay binibigyan siya ng komendasyon at papuri ng kaniyang asawang lalaki at mga anak sa harap ng iba.—Kaw 31:15, 19, 21, 28.
Makasagisag na Paggamit. Ang salitang “ina” ay ikinakapit sa Hukom 5:7 sa diwa ng isang babae na tumutulong at nangangalaga sa iba. Tinukoy ni Pablo ang kaniyang pagiging banayad sa mga dinalhan niya ng katotohanan ng Diyos, na kaniyang espirituwal na mga anak, bilang gaya ng “isang nagpapasusong ina.”—1Te 2:7; tingnan ang BANAYAD, PAGIGING.
Dahil sa malapít na espirituwal na kaugnayan, ang mga babaing Kristiyano ay inihahalintulad sa mga ina at mga kapatid na babae ng kanilang mga kapuwa Kristiyano at dapat silang pakitunguhan nang may gayunding paggalang at kalinisan. (Mar 3:35; 1Ti 5:1, 2) Ang mga Kristiyanong asawang babae na sumusunod sa mabuting halimbawa ng asawa ni Abraham na si Sara ay tinatawag na “mga anak” niya.—1Pe 3:6.
Yamang ang katawan ng tao ay ginawa “mula sa alabok ng lupa,” sa makasagisag na paraan ang lupa ay maihahalintulad sa kaniyang “ina.” (Gen 2:7; Job 1:21) Ang isang lunsod ay inilalarawan bilang isang ina, anupat ang mga tumatahan doon ay itinuturing na kaniyang mga anak. Sa kaso ng Jerusalem, ang lunsod bilang sentro ng pamahalaan ay kumatawan sa buong bansa, at ang bayan ng Israel bilang mga indibiduwal ay itinuring na kaniyang mga anak. (Gal 4:25, 26; Eze 23:4, 25; ihambing ang Aw 137:8, 9.) Gayundin, ang isang malaking lunsod ay itinuring na ina ng “mga sakop na bayan” na nakapalibot sa kaniya, o, kung isasalin nang literal, kaniyang “mga anak na babae.” (Eze 16:46, 48, 53, 55; tingnan ang tlb sa Rbi8 sa tal 46.) Ang Babilonyang Dakila, “ang dakilang lunsod,” ay tinatawag na “ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.”—Apo 17:5, 18.