ARALING ARTIKULO 48
“Dapat Kayong Maging Banal”
“Magpakabanal . . . kayo sa lahat ng paggawi ninyo.”—1 PED. 1:15.
AWIT 34 Lumalakad Nang Tapat
NILALAMANa
1. Ano ang ipinayo ni apostol Pedro sa mga Kristiyano, at bakit parang imposible iyon?
SA LANGIT man o sa lupa ang pag-asa natin, makakatulong sa atin ang ipinayo ni apostol Pedro sa mga pinahirang Kristiyano noong unang siglo. Isinulat niya: “Gaya ng Banal na Diyos na tumawag sa inyo, magpakabanal din kayo sa lahat ng paggawi ninyo, dahil nasusulat: ‘Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.’” (1 Ped. 1:15, 16) Natutuhan natin sa mga sinabi ni Pedro na puwede nating tularan si Jehova, ang pinakamahusay na halimbawa ng kabanalan. Dapat din tayong maging banal sa paggawi natin. Parang imposible iyan kasi hindi tayo perpekto. Pero gaya ni Pedro, kahit ilang beses pa siyang nagkamali, puwede pa rin tayong “maging banal.”
2. Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang sumusunod na tanong: Ano ang kabanalan? Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kabanalan ni Jehova? Paano tayo magiging banal sa paggawi natin? At ano ang koneksiyon ng pagiging banal sa kaugnayan natin kay Jehova?
ANO ANG KABANALAN?
3. Ano ang kabanalan para sa maraming tao, pero saan natin makikita ang tamang impormasyon?
3 Para sa marami, ang isang taong banal ay hindi masaya, nakasuot ng puti o magarbong damit, at laging seryoso. Pero hindi totoo iyan. Si Jehova ay inilalarawan na banal pero “maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:11) “Maligaya” rin ang mga sumasamba sa kaniya. (Awit 144:15) Hinatulan ni Jesus ang mga nagsusuot ng magarbong damit at gumagawa ng mabuti pero pakitang-tao lang. (Mat. 6:1; Mar. 12:38) Bilang mga Kristiyano, alam natin ang ibig sabihin ng pagiging banal. Natutuhan natin ito sa Bibliya. Alam natin na mahal tayo ng Diyos at hindi niya tayo bibigyan ng utos na hindi natin kayang sundin. Kaya nang sabihin ni Jehova: “Dapat kayong maging banal,” posible iyon. Pero bago tayo maging banal sa paggawi natin, kailangan muna nating maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng kabanalan.
4. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang “banal” at “kabanalan”?
4 Ano ang kabanalan? Sa Bibliya, ang salitang “banal” at “kabanalan” ay madalas na tumutukoy sa pagiging malinis sa moral at pagsamba o pagiging sagrado. Puwede rin itong mangahulugang pagiging ibinukod para sa paglilingkod sa Diyos. Kaya maituturing tayong banal kung malinis tayo sa moral, katanggap-tanggap kay Jehova ang pagsamba natin, at may malapít tayong kaugnayan sa kaniya. Ang sarap isipin na puwede tayong maging malapít na kaibigan ng Diyos, pero lalo pa tayong hahanga kapag nalaman natin ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kabanalan ni Jehova.
“BANAL, BANAL, BANAL SI JEHOVA”
5. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa tapat na mga anghel?
5 Banal si Jehova sa lahat ng bagay. Ganiyan siya inilarawan ng mga serapin—mga anghel na malapit sa trono niya. Sinabi ng ilan sa kanila: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo.” (Isa. 6:3) Kaya para magkaroon sila ng malapít na kaugnayan sa kanilang banal na Diyos, kailangang maging banal ng mga anghel—at ganoon nga sila. Kaya naman nagiging banal ang isang lugar kapag naghatid doon ng mensahe ang isang anghel. Ganiyan ang nangyari noong si Moises ay nasa harap ng nagliliyab na matinik na halaman.—Ex. 3:2-5; Jos. 5:15.
6-7. (a) Ayon sa Exodo 15:1, 11, paano idiniin ni Moises ang pagiging banal ng Diyos? (b) Paano ipinaalala sa lahat ng Israelita ang kabanalan ng Diyos? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
6 Nang akayin ni Moises ang mga Israelita pagtawid sa Dagat na Pula, idiniin niya sa kanila na banal ang Diyos nilang si Jehova. (Basahin ang Exodo 15:1, 11.) Hindi banal ang mga mananamba ng mga diyos ng Ehipto. Ganoon din ang mga mananamba ng mga diyos ng Canaan. Kasama sa pagsamba nila ang paghahandog ng anak at kasuklam-suklam na seksuwal na mga gawain. (Lev. 18:3, 4, 21-24; Deut. 18:9, 10) Pero iba si Jehova. Wala siyang ipapagawa sa mga mananamba niya na anumang bagay na marumi, imoral, o masama. Napakabanal niya. Kaya para maipaalala ito sa mga Israelita, nakaukit sa laminang ginto sa turbante ng mataas na saserdote ang mga salitang ito: “Ang kabanalan ay kay Jehova.”—Ex. 28:36-38.
7 Pero paano kung hindi naman nakikita ng isang Israelita ang lamina kasi hindi siya nakakalapit sa mataas na saserdote? Malalaman pa ba niya na banal si Jehova? Oo! Naririnig ng bawat Israelita ang mensaheng ito kapag binabasa ang Kautusan sa harap ng mga lalaki, babae, at bata. (Deut. 31:9-12) Kung nandoon ka, maririnig mo rin ang mga ito: “Ako ang Diyos ninyong si Jehova, at dapat kayong . . . maging banal, dahil ako ay banal.” “Dapat kayong maging banal sa harap ko, dahil akong si Jehova ay banal.”—Lev. 11:44, 45; 20:7, 26.
8. Ano ang matututuhan natin sa Levitico 19:2 at 1 Pedro 1:14-16?
8 Pag-usapan natin ang sinabi ni Jehova na binasa rin sa lahat ng Israelita. Sinabi ni Jehova kay Moises sa Levitico 19:2: “Sabihin mo sa buong bayan ng Israel, ‘Dapat kayong maging banal, dahil ako, ang Diyos ninyong si Jehova, ay banal.’” Posibleng iyan ang tinutukoy ni Pedro nang payuhan niya ang mga Kristiyano na “magpakabanal.” (Basahin ang 1 Pedro 1:14-16.) Wala na tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Pero idiniin ng isinulat ni Pedro ang natutuhan natin sa Levitico 19:2 na si Jehova ay banal at dapat ding magsikap na maging banal ang mga umiibig sa kaniya. Sa langit man o sa paraisong lupa ang pag-asa natin, dapat nating gawin iyan.—1 Ped. 1:4; 2 Ped. 3:13.
“MAGPAKABANAL . . . KAYO SA LAHAT NG PAGGAWI NINYO”
9. Paano makakatulong sa atin ang Levitico kabanata 19?
9 Gusto nating mapasaya ang ating banal na Diyos, kaya gustong-gusto nating malaman kung paano tayo magiging banal. Nagbibigay si Jehova ng mga payo kung paano natin iyan magagawa. Makikita natin ang mga payong iyan sa Levitico kabanata 19. Isinulat ng iskolar sa Hebreo na si Marcus Kalisch: “Posibleng ang kabanatang ito ang pinakamalawak at pinakamahalagang bahagi ng aklat ng Levitico at ng Pentateuch.” Talakayin natin ang ilang talata sa kabanatang ito at tingnan natin ang mga aral na magagamit natin sa ating buhay. Isaisip na ang Levitico 19 ay nagsisimula sa mga salitang ito: “Dapat kayong maging banal.”
10-11. Ano ang sinasabi ng Levitico 19:3 na kailangan nating gawin, at bakit ito mahalaga?
10 Pagkatapos sabihin ni Jehova sa mga Israelita na dapat silang maging banal, sinabi pa niya: “Dapat igalang ng bawat isa sa inyo ang kaniyang ina at ama . . . Ako ang Diyos ninyong si Jehova.”—Lev. 19:2, 3.
11 Dapat din nating sundin ang utos ng Diyos na igalang ang mga magulang natin. Minsan, tinanong si Jesus ng isang lalaki: “Anong kabutihan ang dapat kong gawin para magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?” Isa sa mga sinabi ni Jesus ay parangalan niya ang kaniyang ama at ina. (Mat. 19:16-19) Hinatulan pa nga ni Jesus ang mga Pariseo at eskriba dahil iniiwasan nilang gawin iyon. Dahil dito, ‘winalang-halaga nila ang salita ng Diyos.’ (Mat. 15:3-6) Kasama sa “salita ng Diyos” ang ikalima sa Sampung Utos pati na ang sinasabi sa Levitico 19:3. (Ex. 20:12) Muli, isipin na bago banggitin ang utos sa Levitico 19:3 na igalang ang iyong ina at ama, binanggit muna ang mga salitang ito: “Dapat kayong maging banal, dahil ako, ang Diyos ninyong si Jehova, ay banal.”
12. Para masunod ang Levitico 19:3, ano ang puwede nating itanong sa sarili?
12 Kapag naiisip natin ang utos ni Jehova na igalang ang mga magulang, baka maitanong natin, ‘Nagagawa ko ba ito?’ Kung naiisip mo na kulang ang nagawa mo noon para sa kanila, puwede ka pa namang bumawi. Hindi mo na mababago ang nakaraan, pero puwede kang magsimula ulit at magbigay ng mas maraming panahon para sa mga magulang mo. Puwede mo ba silang suportahan sa materyal, espirituwal, o emosyonal? Kung gagawin mo iyan, masusunod mo ang Levitico 19:3.
13. (a) Ano pang payo ang nasa Levitico 19:3? (b) Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus sa Lucas 4:16-18?
13 May matututuhan pa tayo sa Levitico 19:3 tungkol sa pagiging banal. Binabanggit nito ang pagsunod sa batas ng Sabbath. Dahil wala na sa ilalim ng Kautusan ang mga Kristiyano, hindi na natin ito ginagawa. Pero marami pa rin tayong matututuhan sa pagsunod ng mga Israelita sa batas ng Sabbath at kung paano ito nakatulong sa kanila. Sa panahon ng Sabbath, itinitigil ang pagtatrabaho para makapagbigay ng pansin sa espirituwal na mga bagay.b Kaya naman kapag araw ng Sabbath, pumupunta si Jesus sa sinagoga para basahin ang Salita ng Diyos. (Ex. 31:12-15; basahin ang Lucas 4:16-18.) Dahil iniutos ng Diyos sa Levitico 19:3 na “sundin ang batas [niya] sa mga sabbath,” dapat tayong bumili ng panahon sa araw-araw na mga gawain para mas makapagbigay ng pansin sa espirituwal na mga bagay. May dapat ka bang baguhin para magawa ito? Kung regular kang naglalaan ng panahon sa espirituwal na mga bagay, magkakaroon ka ng malapít na kaugnayan kay Jehova, na mahalaga para maging banal.
PATIBAYIN ANG KAUGNAYAN MO KAY JEHOVA
14. Anong mahalagang katotohanan ang idiniin sa Levitico kabanata 19?
14 Paulit-ulit na sinasabi sa Levitico kabanata 19 ang isang mahalagang katotohanan na makakatulong para manatili tayong banal. Nagtapos ang talata 4 sa mga salitang “Ako ang Diyos ninyong si Jehova.” Ang mga pananalita o ideyang ito ay 16 na beses na mababasa sa buong kabanata. Ipinapaalala nito sa atin ang unang utos: “Ako si Jehova na iyong Diyos . . . Hindi ka dapat magkaroon ng ibang Diyos maliban sa akin.” (Ex. 20:2, 3) Kung gusto ng isang Kristiyano na maging banal, dapat niyang tiyakin na walang anuman o sinuman ang magiging mas importante sa kaniya kaysa sa kaugnayan niya kay Jehova. At dahil dala natin ang pangalang Saksi ni Jehova, iiwasan natin ang anumang paggawi na makakasira sa banal na pangalan niya.—Lev. 19:12; Isa. 57:15.
15. Ayon sa mga talata ng Levitico kabanata 19, paano magiging katanggap-tanggap ang mga handog natin?
15 Para sa mga Israelita, tinatanggap nila si Jehova bilang Diyos kapag sinusunod nila ang mga utos niya. Sinasabi ng Levitico 18:4: “Dapat ninyong isagawa ang aking mga hudisyal na pasiya, at dapat ninyong sundin ang mga batas ko at mamuhay kaayon ng mga ito. Ako ang Diyos ninyong si Jehova.” Makikita sa kabanata 19 ang ilan sa “mga batas” na iyon para sa Israel. Halimbawa, binabanggit sa talata 5-8, 21, 22 ang tungkol sa paghahandog ng mga hayop. Ang mga iyon ay dapat na gawin sa paraang hindi ‘malalapastangan ang banal na bagay ni Jehova.’ Dapat tayong mapakilos ng mga talatang ito na pasayahin si Jehova at maghandog ng papuri na katanggap-tanggap sa kaniya, gaya ng sinasabi ng Hebreo 13:15.
16. Anong prinsipyo sa Levitico 19 ang nagpapaalala sa atin ng pagkakaiba ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya?
16 Para maging banal, hindi tayo dapat takót na mapaiba. Pero mahirap iyon. Puwede kasi tayong pilitin ng mga kaeskuwela natin, katrabaho, di-Saksing kamag-anak, at iba pa na gumawa ng mga bagay na hindi magpapasaya kay Jehova. Kapag nangyari iyan, dapat tayong magdesisyon. Ano ang tutulong sa atin na makapagdesisyon nang tama? Tingnan natin ang isang prinsipyo sa Levitico 19:19: “Huwag kang magsusuot ng damit na yari sa magkaibang uri ng sinulid.” Nakatulong ang batas na iyon para makita ang pagkakaiba ng Israel mula sa mga bansang nakapalibot sa kanila. Dahil wala na sa ilalim ng Kautusan ang mga Kristiyano, hindi maling magsuot ng mga damit na gawa sa magkaibang materyales, gaya ng cotton at polyester o wool at rayon. Pero mali kung gagayahin natin ang mga tao na ang mga paniniwala at ginagawa ay hindi kaayon ng itinuturo ng Bibliya, kahit kaeskuwela, katrabaho, o kamag-anak pa natin sila. Siyempre, mahal natin ang mga kamag-anak natin, at ang ibang tao. Pero pagdating sa paggawa ng mahahalagang desisyon sa buhay, hindi tayo takót na mapaiba bilang bayan ni Jehova. Tandaan na kasama sa pagiging banal ang pagiging ibinukod para sa Diyos. Mahalaga iyan kung nagsisikap tayong maging banal.—2 Cor. 6:14-16; 1 Ped. 4:3, 4.
17-18. Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa Levitico 19:23-25?
17 Dapat na nakatulong sa mga Israelita ang pananalitang “Ako ang Diyos ninyong si Jehova” para maging pangunahin sa kanila ang kaugnayan nila kay Jehova. Paano? Malalaman natin ang sagot sa Levitico 19:23-25. (Basahin.) Tingnan natin ang naging ibig sabihin nito sa mga Israelita nang makapasok na sila sa Lupang Pangako. Kung may magtanim ng mga puno para sa pagkain, hindi niya kakainin ang mga bunga nito sa loob ng tatlong taon. Sa ikaapat na taon, ibubukod ang mga bunga para gamitin sa santuwaryo ng Diyos. Sa ikalimang taon, saka lang kakainin ng may-ari ang bunga. Nakatulong ang batas na ito sa mga Israelita para maintindihan na hindi nila dapat unahin ang sarili nilang interes. Kailangan nilang magtiwala na si Jehova ang Tagapaglaan nila at unahin ang pagsamba sa kaniya. Titiyakin naman ni Jehova na hindi sila magugutom. At pinapasigla sila ng Diyos na saganang maghandog sa santuwaryo, ang sentro ng pagsamba.
18 Ipinapaalala sa atin ng batas sa Levitico 19:23-25 ang mga sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok. Sinabi niya: “Huwag na kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo.” Sinabi pa ni Jesus: “Alam ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito.” Ilalaan ng Diyos ang pangangailangan natin gaya ng ginagawa niya sa mga ibon. (Mat. 6:25, 26, 32) Nagtitiwala tayo na si Jehova ang Tagapaglaan natin. At maingat din tayong ‘gumagawa ng mabuti’ para tulungan ang mga nangangailangan. Agad din tayong tumutulong sa mga gastusin ng kongregasyon. Nakikita iyan ni Jehova at pagpapalain niya tayo. (Mat. 6:2-4) Kapag ginawa natin iyan, naipapakita nating naiintindihan natin ang mga aral sa Levitico 19:23-25.
19. Paano ka natulungan ng pagtalakay sa ilang bahagi ng Levitico?
19 Tinalakay natin ang ilang bahagi ng Levitico kabanata 19 na makakatulong para matularan natin ang ating banal na Diyos. Kapag tinutularan natin siya, sinisikap nating ‘magpakabanal sa lahat ng paggawi natin.’ (1 Ped. 1:15) Maraming hindi naglilingkod kay Jehova ang nakakapansin sa magandang paggawi natin. May ilan pa nga na pinuri si Jehova dahil dito. (1 Ped. 2:12) Pero marami pa tayong matututuhan sa Levitico 19. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang iba pang talata sa kabanatang ito. Tutulungan tayo nito na makita kung paano pa tayo magiging banal, gaya ng ipinayo ni Pedro.
AWIT 80 Tikman at Tingnan ang Kabutihan ni Jehova
a Mahal na mahal natin si Jehova, at gusto natin siyang mapasaya. Banal si Jehova, at inaasahan niya na magiging banal din ang mga mananamba niya. Pero posible ba talaga iyon kahit hindi tayo perpekto? Oo naman. Talakayin natin ang ilan sa mga ipinayo ni apostol Pedro sa mga Kristiyano at ang mga iniutos ni Jehova sa sinaunang Israel. Matututuhan natin dito kung paano magiging banal sa lahat ng paggawi natin.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Sabbath at sa mga aral na matututuhan natin dito, tingnan ang artikulong “‘May Takdang Panahon’ Para Magtrabaho at Magpahinga” sa Disyembre 2019, isyu ng Bantayan.
c LARAWAN: Dinalaw ng isang anak ang mga magulang niya, kasama ang asawa’t anak niya, at tinitiyak niya na regular niya silang nakakausap.
d LARAWAN: Tinitingnan ng isang magsasakang Israelita ang mga bunga ng punong itinanim niya.