HANDOG, MGA
Mula pa noong unang mga panahon, naghahandog na ang mga tao sa Diyos. Sa unang iniulat na halimbawa nito, ang pinakamatandang anak ni Adan na si Cain ay naghandog ng mga bunga ng lupa, at ang nakababatang anak naman ni Adan na si Abel ay naghandog ng mga panganay ng kaniyang kawan. Maliwanag na magkaiba ang saloobin at motibo ng magkapatid, sapagkat sinang-ayunan ng Diyos ang handog ni Abel ngunit hindi Siya nagpakita ng paglingap sa handog ni Cain. (Nang maglaon, itinakda ng tipang Kautusan ang paghahandog kapuwa ng mga hayop at mga butil.) Tiyak na nanampalataya si Abel sa paglayang ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi at malamang na natanto rin niya na kailangan ang pagtitigis ng dugo, at kailangang may isa na ‘susugatan sa sakong,’ upang maibalik ang sangkatauhan tungo sa kasakdalan na naiwala nina Adan at Eva. (Gen 3:15) Palibhasa’y kinilala ni Abel na siya’y makasalanan, inakay siya ng pananampalataya na maghandog ng isang handog na humihiling ng pagtitigis ng dugo, anupat may-kawastuang lumalarawan sa tunay na hain para sa mga kasalanan, samakatuwid nga, si Jesu-Kristo.—Gen 4:1-4; Heb 11:4.
Sa Patriyarkal na Lipunan. Pagkalabas sa arka, ang ulo ng pamilya na si Noe ay naghandog ng “nakagiginhawang” haing pasasalamat kay Jehova, at pagkatapos nito ay gumawa si Jehova ng tipang “bahaghari” kay Noe at sa kaniyang mga supling. (Gen 8:18-22; 9:8-16) Mababasa rin natin na nang maglaon ay naghandog kay Jehova ang tapat na mga patriyarka. (Gen 31:54; 46:1) Si Job, bilang ulo ng pamilya, ay gumanap bilang saserdote para sa kaniyang pamilya, anupat naghain siya sa Diyos ng mga handog na sinusunog para sa kanila. (Job 1:5) Sa mga paghahain noong sinaunang panahon, ang pinakabantog at pinakamakahulugan ay yaong pagtatangka ni Abraham na ihandog si Isaac, ayon sa utos ni Jehova. Nang makita ni Jehova ang pananampalataya at pagkamasunurin ni Abraham, may-kabaitan siyang naglaan ng isang barakong tupa bilang kahalili ni Isaac. Ang pagkilos na ito ni Abraham ay lumalarawan sa paghahandog ni Jehova ng kaniyang sariling bugtong na Anak, si Jesu-Kristo.—Gen 22:1-14; Heb 11:17-19.
Sa Ilalim ng Kautusan. Ang mga haing ipinag-utos sa ilalim ng tipang Kautusan ay pawang sumasagisag kay Jesu-Kristo at sa kaniyang hain o sa mga pakinabang na nagmumula sa haing iyon. (Heb 8:3-5; 9:9; 10:5-10) Yamang si Jesu-Kristo ay isang sakdal na tao, ang lahat ng inihahaing hayop kung gayon ay dapat na malusog at walang dungis. (Lev 1:3, 10; 3:1) Kabilang sa mga naghahandog ng iba’t ibang handog ang mga Israelita at ang mga naninirahang dayuhan na sumasamba kay Jehova.—Bil 15:26, 29.
Mga handog na sinusunog. Ang mga handog na sinusunog ay inihahandog nang buo sa Diyos; walang anumang bahagi ng hayop ang naiiwan sa mananamba. (Ihambing ang Huk 11:30, 31, 39, 40.) Ang mga ito ay katumbas ng paghiling kay Jehova na tanggapin niya, o ipahiwatig na tinatanggap niya, ang handog ukol sa kasalanan na kung minsa’y kasama ng mga handog na sinusunog. Bilang isang “handog na sinusunog,” ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili nang buo at lubos.
Mga okasyon para sa paghahandog ng mga handog na sinusunog, at ang mga pagkakakilanlan ng mga ito:
(1) Karaniwang panahon ng paghahandog: Tuwing umaga at gabi (Exo 29:38-42; Lev 6:8-13; Bil 28:3-8); tuwing araw ng Sabbath (Bil 28:9, 10); sa unang araw ng buwan (Bil 10:10); sa Paskuwa at sa pitong araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (Lev 23:6-8; Bil 28:16-19, 24); sa Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 16:3, 5, 29, 30; Bil 29:7-11); sa Pentecostes (Lev 23:16-18; Bil 28:26-31); sa bawat araw ng Kapistahan ng mga Kubol.—Bil 29:12-39.
(2) Iba pang mga okasyon: Nang italaga ang pagkasaserdote (Lev 8:18-21; tingnan ang PAGTATALAGA); nang italaga ang mga Levita (Bil 8:6, 11, 12); kapag nakikipagtipan (Exo 24:5; tingnan ang TIPAN); kasabay ng mga handog na pansalu-salo at gayundin ng ilang partikular na mga handog ukol sa pagkakasala at mga handog ukol sa kasalanan (Lev 5:6, 7, 10; 16:3, 5); kapag gumaganap ng mga panata (Bil 15:3, 8); kapag nagsasagawa ng pagpapadalisay (Lev 12:6-8; 14:2, 30, 31; 15:13-15, 30).
(3) Mga hayop na inihahandog at pamamaraan: Toro, barakong tupa, lalaking kambing, batu-bato, o inakáy na kalapati. (Lev 1:3, 5, 10, 14) Kung ang ihahandog ay isang hayop, ipapatong ng naghahandog ang kaniyang kamay sa ulo ng hayop (bilang pagkilala na ang handog ay kaniya at para sa kaniya). (Lev 1:4) Papatayin ang hayop, ang dugo nito ay iwiwisik sa palibot ng altar ng handog na sinusunog (Lev 1:5, 11), babalatan at pagpuputul-putulin ang hayop ayon sa mga bahagi nito, ang mga bituka (walang dumi ang sinusunog sa altar) at ang mga binti nito ay huhugasan, ang ulo at ang iba pang mga bahagi ng katawan ay ilalagay lahat sa ibabaw ng altar (mapupunta sa nanunungkulang saserdote ang balat; Lev 7:8). (Lev 1:6-9, 12, 13) Kung ang ihahandog ay isang ibon, aalisin ang butsi at ang mga balahibo nito, at ang ulo at katawan ay susunugin sa altar. (Lev 1:14-17)
Mga handog na pansalu-salo (o mga handog ukol sa kapayapaan). Ang mga handog na pansalu-salo na kaayaaya kay Jehova ay nagpapahiwatig ng pakikipagpayapaan sa kaniya. Ang mananamba at ang sambahayan nito ay nakikibahagi sa mga handog (sa looban ng tabernakulo; ayon sa tradisyon, may itinayong mga kubol na nakapalibot sa loob ng kurtinang nakapaligid sa looban; sa templo, may inilaang mga silid-kainan). Ang nanunungkulang saserdote ay tumatanggap ng isang takdang bahagi ng handog, at ang mga saserdoteng nakatokang maglingkod ay tumatanggap din ng isang takdang bahagi. Sa diwa, tinatanggap naman ni Jehova ang kaayaayang usok ng sinusunog na taba. Ang dugo, na kumakatawan sa buhay, ay ibinibigay sa Diyos bilang pag-aari niya. Samakatuwid, ang mga saserdote, mga mananamba, at si Jehova ay waring nagsasalu-salo sa isang kainan, na nagpapahiwatig ng mapayapang ugnayan. Ang taong nakikibahagi sa handog samantalang siya’y nasa karumihan (alinman sa mga karumihang binanggit sa Kautusan) o kumain ng natirang karne pagkaraan ng itinakdang panahon kung kailan ito maaaring kainin (yamang magsisimula na itong mabulok sa mainit na klima) ay lilipulin mula sa kaniyang bayan. Dahil sa kaniyang pagiging marumi o dahil sa pagkain niya ng maruming bagay sa harap ng Diyos na Jehova, dinungisan o nilapastangan niya ang salu-salo, anupat winalang-galang ang mga bagay na sagrado.—Lev 7:16-21; 19:5-8.
Ang Hapunan ng Panginoon (Memoryal o Huling Hapunan) ay isang salu-salo. (1Co 10:16) Udyok ng pananampalataya, yaong mga kabilang sa ‘bagong tipan sa bisa ng dugo ni Jesus’ ay nagsasalu-salo, anupat kinakain at iniinom nila ang mga emblemang sumasagisag sa katawan at dugo ni Jesus. Sila’y nakikipagsalu-salo rin kay Jehova bilang Awtor ng kaayusang ito. Hinahangad nila na matamo ang pagsang-ayon ni Jehova at sila’y may pakikipagpayapaan hindi lamang sa isa’t isa kundi maging kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Yamang ang pagiging malinis ay kahilingan sa mga makikibahagi sa isang salu-salo, nagbabala si Pablo na dapat suriin ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili bago ang Memoryal na hapunan. Ang pagwawalang-bahala o paghamak sa okasyong ito o sa mga emblemang alak at tinapay na walang lebadura ay paglapastangan sa mga bagay na sagrado, anupat karapat-dapat sa paghatol.—1Co 11:25, 27-29; tingnan ang HAPUNAN NG PANGINOON.
Sa handog na pasasalamat, na isang handog na pansalu-salo na pumupuri sa Diyos dahil sa kaniyang mga paglalaan at maibiging-kabaitan, ang karne at kapuwa ang tinapay na may lebadura at walang lebadura ay kinakain. Samakatuwid, ipinagdiriwang ng mananamba ang okasyon gamit yaong matatawag na “pang-araw-araw na pagkain.” (Gayunman, kailanma’y hindi naglalagay ng tinapay na may lebadura sa ibabaw ng altar bilang handog sa Diyos.) At, sa kapahayagang ito ng pasasalamat at papuri sa Diyos, ang karne ay kailangang kainin sa araw ring iyon, hindi kinabukasan. (Sa ibang handog na pansalu-salo, ang karne ay maaaring kainin sa ikalawang araw.) (Lev 7:11-15) Ipinaaalaala nito ang panalanging itinuro ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito.”—Mat 6:11.
Mga okasyon para sa paghahandog ng mga handog na pansalu-salo, at ang mga pagkakakilanlan ng mga ito:
(1) Mga okasyon: Kapag nakikipagtipan (Exo 24:5); kapag nagdiriwang ng mga kapanahunan ng pista at ng pasimula ng mga buwan (Bil 10:10; Exo 12:2-14; Lev 23:15-19; Bil 29:39), at iba pang mga okasyon.
(2) Mga layunin: Upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; pamamanhik o pagsusumamo sa Diyos sa mga panahon ng kapighatian. (Lev 19:5; Huk 20:26; 21:4; 1Sa 13:9; 2Sa 24:25)
(3) Mga hayop na ginagamit, at pamamaraan: Lalaki o babaing baka, tupa, kambing (hindi ibon, yamang itinuturing na hindi sapat ang mga ito para sa isang salu-salo ukol sa paghahain). (Lev 3:1, 6, 12) Ipapatong ng naghahandog ang kaniyang kamay sa ulo ng hayop; papatayin ang hayop; iwiwisik ng saserdote ang dugo nito sa palibot ng altar ng handog na sinusunog (Lev 3:2, 8, 13); ilalagay ang taba (pati na ang matabang buntot ng tupa) sa ibabaw ng altar ng handog na sinusunog (Lev 3:3-5, 9); mapupunta ang dibdib sa mga saserdote, ang kanang binti naman ay sa nanunungkulang saserdote (Exo 29:26, 28; Lev 7:28-36).
(4) Mga uri: Pasasalamat o papuri; panata (tingnan ang Bil 6:13, 14, 17); kusang-loob.
Mga handog ukol sa kasalanan. Ang mga ito ay para lamang sa di-sinasadyang kasalanan, na nagawa ng isa dahil sa kahinaan ng di-sakdal na laman, at hindi “nakataas ang kamay,” samakatuwid nga, hindi hayagan, nagmamapuri, o kusa. (Bil 15:30, 31, tlb sa Rbi8) Iba’t ibang haing hayop, mula sa toro hanggang sa kalapati, ang ginagamit, depende sa katungkulan at kalagayan ng (mga) ipinagbabayad-sala. Sa Levitico kabanata 4, mapapansin na yaong sangkot sa mga kasalanang tinalakay ay mga taong gumawa ng “isa sa mga bagay na iniutos ni Jehova na huwag gawin” at dahil doo’y nagkasala. (Lev 4:2, 13, 22, 27) Para sa mga handog ukol sa kasalanan tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala, tingnan ang PAGBABAYAD-SALA, ARAW NG.
Mga okasyong humihiling ng mga handog ukol sa kasalanan, at ang mga pagkakakilanlan ng mga ito:
(1) Para sa kasalanan ng mataas na saserdote, na nagdadala ng pagkakasala sa bayan (Lev 4:3): Ang mataas na saserdote ay magdadala ng isang toro at ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng toro; papatayin ang toro; dadalhin sa loob ng Dakong Banal ang dugo nito at iwiwisik iyon sa harap ng kurtina; papahiran ng dugo ang mga sungay ng altar ng insenso, anupat ang matitira ay ibubuhos sa paanan ng altar ng handog na sinusunog; ang taba (gaya sa mga handog na pansalu-salo) ay susunugin sa ibabaw ng altar ng handog na sinusunog (Lev 4:4-10); at ang bangkay (kasama ang balat) ay susunugin sa isang dakong malinis sa labas ng lunsod, kung saan inilalagay ang mga abo ng altar. (Lev 4:11, 12)
(2) Para sa kasalanan ng buong kapulungan (mga kasalanang nagawa ng kapulungan, na nabatid na lamang ng mga lider nang maglaon) (Lev 4:13): Ang kongregasyon ay magdadala ng isang toro; ipapatong ng matatandang lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro; papatayin ito ng isa sa kanila; ang kasunod na pamamaraan ay katulad niyaong para sa kasalanan ng mataas na saserdote. (Lev 4:14-21)
Ang kasalanang nagawa ng isang mataas na saserdote samantalang siya’y opisyal na nakaupo at nanunungkulan bilang kinatawan ng buong bansa sa harap ni Jehova ay nagdadala ng pagkakasala sa buong kapulungan. Maaaring ang kasalanang ito ay isang kamalian, gaya halimbawa ng pagkakamali sa paghatol, sa pagkakapit ng Kautusan, o sa pag-aasikaso sa isang tanong na may pambansang kahalagahan. Para sa kasalanang ito, at para sa kasalanan ng buong kapulungan, ang pinakamahalagang hain, samakatuwid nga, isang toro, ang hinihiling.—Lev 4:3, 13-15.
Kung ang inihahandog na mga handog ukol sa kasalanan ay para sa mga indibiduwal, ang dugo ay hanggang sa altar lamang dinadala. Subalit, sa mga kaso ng kasalanan ng mataas na saserdote at ng buong kapulungan, ang dugo ay dinadala rin sa loob ng Dakong Banal, na unang silid ng santuwaryo, at iwiniwisik ito sa harap ng kurtina, na sa kabilang panig niyao’y ‘tumatahan’ si Jehova, anupat kinakatawanan siya ng isang makahimalang liwanag sa ibabaw ng kaban ng tipan sa Kabanal-banalan. (Tanging ang dugo ng mga handog ukol sa kasalanan, na palagiang inihahandog sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ang dinadala sa loob ng Kabanal-banalan, na ikalawang silid; Lev 16.) Hindi maaaring kainin ng sinumang saserdote ang alinmang bahagi ng mga handog na ang dugo ay dinala sa loob ng Dakong Banal.—Lev 6:30.
(3) Kasalanan ng isang pinuno: Pareho rin ang pamamaraan, subalit isang lalaking kambing ang ginagamit, at ang dugo niyaon ay hindi dinadala sa loob ng Dakong Banal. Ang dugo ay ilalagay sa mga sungay ng altar ng handog na sinusunog; ang matitira ay ibubuhos sa paanan ng altar; ang taba ay pauusukin sa altar (Lev 4:22-26); maliwanag na tumatanggap ng isang takdang bahagi ang mga saserdote upang kainin, gaya sa ibang mga handog ukol sa kasalanan (Lev 6:24-26, 29); ang mga sisidlang pinagpakuluan ng karne ay dapat kuskusin (o basagin, kung sisidlang luwad), upang walang “kabanal-banalang bagay” ang malapastangan, na mangyayari kung may anumang bahagi ng hain na maiiwan at didikit sa sisidlan at pagkatapos ay gagamitin ang sisidlang iyon sa pangkaraniwang mga layunin. (Lev 6:27, 28)
(4) Kasalanan ng isang indibiduwal na Israelita: Isang babaing anak ng kambing o isang babaing kordero ang ginagamit; ang pamamaraan ay katulad niyaong para sa kasalanan ng isang pinuno. (Lev 4:27-35)
Sa sumusunod na mga kaso, ang mga kasalanan ay naiiba sa mga nabanggit na, sapagkat ang mga taong sangkot ay nakagawa ng kamalian at hindi nila “ginawa ang lahat ng utos” ng Diyos, samakatuwid ay kasalanan ng di-paggawa ng tama (sin of omission).—Bil 15:22.
(5) Para sa buong kapulungan, isang anak ng kambing ang ginagamit (Bil 15:22-26); para sa isang indibiduwal, isang babaing kambing na nasa unang taon nito. (Bil 15:27-29)
Sa mga kaso kung saan ang mga saserdote ay dapat kumain ng bahagi ng handog ukol sa kasalanan, lumilitaw na, sa pagkain nila niyaon, sila’y itinuturing na ‘nananagot para sa kamalian’ ng mga naghahandog ng handog ukol sa kasalanan “upang magbayad-sala para sa kanila sa harap ni Jehova,” sa pamamagitan ng kanilang banal na katungkulan.—Lev 10:16-18; 9:3, 15.
Mga handog ukol sa pagkakasala. Ang mga handog ukol sa pagkakasala ay para sa mga pantanging pagkakasala ng isang tao, at bahagyang naiiba sa ibang mga handog ukol sa kasalanan sapagkat waring inihahandog ang mga ito upang matugunan o maisauli ang isang karapatan. Maaaring nalapastangan ang karapatan ni Jehova o ang karapatan ng kaniyang banal na bansa. Ang handog ukol sa pagkakasala ay inihahandog upang paglubagin si Jehova dahil sa karapatang nalapastangan, o upang maisauli o mabawi ang ilang partikular na karapatan sa tipan para sa isang nagsisising nagkasala at upang mahango siya sa parusa ng kaniyang kasalanan.—Ihambing ang Isa 53:10.
Sa mga kasong tinalakay sa Levitico 5:1-6, 17-19, ang mga indibiduwal ay nagkasala nang hindi nila namamalayan, pinag-iisipan, o dahil sa kawalang-ingat, at nang itawag-pansin iyon sa kanila, ninais nilang ituwid iyon. Sa kabilang dako, ang mga kasalanang tinalakay sa Levitico 6:1-7 ay hindi mga kasalanang di-namamalayan o dahil sa kawalang-ingat; gayunpaman, ang mga ito ay mga kasalanang nagawa dahil sa mga kahinaan at pagnanasa ng laman, at hindi sinasadya, hindi tahasan, at hindi kinusa bilang paghihimagsik sa Diyos. Ang budhi ng taong sangkot ay binagabag, kaya naman kusang-loob siyang nagsisi, nagtapat ng kaniyang kasalanan, at matapos gumawa ng pagsasauli, humingi siya ng awa at kapatawaran.—Mat 5:23, 24.
Itinatampok ng mga kautusang ito na, bagaman ang Kautusan ay mahigpit sa nagkasala nang sinasadya at hindi nagsisisi, isinasaalang-alang nito ang motibo, kalagayan, at saloobin, upang makapagpakita ng awa sa ilalim ng Kautusan, gaya rin naman sa kongregasyong Kristiyano. (Ihambing ang Lev 6:1-7; Exo 21:29-31; Bil 35:22-25; 2Co 2:5-11; 7:8-12; 1Ti 1:2-16.) Gayunman, pansinin na walang isa man sa mga kamaliang ito ang makaliligtas sa parusa; dapat bayaran ang mga indibiduwal na napinsala, at isang handog ukol sa pagkakasala ang kailangang ihandog kay Jehova. Maliban sa ilang pagkakaiba, ang mga handog ukol sa pagkakasala ay inaasikasong gaya ng mga handog ukol sa kasalanan, at ang mga saserdote ay tumatanggap ng isang takdang bahagi upang kainin.—Lev 7:1, 5-7.
Mga okasyong humihiling ng mga handog ukol sa pagkakasala, at ang mga pagkakakilanlan ng mga ito:
(1) Isang saksi na matapos makarinig ng hayagang pagsumpa ay hindi nagpatotoo tungkol doon o hindi ipinaalam iyon; isa na naging marumi nang hindi niya namamalayan dahil sa isang bangkay o ibang taong marumi; isa na gumawa ng padalus-dalos o di-pinag-isipang sumpa na gagawin o hindi niya gagawin ang isang bagay (Lev 5:1-4): Kailangan niyang ipagtapat kung paano siya nagkasala. (Lev 5:5) Iba-iba ang mga handog ukol sa pagkakasala, depende sa pinansiyal na mga kalagayan. (Lev 5:6-10) Kung ito’y handog na mga butil, hindi ito lalagyan ng langis o olibano sapagkat ito’y isang handog ukol sa kasalanan at isang kahilingang handog na mga butil at hindi isang kusang-loob na handog; ang kusang-loob na handog na mga butil ay isang may-kagalakang handog ng taong may mabuting katayuan sa Diyos. (Lev 5:11-13)
(2) Isa na nagkasala nang di-sinasadya laban sa mga banal na bagay ni Jehova (halimbawa, isa na di-sinasadyang nakakuha ng butil na ibinukod bilang ikapu para sa santuwaryo, at ginamit iyon para sa kaniyang sarili o para sa kaniyang sambahayan [ukol sa pangkaraniwang layunin, anupat nilapastangan ang pinabanal na bagay]) (Lev 5:15a; ihambing ang Lev 22:14-16): Magbibigay siya ng kabayaran at isang kalima niyaon sa santuwaryo. (Lev 5:16) Isang barakong tupa ang inihahandog bilang handog ukol sa pagkakasala. (Lev 5:15)
(3) Isang tao na di-sinasadyang nakagawa (malamang ay dahil sa kapabayaan) ng isang bagay na iniutos ni Jehova na huwag gawin: Isang barakong tupa “ayon sa tinatayang halaga” ang ihahandog. (Lev 5:17-19)
(4) Isang tao na nanlinlang sa kaniyang kasamahan sa pamamagitan ng pagkuha ng mga pag-aaring ipinagkatiwala sa kaniya, pagnanakaw, pandaraya, pagtatago ng isang bagay na nasumpungan niya at pagsisinungaling tungkol dito (Lev 6:2, 3; ihambing ang Exo 22:7-13, at pansinin na hindi kasali rito ang pagpapatotoo nang may kabulaanan laban sa kapuwa, gaya ng kaso sa Deu 5:20): Una, ipagtatapat niya ang mali na kaniyang ginawa. Pagkatapos ay babayaran niya nang buo, at ng isang kalima, ang taong napinsala. (Lev 6:4, 5; Bil 5:6, 7) Kung namatay ang taong ginawan niya ng mali, ang pinakamalapit nitong kamag-anak na lalaki ang tatanggap sa kabayaran; kung wala itong malapit na kamag-anak, ang saserdote ang tatanggap niyaon. (Bil 5:8) Pagkatapos ay maghahandog siya ng isang barakong tupa bilang kaniyang handog ukol sa pagkakasala.
Mga handog na mga butil. Ang mga handog na mga butil ay inihahandog kasama ng mga handog na pansalu-salo, mga handog na sinusunog, at mga handog ukol sa kasalanan, at gayundin bilang mga unang bunga; may mga pagkakataon naman na inihahandog ang mga ito nang bukod. (Exo 29:40-42; Lev 23:10-13, 15-18; Bil 15:8, 9, 22-24; 28:9, 10, 20, 26-28; kab 29) Ang mga ito ay inihahandog bilang pagkilala sa kagandahang-loob ng Diyos dahil sa paglalaan niya ng mga pagpapala at kasaganaan. Kadalasa’y may kasamang langis at olibano ang mga ito. Ang mga handog na mga butil ay maaaring nasa anyong mainam na harina, binusang butil, o hugis-singsing o maninipis na tinapay na niluto, inihaw, o mula sa kawa. Ang iba sa handog na mga butil ay inilalagay sa altar ng handog na sinusunog, ang iba naman ay kinakain ng mga saserdote, at sa mga handog na pansalu-salo, nakikibahagi sa mga ito ang mga mananamba. (Lev 6:14-23; 7:11-13; Bil 18:8-11) Ang mga handog na mga butil na inihahandog sa altar ay hindi maaaring lagyan ng lebadura o “pulot-pukyutan” (lumilitaw na tumutukoy sa sirup ng mga igos o katas ng mga prutas) na maaaring umasim.—Lev 2:1-16.
Mga handog na inumin. Ang mga handog na inumin ay inihahandog kasama ng karamihan sa iba pang handog, lalo na noong naninirahan na ang mga Israelita sa Lupang Pangako. (Bil 15:2, 5, 8-10) Ang ginagamit sa mga ito ay alak (“nakalalangong inumin”) na ibinubuhos sa altar. (Bil 28:7, 14; ihambing ang Exo 30:9; Bil 15:10.) Sumulat ang apostol na si Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Kung ibinubuhos man akong tulad ng isang handog na inumin sa ibabaw ng hain at pangmadlang paglilingkod kung saan kayo inakay ng pananampalataya, ako ay natutuwa.” Dito ay ginamit niya ang isang handog na inumin bilang paglalarawan, anupat kaniyang ipinahayag ang pagnanais niyang magpagal para sa mga kapuwa Kristiyano. (Fil 2:17) Noong malapit na siyang mamatay, sumulat siya kay Timoteo: “Ako ay ibinubuhos na tulad ng isang handog na inumin, at ang takdang panahon ng pagpapalaya sa akin ay napipinto na.”—2Ti 4:6.
Mga handog na ikinakaway. Sa mga handog na ikinakaway, maliwanag na inilalagay ng saserdote ang kaniyang mga kamay sa ilalim ng mga kamay ng mananamba, na siyang may hawak ng haing ihahandog, at pagkatapos ay ikakaway niya ang mga iyon; o ang saserdote mismo ang magkakaway sa handog. (Lev 23:11a) Bilang tagapamagitan ng tipang Kautusan, waring ginawa ito ni Moises para kay Aaron at sa mga anak nito noong italaga niya sila sa pagkasaserdote. (Lev 8:28, 29) Ang pagkilos na ito ay sumasagisag sa paghahandog ng mga hain kay Jehova. Ang ilang handog na ikinakaway ay napupunta sa mga saserdote bilang kanilang takdang bahagi.—Exo 29:27.
Ang paghahandog ng isang tungkos (o takal na omer) ng mga unang bunga ng pag-aani ng sebada tuwing Nisan 16 ay isang handog na ikinakaway na isinasagawa ng mataas na saserdote. Nisan 16 din noong taóng 33 C.E. nang buhaying-muli si Jesu-Kristo, “ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” (1Co 15:20; Lev 23:11b; Ju 20:1) Pagsapit ng araw ng Pentecostes, dalawang tinapay na may lebadura mula naman sa mga unang bunga ng trigo ang ikinakaway. (Lev 23:15-17) Araw noon ng Pentecostes nang, bilang Mataas na Saserdote sa langit, iharap ni Jesus kay Jehova ang una sa kaniyang espirituwal na mga kapatid mula sa kongregasyong Kristiyano, na kinuha mula sa makasalanang sanlibutan at pinahiran sa pamamagitan ng pagbubuhos ng banal na espiritu.—Gaw 2:1-4, 32, 33; ihambing ang San 1:18.
Mga sagradong bahagi. Ang salitang Hebreo na teru·mahʹ ay isinasalin kung minsan bilang “sagradong bahagi” kapag tumutukoy sa bahagi ng hain na itinataas mula sa hain bilang takdang bahagi na para sa mga saserdote. (Exo 29:27, 28; Lev 7:14, 32; 10:14, 15) Ang salitang ito ay malimit ding isalin bilang “abuloy,” kapag tumutukoy sa mga bagay na ibinigay sa santuwaryo, na, maliban sa mga inihahain sa altar, napupunta rin sa mga saserdote para sa kanilang panustos.—Bil 18:8-13, 19, 24, 26-29; 31:29; Deu 12:6, 11.